Bilang mag-aaral sa Grade 6, nahihirapan si Martino sa kaniyang mga aralin, lalo na’t apektado siya ng mga problemang pampamilya. Hindi siya makapokus sa klase dahil punong-puno ang isip niya ng mga bagabag. Palagi siyang nag-iisip ng mga solusyon para makatulong siya sa kaniyang mga magulang. Ayaw niyang nakikita at naririnig ang kaniyang ama at ina nagsisigawan at nagsasakitan.
Pagkatapos nilang
maghapunan mag-ina, hinarap na niya ang kaniyang mga takdang-aralin. Inuna niyang
gawin ang gawain sa Araling Panlipunan at Filipino. Balak naman niyang
magpaturo sa Math sa kaniyang ina. Kaya nang matapos ang gawain sa dalawang
asignatura, tinungo niya ang ina sa sala.
“Mama,
paturo po ako,” sabi niya. Dalawang beses na niyang sinabi iyon, pero parang
walang narinig ang kaniyang ina. Naunawaan naman niya iyon, kaya naghintay
siyang matapos itong mag-chat.
Pagkatapos
ng isang chat, pumindot uli ang kaniyang ina sa cell phone nito.
Naisip niyang ka-chat nito ang kaniyang ama—na dapat ay kanina pa
nakauwi.
Madalas
ginagabi ng uwi ang kaniyang ama, kaya madalas din ang pag-aaway ng kaniyang mga
magulang.
Isang gabi,
umuwing lasing ang ama ni Martino. Bukod pa rito, kakarampot na lang ang perang
sinahod nito sa trabaho dahil ipinang-inom sa beerhouse. Kaya naman,
nagalit ang kaniyang ina. Pinagsasampal nito ang kaniyang ama hanggang sa
mag-away at makasakitan sila.
Nang gabing
iyon, hindi siya makaalis sa kaniyang kinatatayuan. Gusto niyang ihakbang ang
kaniyang mga paa upang lapitan sila. Tila wala ring lumalabas na boses sa
kaniyang bibig. Ilang beses na siyang sumigaw ng “Tama na! Tama na!” Subalit hindi
siya pinakikinggan ng mga ito.
Tumigil
lang ang dalawa nang sugatan na ang bibig ng kaniyang ina, at namimilipit sa
sakit ang kaniyang ama dahil sa tadyak sa harap.
“Kailan ka
ba titino, Marcus?” naiiyak na tanong ng kaniyang ina. “Lumalaki na ang anak mo.
Gusto mo bang gayahin ka niya? Mahiya ka naman.”
“Wala akong
ginagawang masama,” tugon ng ama. “Ikaw ang dapat mahiya. “Iyang makitid mong
utak ang dapat mong baguhin kasi kapag hindi na ako makapagtimpi, iiwanan n
akita.”
“E, `di
iwanan mo! Kaya kong buhayin si Martino nang mag-isa. Kung ganitong buhay lang
naman ang maibibigay mo sa amin, di bale na lang.”
Lumabas na
ang kaniyang ina. Dumaan ito sa kaniya, sa may pintuan, pero hindi niya
naramdamang nasagi siya nito.
“Mama?
Mama!” tawag niya, pero hindi ito lumingon. “Si Papa…” Hindi pa rin makatayo
ang kaniyang ama. Gusto niya itong lapitan at tulungan, pero mas matimbang ang
kaniyang ina.
“Bumalik ka
rito!” sigaw ng ama.
Akala niya,
siya ang sinabihan, kaya huminto siya, saka bumalik sa kuwarto. “Papa, bakit
po?”
“Bumalik ka
rito, Cristina!”
Hindi siya
ang tinawag nito, kaya umalis na siya nang nagtataka. Parang hindi siya
nakikita ng kaniyang ama.
Sa sala,
naabutan niyang umiiyak ang kaniyang ina, habang dinadampian ng ice bag
ang bibig nito.
“Mama, okey
ka lang po ba?” tanong niya.
“Sawang-sawa
na ako sa buhay na ito. Parang hindi ko na kaya,” sambit ng ina.
Awang-awa
na siya sa kaniyang ina. Marami beses na niyang nakikita itong nasasaktan.
Natuto na nga itong lumaban. Tumibay na nga ng katawan nito sa pananakit ng
ama. At sa tingin niya, malapit na itong mawalan ng pakiramdam.
“Walanghiya
siya! Nagagawa pa niyang magloko sa kabila ng kahirapan sa pamumuhay. Sana
pinayagan niya na lang akong magtrabaho kesa umasa sa kakarampot niyang suweldo,
na ipinambibisyo pa.”
Akala niya,
kinakausap siya nito. Natigilan siyang bigla.
“Mabuti na lang,
tulog na si Martino. Hindi na niya narinig ang away namin. At hindi na niya nakita
ang sakitan namin.”
Nakurot
niya ang kaniyang pisngi. “Gising ako, Mama.”
“Nawawalan
na rin ako ng panahon sa kaniya dahil sa mga problema. Diyos ko, tulungan mo ako,”
patuloy ng ina. Lalo pa itong ngumuyngoy.
“Mama, tama
na.” Tinapik niya ang balikat ng ina, ngunit nakita niyang hindi nito
naramdaman ang kamay niya.
Tumayo ang
ina. Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa mapansin niyang patungo ito sa
kaniyang kuwarto.
Naguguluhan
siya. Bakit hindi siya nakikita ng kaniyang mga magulang? Napapikit siya upang
isipin ang nangyari sa mga nakalipas na sandali.
Bumukas ang
pintuan. Ipinikit ni Martino ang kaniyang mga mata upang hindi malaman ng
kaniyang ina na gising pa siya, at hindi nito isiping narinig at nakita niya
ang lahat.
Marahan at
maingat na lumapit ang ina niya sa kaniya. Inayos nito ang kumot na nakatapik
sa kaniyang katawan. Ramdam niya ang pag-aalala nito sa kaniya, ngunit wala
itong binigkas ni isang salita hanggang tahimik itong lumabas sa kuwarto.
Sa mga sandaling
iyon, wala pa rin siyang makapang paliwanag kung bakit narinig at nakita niya ang
mga pangyayari kanina. At lalong gumulo ang isipan niya nang makita ang sarili
na nakahiga sa kama.
Tiningnan
niya ang oras sa wall clock. Pasado alas-diyes na ng gabi. Oras na nga upang
matulog siya. Natanaw pa niya ang kuwaderno sa Mathematocs at iba pang mga gamit
sa kaniyang study table.
Bumigat pa nang
husto ang kalooban niya dahil naalala niyang hindi pa rin niya kayang sagutin
ang Math problems. Gusto niyang umiyak dahil sa mga problemang pampamilya,
kasabay ng pag-atake ng problemang pampagkatuto.
Muling
niyang ipinikit ang mga mata, kasunod ang malalim na paghinga. Umusal siya ng
dasal para sa Panginoon. Hangad niya ang mga kasagutan sa kaniyang katanungan
at mga solusyon sa kaniyang mga problema.
Hindi agad
dinalaw ng antok si Martino. Sa halip na mabugnot, sinamantala niya iyon upang
magplano. Naisip niyang kailangang gumawa siya ng paraan upang mahinto na ang
kaniyang ama sa pagbibisyo.
Bago siya
nakatulog, buo na ang kaniyang loob. Planado ang gagawin niya.
-------
“Madlangdiwa,
Martino,” rollcall ng kaniyang guro.
“Present!” mabilis niyang sagot.
“Nasaan ka?”
“Nandito,
Sir.” Itinaas pa niya ang kaniyang kamay.
“Kanina,
wala ka sa upuan mo.”
“Kanina pa
po ako nandito.”
“Okay!” Napailing na lamang ang guro. Saka
nito itinuloy ang pagtsek ng attendance.
Dumadagundong
ang dibdib ni Martino nang tumayo na ang kanilang guro. Ugali pa naman nitong
mag-check ng assignment bago magsimulang magturo. Tiyak na
mapapagalitan na naman siya nito.
“Okay!
Let’s check your assignment,” deklara nito. “Martino, please right your answer on the board.”
Napapikit
na lamang si Martino. Inisip niyang nasa kuwarto siya—nakatalukbong pa rin ng
kumot.
--------
“O, Martin,
hindi ba’t nagpaalam ka kanina sa akin. Bakit nandito ka?” tanong ng ina
pagkatapos nitong itaas ang kumot, na nakataklob sa katawan niya.
Parang
napipi si Martin.
“May lagnat
ka ba?” Hinipo ng ina ang kaniyang leeg at noo. “O, parang may sinat ka.
Mabuti, hindi ka na pumasok. Sige na, hubarin mo na iyang uniporme mo, at
magpalit ng pambahay. Kukuha ako ng gamot para makainom ka.”
Labis ang
pagtataka ni Martino sa sarili. “May kakayahan ba akong mag-teleport at maging
invisible?” tanong niya.