Followers

Monday, January 13, 2025

Antidote (Buod ng SciFic)

 Antidote

 

Nagsulputan ang mga taong tulala, pagkatapos ang sunod-sunod na kidnapping sa Pilipinas. Noong una, inakala ng mga tao na ang pagkatulala ng mga biktima ay dahil sa trauma, subalit natuklasan ni Professor J na ito ay dahil sa pagkawala ng kanilang memorya at epekto ng gamot na itinurok sa mga ito. Ibinibenta sa black market ang mga nakuhang memorya para sa isang eksperimento.

 

Bunga nito, gumawa si Professor J ang antidote upang manumbalik ang ulirat ng mga biktima. Una, hindi nagtagumpay ang kaniyang pormula. Sunod, nakapagsalita na ang mga biktima, subalit hindi pa rin sila nakaalala.

 

Naglaan si Professor ng mahabang oras sa kaniyang laboratoryo upang makuha ang tamang timpla ng gamot. Doon, ibinuhos niyang lahat ang kaniyang oras, lakas, kaalaman, at dedikasyon upang makatulong sa mga problema ng bansa.

 

Dahil sa panunumbalik ng kaniyang alaala, na matagal na nawala sa kaniya dahil sa grupo ng mga doktor na nag-aral sa utak niya, sa wakas, nakagawa siya ng perpektong formula.

 

Kasunod ng tagumpay na mapanumbalik ang memorya ng mga biktima ng kidnapping, nahuli ang lider ng sindikato sa likod nito.

 

 

Ang Tatlong Kulay ng Tao sa Mundo (Mito)

 Ang Tatlong Kulay ng Tao sa Mundo

 

Si Sanghiyang ay diyos ng mga apoy. Nilikha niya ang mundo at mga nilalang dito mula sa mga luwad na hinuhulma at hinuhurno.

 

Pagkatapos niyang likhain ang kalawakan, katubigan, kalupaan, at mga nilalang na may buhay, nagpahinga siya.

 

Kinabukasan, naisipan niyang lumikha ng kawangis niya. Gumawa siya ng pigurang luwad, saka niya isinalang sa hurno.

 

“Naku, nasunog!” bulalas niya. Bigo man, pero hinipan niya iyon, kaya naging tao.

 

Sa sumunod na araw, gumawa uli siya ng pigura ng tao mula sa luwad, saka muling isinalang sa hurno. Dahil sa takot na masunog, hinango niya agad iyon.

 

“Hala, ang puti naman niya.” Hinipan niya iyon, kaya naging tao.

 

Sa ikatlong araw, naging maingat siya sa paghuhurno sa ikatlong pigura. Binantayan niya iyon maghapon.

 

“Wow! Tamang-tama ang kulay niya-- kayumanggi.” Hinipan niya iyon, kaya naging tao.

 

Tinawag niya ang tatlong tao. Nagbigay siya ng mga kautusan.

 

“Salamat po, Sanghiyang,” sagot ng tatlo.

 

“Sige na, humayo kayo’t magpakarami. Alagaan ninyo ang ating mundo.”

Alamat ng Sampalok

Alamat ng Sampalok

 

Noong unang panahon, sa isang malayong nayon, may isang mayamang babae na kilala sa kasamaan ng ugali. May tatlo siyang anak na lalaki-- sina Sam, Pal, at Lok.

 

Labis na ipinagmamalaki niya ang kaniyang mga anak. ‘‘Mga kumpare at kumare, tingnan ninyo ang aking mga anak. Hindi ba’t kay gagandang lalaki?“

 

Mabilis na sumang-ayon ang mga kaibigan ng donya.

 

“Sa susunod na linggo, magdiriwang sila ng kanilang ikalabingwalong kaarawan. Malugod ko kayong inaanyayahan dito sa aming mansiyon para sa masaganang piging,“ dagdag pa ng donya. 

 

Sa araw na iyon, posturang-posturang dumating ang mayayamang kaibigan ng pamilya. Engrande ang handaan ng magkakapatid. Marami at masasarap ang nakahaing pagkain. Nag-imbita pa ng sirkero, payaso, ay madyikero ang donya upang magpasaya ng mga bisita.

 

Sa kalagitnaan ng kasiyahan, biglang pumasok sa bulwagan ang matandang lalaki.

 

“Parang awa niyo na. Pahingi ng kaunting pagkain at maiinom,“ sabi nito.

 

Agad na kumuha ng pagkain sa dulang si Sam. Kumuha naman ng maiinom si Pal. Samantalang, maingat na pinaupo ni Lok ang matanda habang naghihintay.

 

Nakita ng ina ang ginawa ng tatlong anak, kaya nilapitan at galit na pinagtulakan ng donya ang matandang lalaki. “Ang baho mo! Lumayas ka rito, hindi ka imbitado.“

 

Nagalit din ang donya kina Sam, Pal, at Lok. Sinabi niyang hindi dapat sila  magbigay ng kahit ano sa mga mahihirap.

 

“Hindi ka na nadala, Donya Ingrid... Nawala na ang iyong esposo dahil sa kasamaan mo. Ngayon ay posibleng mawala ulit sa `yo ang mga anak mo,“ mahinahong sabi ng matanda bago ito tumalikod.

 

Nagtatalak pa ang donya habang lumalayo ang matandang lalaki. Kung ano-anong masasakit na salita ang sinabi niya.

 

Napahiya nang sobra ang magkakapatid, kaya isang araw ay namalayan na lang ng donya na wala na ang kaniyang mga anak.

 

Sa paglipas ng mga anak, may tumubong puno sa tapat ng kanilang mansiyon. Maliliit ang mga dahon nito. Ang mga bunga naman ay maasim. Ang kulay ng mga buto nito ay katulad ng kulay ng mga mata ng kaniyang mga anak. Naniwala siyang sinumpa siya ng matandang lalaki, kaya sina Sam, Pal, at Lok ay naging puno.

 

Simula noon, tinawag na sampalok ang punong iyon.

Ang mga Tawag ni Ginang Mateo (Diyalogo)

 

Ang mga Tawag ni Ginang Mateo

 

Nasa opisina na si Ginang Mateo, nang maalala niyang tawagan ang anak na si Lanz upang kumustahin.

 

Gng. Mateo: (Masigla) “Good morning, anak! Recess niyo naman, right? Kumusta? Kumain ka na ba?”

Lanz: (Matamlay)Good morning, `Ma.”

Gng. Mateo: “Bakit ang tamlay mo? Nasaan ka? Pumasok ka ba?”

Lanz: (Nataranta) “A, e… `Ma, okey lang po ako. May ginagawa po kasi ako.”

Gng. Mateo: “Ano’ng ginagawa mo? Hindi ka naman talaga ganyan kausap. Nasaan ka? Bakit ang tahimik diyan? Pumasok ka ba o hindi?”

Lanz: “`Ma, sorry po… kung… kung hindi po ako pumasok ngayon. Masama po kasi ang pakiramdam ko.”

Gng. Mateo: “E, bakit parang gusto mo pang magsinungaling? May problema ba, Lanz?”

Lanz: (Mabilis na sumagot) “Wala po, `Mama. W-wala po.”

Gng. Mateo:Sure ka?” (Medyo tumaas ang tono.) “E, kahapon, absent ka na kasi sabi mo may tatapusin kang project. Ngayon absent ka uli. Hindi mo ba alam na malaking epekto niyan sa pag-aaral mo? Sabay tayong nag-almusal, at sabi mo papasok ka, hindi pala… Hello, Lanz? Lanz? Nandiyan ka pa ba?”

Naputol ang tawag ni Gng. Mateo, kaya tinawagan niyang muli si Lanz. Subalit hindi na niya makontak ang anak, kaya si Ma’am Culombo na lamang ang kaniyang tinawagan.

Gng. Mateo: “Hello! Good morning, Ma’am Culombo! Kumusta po kayo?”

Ma’am Culombo: “Hello, good morning, Mrs. Mateo! Mabuti naman po ako. Kumusta po si Lanz?”

 

Gng. Mateo: “Iyan po ang dahilan ng pagtawag ko, Ma’am. Akala ko po, papasok siya. Dati-rati, sabay kaming lumalabas ng bahay—siya para pumasok sa school, at ako sa opisina. Nagkataon po kasing pumasok ako nang maaga, kaya hindi ko natiyak na pumasok siya.”

Ma’am Culombo: “Dalawang araw na po siyang absent.”

 

Gng. Mateo: “Yes, Ma’am. Kahapon po, nagpaalam siya sa akin. Tatapusin daw niya ang project niya sa subject niyo.”

Ma’am Culombo: “Naku, Mrs. Mateo, wala po akong project na ipinagawa sa kanila.”

 

Gng. Mateo: “Ay, ganoon po ba? So, nagdadahilan lang po pala si Lanz.”

Ma’am Culombo: “Siguro po… May ideya po ba kayo kung bakit siya nagsisinungaling sa inyo?”

 

Gng. Mateo: “Wala rin po, e. Very close sa akin si Lanz simula noong bata pa siya. Ako lang ang nag-aruga sa kaniya, since single parent ako. Lahat ng panahon at pagmamahal ay inukol ko sa kaniya.” (Gumagalgal ang boses niya.)Sorry po, Ma’am.”

Ma’am Culombo:It’s okay! Nauunawaan po kita.”

 

Gng. Mateo: “Salamat po!”

 

Ma’am Culombo: “Masayahin, aktibo, at marunong sa klase si Lanz, Mrs. Mateo. Ako man ay nagtataka sa inyong salaysay. Paano po ba ako makatutulong sa alalahanin ninyo?”

 

Gng. Mateo: “Nalulungkot po ako sa nangyayari. Natuto na po siyang maglihim o hindi magsabi ng totoo sa akin… Ang hiling ko po sana, Ma’am, na malaman natin ang dahilan. Naisip ko kasing dahil baka sa peer factor. Bullying. Ganoon po.”

 

Saglit na hindi narinig ni Gng. Mateo ang guro.

 

Ma’am Culombo: “Pasensiya na po, Misis. Nagpaalam muna ako sa mga bata. Nasa labas na ako ngayon ng classroom.”

 

Gng: Mateo: “Okey lang po. Pasensiya na rin po sa abala.”

 

Ma’am Culombo: “Wala po iyon. Tungkulin kong tiyakin na maayos ang kalagayan ng bawat mag-aaral, gaya po ng sitwasyon ni Lanz. Kaya willing akong makipagtulungan sa inyo para maayos natin ang lahat.”

 

Gng: Mateo: “Thank you very much, Ma’am Culombo!”

 

Ma’am Culombo: “You’re welcome, Mrs. Mateo. Tatawagan po kita kapag may nakuha akong impormasyon mula sa mga kaklase ni Lanz. At baka kailangan po nating mag-usap nang personal sa mga susunod na araw.”

 

Gng: Mateo:Yes po, Ma’am. I’m so willing to meet you personally. Maraming salamat!”

 

Ma’am Culombo: “That’s great! Bye, Mrs. Mateo.”

 

Gng: Mateo: “Bye, Ma’am Culombo. Have a great day!”

 

Ma’am Culombo:Have a nice day!”

 

Nakahinga nang maluwag si Gng. Mateo. Gayunpaman, nag-aalala siya sa kalagayan ng kaniyang anak. Naniniwala siyang may pinag-uugatan ang ikinikilos ni Lanz, kaya kailangan niyang gumawa ng hakbang upang matukoy iyon at masolusyunan. Subalit hindi muna niya tinawagan ang anak. Kakausapin na lamang niya ito pag-uwi niya.

 

Ang Aking Pamilya

Sa umaga, sa akin, sila ang nanggigising

Matatamis na ngiti ang ibinibigay sa akin

May sinangag nang almusal na nakahain

Samahan pa ng pritong itlog at isdang daing

May sawsawan pang sukang maasim

Kay sarap ng aming pagsasaluhang pagkain!

Ganyan kami sa munting tahanan namin.

 

Sa aming bahay, dumadali ang mga gawain

Nagtutulungan at naghahati-hati sa gampanin

Si Kuya, bakuran nami’y kayang-kayang linisin

Si Ate, nakatoka sa mga labahin at hugasin

Ako nama’y laging handa—bunsong matulungin

Anoman ang kanilang ipagawa, aking gagawin.

Huwag lang magluto dahil hilig ko lang ay kumain.

 

Sa panahong ang pamilya namin ay may suliranin,

Si Nanay at si Tatay ay nananatiling matatag pa rin

Kanilang pagmamahal ang nagpapalakas sa amin

Gaano man kalakas ang bagyong dumating,

Tahanan nami’y gigiwang, subalit hindi daraing

Pagkat ang haligi at ilaw ng tahanan, aming kapiling

Umulan-umaraw, palagi silang nagniningning.

 

Sa gabi, bago kami matulog nang mahimbing,

Sama-sama kaming nagpapasalamat, nananalangin

Pamilya namin, nawa’y maging malusog, ‘di sakitin

Pamumuhay na simple ang tangi naming hiling

Palaging masaya, maging sa mga araw na darating

Anomang hirap at ginhawa ay aming tatanggapin

Sa pamilyang nagmamahalan, walang hindi kakayanin.

 

Ang Mommy Ko

Hindi maramot ang mommy ko

Hindi niya binibili ang aking gusto

Ang sabi niya, “Masarap kainin ito”

“Masustansiya, kaya lulusog ka nito.”

“Huwag ‘yan, baka ikaw ay lumobo.”

Hindi ako magdadabog, nagrereklamo

Alam kong mabuti ang kaniyang gusto

Iniisip niya lang ang kalusugan ko.

 

Hindi masungit ang mommy ko

Palihim niyang sinasaway ako

At may kurot pang pinong-pino

Kaya agad na titigil ako, saka uupo

Bago tatahimik, saad ko’y “Sorry po.”

Inis niya’y para lang namang ipuipo--

Mabilis mawawala at maglalaho

Love na love pa rin niya ako.

 

Sobrang maunawaain ang mommy ko

Mga pagkakamali ko, ako’y natututo

Pangaral niya, aking isinasapuso

Aniya, “Paglaki mo’y malalaman mo.”

“Kaya makinig nang mabuti sa aking payo.”

Ganyan ang gawin mo. Dapat ganito.

Huwag mong gawin iyan. Hindi ganito.

Hayan, linyahan n’ya’y akin nang kabisado.

Sa Malayo

Mabigat ang loob na umalis ang ina

Puso niya’y tila mabibitak sa pagluha

Subali’t kung `di lilisan lalong maaawa

Sa mahirap ng kalagayan ng pamilya.

 

Bitbit ay magkahalong takot at pangamba

Mahal sa buhay ay tuluyang iiwan niya

Kapalit ng panandaliang saya’t ginhawa

Sa ibayong dagat, ibang lahi ang kasama.

 

Tanging hinihiling sa Diyos ay pag-asa

Mabilis na makaahon, at sumagana

Kahit pa napakatagal na mawawala

Sa piling ng sintang mga anak at asawa.

 

Anomang sakit, pagod at pangungulila

Ang kaniyang danasin sa malayong bansa

Kailanman hindi siya susuko at magsasawa

Upang pangarap ay makamit lamang niya.

 

 

Munting Tahanan

Hindi ko ipagpapalit ang aking pamilyang masaya

Sa anomang materyal na bagay, kahit na mahalaga

Mapait at maasim man minsan ang aming buhay,

Pero hinding-hindi kami susuko’t maghihiwa-hiwalay.

 

Kami’y laging handa may suliranin mang kahaharapin,

Bawat isa’y magiging matatag, magiging matulungin

Kami’y nagtutulungan kahit simple ang pamumuhay

Sa munti naming tahanan ay pag-ibig ang nananalaytay.

Magkaisang Umunlad

Pambansang pagkakaisa ang solusyon sa matagal nang suliranin

Kapag ang bayan ay sama-sama, ang tagumpay ay tiyak na darating.

 

 

Sa pagkakaisa at sa pagtutulungan, ang lahat ay kayang abutin

Kahit ang buwan at mga bituin ay kayang-kayang sungkutin

 

 

Sa isang kahoy, hindi puwedeng bumangga ang dalawang itak.

Kaya iwasan ang hidwaan upang hindi magkawatak-watak

 

 

Ang bawat isa ay may kani-kaniyang papel sa pagkakaisa.

Kung ang lahat ay kikilos, kaunlara’y maghahari sa ating bansa.

 

 

 

 

 

 

 

 

Kapag ang bayan ay sama-sama, ang tagumpay ay tiyak na darating.

 

Sa pagtutulungan, ang lahat ay kayang abutin

 

Sa isang kahoy, hindi puwedeng bumangga ang dalawang itak.

 

Ang bawat isa ay may kani-kaniyang papel sa pagkakaisa.

Maghintay at Mag-abang

Kung buhay mo’y tila walang ningning.

At naglaho ang kislap ng mga bituin.

Tumingala sa langit, huwag maninimdim

Pagkat kahit ang buwan sa gabing madilim

Ay nagniningning, nagtataglay ng sining

Ang araw kung sumikat, lulubog man din

At sa bawat dilim, may liwanag na darating.

 

Kung kabiguan ay madalas mong mapala

At animo’y kay layo ng mga tala,

Huwag kang malumbay at mangamba

Pagkat parang bituin ang pag-asa,

Kahit hindi mo ito mahawakan at makita,

Alam mong nandoon ito—hinihintay ka.

Lumipad at tagumpay ay abutin na

Sa dako paroon, ika’y pumaimbulog pa.

 

Kung labis na kalungkutan, ika’y napipirat

Tinik ng rosas tinutusok ang iyong balat

Kaya sa puso mo’y nag-iiwan ng sugat,

Huwag kang titigil sa iyong pangarap

Dahil ang pag-asa ay parang bulaklak;

Kailangan itong alagaan upang mamukadkad.

Gumawa ng munting hardin, na humahalimuyak.

 

Tandaan na kapag lipos na ang kahirapan,

Siguradong malapit na ang kaginhawahan

Habang bata pa’y, magpunla ng kasipagan

Tiyak hindi ito mawawalan ng kabuluhan

Bulaklak at bunga’y siguradong makakamtam

Kaya patuloy na maghintay at mag-abang

Pagkat palaging nakatunghay ang Maylalang.

Tatay (Tula)

 

Totoo kitang minamahal, aking tatay

 

Aking pasasalamat, sa 'yoy inaalay

 

Tandaan n'yo, ika'y walang kapantay

 

Ako' sa 'yo'y lubos na nagpupugay

 

`Yan at aking pagmamahal na tunay.

 

Aking ama, haligi ka ng tahanan

 

Mahal ka namin, na iyong angkan

 

Ang puso namin, ikaw ang laman.

 

Inaalagaan mo kami nang mabuti

 

Maging sa araw o maging sa gabi

 

Kami’y iyong mapagmahal na iintindi

 

Kaming pamilya mo’y palaging katabi.

 

Dahil sa 'yo, ako’y lumago nang husto

 

Pag-uugali ko’y umunlad nang buong-buo

 

Dahil sa 'yo, buhay' sadyang nagbago

 

Hindi ka natinag, hindi man lang sumuko

 

`Yan ang tatay ko—malaki ang puso.

 

Buwaya sa Gobyerno

Guro: Ano ang gusto ninyong trabaho paglaki ninyo? Maria: Maging guro! Guro: Wow! Gusto mo ring magturo sa mga bata? Maria: Opo! Masay...