“Ang pinakamagandang kuwentong maisusulat ng isang manunulat o kahit sino ay ang kuwento ng buhay niya.” Palagi kong pinanghahawakan ang pahayag na ito ng isang tao. Kung tutuusin ay tama naman. Kaya, ang kakayahang sumulat ng memwa (memoir) ay dapat taglayin ninoman.
Ang memwa
(memoir) ay isang akdang hindi produkto ng imahinasyon. Ito ay mga tala mula sa
totoong buhay ng may-akda. Ito ay salitang Pranses na ang kahulugan ay memorya
o alaala. Samakatuwid, ang manunulat nito ay nagtatala ng mga personal na mga
kaganapan, alaala, o karanasan tungkol sa edukasyon, kabataan, matalik na
kaibigan, paglalakbay, trabaho, karera, emosyonal na katotohanan, at marami pang parte ng buhay ng isang tao.
Ang manunulat ng memoir ay kadalasang may mapaglarong imahinasyon sapagkat naisasalaysay niya nang
malikhain at malinaw ang kaniyang nakaraan, at nakabubuo siya ng magandang
kuwento.
Ang memwa ay hindi katulad ng
talambuhay. Ang talambuhay ay mga tala ng isang tao mula sa pagsilang hanggang
sa kasalukuyan o kamatayan nito. Samantalang ang memwa ay mga tala ng mga bahagi ng
mga pangyayari sa buhay ng isang tao. Ang may-akda nito ay namimili lamang ng
mga pangyayari batay sa kaniyang paksa. Hindi niya pormal na inilalahad ang mga
ito. Masining niyang isinusulat ang kaniyang akda. Maaaring hindi rin nasa
kronolohikal na pagkakasunod-sunod, ngunit ang katotohanan ay dapat may
katumpakan.
Magkaiba rin ang memwa at
talaarawan. Ang talaarawan ay hindi sinadya upang maging buong kuwento ng
buhay. At isinusulat ito nang magkakasunod-sunod, kaya nga nilalagyan ng petsa.
Samantalang ang memwa ay maaaring hindi magkakasunod-sunod na pangyayari. Sa talaarawan,
ang may-akda ang pangunahing tauhan. Sa memwa, maaaring hindi ang may-akda ang maging
pangunahing tauhan. Maaari itong tumuon sa kaibigan, katrabaho, ibang
miyembro ng pamilya o mga mahal sa buhay.
Ang memoir ay isang sanaysay na may
makitid sa saklaw. Katulad ito ng isang maikling kuwento o nobela dahil sadya
at masining itong isinusulat at pinag-uugnay nito ang mga karanasan ng may-akda
para makabuo ng isang panitikan.
Malayang makapamili ng paksa ang
may-akda. Walang masamang paksa, kumbaga. Hindi lang paksa ang mahalaga sa
pagsulat nito, kundi ang estilo ng pagsulat. Ang isang simpleng alaala ay magiging
espesyal kung mahusay ang pagkakabuo nito ng may-akda.
Subalit, paano nga ba sumulat ng isang
mahusay na memwa?
Simple lang.
Una. Magbasa muna ng mga memoir.
Nariyan ang ‘Greenlights’ ni Matthew McConaughey; ang “Becoming” ni Michelle
Obama; “Born a Crime” ni Trevor Noah; “Educated” ni Tara Westover; “Men We
Reaped” ni Jesmyn Ward; “The Liars’ Club” ni Mary Karr; “Will” ni Will Smith; “Travels
with Charley in Search of America” ni John Steinbeck; “Tuesdays with Morrie” ni
Mitch Albom; o “I Know Why the Caged Bird Sings” ni Maya Angelou.
Pangalawa. Magkaroon ng isang malinaw
na paksa. Huwag isulat ang buong autobiography. Ituon lamang ang pokus
sa mga pangyayaring konektado sa napiling paksa.
Pangatlo. Simulan ang memwa sa isang
agarang nakakaengganyong kuwento o sandali mula sa sariling buhay. Sa madaling
salita, huwag magsimula sa simula. Ang pinakamahusay na naisulat na memwa ay
hindi nagsalaysay ng mga pangyayari sa buhay ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga
ito. Hayaang kusang dumaloy pabalik ang mga nalampasang pangyayari. Kusa nitong
pupunan ang mga blangko sa kuwento upang magpukaw ng interes sa mga mambabasa.
Pang-apat. Magkaroon ng sariling
estilo sa pagsusulat. Wala namang format ang memwa. May kalayaan ito
kumpara sa ibang akdang pampanitikan. Ang mahusay na may-akda ng memwa ay
magagawa niyang maging kapana-panabik ang bawat talata.
Panlima. Magpakita, huwag basta maglahad.
Ang isang mahusay na memwa ay nakahihimok ng mga mambabasa. Lumikha ng mga
eksenang may diyalogo upang makabuo ng pag-aalinlangan. Maglaan ng mas maraming
paglalarawan ng aksyon kaysa sa labis na paglalahad ng impormasyon at ideya. Ito
ang magbibigay ng kulay at buhay sa memwa.
Pang-anim. Isama sa memwa ang
lahat ng mga taong nakasalamuha. Lahat ng kaibigan, katrabaho, kakilala, kapamilya
o kamag-anak na naging bahagi ng buhay mo ay maaaring maging karakter sa susulating
memwa. Subalit, piliin lamang ang mga taong mahalaga at may kinalaman sa mga
kaganapang pinupunto ng paksa. Maaari silang banggitin, pero huwag bigyan ng
mahabang paglalarawan o mahalagang papel kung hindi naman sila magiging bahagi
ng memwa hanggang sa huli.
Pampito. Gumamit ng mga pandama. Mahirap
magsulat ng memwa dahil kailangan nitong isalin sa mga mambabasa ang mga
damdamin ng may-akda. Ang isang mahusay na memwa ay dapat nakikita, naaamoy,
naririnig, nalalasahan, at nadarama ng mga mambabasa. Kung paano ito isinulat,
gayundin ito mababasa.
At
pangwalo. Sumulat palagi. Kung maaari, gawin itong araw-araw. Magkaroon ng oras
para maisulat ang memwa. May pagkakataong magaganap ang tinatawag na writer’s
block, pero huwag susuko. Gumawa ng mga paraan para manumbalik ang interes sa
pagsusulat. At habang dumadaloy ang mga ideya, sulat lang nang sulat.
Huwag
nang mag-aalinlangan pa. Sumulat na ng memwa. Hindi kailangang sikat para
sumulat nito. Ang mahalaga, ang memwang susulatin ay magbibigay ng kaalaman,
magdudulot ng aliw, at hihipo sa emosyon ng mga mambabasa. Tandaang ang memwa
ay hindi lang isinusulat para sa kapakanan ng may-akda, kundi para din sa mga
mambabasa na maaaring magkakaroon ng kaugnayan at maaaring matuto sa pinagdaanan
ng may-akda.
No comments:
Post a Comment