Followers

Monday, January 13, 2025

Ang mga Tawag ni Ginang Mateo (Diyalogo)

 

Ang mga Tawag ni Ginang Mateo

 

Nasa opisina na si Ginang Mateo, nang maalala niyang tawagan ang anak na si Lanz upang kumustahin.

 

Gng. Mateo: (Masigla) “Good morning, anak! Recess niyo naman, right? Kumusta? Kumain ka na ba?”

Lanz: (Matamlay)Good morning, `Ma.”

Gng. Mateo: “Bakit ang tamlay mo? Nasaan ka? Pumasok ka ba?”

Lanz: (Nataranta) “A, e… `Ma, okey lang po ako. May ginagawa po kasi ako.”

Gng. Mateo: “Ano’ng ginagawa mo? Hindi ka naman talaga ganyan kausap. Nasaan ka? Bakit ang tahimik diyan? Pumasok ka ba o hindi?”

Lanz: “`Ma, sorry po… kung… kung hindi po ako pumasok ngayon. Masama po kasi ang pakiramdam ko.”

Gng. Mateo: “E, bakit parang gusto mo pang magsinungaling? May problema ba, Lanz?”

Lanz: (Mabilis na sumagot) “Wala po, `Mama. W-wala po.”

Gng. Mateo:Sure ka?” (Medyo tumaas ang tono.) “E, kahapon, absent ka na kasi sabi mo may tatapusin kang project. Ngayon absent ka uli. Hindi mo ba alam na malaking epekto niyan sa pag-aaral mo? Sabay tayong nag-almusal, at sabi mo papasok ka, hindi pala… Hello, Lanz? Lanz? Nandiyan ka pa ba?”

Naputol ang tawag ni Gng. Mateo, kaya tinawagan niyang muli si Lanz. Subalit hindi na niya makontak ang anak, kaya si Ma’am Culombo na lamang ang kaniyang tinawagan.

Gng. Mateo: “Hello! Good morning, Ma’am Culombo! Kumusta po kayo?”

Ma’am Culombo: “Hello, good morning, Mrs. Mateo! Mabuti naman po ako. Kumusta po si Lanz?”

 

Gng. Mateo: “Iyan po ang dahilan ng pagtawag ko, Ma’am. Akala ko po, papasok siya. Dati-rati, sabay kaming lumalabas ng bahay—siya para pumasok sa school, at ako sa opisina. Nagkataon po kasing pumasok ako nang maaga, kaya hindi ko natiyak na pumasok siya.”

Ma’am Culombo: “Dalawang araw na po siyang absent.”

 

Gng. Mateo: “Yes, Ma’am. Kahapon po, nagpaalam siya sa akin. Tatapusin daw niya ang project niya sa subject niyo.”

Ma’am Culombo: “Naku, Mrs. Mateo, wala po akong project na ipinagawa sa kanila.”

 

Gng. Mateo: “Ay, ganoon po ba? So, nagdadahilan lang po pala si Lanz.”

Ma’am Culombo: “Siguro po… May ideya po ba kayo kung bakit siya nagsisinungaling sa inyo?”

 

Gng. Mateo: “Wala rin po, e. Very close sa akin si Lanz simula noong bata pa siya. Ako lang ang nag-aruga sa kaniya, since single parent ako. Lahat ng panahon at pagmamahal ay inukol ko sa kaniya.” (Gumagalgal ang boses niya.)Sorry po, Ma’am.”

Ma’am Culombo:It’s okay! Nauunawaan po kita.”

 

Gng. Mateo: “Salamat po!”

 

Ma’am Culombo: “Masayahin, aktibo, at marunong sa klase si Lanz, Mrs. Mateo. Ako man ay nagtataka sa inyong salaysay. Paano po ba ako makatutulong sa alalahanin ninyo?”

 

Gng. Mateo: “Nalulungkot po ako sa nangyayari. Natuto na po siyang maglihim o hindi magsabi ng totoo sa akin… Ang hiling ko po sana, Ma’am, na malaman natin ang dahilan. Naisip ko kasing dahil baka sa peer factor. Bullying. Ganoon po.”

 

Saglit na hindi narinig ni Gng. Mateo ang guro.

 

Ma’am Culombo: “Pasensiya na po, Misis. Nagpaalam muna ako sa mga bata. Nasa labas na ako ngayon ng classroom.”

 

Gng: Mateo: “Okey lang po. Pasensiya na rin po sa abala.”

 

Ma’am Culombo: “Wala po iyon. Tungkulin kong tiyakin na maayos ang kalagayan ng bawat mag-aaral, gaya po ng sitwasyon ni Lanz. Kaya willing akong makipagtulungan sa inyo para maayos natin ang lahat.”

 

Gng: Mateo: “Thank you very much, Ma’am Culombo!”

 

Ma’am Culombo: “You’re welcome, Mrs. Mateo. Tatawagan po kita kapag may nakuha akong impormasyon mula sa mga kaklase ni Lanz. At baka kailangan po nating mag-usap nang personal sa mga susunod na araw.”

 

Gng: Mateo:Yes po, Ma’am. I’m so willing to meet you personally. Maraming salamat!”

 

Ma’am Culombo: “That’s great! Bye, Mrs. Mateo.”

 

Gng: Mateo: “Bye, Ma’am Culombo. Have a great day!”

 

Ma’am Culombo:Have a nice day!”

 

Nakahinga nang maluwag si Gng. Mateo. Gayunpaman, nag-aalala siya sa kalagayan ng kaniyang anak. Naniniwala siyang may pinag-uugatan ang ikinikilos ni Lanz, kaya kailangan niyang gumawa ng hakbang upang matukoy iyon at masolusyunan. Subalit hindi muna niya tinawagan ang anak. Kakausapin na lamang niya ito pag-uwi niya.

 

No comments:

Post a Comment

Tibok ng Puso (Dula)

  Tibok ng Puso     Mga Tauhan:     *Lydia     *Brad   Tagpuan:     * Sa isang pamantasan   Eksena 1: Labas. Sa mapunong...