Kung buhay mo’y tila walang ningning.
At naglaho ang kislap ng mga bituin.
Tumingala sa langit, huwag maninimdim
Pagkat kahit ang buwan sa gabing madilim
Ay nagniningning, nagtataglay ng sining
Ang araw kung sumikat, lulubog man din
At sa bawat dilim, may liwanag na darating.
Kung kabiguan ay madalas mong mapala
At animo’y kay layo ng mga tala,
Huwag kang malumbay at mangamba
Pagkat parang bituin ang pag-asa,
Kahit hindi mo ito mahawakan at makita,
Alam mong nandoon ito—hinihintay ka.
Lumipad at tagumpay ay abutin na
Sa dako paroon, ika’y pumaimbulog pa.
Kung labis na kalungkutan, ika’y napipirat
Tinik ng rosas tinutusok ang iyong balat
Kaya sa puso mo’y nag-iiwan ng sugat,
Huwag kang titigil sa iyong pangarap
Dahil ang pag-asa ay parang bulaklak;
Kailangan itong alagaan upang mamukadkad.
Gumawa ng munting hardin, na humahalimuyak.
Tandaan na kapag lipos na ang kahirapan,
Siguradong malapit na ang kaginhawahan
Habang bata pa’y, magpunla ng kasipagan
Tiyak hindi ito mawawalan ng kabuluhan
Bulaklak at bunga’y siguradong makakamtam
Kaya patuloy na maghintay at mag-abang
Pagkat palaging nakatunghay ang Maylalang.
No comments:
Post a Comment