Followers

Tuesday, April 4, 2023

Ang Aking Journal -- Pebrero 2023

 Pebrero 1, 2023

Kinausap ko si Mama habang nagkakape ako at nagma-Milo siya. Sinabi ko ang napag-usapan namin ni Taiwan. Nainis ako nang kaunti kasi iba ang takbo ng isip niya. Ayaw niyang magpaalaga sa mga anak niya pero gustong makitira kina Mama Leling. Ano na lang ang sasabihin nila sa aming magkakapatid?

Nabanggit din niya ang pagbabalik sa Bautista. Mas lalo akong nainis.

Gayunpaman, naunawaan ko siya. Inilalayo niya rin ako sa problema kay Emily. Ayaw niyang mag-away sila. Nahihirapan siyang makisama since may history sila ng away.

Umalis ako ng bahay nang maayos ang loob. Tanggap ko nang aalis na siya sa puder ko. Nakarating naman ako nang maaga sa school kahit mahaba ang pila sa sakayan ng dyip.

Halos kauupo ko lang, nang dumating si Nazarene. Pinarinig at pinanood ko sa kaniya ang downloaded reading videos. Sana may natututuhan siya kahit paano.

Sa klase, agad akong naturo ng sabayang pagbigkas after ng classroom flag ceremony namin. Eager na eager pa rin silang mag-perform.

Maghapon naming ginawa iyon, pero may mga pahinga. Pinapanood ko sila ng mga kuwentong pambata.

Napatahimik ko rin sila bago mag-uwian dahil sa zine na prize sa pinakatahimik na team. Binigyan ko ng tig-iisang zines ang Team Jeus bago mag-uwian kasi sila ang pinakatahimik.

Ngayong gabi, nagpadala ako ng P4000 through GCash kay Hanna para sa allowance niya. Mabilis maubos ang sahod. Nagbayad din ako sa tubig.

Pebrero 2, 2023

Dahil 11 pm na dunating kagabi si Emily, gabing-gabi na rin ako nakatulog. Sumatotal, kulang ako sa tulog dahil masakit na naman ang likod ko. Haist!

Paggising ko nagplansta muna ako bago ako bumaba para pag-almusalin si Mama. Nakapag-transplant ako ng halaman bago ako naligo.

Sa school, masaya kong hinarap ang klase ko. Kaunti lang ang pumasok dahil kuhaan ng financial assistance. Baka namili ang iba. Okay lang naman. Wala pa namang leksiyon. Pinasulat ko na lang sila ng kuwento tungkol sa ahas. Dapat ang bida ay isang ahas. Nakasulat naman ang ilan. Sana may mapili ako para sa Kamagfil. Gusto ko ring gawan ng digital illustrations kapag nagustuhan ko.

Maiingay sila, pero hinayaan ko na lang. Lahat naman halos ng section. May mga nag-aawat pa nga. Inaayos ko naman kaya wala silang masasabi. Hindi rin ako masyadong stress sa kanila kasi normal lang ang kulit nila lalo na't walang palitan ng klase. Pero, may natatanging estudyante na hindi talaga umiimik, umaalis sa upuan kapag hindi kailangan. Siya ang prinemyuhan ko ng zine.

Before 8:30, nasa bahay na ako. Nag-post muna ako ng 'Speedy Monologues' at 'Sibuyas Serye,' bago kumain. Then, after, gumawa naman uli ako, saka ako inantok.

Pebrero 3, 2023

Hindi pumasok si Ion, pero nagising ako sa tunog ng alarm niya. Maaga na rin akong bumangon kasi alam kung walang maghahanda ng almusal. Hindi kumain ng dinner kagabi si Mama. Tiyak na gutom na siya.

Pagkatapos ko siyang bigyan ng hot choco drink, nagdilig ako ng mga halaman. Then, ininit ko ang ulam niya kagabi. Sabay na kaming nag-almusal. Nag-oatmeal lang ako kasi kahapon pa hindi okay ang tiyan ko. Nagda-diarrhea yata ako.

Past 8:30, umalis na ako sa bahay. Inabutan ako ng paghilab ng tiyan sa PITX.

Past 10:30, nasa school na ako. TGIS! Hiniling ko na sana kaunti na lang ang estudyante. Tama nga ako. Mga 29 lang sila. Mas marami kahapon.

Nag-art lesson kami hanggang recess. Maaga ang recess kay may First Friday of the Month Holy Mass. Mga Grade 4 learners ang dadalo.

Past 3 na nagsimula ang misa. Isang oras din iyon. Maingay, magulo, at walang disiplina ang mga estudyante. Parang wala sila sa misa. Kaya pagbalik namin sa room, nagsermon din ako. Kinutya ko pa ang pari kasi hindi naman niya naipaliwanag nang husto ang homily niya tungkol sa oagpugot ng ulo kay Juan Bautista. Karumal-dumal na nga, hindi pa niya naikonekta para maunawaan at magkainteres ang mga Grade 4 na bata. Mas mahaba pa ang pagbabasa niya ng teksto kaysa sa paliwanag. Kumurap lang ako, tapos na. Mas matagal pa ang pagtanggap ng alay. Haist!

Past 6 na kami nakaalis ni Sir Hermie sa school. Tinulungan ko pa siyang magligpit ng mga styro cuttings niya.

Bago ako bumiyahe pa-Tanza, tumambay muna ako sa PITX. Nagsulat ako roon ng pang-update sa Wattpad ko. Kahit paano, mahaba-haba ang naisulat ko.

Past 8:30 na ako nakauwi.

Pebrero 4, 2023

Past 9, nasa highway na ako, nag-aabang ng bus patungong PITX. Ham sandwich at kape lang ang almusal ko para marami akong makain sa Tramway.

Past 11 na ako nakarating doon. Naroon na sina Ms. Krizzy, Ate Bel, Cinderella, Ma'am Divina, at Ms. Jing. Nahuli ng dating si Papang.

Worth it naman ang binayad ng birthday celebrants sa aming nakain. Busolb naman!

Past 1, as planned and as expected, nag-SB kami sa sa Macapagal. Doon kami nakapagkuwentuhan nang mas matagal. Maingay kasi sa Tramway kaya kaunti lang ang tawanan namin. Past 3 na kami lumabas doon.

Antok na antok ako sa biyahe pauwi. Thanks, God, nakaidlip ako. Kaya, pagdating ko, hindi mainit ang ulo ko. Nakipagharutan pa nga ako kay Herming sa kuwarto.

Habang nasa labas si Emily para bumili ng lulutuin, kinausap ko si Mama. Ihahatid ko kasi siya bukas kay Taiwan sa Morong. Sana magtagal na siya roon. Maging maayos na siya at magkaroon ng peace of mind.

Pebrero 5, 2023

Alas-3, gising na kami ni Mama para maghanda sa pagbiyahe patungong Morong, Rizal. Since, naligo at nakapag-empake na siya kagabi pa, nag-almusal na lang kami at naligo ako. Past 4, umalis na kami sa bahay. Tulog pa ang mag-ina ko. Alam naman nila.

Mahirap bumiyahe nang may kasamang bulag. Bukod sa mabagal maglakad si Mama, hindi madaling magmaneho para makapaglakad at makasakay siya nang maayos. Gayunpaman, natiyagan namin. Maayos naman ang mga nasakyan namin. May mga assistance kaming natanggap mula sa konduktor ng, sa mga security guards, at sa mga empleyado ng MRT. Natunton namin ang Star Mall bago mag-7, kaya nakarating kami nang pasado 8 sa Bagumbayan, Teresa, kung saan kami susunduin ni Taiwan. At bago mag-9, nakarating na kami sa bagong tahanan ni Mama.

Maayos naman ang reception sa kaniya. Sa tingin ko, magiging maayos at payapa siya kina Taiwan at Lizbeth, kasama ang dalawang apo na sina Aria at Dani.

Past 4:30 na ako naihatid ni Taiwan sa highway. Nagpalitada pa kasi siya ng kanilang tindahan. Okay lang naman kasi nakausap ko si Mama, napagmasdan ko ang pamilya ni Taiwan, at nakapagpahinga ako.

Past 9:30 na ako nakauwi sa bahay. Busog naman ako kasi kumain ako sa PITX. Kaya lang, mga past 10, inantok na ako. Mabuti, nakapagplantsa na ako ng isusuot ko bukas sa first day of INSET.

Nagpasalamat ako sa Diyos bago natulog. Hiningi ko ang peace of mind ni Mama.

Pebrero 6, 2023

Four-thirty ako nag-alarm. Nang tumunog, parang ayaw ko pang bumangon. Ilang araw na rin kasi akong puyat. Gayunpaman, bumangon ako after 10 minutes.

Naglinis ako sa lugar na ginawa kong tulugan ni Mama habang nagkakape ako. Nang bumaba si Emily tapos ko na.

Past 6 nang umalis ako. Aalis din si Emily at Ion.

Past 8:30 ako nakarating sa school. Nagsisimula na. Ang haba kasi ng pila sa dyip. Isa pa, nagbanyo pa ako.

Okay naman ang unang araw ng INSET. Parang wala lang. For compliance and attendance lang. Wala pang interesting na topic. Gumawa na lang ako ng 'Speedy Monologues.'

Before 5, uwian na kami. Nagkasabay kami ni Emily sa pagsakay ng bus sa PITX. Past 7 na kami nakauwi.

Agad akong nag-post ng 'Speedy Monologues' at gumawa ng 'Sibuyas Serye' para maipost din. Ilang araw din akong hindi nakagawa, kaya sinikap kong makatapos. Naisingit kang rin ang SALN.

Pebrero 7, 2023

Maaga akong umalis sa bahay para hindi ako ma-late. Nagawa ko namang makarating sa school nang maaga. Nakapagkape pa nga ako at nakapagbasa ng mga kuwentong isinulat ng Buko, habang naghihintay sa mga kasamahan.

Naging maayos naman anh 2nd day ng midyear INSET. Marami akong natutuhan. Masaya naman kami. Nabusog din.

Naisingit ko ang pag-type at pag-edit ng kuwento ni Jeus. Sayang, hindi ko na dala ang laptop. Gusto ko sanang masimulan agad ang pag-illustrate ng cover.

Past 4, tapos na ang seminar. Isinabay ako ni Ma'am Wylene sa kaniyang car. Nagkuwentuhan kami hanggang maibaba niya ako sa Kawit.

Pagdating ko sa bahay, masama na ang pakiramdam ko. May runny nose ako. Gayunpaman, nagawa kong mag-illustrate ng cover ng kuwento ni Jeus. Matagal ko bago natapos, pero worth it naman. Sana mabuo ko bilang isang libro. At sana matuwa siya at maka-inspire ng mga kaklase.

Pebrero 8, 2023

Past seven na ako nagising. Kahit paano ay nakabawi ako sa ilang araw na puyat. Since nag-decide ako kagabi pa, na hindi ako papasok, hindi ko kailangang maghanda sa pag-alis at hindi ko kailangang magmadali. Gayunpaman, nag-almusal ako agad, since nagluto na si Emily, upang makapagsimula akong gumawa ng vlogs.

Nagawan ko ng vlog ang ginawa kong palaro kagabi. Then, naisip kong mag-vlog ng mga bugtong.

Ngayong araw, nakagawa ako ng apat na vlogs. Ang dalawa ay uploaded na. Nakagawa rin ako ng 'Speedy Monologues.' At nakapanood ng movie at nakaidlip.

Hindi pa ako magaling. Hindi ako komportable sa sipon ko. Madalas akong bumahing. Tumutulo rin ang sipon ko. Gayunpaman, ready akong punasok bukas.

Pebrero 9, 2023

Nagdesisyon akong pumasok kasi medyo maluwag na ang aking paghinga at hinog na ang aking sipon. Mabigat nga lang ang aking ulo. Kulang na kulang pa rin kasi ako sa tulog at pahinga. Kung puwede nga lang, aabsent pa rin ako.

Seven-thirty, nasa school na ako. Naroon na rin si Sir Hermie. Natuwa ako sa binigay niyang fish bowl. May bonus pang kuhol. Si Turbo raw iyon. Tamang-tama kasi may alaga akong African giant land snails na sina Speedy at Zippy. Pagsasama-samahin ko sila.

Late na nagsimula ang seminar kasi may mga hinintay pa, pero worth it naman. Natuwa sila sa checking of attendance ko. Knock, knock iyon. Kinanta naming Grade 4 ang 'Harana.'

Puno ang langit ng bituin

At kay lamig pa ng hangin

Sa 'yong tingin ako'y nababaliw giliw

At sa awitin kong ito

Sana'y maibigan mo

Ibubuhos ko ang buong puso ko

Sa isang munting harana

(Para sa'yo/ PURSIGIDO)

Pursigido ang katangian ng aming grade level.

Hapon, walang kabuhay-buhay. Ako pa naman nag-introduce sa resource person. Tapos, late na ang palaro ko. Dapat inuna ako.

Past 4, umuwi na kami. Sobrang pagod at anyok na antok ako. Pero pagdating ko sa bahay, imbes na magpahinga, gumawa at nag-upload ng vlogs . Marami pa akong gustong gawin, pero hindi na kaya ng katawan, oras, at mata ko. May kulani ang right eyelid ko. Lumuluha pa. Saka, blurred na ang mga letra sa cell phone.

Pebrero 10, 2023

Maaga akong nagising kasi maaga ring bumangon ang mag-ina ko. Pupunta sila sa FVP office. Natulog uli ako at nagising ng 4:30. Past 5, nang maliligo na ako, umalis na sila. Quarter to six, umalis na rin ako.

Sa school, habang nagkakape, nakipagkuwentuhan ako sa mga female Grade 6 teachers, except Ma'am Amy. Na-entertain kaming lahat. Dumating pa si Sir Hermie kaya mas kuwela.

Late na nagsimula ang INSET, pero ayos lang. Tungkol sa Child Protection Policy ang topic. Naka-relate kaming lahat. Naging aktibo rin ako sa pag-share ng insights, gaya nina Ma'am Vi at Sir Erwin.

Hapon, mabilis lang natapos ang dalawang speakers-- ang school DRRMC coordinator at school nurse. Past 2:30, nagbigayan na ng certificate. At past 3, uwian na kami.

Nag-stay muna ako sa PITX hanggang 5. Nagsulat muna kasi ako roon. Past 6 na ako nakauwi. Naunawaan ko ang mag-ina ko. Past seven-thirty na sila nakauwi. Nainis ako kay Emily kasi nagpakita ng pagkainis nang hindi ako kaagad nakababa para pagbuksan siya. Hindi ko nga pinansin pagkatapos. Sa tuwing darating na lang from FVP, mainit ang ulo. Wala naman ipinapasok na pera sa bahay, kung makaasta, akala mo napagod nang husto sa paghahanapbuhay.

Nanood na lang ako ng movie pagkatapos kong kumain. Hindi na ako nakipag-usap sa asawa ko, panira kasi ng moment. Dapat masaya siyang dumating kasi galing siya sa event na masaya. Kaso, waley...


Pebrero 11, 2023

Past 7 ako nagising, pero hindi agad ako bumangon. Alam ko kasing si Emily ang maghahanda ng almusal. Tama naman ang hula ko. Kaya pagbaba ko, brakfast is ready na.

Pagkatapos kung mag-almusal, nagdilig ako ng mga halaman. Naawa ako sa Licuala palm ko. Natuyot ang mga dahon. Tatlong dahon na lang yata ang natirang sariwa. Ginawa ko na lang pang-display. Uso naman ang anahaw na dekorasyon.

Maghapon akong gumawa ng vlogs. Siyempre, nang inantok ako, umidlip ako. Nanood din ako ng movie. Bukas na ako maglalaba at maghahanda ng DLL at LMs.

Pebrero 12, 2023

Ready na ang almusal nang bumaba ako, maliban sa kanin. Binaon kasi nina Emily at Zillion ang unang sinaing. May event sila ngayon sa Brgy. Santol.

Nagkape lang muna ako habang nakasalang ang mga damit sa washing machine.

Nine-thirty, tapos na akong maglaba. Dahil ako na lang mag-isa, tahimik na sa sala. Doon ako gumawa. Inuna ko muna ang DLL. Then, gumawa na ako ng mga vlogs. Marami akong nagawa. Nai-upload ko na rin at nai-post. Nanood din ako ng movie para antukin ako.

Gabi, gumagawa pa rin ako ng vlog. Learning material ko iyon para bukas.

Thanks, God! Gabayan mo po ang mga content ko. Palagi Mo po akong bigyan ng time, kakayahan, at ideya. Sana patuloy na dumami ang followers ko para tumaas ang salary ko. Amen.

Pebrero 13, 2023

Pabangon ko, nagdilig agad ako ng mga halaman, since nakapagplantsa na ako ng uniform kagabi. Pagkatapos nito, saka ako nagdilig ng mga halaman.

Hindi ako nagmamadali kaya nakagawa pa ako ng isang Sibuyas Serye at nakapag-post sa FB pages.

Sa school, na-stress agad ako nang makita ko si Nazarene. Kung kailan ako tinatamad, saka siya dumating.

Hindi pa ako ready na magturo o pumasok sa klase. Mabuti, walang palitan. Nakahanda naman ang LM ko, pero hindi pa ready ang katawan at isipan ko.

Nagturo naman ako pero parang walang nakikinig. Parang hindi ko sila napapatuto. Maghapon akong nagmamakaawa makinig sila. Haist! Nakaka-drain ng motivation. Parang gusto ko nang mag-early retirement.

Eight, nakauwi na ako. Naabutan ko ang pilot episode ng 'Batang Quiapo.' Pinanood ko nang buo, bago ako naghanda ng learning materials.

Pebrero 14, 2023

Past 6:30 na ako bumaba. Ready na ang almusal, kaya isinabay ko na iyon sa aking pagkakape.

Pagkatapos mag-almusal, nag-download ako ng mga reading materials para kina Joniell at Nazarene.

Past 10, nasa school na ako. Hindi ako nakagawa ng kung ano roon sa waiting area slash reading remedial area namin kasi dumating na agad si Joniell. Pinabasa ko siya, gamit ang laptop. Okay lang naman. At least, umuusad na ang kakayahan niyang magbasa.

Sa klase, nagturo ako nang masigasig. May mga estudyante nga lang kay hirap turuan. Ang hirap ding disiplinahin. Mabuti na lang, cool ako ngayon dahil Valentine's Day.

Hirap na hirap akong mapatuto ang mga eatudyante. Sa tingin ko, iilan-ilan lang ang nakakasunod. Tulaley ang karamihan. Mas gusto pang kopyahin ang lesson kaysa unawain. Haist! Kailangang mag-isip ng ibang strategy para mapadali ang pagtuturo at pag-unawa nila.

Past 8:30 na ako nakauwi. Sobrang traffic sa Tejero.

Tuwang-tuwa ang mag-ina ko kasi marami akong chocolates na pasalubong. Regalo lang din sa akin ngmga estudyante. Hindi ko na kailangang bumili pa. Thanks, God!

After dinner, gumawa ako ng PPT sa Filipino. Mas madali iyon kesa sa una kong ginamit. Sana mabilis na ring matuto ang mga estudyante.

Pebrero 15, 2023

Hindi na ako nakatulog nang hinatid ni Emily si Ion sa sakayan ng traysikel. Ang duda ko kasi, hindi nag-lock si Emily ng pinto o hindi nagdala ng susi. Baka kako masalisihan kami. Bumangon na lang ako at naghanda ng learning materials. Nang lumiwanag, nagdilig naman ako nang mabilisan. Bumalik ako sa paggawa at pag-download ng LMS pagkatapos kong magkape at mag-almusal.

Sa school, dumating si Casey, Nazarene, at Joniell para sa reading remedial. Late na silang tatlo. Si Casey ay dapat kay Ma'am Edith. Hindi na kasi ma-aaccommodate ng laptop ko. Gayunpaman, nagsabay-sabay silang makinig, manood, at magbasa sa mga reading videos.

Nagpalitan ng klase ngayon kaya parang ang bilis ng oras. Mas gusto ko talaga ang nagpapalitan. Hindi na ako stress masyado sa Buko, mabilis pa ang oras.

Past 8 na ako nakauwi sa bahay. Medyo late ko nang nabuksan ang TV para manood ng 'Batang Quiapo' kasi hindi ko agad naayos ang TV at Affordabox. Gusto ko itong masubaybayan. Kaya sinisikap kong makauwi bago magsimula. Sana magustuhan ko ang istorya kahit magtagal pa sa pag-ere.

After manood, nagsulat ako para sa Wattpad. May nanghihingi na kasi ng update. Hindi na muna ako gagawa ng 'Sibuyas Serye' at 'Speedy Monologue.'

Pebrero 16, 2023

Halos quarter to 7 na ako nagising. Ang sarap kasing matulog. Parang ayaw ko nang pumasok. Pero hindi puwede kasi maraming bata ang naghihintay sa akin.

Past 10 nasa school na ako. Kung kailan handa ako sa reading remedial, hindi naman dumating si Nazarene. May sakit si Joniell. SI Casey naman, kay Ma'am Edith na nagpapa-remedial. Maaga siyang pumasok.

Walang palitan ng klase ngayong araw kasi nag-decorate si Sir Hermie sa ground, kung saan gaganapin ang recognition day program. Nagturo ako nang nagturo sa Buko. Hindi ako na-stress kasi maayos naman sila at masunurin. Hindi sila masyadong pasaway. Iba talaga ang nagagawa ng reward system.

Nakasabay ko sina Papang at Ma'am Mel sa pag-uwi. Nag-barbeque kami bago naghiwa-hiwalay. Hindi ako nakasabay kay Sir Hermie kasi late na siyang uuwi dahil sa namumula niyang mata. Panay ang kurap niya sa sakit.

Wala pang 8, nakauwi na ako. Naabutan ko pa ang balita. Siyempre, nakapanood ako ang 'Batang Quiapo." Ngayong gabi ko rin lang nai-post sa Wattpad ang update ko, na isinulat ko kagabi at mga nakaraang araw.

Pebrero 17, 2023

Past 10, nasa school na ako para dumalo sa Recognition Day. Eleven pa naman ang simula. Hindi naman agad nakapagsimula.

Kung gaano katagal naghintay, ganoon din kabilis natapos. Wala man lang nag-intermission number. Haru!

Walang palitang klase kasi bukod sa absent si Sir Alberto, may earthquake drill pa. Gayunpaman, nagturo ako ng Filipino, ESP, at MAPEH sa Buko. Wala kaming sinayang na oras.

Maaga akong nakalabas sa school at nakarating sa PITX. Hindi nga lang ako umuwi agad. Nagsulat ako roon para sa Wattpad. Inaagad-agad ako ng mga readers ko.

Past 7 na ako bumiyahe pauwi kaya past 8:30 na ako nakarating sa bahay. Hindi na ako nakasunod sa 'Batang Quiapo.' Nakakainis!

Pebrero 18, 2023

Nakaalis na si Emily nang bumangon ako. Maaga pa iyon. Hindi na kasi ako nakatulog uli. Nasanay na yata sa maagang paggising.

Nag-almusal lang kami ni Zillion, then sinimulan ko na agad ang paggawa sa laptop. Inihanda ko muna ang mga DLL. Then, gumawa ako ng vlogs. Nang matapos, nanood ako sa YT ng mga episodes ng 'Batang Quiapo.' Sa wakas, nakasunod ako sa istorya.

Hapon, gustuhin ko mang matulog, andaming istorbo. May tumatawag. May delivery. May makulit na pusa. Nanood na lang ako ng movie.

Bago dumating si Emily, nasa taas na ako- nanood ng movie. Nakapag-post pa ako ng update sa Wattpad.

Bukas, maglalaba ako. Maghahanda rin ng LMs. Mamamalantsa rin.

Pebrero 19, 2023

Past seven na ako bumangon. Agad din akong nag-almusal para makapaglaba nang maaga, pero wala pa palang sabon, kaya hindi ako nakapagsimula agad. Hinintay ko pang magising ang mag-ina ko para bilhan ako. Okay lang naman kasi umuulan pa naman.

Past 10 na ako nakatapos maglaba. Umakyat agad ako para magpahinga. Pero hindi nga ako nakapagpahinga kasi kailangan kong maghanda ng learning materials para bukas.

Ngayong araw, nakagawa ako ng vlog, mula sa learning material ko. Hindi nga lang ako nakatulog at nakapanood ng movie o series.

Ang masaklap ay hindi pa tuyo ang mga nilabhan ko, kaya wala akong naplantsa ni isa.

Pebrero 20, 2023

Nakakatamad man, pero bumangon pa rin ako. Kailangan kong pumasok. Marami ang mawawala. Marami ang mawawalan.

Past 8, nasa biyahe na ako. Inagahan ko kasi Lunes ngayon. Maraming pasahero ang paluwas. Past ten-thirty na nga ako dumating sa school.

Hindi kami nagpalitan ng klase kay may Religion class at nagpaliwanag kami tungkol sa TOFAS, isang online test sa Mathematics. Nagturo pa rin naman ako ng tatlong subject ko sa Buko. Occupied sila kahit nagkainan kaming mga guro after recess dahil sa blowout ng mga estudyanteng may honors sa Avocado.

Parang ang tagal ng oras. Six-thirty na kasi ang uwian namin. Kaya naman, past 8:30 na ako nakauwi. Gutom na gutom na ako. Mabuti, masarap ang ulam. Andami kong nakain, as if hindi ako nagmeryenda.

Pebrero 21, 2023

Pagkatapos kong mamalantsa, gumawa ako ng vlog. Nai-post ko lang sa KAMAGFIL kasi wala na akong time.

Past 10:30 ako nakarating sa school. Dumating si Joniell bandang 11:30. Nakagawa na rin ako ng bagong vlog, na mai-popost ko pag-uwi.

Ngayong araw, sa Avocado lang ako nakalipat. Hindi kasi nakipagpalitan ang ibang guro dahil sa TOFAS. Okay lang, ready naman akong palaging magturo maghapon sa Buko. Matagal nga lang ang oras kapag walang palitan ng klase. Gayunpaman, marami akong naipagawa sa kanila. Marami silang bagong karanasan. Sa Music, pinakanta ko sila ng mga kantang alam nila. Tungkol sa antecedent at consequent phrases kasi ang lesson namin.

Past 8 na ako nakauwi sa bahay. Mas maaga kaysa kagabi. Pero, same pa rin ang gutom ko. Andami ko na namang nakain.

After dinner, nag-upload ako sa YT. Then, nakipag-chat ako sa mga ka-ITWNG ko.

Pebrero 22, 2023

Kulang ako sa tulog dahil sa sakit ng likod ko. Pagising-gising ako at maaga akong nagising dahil uli sa maagang paggising ng aking mag-ina. Hindi ko naman sila puwedeng pagalitan dahil pumapasok si Ion sa high school.

Maaga akong umalis sa bahay para sana maaga akong makarating sa school. May meeting kami. Kaya lang, na-late ako nang kaunting minuto dahil ang tagal dumating ng dyip sa PITX.

Okay nanan ang meeting. Kailangang-kailangan namin ang info na iyon. Late na nga lang ako nakapag-lunch. Tapos, naputol-putol pa dahil sa reklamo ng magulang at estudyante sa mga pupils ko. Haist! Pati away sa simbahan, sa school pa dinadala.

Walang palitan ng klase dahil nagpasagot ako ng TOFAS sa mga hindi pa nagsagot sa bahay. Then, nagkaroon ng Ash Wednesday Mass bandang 2pm.

Nagawa ako namang gawing busy ang mga Buko. Napasulat ko sila ng kuwento at naturuan ko sa Sining.

Past 8, nasa bahay na ako. Kung nakasakay nga lang agad ako, baka mas maaga akong nakauwi.

Gabi, wala akong nagawa kundi makipag-chat at manood ng movie. Hindi ko rin naman natapos kasi pasado alas-10 na.

Pebrero 23, 2023

Sobrang sakit pa rin ng likod ko, pero mabuti na lang hindi ako nagising nang bumangon ang mag-in ko. Nagising naman ako, pero nakatulog uli. Kaya naman, maganda ang mood ko.

Nasira lang ang mood ko nang mabasa ko ang message ni Gie sa GC na ginawa niya. Bandang ala-una iyon ng hapon. Wala raw kaming reapeto dahil hindi pinaalam sa kaniya na nakatira na si Mama sa kabilang bahay o sa tabi ng bahay nina Taiwan at Lizbeth. Umakyat sa ulo ang dugo ko. Nag-leave agad ako. Tapos, chinat ko sina Taiwan, Lizbeth, at Jano. Sabi ko, "Pakiayos ang bunganga niyan ni Geraldine. Ayaw kong ako pa ang lumabas na masama."

Highblood talaga ako. Nanginginig ako sa galit. Bakit niya ako pagsasalitaan ng masama? Gayong hindi ko gustong tumira doon si Mama.

Si Lizbeth talaga naka-chat ko nang matagal. Sabi ni Jano, hayaan ko na lang daw. Siya nga rin daw ay inaaway. Hindi ako kumalma. Lalo pa nang mabasa ko ang FB post, na "Super Disappointed."

Pinasabi ko kina Jano at Lizbeth na tanggalin iyon, pero hindi ginawa. Nagbigayngako n palugit. Hayun, nagkomento ako. "Huwag Andamay. Nananahimik ako." Capital letters para intense.

Andami ko pang sinabi kay Lizbeth. Isa roon ang ayaw ko--ang makabasa ng post ng family problem. Hindi makakatulong ang FB or Fb friends sa problema.

Matagal nawala ang kagustuhan kong makaganti ng salita. Kahit si Jano, hindi naka-reply nang sabihing mukhang pera ang asawa niya. Pwe! kako pa.

Nakaagaw na ng attention ang post niya at comment ko. Nagtanong si Auntie Emol. Sinagot ko, "Ang problema po, hindi dapat pini-Facebook." Nagtanong pa ito kung bakit nga, pero wala akong dapat ipaliwanag. Nagkomento rin sina Auntie Vangie. Huwag daw doon pag-usapan ang problema. Tama naman! Pero, wala ni isa sa kanila ang nag-PM sa akin.

Nanood ako ng pelikula hanggang 12. Ang sarap lang magpuyat kasi holiday bukas.

Pebrero 24, 2023

Kahit holiday, hindi ko nagawang matulog up-to-sawa. Ang totoo kasi excited ako sa reaksiyon ni Geraldine.

Hindi ako nagkamali. Nag-DM siya. Hindi raw siya nag-popost ng problema sa FB. Kilala ko raw siya. Hindi raw siya naninira ng kapwa. Malayo ang sagot niya sa nais kong marinig kaya lalo akong nainis. Hayun, nakatikim siya ng maaanghang na salita. Sinabihan ko siya ng mukhang pera siya. Pinaalala at siningil konoa siya sa mga utang nila sa akin. Aba! Dineny niya. Hindi raw siya iyon. Baka si Jano daw. Sabi ko, "Hindi ka ba nakinaban? Ang lakas ng loob mo."

Marami pa akong sinabi bago ako nagpaalam na iba-block ko na siya. Hindi kami magkakilala at nagkakilala.

No regrets ako sa ginawa ko. Ang katulad niyang mataas ang ihi, hindi dapat pinag-aaksayahan ng oras. Nagkapera lang nang kaunti, hindi na marunong kumilala. Pwe!

Pagkatapos niyon, maluwag na ang puso at dibdib ko. Masaya kong hinarap ang trabaho ko. Nag-record ako ng 1st quarter grades sa LIS, naghanda ng DLLs, at gumawa ng vlog. Nagpaluto alo ng nilagang buto-buto kay Emily, kaya solb ang lunch.

Hapon, nag-stay ako sa room ko at nanoood ng movies. Maghapon. Umidlip din ako

Gabi, chill-chill pang uli. Nanood muna ako ng 'Batang Quiapo' sa YT, then movie sa MyFlixer. Past ten na ako natulog.

Pebrero 25, 2023

Maaga ulit akong nagising. Litseng lamig ko sa likod, hindi na naman ako pinatulog nang maayos. Kailangan ko na talagang magpamasahe.

Paalis na si Emily nang bumangon ako. Nakahanda na ang almusal. Kaya kumain na muna ako bago ako nagdilig ng mga halaman, saka nagtabas ng malalagong dahon sa labas. Past 9 ako natapos. Hindi pa rin nakaalis si Emily.

Nang umalis siya, naglinis naman ako sa sala at sa kuwarto ko. Inakyat ko ang drawer na binili ko kay Mama.

Nang matapos ako, gumawa naman ako ng vlog. Hindi na muna ako naglaba.

Hapon, nanood ako ng movie. Sinubukan ko ring matulog. Then, nakapag-collab ako sa iTWNG members sa pagsulat ng comedy skit. Gabi na kami natapos. Naging busy ako hanggang sa dumating na si Emily. Ako kasi ang nag-edit ng output.

Bago ako natulog, nakagawa pa ako ng audio-video para sa Reels. Ginamit ko ang quotation na sinulat ko kaninang umaga. Sana mas marami pa akong oras para maisagawa ko ang mga gusto ko.

Pebrero 26, 2023

Ang aga-aga na naman ng gising ko. Nakakainis! Anim na oras lang yata ang tulog ko.

Gayunpaman, kailangan kong gumawa ngayong araw. Una, naglaba muna ako. Isinisingit ko ang paggawa ng vlogs. Nang matapos, hinarap ko na. Kahit paano, nakapag-upload ako ngayong araw ng isang video at nakapagsimula ng tatlo.

Hapon, umidlip ako. Hindi man matagal, pero okay na. Nakapag-recharge na kahit paano.

Then, sumali ako sa tula-dramaserye ng ITWNG. Ako si Lando roon. Heartthrob ang karakter ko. Naks! Gusto ko pati sa personal, puhon.

Nang matapos ang episode 2, namalantsa ako. For 4 days na ang plinantsa ko. Pinagpawisan ako nang husto.

Pebrero 27, 2023

Kahit puyat dahil na nabaliw na ipis kagabi, bumangon ako nang maaga para sa huling Lunes ng buwan. Nagdilig muna ako ng mga halaman bago nagkape. Habang nagkakape, nag-copy-paste ako ng mga tula ng ITWNG members na sumali sa balagtasan sa GC. Pina-compile iyon sa akin ni DK. Nagawa ko naman agad bago ako naligo.

Past 11, nasa school na ako. Walang dumating na estudyante para sa remedial reading namin. Okay lang kasi busy rin ang utak ko.

Nagpalitan kami ng klase kanina kaya parang ang bilis ng oras. Nagpa-summative test lang ako. Wala pa rin ako sa mood magturo. Sana bumalik na ang drive ko. Mabawasan na sana ang mga activities, reports, at kung ano-anong programs at projects ng division. Nakaaabala ang mga ito at nakababalahaw.

Before 8:30, nasa bahay na ako. Agad akong nag-dinnner para makasali ako sa Bekilagtasan sa ITWNG, na ako ang nag-conceptualize. Ngayon sana ako magsusulat ng grades sa cards, pero wala pa palang grades sa Science. Bukas ko na lang gagawin.

Pebrero 28, 2023

Nagsulat ako ng pang-update sa Wattpad habang nasa biyahe. Then, nang nasa PITX na ako, nagsulat uli ako. Halos nakabuo na ako ng 1500 words. Kaunti na lang, puwede na i-post. Gusto ko kasi mga 2000 words.

Ngayong araw, may biglaang gagawin kaming mga advisers. Kailangan naming makuha ang reading level ng mga bata. So, hindi kami nagpalitan. Nagpabasa kami. Sa Huwebes na kukunin ang result. English at Filipino iyon.

Natuwa naman ako sa resulta dahil halos lahat ay nagkaroon ng progress. Kaunti na lang ang letter reader. Karamihan sa kanila ay sentence at phrase readers na. May mga C1 at C2 na rin.

Hindi maayos ang pakiramdam ko nang umuwi ako. Masakit ang isang pisngi ng puwet ko at ang singit ko. May UTI ba ako, may sakit sa kidney, o dahil hindi lang ako nakadumi kanina?

Pagkatapos kong mag-dinner, nagsulat ako ng grades sa card. Natapos ko ang sa mga boys. Bukas naman ang sa mga girls. 


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...