Followers

Sunday, April 30, 2023

BALAGTASAN: Mahusay Magsalita ng Ingles o Mahusay Magsalita ng Filipino

LAKANDIWA:

Magandang araw sa ating madla!

Muling nagbabalik ang inyong Ginoong Lakandiwa.

Is it better to use English language,

O magsalita ng Filipino ang dapat gamitin?

 

Ating alamin ang kasagutan, mula sa dalawang dalubwikang kasama natin.

Pinapakilala ko sa inyo ang Binibining mahilig mag-Ingles,

At ang kan'yang katunggali na Ginoo na wikang Filipino ang ginagamit!

Tara na at pakinggan natin sila upang maliwanagan, entiendes(naiintindihan ba/understood)?

 

 

INGLES:

Magandang araw, Ginoong Lakandiwa!

Ako na ang unang babanat, wikang Ingles ang karapat-dapat na salita.

Universal language nga raw ito `ika nga ng iba,

Mas napapadali rin ang komunikasyon sa banyaga kung gano'n ang ating salita.

 

Akma lamang ang paggamit ng wikang Ingles sa modernong panahon,

May kasabihan nga tayo na out with the old, in with the new.

Ingles na ang makabagong salita at laos na ang Filipinong wikang ginagamit noon,

Makaluma na ang Filipino, katulad you!

 

Sa larangan ng pag-aaral, Ingles ang madaling wikain ng karamihan.

Pagdating sa bisnes, wikang Ingles din ang ginagamit kalimitan.

Sa panonood natin ng movie, wikang Ingles ang salita upang maintindihan,

Wikang Ingles ang makabagong salita, wikang Ingles ang sakalam!

 

FILIPINO:

Magandang araw, ang bati ko sa inyo

Ang inyong lingkod ay nagagalak sa balagtasang ito

`Pagkat sa paksang ito, malalaman ang pagka-Pilipino.

Sino ang tunay at sino ang nagbabalatkayo.

 

Wikang Filipino ang sukatan ng  katalinuhan at kahusayan

Mas mahirap kasi itong kabisaduhin at pag-aralan

Kaysa sa Ingles na kahit mga paslit ay kayang makipagtagisan.

Mga lola't lolo natin noon, kahit   `di nakatapos pero nag-i-Inglesan.

 

Tayo nga'y madaling matuto ng wikang banyaga

Pero bakit kapag sariling wika ay hirap na hirap na?

Ikinahihiya ba o sadyang kukote ay mahihina?

Kaya, Binibini, don't English me dahil Pilipino ka.

 

 

INGLES:

Pilipino ako pero ang pagsalita ng Ingles ang ginagamit ko,

Simple nga lang sa 'yo pero mahirap ding matutuunan ito.

Mas komportable gamitin ng kapwa natin na may ibang dayalekto,

Ang Ingles ay mahalaga sa ating komunikasyon upang magkaunawaan ang kapwa Pilipino.

 

Ikaw na ang nagsabi na kahit ang paslit ay alam itong gamitin,

Dahil nga sa impluwensiya ng pananonood ng English nursery rhymes.

Modernong panahon na tayo ngayon kaya Ingles din ang uso sa mga awitin,

Kailangan nating makiuso at sumabay para tayo ay mabuhay.

 

Ang Ingles ay alam ni lolo't lola,

Dahil 'yon sa mga banyaga.

Sinakop tayo ng mga banyaga noon,

Kaya Ingles ang ginagamit nila sa komunikasyon.

 

 

FILIPINO:

Hindi ka tunay na Pilipino kung wikang ingles ang ipinagmamalaki mo

Ang usapan natin dito ay kung sino ang tunay na matalino—

Ang nagsasalita ng wikang Ingles o ang nagsasalita ng wikang Filipino

Marami ang nagsasabi, ang wikang sarili ang sukatan ng talino.

 

Masdan mo ang mga estudyanteng Ingles nang Ingles sa klase

Pinalaki nang magulang sa mga banyagang cartoons sa tv

Nagtunog ibon, nagtunog Briton, pero ano ang nangyari?

Hindi sila makasabay sa karamihan ng asignatura, Binibini.

 

Mayaman sa panitikan ang Pilipinas, pero dahil nagpapasakop tayo

Niyayakap natin ang banyaga at kinaliligtaan ang mga tatak-Pilipino

Akala mo lang, matalino ang nag-i-Ingles, pero hindi iyan totoo.

Nauunawaan sila, subalit sa pagkikipagkaibigan, walang may gusto.

 

 

INGLES:

Nagkakamali ka rin sa 'yong sinasabi, Ginoo,

Matalino rin naman ang gumagamit ng wikang Ingles, `noh!

Huwag mo isisi sa wikang Ingles kung kaunti ang tumatangkilik sa salitang Filipino,

Boring kaya aralin ang Filipino at `yon talaga ang totoo.

 

Ang pinag-uusapan natin ay ang pagsasalita ng Ingles o Filipino,

Hindi ang talino natin o pagiging tunay na Pilipino.

Iba't ibang lenggwahe ang ginagamit natin sa bansang ito,

Kaya bakit sa wikang Ingles mo binubuhos `yang galit mo?

 

Kung Ingles nang Ingles ang mag-aaral,

Patunay lamang `yon na Ingles ay sakalam.

Mas marami ang gumagamit dito na ultimo sa pagdadasal,

Ay Ingles ang kinakabisado ng ating mamamayan.

 

 

FILIPINO:

Naku, naku, bawiin mo ang mga maling sinabi mo!

Sina Jose Rizal at Manuel L. Quezon ay magagalit sa `yo

Higit pa sa pagtatakwil ang iyong mga komento

Tungkol sa wikang Filipino, kung saan una kang natuto.

 

Mahusay magsalita sa wikang Ingles o wikang Filipino

Iyan ang paksa natin sa balagtasang ito

Mukha yatang naliligaw ka sa iyong punto.

Kaya nga tanggapin mo na, Filipino ay nakatatalino.

 

Mga nagsasalita ng Filipino ay higit na matatalino

Kaysa sa mga Inglesera at Inglesero kuno

`Pagkat dalawang wika, nagagamit naming pareho

Pero kayo, hindi... dahil kamo boring ito.

 

 

LAKANDIWA:

Paumanhin sa inyong dalawa, magigiting na makata

Ang akala ninyong pagkakamali at pagkakaiba

Sa usaping inyong pinagdedebatehan at pinapaksa

Ay tama, at katibayan ng language barrier ang ipinakikita.

 

Mga argumento ninyo'y masusukat ang kagalingan-

Ang kagalingan ninyo sa pakikipagtalastasan

Inyong mga diskurso'y nasa konteksto pa naman

Kaya, inyong ituloy ang mainit na balagtasan.

 

 

INGLES:

Ginoo, ikinararangal kong makatunggali ka,

Ngunit nagkakamali ka sa 'yong inaakala.

Ang pagsasalita ng mahusay ng Ingles ay inaral ko,

Dahil mahalaga ang komunikasyon sa trabaho ko.

 

Kahit Pilipino ako, may mga banyaga rin sa ating bansa,

Inaral ko ang salitang Ingles para sa maayos na

komunikasyon sa kanila.

Ilang taon din ang ginugol ko,

Upang aralin ito.

 

Inaral ko ito upang maging mahusay ako magsalita ng wikang Ingles,

Inaral ko ito upang maayos din ang pagsusulat ko nito, no more no less.

May angking katalinuhan din ang nagpapakadalubhasa sa wikang ito,

Huwag mo maliitin ang pagsasalita ng mahusay ng Ingles, Ginoo.

 

 

FILIPINO:

Ano ba ang iyong trabaho?

Kailangan ba talagang mag-Inglesan kayo?

Puwede naman sigurong ika'y mag-Filipino

Mas maipahahayag mo nang mabuti ang sarili mo.

 

Hindi ko minamaliit ang Ingles, na iyong gusto,

Nais ko lang ibandera nating mga Pilipino

At nais kong tumimo sa iyong isipan at puso

Na dapat ipinagmamalaki ang wikang Filipino.

 

Kung inaral mo ang wika ng iba, ika'y magaling!

Kung tinalikdan naman ang wikang sarili, ika'y taksil.

Ika'y nasa Pilipinas, ngunit wika'y kanluranin

Mahalin mo ang bayan; huwag maging sutil.

 

 

INGLES:

Ako'y isang nars at manunulat, Ginoo,

Trabahong lubos na kailangan ang Ingles para sa komunikasyon.

Ang wikang Filipino ang ginagamit ko sa mga katutubo,

Ngunit ang wikang Ingles ang ginagamit ko para sa aking propesyon.

 

Iyong ipagpaumanhin ang pagiging matabil kong dila,

Pero ang mahusay magsalita ng Ingles ay aking ibabandera.

Katulad ng ipinahayag ko kanina, nasa modernong panahon na tayo,

Patuloy sa pag-angkop ang bansa natin,

Patuloy tayong aangkop para sa ating mga suliranin.

 

Hindi ba'y marami ng banyaga ang sumakop sa atin,

Ang walang kaalaman sa wikang Ingles ay nagdulot upang tayo ay maliitin!

Dahil sa kanila na Indio ang pagtingin sa atin dulot sa kamangmangan sa wikang Ingles,

We learn the English language to adapt to the changing progress.

 

 

FILIPINO:

Anoman ang iyong trabaho, unahin ang wikang Filipino

Hindi naman siguro mga banyaga ang pinaglilingkuran mo

Sinakop na nga tayo, pagpapaalipin pa rin iyong gusto.

Pagbutihin ang wikang Filipino para sa hangad mong pagbabago.

 

Kaunlarang iyong sinasabi, taliwas sa ginagawa.

Hindi sa paggamit ng Ingles uunlad ang ating bansa

Kundi sa paggamit ng sariling wika na iyo ring sinasalita

Huwag mong yukuran ang wikang banyaga.

 

Kaya nating umusad sa anomang larangan

Basta ang wikang Filipino ang ating pinaninindigan

Kahusayan ng bawat Pilipino ay mas nalilinang.

Sa komunikasyon, tayo ay higit na magkakaunawaan.

 

 

INGLES:

Pinapatawa mo ako, Ginoo, sa `yong sinasabi.

Maski kapwa natin Pilipino ay wikang Ingles ang salita ng kanilang labi,

Iba-iba ang wika natin dito sa bansang Pilipinas; may Cebuano, may Bikolano o ano pa `yan,

Mas ikinalulugod nilang mag-Ingles sa hindi nila kadiyalekto upang sila'y maintindihan.

 

At hindi ako nagpapaalipin sa mga dayuhan,

Dahil hindi lang sila ang aking pinagsisilbihan.

Nakadepende sa kausap ko ang pagsasalita, Ingles o Filipino o kahit ano pa `yan.

Modernong panahon na tayo ngayon, kaya ang kahusayan sa wikang Ingles ay pinagtitibay.

 

Komunikasyon ang mahalaga ngayon para tayo magkaunawaan,

Kaya naghuhusay ako sa wikang Ingles upang iba'y maintindihan.

Iba-iba ang kahulugan ng salita kaya hindi magkaunawaan,

Mahalaga ang komunikasyon sa aking propesyon upang maibigay ang tamang lunas na kanilang kailangan.

 


FILIPINO:

Seryoso ako, Binibini, pero mabuti naman, ika'y napatawa ko

Kung gayon, natutuwa ka sa aking mga pananaw at prinsipyo

Siguro nga'y nais mo nang pumanig sa wikang Filipino

Huwag mo nang itanggi sapagkat nararamdaman ko.


Batid kong puso't isipan mo'y minamahal mo ang ating wika

Subali't natatalo ka lamang ng iyong hiya at nasimulang adhika

Batid kong taglay mo ang makabansang puso at pusong makawika

Kaya, salamat sa iyo dahil parehong wika ika'y ay may pagpapahalaga.


Pareho lang naman tayong mahusay sa Ingles at Filipino

Datapwa't mas pinipili ko ang wika, kung saan ako unang natuto

Sapagkat ito ang wika ng mga Pilipino, ang wika ng pagbabago

Halika, samahan mo akong ikampanya ang wikang ito!

 

 

LAKANDIWA:

Mahuhusay! Pareho kayong may kahusayang taglay!

At pareho kayong may puntong iwinawagayway

Pagsasalita ngayon ng wikang Ingles ay ating buhay

Pagsasalita naman ng wikang Filipino ay may saysay.

 

Kaya, ang mga kababayan natin na ang huhusga

Kung sino sa inyong dalawa ang may mahusay na diwa

At kung aling argumento ang higit na kapani-paniwala

Subali’t nakatitiyak akong bawat isa sa inyo’y dalubhasa.

 

Malugod na pagbati sa magigiting na makata

Anomang wika ang inyong pinaglalaba’t sinasalita

Nawa’y kapayapaan at pagkakaisa sa bansa ay manguna

At kaunlaran ay hindi maapektuhan ng magkakaibang wika.

 


-- a collaboration with Mary Gonzales

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...