Followers

Tuesday, April 4, 2023

Ang Aking Journal -- Disyembre 2022

 Disyembre 1, 2022

Mabigat ang bag ko dahil sa damit at gamit na dadalhin sa Baguio. Hindi ko na nga dinala ang laptop ko.

Wala na namang pormal ang klase. Sa Pinya lang ako nakalipat. Pagkatapos ng recess, nag-bonding na kaming teachers habang kumakain ng pagkaing inorder sa Chowking. Mag-brainstorm kami, nagplano, at nag-usap tungkol sa mga estudyante, grades, at card issuance. Inabutan kami ng past 5.

After ng klase, nag-stay na kami ni Sir Hermie sa classroom ko. Nanood ako ng balita at documentaries habang naghihintay.

Past 9:30, dumating na sina Ma'am Edith at ang magkapatid na drivers ng L300. Hindi nagtagal, bumiyahe na kami pa-Norte.

Maingay kaming nagkuwentuhan. Hindi rin makatulog dahil hindi naman maayos ang upo namin. Okay lang naman kasi kahit paano nakaidlip naman.

Disyembre 2, 2022

Wala pang alas-4, nakarating na kami sa Albergo Hotel. Kahit antok na, nagawa pa naming magkape.

Isang oras lang ang tulog ko. Past six gising na ako. Ka-chat ko na si Ate Mackie. Nangumusta siya.

Eight na kami nakalabas sa hotel para maghanap ng makakainan ng almusal. Sa Pops Restaurant kami napadpad. Malapit iyon sa Mines View Park, kaya after kumain, pumunta kami roon.

Sa Good Shepherd sana kami next na pupunta, kaya lang sarado pa. Sa Strawberry Farm na lang kami nagtungo. Namili sila roon ng mga pasalubong. Ako, walang nabili. Kumain lang ng strawberry ice cream.

Next, sa Bell Church kami pumunta. Umakyat ako sa pinakataas niyon. Muntik na akong mawalan ng hininga dahil sinige-sige ko ang pag-akyat. Mabuti, nabawi ko agad ang hininga ko.

Next, kumain kami ng late lunch sa KFC-SM Baguio. Sa Mang Inasal dapat kami, kaso ang haba ng pila.

Bumalik naman kami sa Good Shepherd para bumili ng ube jam, pero closed na. Pinatuhan kami ng guard na pumunta sa Cathedral o Botanical Garden. Pumunta naman kami agad, pero wala talaga. Niloko lang kami ng guard. Hindi Good Shepherd's products ang binibenta roon.

Umuwi kami pagkatapos mabigo sa botanical garden. Napahinga kami. Past 5, gising na ako.

Past 7, pumunta kami sa Burnham Park para mag-dinner at mag-night market. Masaya ako kasi sa wakas, natuloy ang night market namin. Maaga na palang nagsisimula iyon. Past 9:30, nagsimula na kaming mag-ukay.

Nakabili ako ng limang hoodies/jackets na worth P400. Worth it! Magugustuhan iyon nina Ion at Emily.

Past 11, nakabalik na kami sa hotel. Sobrang antok at pagod na ako, pero no regrets. Masaya ako sa aming gala.

Disyembre 3, 2022

Kahit paano nakatulog ako nang mahimbing. Past 5, gising na kami. Nagpaisa-isa na kaming maligo para mag-almusal. Mamimili rin sila ng mga pasalubong. Dinala na namin ang mga gamit namin dahil diretso na kaming uuwi.

Hindi ako bumili ni isang pasalubong. Bukod sa nagtitipid ako, ang mamahal pa. Ang ube jam ng Good Shepherd, grabe ang itinaas. Kapag bumili pa sa reseller, mas mataas ang presyo. Ginto! Di bale na lang.

Natagalan kami sa palengke kasi pumunta pa ang Alberto couple at si Sir Erwin sa cathedral. Past 12 na kami nakabiyahe pauwi.

Ang init na sa biyahe. Na-miss ko kaagad ang Baguio.

Hindi na kami nag-lunch. Nagkukot na lang kami ng kung ano-ano. Mabuti, maraming baon si Ma'am Edith.

Sa may Valenzuela-Bulacan na kami nagmeryenda. Burger at fries ang binili nila sa akin.

Past 7, nasa GES na kami. Hinintay ko ang mag-asawang Alberto na ayusin ang mga bagahe nila. Nagsabay na kami sa dyip ni Ma'am Anne.

Past 9:30, nasa bahay na ako.

Nag-send ako ngayong gabi ng P4000 kay Hanna though GCash. Nagbayad din ako sa Converge. Bad trip lang ako sa Goodhands. May P800 plus arrears kami. Para saan iyon? Gago talaga sila!

Disyembre 4, 2022

Nakabawi na ako ng tulog mula sa ilang araw na puyat. Before 8 kasi ako nagising.

Sinimulan ko agad ang paghahanda ng DLL kahit hindi naman ako papasok bukas dahil sa therapy ni Mama. Magpapa-therapy rin ako kasi masakit pa rin ang tagiliran at kanang balikat ko. Hindi ko maitaas nang masyado.

Natapos ko ang ikatlong booklet ngayong araw. Nasimulan ko rin ang ikaapat.

Past 6, naglakad ako patungong Umboy para magpa-GCash para sa pambayad sa housing loan.

Disyembre 5, 2022

Kahapon pa lamang, nagsabi na ako sa HRPTA president na absent ako ngayon dahil magpapa-therapy ako. Kaya, umaasa akong Kakaunti na lang ang papasok na Buko. Ayaw kong pumasok silang lahat. Mahihirapan lang ang mga kasamahan ko.

Past 8 na dumating sina Sir Edwin at Ma'am Veronica. Habang nag-aalmusal sila, ako naman naliligo. Inunang i-therapy si Mama. Mabilis lang siyang natapos.

Past twelve na ako natapos i-therapy. Umaasa akong mawawala na ang sakit sa balikat at tagiliran ko.

Pagkaalis nila, umidlip ako. Kahit paano, nakatulog ako. Paggising ko, nanood ako sa YT.

Gabi, sinimulan kong iillustrate ang ikalimang booklet. Medyo madugo kasi uri ng mga saksakyang panlupa ang iginuguhit ko.

Bago ako umakyat para matulog, nakatatlong pahina ako. Nakadalawang land transports. Nakaapat na human figures.

Disyembre 6, 2022

Past 6, nang magising ako, naalala ko agad na 10:30 am ang pasok namin dahil sa GAD seminar. First time itong mangyari kaya nagmadali akong maghanda sa pagpasok.

Wala pang 7, umalis na ako sa bahay kahit alam kong masyado akong maaga.

Tama ako! Past 8 lang, nasa PITX na ako. Two and a half hours pa. Kaya, nag-stay muna ako roon. Nagsulat ako. Wala pang isang oras, bumiyahe na ako. Past 10, nasa school na ako. Kinunsumo ko ang nalalabing oras para sa digital illustration.

Dahil 3 hours lamang ang klase, wala kaming palitan ng klase. Pumasok lang sa akin si Sir Joel kasi naroon sa room niya si Sir Hermie. Pagbalik ko, recess na. Pero tinapos muna namin ang natitirang lesson, bago ako nagpa-recess.

Pagkatapos ng recess, uwian na. Kay iingay nila, pero hinayaan ko lang. Ayaw kong ma-stress. Wala ako sa mood magalit at magsaway.

Past 2, nagsimula na ang seminar. Maganda ang topic, pero kulang sa oras. Walang workshop. Mabuti na lang, masarap ang pakain.

Before 5, umuwi na kami. Maaga akong nakauwi.

Bago ako natulog, gumawa ako ng PPT para bukas. Hindi na naman daw magpapalitan ng klase kaya mauubusan ako nito ng ipapagawa sa Buko.

Disyembre 7, 2022

Before 11, nasa school na ako. Nag-illustrate ako agad. Akala ko, hindi darating ang dalawang estudyante ko, na pinababasa ko. Past 11:30 na sila dumating. Napabasa ko pa rin naman sila, kaya lang, tamad na tamad ako. Kahit nang nasa klase na kami, parang wala ako sa sarili. Gayunpaman, hindi ako nagpahalata

Nagturo pa rin ako. Ang tagal lang ng oras kasi wala kaming palitan ng klase. Ang ginawa ko, nagpaka-chill lang ako. Hindi ako nagalit masyado. Napapatahimik ko naman agad sila.

Before 8, nakauwi na ako. Gutom na gutom ako kasi walang maayos na meryenda kanina sa school.

Disyembre 8, 2022

Hirao na hirap akong matulog nang mahimbing dahil pa rin sa masakit kong balikat at tagiliran. Mabuti na lang, walang pasok ngayon.

Paalis na si Emily nang bumangon ako. Manghihiram siya ng gown kay Ate Sheila.

Nag-illustrate ako pagkatapos mag-almusal. Maghapon kong ginawa iyon. Natapos ko ang ikalima. At nasimulan ko ang ikaanim sa booklet project ko.

Gabi, nakapaghanda ako ng PPT. Nakapag-post pa ako sa Wattpad at Blogger. At siyempre, nakapag-upload ako ng short videos sa Youtube. Ginamit ko ang booklets. Nilagyan ko ng voiceover mula sa Narakeet From Text to Speech. Sayang, hindi ko natapos ang tatlo pa kasi trial lang iyon.

Disyembre 9, 2022

Past 5:30 am, ginising ako ni Emily kasi dumating si Bernard. Unexpected iyon. Bumili siya ng First Vita Plus Pinya. May pinuntahan daw siya sa may Green Ville kaya dumiretso na siya sa amin.

Tuwang-tuwa si Emily kasi may benta siya. Ako naman, naistorbo ang tulog. Hindi na ako nakatulog pagkaalis niya.

Past 10:30, nasa school na ako. Nag-illustrate ako habang naghihintay sa dalawang estudyante, na pinababasa ko. Kaso, hindi sila dumating.

Nagpalitan sana kami ng klase, pero pagdating ko sa period ng Guyabano, hindi na nagpalitan. Nag-usap-usap na lang kami tungkol sa Christmas presentation.

Sa Buko, hindi ako masyadong stress ngayon. Naturuan ko sila nang maigi. Masaya kasi ako sa harapan nila.

After class, muntikan na kaming magpraktis ng sayaw, kaya lang hindi natuloy. Okay lang naman.

Nakauwi ako before 8:30. Pagod at gutom ako, pero masaya kasi may good news si Zillion. May natanggap siyang award mula sa MAPEH. Nakakuha siya ng 91% sa Quarter 1. Sana sa lahat ng subjects.

Disyembre 10, 2022

Alas-8 na ako nagising. Paalis na noon si Emily. Agad ko namang sinimulan ang digital illustration pagkatapos mag-almusal.

Natapos ko naman agad ang ikalimang akda ko sa booklet project, kaya gumawa naman ako ng PPT na gagamitin ko sa Lunes. Dahil storytelling iyon, naisipan kong lagyan ng voiceover gamit ang Narakeet at ini-upload ko sa YT ang MP4 nito. May instant vlog na ako.

Nang inantok ko, umidlip naman ako. Hindi nga lang ako nahimbing.

Ngayong araw, marami akong natapos at nasimulan. Gusto ko rin sanang magsimulang gawan ng vlog si Emily, pero hindi na kinaya.

Nanood din ako ng series na 'Wednesday' sa BiliBili.

Disyembre 11, 2022

Pag-qlis nina Emily at Kuya Emer, binanlawan ko ang mga damit kong isinalang ni Emily sa washing machine. Hindi na niya natapos kasi nagmamadali na sila. Okay lang naman.

After niyon, gumawa na ako ng game-based learning material sa Filipino. Hapon na ako natapos.

Pagkatapos kong umidlip, nag-digital illustrate naman ako. Naisingit ko rin ang panonood ng 'Wednesday.'

Disyembre 12, 2022

Alas-4, gising na ako para maghanda ng almusal ni Ion. Ginising ko na rin siya. Pagkatapos kong maghanda, hinintay ko pa siyang makaalis. Nainis pa ako sa kaniya kasi pinaghintay niya ang service. Talagang kay bagal kumilos. Nakakahiya sa driver at kasama sa service. Pag-alis niya, bumalik ako sa kuwarto. Nakatulog pa ako ng 30 minutes.

Before 9, bumiyahe na ako pa-school. Si Mama na lang ang tao sa bahay. Ready na rin naman ang lemon juice niya at ang almusal, kaya worry-free na ako.

Medyo late akong dumating sa school kasi sobrang traffic. Natagalan pa akong makasakay sa Tejero. Kundi pa ako dumiskarte, baka late na late na ako. Mabuti, hindi dumating ang mga pinababasa ko.

Nagpalitan kami ng klase kaya ang bilis ng oras. Namalayan ko na lang, oras na para magpalinis ng classroom.

Umuwi agad ako lalo na't may ham at hotdog akong dala-dala. Isinama uli ako ni Kapitana Baby Tubo sa listahan ng mga makatatanggap ng Christmas package. May kasamang fruit salad at spaghetti ingredients at 5 kilos rice.

Disyembre 13, 2022

Past 12 am, nagising ako sa panaginip. Medyo creepy iyon. Iyon marahil ang dahilan kaya hindi na ako nakatulog uli. Past 2, gising pa ako. Panay ang isip ko para sa mga sasabihin ko sa HRPTA meeting. Naihanda ko rin ang mga ipapakita ko sa parents, gaya ng diary, books at magazines.

Before 4, gising na uli ako. Agad akong bumangon para maghanda ng almusal. Antok na antok ako habang naghihintay na makaalis si Ion. Mabuti, nasundo agad.

Past 7, gising na uli ako. Kahit paano, may 4 to 5 hours akong tulog.

Wala ako sa mood in pagdating sa klase, pero hindi ako iritable. Hindi ako nagalit o na-stress. Wala lang ako sa mood magpakuwela.

Safe akong nakauwi bandang 8. Nakauwi na si Emily. Kaninang tanghali pa raw. Natanggap na nga niya ang final disconnection notice ng BadHands.

After dinner, umakyat na ako para matulog.

Disyembre 14, 2022

Maaga akong bumangon para gumawa ng PPT na gagamitin ko sa HRPTA meeting. Gusto kong i-seminar ang mga magulang, kaya naghanda ako ng mga parenting tips. Hindi ko iyon natapos kaya sa school ko na pinapatuloy. Mabuti, wala akong ireremedial na bata.

Naging maayos naman ang klase namin kahit shortened. Maingay lang talaga sila kapag recess. Nakuwentuhan ko rin sila ng mga bagat-bagay tungkol sa pagbabasa at pagsusulat. Na-inspire ko silang maging mahiligin din sa mga kasanayang ito. Ipinanood ko nga sa kanila ang video kung saan na-feature si Chealsey, ang dati kong estudyante, sa Brigada. Ibinida ko rin sa kanila ang mga koleksiyon kong reading materials, at iba pa.

Nalaman ko kanina na kaya pala ng Grade 4 na magsalaysay muli ng mga kuwento. May napili akong isa. Ipopost ko iyon sa KAMAGFIL.

Nainis ako sa mga magulang na hindi nakadalo sa meeting. Inuna pa ang trabaho. Hindi nila mahal ang kanilang anak.

Naging maayos naman ang pagharap ko sa mga magulang. May mga nakalimutan man ako, alam kong nasagi ko ang mga puso nila.

After meeting with parents, nagpraktis namang kaming Grade 4 teachers para sa Christmas party namin. Mukhang may laban kami.

Past 8 na ako nakauwi sa bahay. Gutom na gutom ako kaya medyo mainit ang ulo ko. Mabuti na lang may good news mula sa FB. Maaari na raw akong kumita sa mga FB pages ko, kaya hinihingian na ako ng payout method. Hindi ko lang mai-link sa Paypal o bank account ko. Sa Christmas break, tiya-tiyagin ko ito.

Disyembre 15, 2022

Gustong makisabay ni Emily sa akin para makalibre siya ng pamasahe. Ang kaso, nasermunan ko siya kasi panay ang alis niya pero hindi naman kumikita. Puro gastos. Kahit kagabi, nakatikim din siya ng mga matutulis kong salita. Bad trip tuloy ako habang nasa biyahe.

Mas lalo akong na-bad trip nang nasa school na ako. Dumating ang nanay ng isang estudyante ko. Ipapa-Guidance daw ako kasi sinabihan ko siya na hindi niya mahal ang anak niya. Nakakatawa! Patola.

Hinintay namin si Ma'am Amy. Nang dumating mula sa klase, agad na kaming nagsabi ng problema.

Nasaktan talaga siya sa sinabi ko. E, totoo naman. Kahit mahal na mahal niya ang anak niya. Provided niya lahat, kung hindi niya kayang dumalo sa HRPTA meeting sa scheduled time (one hour), kulang ang pagmamahal niya. Dahil hindi siya dumalo, hindi niya naunawaan ang kahulugan ng pahayag ko.

May inihanda akong mini-seminar para sa kanila, pero hindi niya kayang ibigay ang isang oras para makausap ang adviser ng anak niya. Haist!

Gusto kong ikuwento ang nangyari bago nag-come up sa pahayag na iyon, pero waste of time. Ang masasabi ko lang, hindi pa rin niya kayang magbigay ng time para sa anak niya. Oo, nagba-bonding silang mag-anak pero basic need din ang education. Part ng progress ng bata ang tandem ng parent at teacher. Kung wala siyang pakialam sa performance ng anak niya, ano ang tawag sa kaniya? Ulirang ina? Masipag magtrabaho? Best employee? Hindi naman araw-araw bigayan ng card o HRPTA meeting. Tapos, makareklamo, wagas! Akala mo, inapi. Shutangina!

Ang nakakatawa pa... Kahapon pa iyon nangyari at hindi pa talaga siya dumalo sa meeting kahit umabsent na siya sa trabaho, pero ngayon lang siya nag-react. Kung nasaktan siya kahapon, ora mismo dapat nag-react na. Loading? O baka naghanap ng kakampi? May ibang parent daw kasing na-hurt din. Nagtatanong-tanong din daw siya sa kapatid. Shuta! Nakaapak ka ng thumbtack ngayon, pero bukas ka pa aaray. Ang hirap isipin. Slow.

May mga ioinakita akong slides mula sa PPT kong inihanda oara sa kaniya o kanilang lahat. Ipinakita ko rin ang score ng anak niya sa periodic test sa Filipino. Eleven out of 40. Kako, mahalaga po sana na nakapunta kayo para mapag-usapan natin ang problema at solusyon diyan. Wala siyang nasabi.

Wala rin siyang nasabi nang basahin ko sa kaniya ang quotation na "A child educated only at school is still uneducated child."

Hayun nga! Nagkaunawaan naman kami. Ayaw ko nang mag-talk. Ang sakit sa bangs! Ako, na sobrang nagmamalasakit sa mga bata, nireklamo ng parent. Ahaha. WTF?!

Lalo kong mamahalin ang anak niya, gayundin ang mga kaklase nito. In fact, kanina, kahit late na ako nakaakyat at nasa classroom na ang mga bata, hinintay nila ako. Tahimik sila. Natuwa ako kaya sobrang saya ko. Sa sobrang saya ko, panay ang kuwento ko sa kanila. Ang kuwela-kuwela ko as if wala akong pinagdaanang problema. Naramdaman ko rin ang pagmamahal nila sa akin nang mga sandaling iyon. Tuwing masaya ako, mas natututo sila at mada nakikinig.

Pagkatapos kong magpasulat at magpaguhit, nag-recess na kami. After recess, excited silang naglinis sa room. Inayos na namin ang mga upuan. Then, hinayaan ko na silang mag-bonding. Naglaro sila. May nagbasa. May nag-Tiktok. Nakapagkape tuloy ako nang maayos.

After class, nagpraktis kaming magkakasama sa grade level. Mas maayos na ngayon ang sayaw namin. May laban kami.

Nakauwi ako sa bahay bandang 8:30. Pagod na pagod, pero masaya. Mayroon pa ring inis dahil sa parent na iyon, pero sana matuto siya. Matuto siyang tumigil kakareklamo. Pati ibang estudyante na nasa ibang section, isinumbong niya sa akin kasi tinawag ang anak niya sa pangalan nito at may kadikit na "droga." Magkapitbahay lang naman pala sila. At sa barangay naman iyon nangyayari. Sa akin pa talaga ipinaayos. Dapat sa barangay siya nagtungo.

Haist! Ang haba na tuloy nito.

Christmas party namin bukas. Sana masaya ang anak niya sa party.

Disyembre 16, 2022

Alas-singko, gising na ako para maghanda sa pagpunta sa school. Kagabi pa, naihanda ko na ang mga prizes sa mga parlor games ko sa IV-Buko. Gusto ko lang pumasok nang maaga para hindi ako mahuli. Ten o' clock ang start ng Christmas party ng mga estudyante ko.

Alas-9, nasa school na ako. Nakipag-bonding pa ako sa ilang teachers na nasa Guidance Office bago umakyat sa classroom. May mga estudyante na ako roon, pero dahil nasa silid pa ang ilang Grade 3 teachers, hindi pa sila nakapasok.

Sinimulan ko sa isang panalangin ang Christmas party. Hindi ko man nabanggit lahat ang mga naisip ko kagabi, pero naniniwala akong nahipo ko ang mga puso ng bawat isa. Ipinunto ko na sa pagbabalik namin sa January, mas mabubuting mag-aaral na sila. Hiniling ko na sana palagi akong masaya upang mas marami silang matutuhan.

Maiingay at magugulo pa rin sila kahit may parlor games na. Gayunpaman, hindi ako nagpaka-stress. Masaya naman ako dahil nagkatipon-tipon kami. Nakita ko namang masasaya sila. After 2 years, nakaranas uli sila ng Christmas party.

Wala pang twelve, tapos na kami. Pinauwi ko na sila para makapagligpit at makapaglinis ako. May tatlo akong estudyanteng babae na tumulong sa akin. Nang matapos kami, may ilang nagsibalikan. Wala pa raw kasi silang sundo. Hindi rin nagtagal, bumaba na sila kasi kakain na kaming Grade 4 teachers. Nagsalo-salo kami kay Ma'am Janelyn.

Past 2, nagsimula na ang Teachers' Christmas Party. Kaming Grade 4 ang unang nag-perform. Marami ang natuwa at natawa. Sabi ng host, kami ang nag-set ng standard. Ginalingan din naman ng ibang group.

Sumatotal, throd place lang kami. Nalungkot ako deep inside, pero okay na rin. Iba-ina kasi ang taste ng tao. Judges naman ang nag-rate sa aming lahat kaya fair lang naman. Lugi lang kami. Sa P1,000 na prize, mag tig-166 lang kami. Sobra pa ang expenses namin. Shirt pa lang, P130 na. Mabuti na lang, isa ako sa nanalo ng major prizes. Twenty five kilograms ng bigas ang napanalunan ko. Naibenta ko sa canteen (care of Ma'am Amy) sa halagang P1,000. Not bad.

Habang naghihintay kay Sir Joel para makisabay sa van, naki-join ako sa inuman session. For the boys kumbaga. Hindi naman ako masyadong tumungga.

Twelve na ako nakauwi sa bahay. Pagod na pagod at antok na antok ako, pero masaya ako.

Disyembre 17, 2022

Alas-8 nang magising ako. Agad akong nagbukas ng Messenger. Nagyayaya si Bernard mag-swimming sa Ternate. Dahil matagal na siyang nagyayaya, pinagbigyan ko siya.

Nagkasundo kaming magkita sa SM Tanza bandang 10 am. Magbu-buffet raw muna kami, kasama ang kaniyang ina.

Past 10, nasa SM na ako. Hindi nagtagal, na-meet ko na si Tita Nenita. Kahit namatayan siya ng partner, masaya pa rin siyang nakipagkumustahan.

Sa Dookki kami nag-dine in. Isa itong Korean buffet restaurant. Grabe! Ang sasarap ng mga pagkain. Sakto sa panlasa ko. Hindi nga lang talaga kinaya ng tiyan ko. Hindi ko natikman lahat. Kung 3 hours siguro kami roon, puwede pa. Ang kaso, 1 and a half lang. Gayunpaman, worth it ang experience. May mga bagong pagkain na naman akong natikman. At isa pa sa mahalagang bagay, nakausap at nakakuwentuhan ko si Tita Nenita.

Pagkatapos kumain, agad naman kaming bumiyahe ni Bernard patungong Ternate. Nagkuwentuhan kami habang bumibiyahe. Itinanong niya ang mga pinagdaanan kong depression dahil sa mga karamdaman ko, bigat ng pamumuhay, at stress sa trabaho (biyahe at estudyante). Napagtanto niyang hindi ko na talaga kayang balikatin ang tight budget. Aniya, kailangan kong humanap ng karagdagang mapagkakakitaan.

Sa Ternate Beach Resort kami nag-check in. Overnight kami. Magti-tent lang kami.

Nahirapan kaming mag-set up ng tent. Palibhasa, first time ko. Matagal ko nang nabili ang tent na iyon, pero ngayong lang maia-assemble. Nang ma-gets ko ang instructions, nasabi kong madali lang pala.

Nagtimpla ng GSM Blue at lime juice si Bernard. May dala pala siyang pitsel. Grabe siya makainom. Halos siya ang nakaubos. Isang baso lang yata ang nainom ko. Hayun, nalasing siya.

Wrong timing lang dahil umulan. Hindi ko siya nasamahang maligo. Nilamig ako. Nanginginig ang mga laman ko kahit naka-jacket na.

Past 6 pa lang, nakatulog na si Bernard. Hindi na naalala ang sinabi niyang kakain kami ng dinner. Hinayaan ko na lang siyang matulog kasi sabi niya wala pa siyang tulog simula kaninang 12 am. Nagkape na lang ako at nag-Nova. Bukas pa naman ako dahil sa buffet. Bukas na lang ako babawi.

Habang nagpapaantok, naglakad-lakad ako sa resort. Ang ganda naman ng ambience kapag gabi na. Nag-selfie-selfie ako. Eleven na ako pumasok sa tent.

Disyembre 18, 2022

Hindi ako nakatulog nang maayos. Una, dahil sa sobrang lamig. Beach towel lang ang sapin ko. Kahit naka-sweat pants at hoodie na ako, malamig pa rin. Pangalawa, maingay ang paligid. Nagdatingan ang mga resort clients bandang 10 pm. Saka lang sila nagsimulang mag-party-party. Pangatlo, hindi ako komportable sa higaan. Walang unan. Walang kutson. Napasok ng ulan ang tent kaya basa ang sapin. Hindi naman yata waterproof ang tent. Coleman pa naman. O sadyang malakas lang ang ulan.

Naawa naman ako kay Bernard kasi towel lang ang kumot niya. Basa ang damit niya kasi naligo. Ayaw niyang gamitin ang isusuot niya pauwi. Wala siyang sapin at unan.

Six, bumangon na ako. Mas naunang bumangon si Bernard.

Naglakad-lakad kami at nag-picture-picture. After one hour, all set na kami para umuwi.

Niyaya niya muna akong mag-almusal sa isang malangaw na karinderya sa Amaya I. Dahil walang dinner kagabi, kumain pa rin ako.

Past 9, nasa bahay na ako. Kagigising lang ng mag-ina ko, kaya nag-aalmusal pa lang sila. Nagligpit lang ako ng mga dala-dala ko, saka ako umakyat para matulog. Twelve na ako bumaba para mananghalian. After niyon, nagpaa tok ako sa panonood ng Wednesday. Nakatulog uli ako. Past 5 na ako bumaba para maligo.

Past 5:30, lumabas ako para bumili ng cat food at para magpagupit. Ang kaso, wala nang bukas na barber shop.

Pagdating ko, nag-digital illustrate ako. Maaga rin akong umakyat para magpahinga uli. Kailangang makabawi ako sa ilang buwang pagod at puyat.

Disyembre 19, 2022

Ako ang gumising nang maaga para maghanda ng almusal at upang maghanda sa pag-alis. Christmas Party naming Tupa Group ngayon.

Past 9, nakaalis na ako sa bahay. Maaga akong umalis kahit 12 pa dapat ako nasa bahay ni Ms. Krizzy, kung saan gaganapin ang party namin. Sakto lang naman ang dating ko kahit ako ang naunang dumating. Nakabili pa nga ako ng cake.

Magkakasabay na dumating sina Ma'am Edith, Ma'am Mel, at Ate Jing, ang bago naming member. Late na dumating si Ate Bel. Hindi naman makakarating sina Putz at Papang. Si Ma'am Divine, nag-ambag lang. Nasa flight siya ngayon patungong Davao.

Ang sasarap ng pagkain namin. Kasinsarap ang mga iyon ng kuwentuhan namin. Wala kaming gumawa kundi ang kumain, tumawa, kumain, at tumawa. Busog na busog ako. Seven na kami natapos. Worth it ang ambag ko na P600.

Next year, sa Bohol na kami magpa-party, kaya naoagkasunduan naming mag-ipon challenge. In fact, nagsimula nang magpatago ng ipon si Ma'am Edith. Ako ang treasurer nila. Tamang-tama, sa regalo ni Ma'am Edith sa amin na Budget and Bill Organizer ililista ang ipon ng bawat member.

Tumambay muna ako saglit sa PITX bago ako bumiyahe pa-Tanza. Nagsulat ako ng pang-update sa Wattpad. Kahit paano, mahaba-haba ang naisulat ko.

Pagdating ko, 9 pm na. Nag-aabang pala si Mama ng pasalubong. Mabuti, pinabalutan kami ng minatamis na saging.

Disyembre 20, 2022

Seven na ako nagising. On the way na rin sina Ma'am Veronica at Sir Edwin para i-therapy si Mama. Agad ko namang pinag-almusal si Mama pagkatapos kong magprito ng itlog.

Past 9 na sila dumating. Past 9:30, naligo ako para kung iti-therapy rin ako, nakahanda na ako. Umakyat muna ako para manood ng Wednesday.

After ng therapy kay Mama, pumunta naman sila kina Ma'am Jenny para i-therapy si Ma'am Penggay. Nakatipid ako ng P1,000. Sa halip kasi na magbabayad ako ng P2,000, may iba silang client. Binigay ko na lang ang 5 kilong bigas sa kanila. Galing iyon sa Barangay 18 sa Pasay. Hindi naman sila lugi sa amin.

Maghapon akong nasa kuwarto. Nanood. Umidlip. Pagkatapos magmeryenda, tinapos ko ang digital illustration sa ikapitong akda ko sa booklet project. Then, sinimulan ko agad ang ikawalo. Dahil madali lang, natapos ko rin agad bago mag-dinner.

Habang nagpapatunaw ng kinain, nanood ako ng Netflix series na Juvenile Justice. Kdrama. Nagandahan ako sa istorya.

Disyembre 21, 2022

Before 7, gising na ako. Nag-cp muna ako bago bumaba.

Habang nagkakape, nanonood ako ng mga Reels sa FB. Then, sinimulan ko na ang paglalaba. Nagpokus ako para mabilis akong makatapos.

Bale apat na salang ako. Tambak pala ang mga labahan ko. Ang ikaapat ang mga floor mats.

Nakabisita pa ako sa garden ko, habang nagba-brush si Emily ng sahig sa garden. Ang kapal na ng lumot.

Pagkatapos maglaba, gumawa ako ng vlog. Nilagyan ko ng voiceover mula sa Narakeet ang PPT ko. Then, nanood na ako ng Juvenile Justice. Maghapon. Gabi na uli ako gumawa ng vlog, habang nagluluto.

Nagustuhan din ni Emily ang pinanonood ko. Nakinood siya. Kaya lang, mas gusto kong manood mag-isa.

Disyembre 22, 2022

Pagkatapos mag-almusal, sinimulan ko kaagad ang general cleaning sa kuwarto ko. Grabe alikabok! Palibhasa, naging busy ako. Gayunpaman, nagawa kong mabango at dust-free ang kuwarto ko. Since, hindi na dumudumi sa cat litter si Herming, binaba ko na iyon, pati ang cat food bowl niya. Ibinalik ko na ang carpet. Naging maaliwalas na ang kuwarto ko. Ang sarap nang tumambay, lalo't malamig na ang panahon.

Past 1:30, almost done na ako. Nagpahinga muna ako at umidlip. Paggising ko, naligo at naghanda ako sa pag-alis.

Nagpa-GCash ako ng pambigay kina Hanna at Zj. Then, dumiretso ako sa Puregold. Bumili ako roon ng Affordabox. Nag-grocery na rin ako. Past 5 na ako nakauwi. Agad kong ininstall ang black box.

Bago matulog, nanood muna ako ng Juvenile Justice.

Disyembre 23, 2022

Nakaalis na sina Ion at Emily nang bumangon ako. Mga 6:30 sila umalis. Seven naman ako bumangon.

Nag-almusal lang kami ni Mama, saka nagsimula na akong maglinis sa hagdan. Mabilis ko lang iyon nagawa, kaya sinimulan ko naman ang paglilinis at pag-rereorganize sa garden. Inilipat ko ang garden set sa may pintuan. Gusto kong maging functional iyon.

Nagluto ako ng nilagang buto-buto ng bahay para sa aming tanghalian, kaya busog na busog ako. Inantok ako pagkakain, kaya late na ako nakaligo.

Pagkatapos maligo, inantok naman ako. Pinagbigyan ko, kahit gusto ko pang manood ng KDrama.

Bago ko tinapos ang paglilinis sa garden, inayos ko muna ang damitan ko. Andami kong damit! Ang hirap itago sa cabinet.

Gabi na ako natapos sa garden. Actually, hindi pa masyadong tapos. Pero, worth it naman. Lumawak. Umaliwalas. Ang sarap nang tambayan. Ang lamig nga lang sa labas.

After dinner, nanood ako ng Juvenile Justice, habang hinihintay ang mag-ina ko.

Disyembre 24, 2022

Napuyat ako kagabi dahil sa kahihintay kina Emily at Ion. Nag-missed call lang siya kagabi. Walang net kaya hindi ko nasagot. Hindi ko alam kung makakauwi o hindi.

Eight na ako nagising. Naghihintay na si Mama nb almusal.

Pagkatapos naming mag-almusal, nag-ayos uli ako sa garden. Mas maganda na ngayon kaysa kahapon.

Then, nanood na ako ng Alice in Borderland Season 2. Naabutan nga ako ng mag-ina ko habang nanonood. Two-thirty na sila dumating.

Nang inantok ako, umakyat din ako. Natulog din ako, gaya nila. Past 5 na ako bumaba para magmeryenda.

Paggiging ng mag-ina ko, inutusan ko silang bumili pa ng mga pandagdag sa handa.

Nagluto ako ng pansit canton para sa dinner, kapartner ng chicken inasal.

At habang naghihintay ng tamang oras para magluto ng spaghetti, nanood ako ng Netflix series.

Natulog na ang mag-ina ko. Hindi na nila nasalubong ang Pasko. Kami na lang ni Mama ang kumain sa Noche Buena. Okay lang naman.

Disyembre 25, 2022

Pagkatapos naming kumain ni Mama, natulog na kami. Hindi nga lang mahimbing dahil sa mga nag-iinuman at nagkakaraoke sa tapat namin. Hanggang umaga sila. Eight na yata natapos.

Past 8, bumangon na ako. Nakapag-almusal na si Mama. Maagang nagising si Emily. Siya na ang nag-init ng mga pagkain.

Nag-stay ako sa garden hanggang past 9. Then, umakyat na ako para manood ng Alice in Borderland. Maghapon akong nanood nito hanggang sa matapos ko. Worth it! At siyempre, food trip kami maghapon.

Gabi, nag-movie marathon naman ako sa garden. Sobrang lamig nga lang kaya hindi ko na natapos doon ang ikalawang movie. Dumating na rim kasi si Kuya Emer.

Binayaran niya ako ng P10,000. Kalahati lang sa principal amount na nahiram niya.

Past 10:30 ko natapos ang 'Luck,' nakatulog kasi ako.

Disyembre 26, 2022

Kahit pagising-gising ako magdamag dahil sa sakit sa likod, marami pa rin akong panaginip. Hindi ko maalala ang mga iyon pero parang totoo at mga mangyayari sa susunod na araw. Ang gaganda. Kaya nga parang pagod na pagod ako. May mga nilalakad at inaakyat. Tiyak, mga pagsubok iyon sa buhay

Past 7:30 na ako nagising. Ako na ang naghanda ng almusal namin kasi natulog uli si Emily pag-alis ni Kuya Emer.

Pagkatapos mag-alnusal, nagdilig lang ako ng mga halaman, then nanood na ako ng Pinocchio.

Ako uli ang nagluto ng lunch namin. Sinigang na ham ang ulam namin. Masarap naman.

Ngayong araw, nagsulat ako para may update ako sa Wattpad. May isang follower akong naghihintay niyon, kaya sinikap kong makapag-post ngayong araw kahit na-hook ako sa Kdrama series na 'Weak Hero- Class1.'

Past 9:30, huminto na ako sa panonood para matulog na. Masama raw ang pakiramdam ni Emily kaya ako ang magluluto ng almusal bukas. Okay lang naman kasi aalis ako bukas. May therapy session pa si Mama. At ipapaayos pa namin ang bubong ng kusina dahil kinalawang at butas na. Kapag umuulan, parang may falls.

Disyembre 27, 2022

Ang gaganda na naman ng panaginip ko, kaya hindi ko na naman naalala, lalo na't kailangan kong bumangon nang maaga para maghanda ng almusal.

Mabilis akong nakapaghanda ng almusal. Kumain na rin ako para makapagplantsa. Then, nahainan ko na rin si Mama ng almusal niya bago nagising si Emily.

Past 8:30, nakaalis na ako sa bahay. Mabilis ang biyahe kaya past 10, nasa school na ako. Si Ma'am Edith pa lang ang naroon.

Past 11, na namin na-claim ang SRI namin. Umalis rin ako agad.

Namili ako ng panregalo kina Mama, Emily, at Ion. Kahit mabigat ang Christmas package, naghanap ako ng magaganda at affordable na items. Shorts kay Ion. Pajamas naman sa dalawang babae ang mga nabili ko.

Nag-stay muna ako sa PITX. Doon na rin ako nag-lunch bago umuwi.

Past 2 pm na ako nakarating sa bahay. Masaya ako kasi marami akong pasalubong at natuwa sila sa mga dala at binigay ko.

Hapon, sa halip na matulog at magpahinga, nanood ako ng Weak Hero-Class 1. Ipinagpatuloy ko ang panonood pagkatapos maghapunan.

Disyembre 28, 2022

Nang gumising nang maaga ang mag-ina ko para sa pag-alis nila, hindi na rin ako nakatulog. Naririnig ko ang usapan nila, kasama si Mama.

Past 6:30, nag-on na ako ng internet. At hindi nagtagal, bumangon na ako para maghanda ng aming almusal. Nakaalis na ang mag-ina ko.

After magdilig ng mga halaman, sinimulan kong panoorin ang Netflix series na 'Revenge of Others.' Kdrama ito, kaya interesting ang plot. Maghapon hanggang gabi ko ito pinanood. Hindi muna ako gumawa ng vlog o nagsulat.

Disyembre 29, 2022

Naglimas na naman ako sa kusina dahil tumulo na naman. Mabuti nga't umaga na nang bumuhos ang ulan at hindi gaanong malakas. Kailangan ko na talagang ipaayos ang bubong. Kakainis lang kasi ipinakita na naman sa kapitbahay naming may mga sariling trabahador, pero hindi interesado sa repair lang. Palibhasa, parang contractor siya. Pangmalakihang proyekto lang siya. Anyway, umorder na ako sa Lazada ng magic tape na kayang magtapal ng mga butas na yero. Nag-iipon pa ako ng budget para sa pagpapa-slab ng kusina at banyo.

Ngayong araw, panonood uli ng Korean series ang inatupag ko. Tinapos ko ang 'Revenge of Others.' Then, sinimulan ko ang 'Connect.' Ang galing talaga ng South Korean sa paggawa ng series o movie!

Disyembre 30, 2022

Ang sarap sanang matulog, pero kailangan ko nang bumangon para maghanda ng almusal st maglaba. Nauna pa ngang nagising si Mama kaysa sa akin. Kaya, habang nagsasaing, nagsisimula na akong maglaba. Double time, kumbaga. Past 9, tapos na akong maglaba.

Ngayong araw, nakakuha ako ng giant African land snail sa garden. Ginusto kong alagaan iyon gaya ng napanood ko sa YT. Natuwa nga ako nang kinain nito ang balat ng pipino.

Natapos ko bago mag-lunch ang 'Connect.' Ayos! At, hapon, pagkatapos maligo, sinimulan kong panoorin ang 'Reborn Rich.' interesting uli ang plot nito. Nasa Episode 2 pa lang ako, napaiyak na ako nito. Andaming aral akong natutuhan.

Past 8:30 na dumating ang mag-ina ko. Masama ang pakiramdam nila. Mabuti kauwi na sila bago sila abutan ng New Year.

Disyembre 31, 2022

Pagkatapos kong mag-almusal, umalis agad ako para mag-grocery sa Puregold. Andaming tao at ang haba ang pila kaya natagalan ako kahit isang basket lang ang pinamili ko.

Pagkauwi ko, agad din akong umalis para mamili ng mga gulay,.prutas, at karne. Pagbalik ko, sinimulan ko na ang pagluto ng aming pananghalian. Si Emily naman, ang salad ang inihanda.

After lunch, inantok ako kaya pinagbigyan ko ang mga mata ko. Kahit paano nakaidlip ako.

Past 2:30, nagluto ako ng biko. Natagalan lang kasi nagpabili pa ako ng brown sugar.

Sunod-sunod na ang pagluluto ko. Ipinapahinga ko lang ang induction cooker baka mag-overheat. At habang nagpapahinga, nanonood ako ng 'Reborn Rich.'

Past 11 na ako nakatapos magluto ng spaghetti.

Simple at tahimik lang ang pagsalubong namin ng Bagong Taon. Kinalma ko rin si Herming sa kuwarto habang nai-stress sa ingay ng mga paputok. Sinamahan ko siya hanggang sa humina. 


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...