Followers

Monday, January 13, 2025

Alamat ng Sampalok

Alamat ng Sampalok

 

Noong unang panahon, sa isang malayong nayon, may isang mayamang babae na kilala sa kasamaan ng ugali. May tatlo siyang anak na lalaki-- sina Sam, Pal, at Lok.

 

Labis na ipinagmamalaki niya ang kaniyang mga anak. ‘‘Mga kumpare at kumare, tingnan ninyo ang aking mga anak. Hindi ba’t kay gagandang lalaki?“

 

Mabilis na sumang-ayon ang mga kaibigan ng donya.

 

“Sa susunod na linggo, magdiriwang sila ng kanilang ikalabingwalong kaarawan. Malugod ko kayong inaanyayahan dito sa aming mansiyon para sa masaganang piging,“ dagdag pa ng donya. 

 

Sa araw na iyon, posturang-posturang dumating ang mayayamang kaibigan ng pamilya. Engrande ang handaan ng magkakapatid. Marami at masasarap ang nakahaing pagkain. Nag-imbita pa ng sirkero, payaso, ay madyikero ang donya upang magpasaya ng mga bisita.

 

Sa kalagitnaan ng kasiyahan, biglang pumasok sa bulwagan ang matandang lalaki.

 

“Parang awa niyo na. Pahingi ng kaunting pagkain at maiinom,“ sabi nito.

 

Agad na kumuha ng pagkain sa dulang si Sam. Kumuha naman ng maiinom si Pal. Samantalang, maingat na pinaupo ni Lok ang matanda habang naghihintay.

 

Nakita ng ina ang ginawa ng tatlong anak, kaya nilapitan at galit na pinagtulakan ng donya ang matandang lalaki. “Ang baho mo! Lumayas ka rito, hindi ka imbitado.“

 

Nagalit din ang donya kina Sam, Pal, at Lok. Sinabi niyang hindi dapat sila  magbigay ng kahit ano sa mga mahihirap.

 

“Hindi ka na nadala, Donya Ingrid... Nawala na ang iyong esposo dahil sa kasamaan mo. Ngayon ay posibleng mawala ulit sa `yo ang mga anak mo,“ mahinahong sabi ng matanda bago ito tumalikod.

 

Nagtatalak pa ang donya habang lumalayo ang matandang lalaki. Kung ano-anong masasakit na salita ang sinabi niya.

 

Napahiya nang sobra ang magkakapatid, kaya isang araw ay namalayan na lang ng donya na wala na ang kaniyang mga anak.

 

Sa paglipas ng mga anak, may tumubong puno sa tapat ng kanilang mansiyon. Maliliit ang mga dahon nito. Ang mga bunga naman ay maasim. Ang kulay ng mga buto nito ay katulad ng kulay ng mga mata ng kaniyang mga anak. Naniwala siyang sinumpa siya ng matandang lalaki, kaya sina Sam, Pal, at Lok ay naging puno.

 

Simula noon, tinawag na sampalok ang punong iyon.

No comments:

Post a Comment

Tibok ng Puso (Dula)

  Tibok ng Puso     Mga Tauhan:     *Lydia     *Brad   Tagpuan:     * Sa isang pamantasan   Eksena 1: Labas. Sa mapunong...