Followers
Saturday, September 15, 2018
Mag-aral Tumula
Wednesday, September 5, 2018
Minsan May Isang Guro
na sa inyo masayang nagtuturo.
Oo, katulad ng iba, siya'y ordinaryo--
nagagalit, nanenermon,
at nagbibigay-inspirasyon.
Katulad ng ordinaryong tao,
siya ay problemado--
problemado sa inyong grado,
sa bawat kilos at pananalita ninyo,
gayundin sa pananamit ninyo.
Bahagi siya ng buhay ninyo,
ng mundo mo,
ng kuwento mo.
Sa loob at labas ng paaralan,
lagi niya kayong binabantayan.
Laging may puso ang kaniyang aralin,
Hindi ba't na-eenjoy mo rin?
Sa kaniyang pagtawa at pagngiti, nawawala ang inyong pighati
Kapag siya'y malungkot, ang puso mo'y para ring kinukurot.
Patunay iyan, na siya ay mahalaga.
Mahalaga nga ba?
Mahalaga nga ba siya sa inyo?
Mahalaga ba kung paano ninyo siya itrato?
Sabi ninyo, siya ang pangalawang magulang ninyo.
Ngunit, hindi kayang ipakita ang nasa puso ninyo.
Minsan, may isang guro, na sa inyo ay nagturo,
kung gaano kasaya ang mundo,
kung paanong ang buhay ay nagiging isang istorya,
kung paano ang istorya mo ay maikukuwento,
kung paano ang isang kuwento
ay maibahagi sa iba,
kung paano pahalagahan ang iba,
kung paano pahalagahan ang pagbabasa,
kung paano ipakita na sa pagbabasa ay may buhay,
kung paanong ang buhay ay magkakakulay,
kung paanong ang makulay na mundo
ay maging mundo ng iba,
kung paano ang iyong buhay
ay maging inspirasyon sa iba,
kung paano ang iba, ay maging siya--
walang takot, walang itinatago,
kung paanong siya ay maging kung ano ang gusto niya.
Minsan may isang guro,
nagpaalam siya sa inyong harapan.
Nalungkot ang karamihan,
umiiyak naman ang iba.
Ngunit buo na ang loob niyang lisanin ang paaralang minahal niya
sa loob ng walong taon,
kung saan pagkaguro niya ay umusbong,
kung saan pagmamahal niya sa bagong henerasyon ay yumabong...
Sumibol.
Wala kayong nagawa kundi ang humiling na sana magbago pa ang isip niya.
Walang nakapagpigil kahit ang mga liham ninyong kay sarap dinggin.
Walang nakapagbago sa kaniyang damdamin.
Wala...
Minsan, may isang guro
mula sa isang araw na pagmumuni-muni,
siya tahimik na nagbalik.
Sa inyong harapan ay tila isang blankong papel na tumayo.
Siya pa rin ang inyong ordinaryong guro,
ngunit hindi alam kung nasa kaniya pa rin ang puso,
ang pusong ginagamit niya tuwing siya ay nagtuturo...
tuwing ibinabahagi niya ang kuwento.
Isang paimpit na ligaya ang kaniyang narinig
mula sa mga labi ninyong nananabik,
mula sa mga puso ninyong humihibik,
ngunit kayo ay biglang natahimik,
walang nais umiimik.
Pintig ng mga puso ninyo at dibdib,
pati ang mga labi ay nanginginig,
habang abot-langit ang paghiling
na sana, na sana... siya nga ay hindi na umalis.
"Huwag ka na pong umalis," nais ninyong ipabatid.
Ngunit siya ay isa nang bulag, pipi, at bingi,
na kayo rin ang dahilan at sanhi.
Kayo ang bumulag,
kayo ang bumusal sa kaniyang bibig,
kayo ang sumira sa kaniyang pandinig,
at kayo rin ang naghahangad ng kaniyang pagbabalik.
Sa oras na iyon, hinintay ni'yo siyang marinig ang tinig.
Walang salitang lumabas sa inyong mga bibig.
Walang nag-ingay,
walang nagpasaway.
Ngunit walang nakababatid kung siya ba'y talagang aalis.
Ngunit siya ay nanatiling nakatindig,
nakamasid.
Mga mata niya'y hindi mabatid kung siya ba'y nagagalit o nasasabik.
Minsan, may isang guro...
na minsan ninyong naging guro, ama, kaibigan, tagapayo, at taga-kuwento,
na minsan ninyong hindi inirespeto,
binastos, at binalewala,
na minsan ninyong kinainisan, at tinawanan,
at minsan ni'yo lang naunawaan.
Paglipas ng mahabang sandali,
sa wakas, tinig niya ay narinig.
Damdamin ninyo'y kumakandirit...
Minsan, may isang guro
na magbabago sa inyong buhay,
na magbabago sa inyong pananaw
kung gaano ang edukasyon ay katulad ng gintong nakakasilaw,
kung gaano ang buhay ay isang paglalakbay,
kung gaano kahalaga ang kuwento ng bawat isa ay kapupulutan ng inspirasyon.
Minsan, may guro kayong mamahalin,
pero mapagtatanto ninyong huli na pala ang lahat...
Minsan, may isang guro...
na aalis, lalayo...
at babalik sa inyo
dahil kayo ang kaniyang buhay,
ang kaniyang mundo,
dahil kayo ang bubuo
sa kaniyang pagkatao,
sa kaniyang pagkaguro,
at sa kaniyang kuwento.
Minsan, may isang gurong nagtampo.
Ako.
Sunday, September 2, 2018
Ang Aking Journal -- Setyembre 2018
Mga Guro Tayo
ni Makata O.
Mga, kuguro kong kinaluluguran,
magandang araw sana inyong kamtan.
Ako'y sa inyo ay nanggigising
at mga damdamin ni'yo, nais pukawin.
Hangad ko lang ng magandang samahan
sa loob at labas ng ating paaralan.
Ang respeto sa isa't isa ay nasaan?
Pagtutulungan meron, pero kulang.
Kung sana, tayo ay nagkakapit-kamay
upang bawat isa'y umangat at makasabay,
wala sanang hidwaan, walang away,
walang inggitan, walang sira ang buhay.
Kung sana, tayo ay nagtutulungan
upang mga bata'y lumago man lang.
Kung sana, bawat isa'y nagmamalasakit,
wala sanang nakakaranas ng pasakit.
Nakakalungkot ang pagkakanya-kanya--
may sari-sarili tayong balakin at agenda.
Ang iba nga'y nagiging makasalanan na
'pagkat ang nais, sarili ay umangat na.
Ako tuloy sa inyo'y nagiging kontabida,
tuwing papansin ang mga maling gawa.
Ngunit ang totoo, malasakit ang aking nais,
Kaya ako'y lubos na nalulungkot, naiinis.
'Wag ninyong masamain, aking gawain.
Kung walang mali, wala akong pupunain.
Ngunit kung may mabuting hangarin,
siyempre, papuri ko, sa inyo'y ipatitikim.
Panghihikayat ko ay para sa lahat.
Halina't bumangon, mga mata'y idilat
Edukasyon, pasan natin sa ating balikat,
kaya kabutihan sana sa kanila'y imulat.
Anumang gawin natin, sa kanila'y tama.
Kung mali at liko, iwasan na lang sana
upang hindi tayo pamarisan ng mga bata
at upang hindi maging isang kultura.
Mga guro tayo, 'di tayo trapong politiko,
kaya huwag nating paitimin ang puso,
at huwag ring magpapadala sa tukso.
Mga guro tayo, kabutihan ang iminomodelo.
Ang mga kabataan, tayo'y kanilang mahal,
subalit kong tayo'y magiging hangal,
ihahambing nila tayo sa imburnal,
o kaya sa mabaho at baradong kanal.
Mga guro tayo, hindi mga sanggano.
May puso, may talento, at may talino.
Gamitin natin, para sa kanilang pagkatuto.
Huwag lang upang tayo ay umasenso.
Mga guro tayo, sumumpa sa gobyerno,
ngunit bakit parang nasa impyerno?
Tila yata kasamaan ang ating gusto.
Nakalimot na yata at naging bobo.
Patawad kong nasagi ko ang inyong ego,
Patawad kong sandali ni'yo'y nakain ko,
pero sana... pagkatapos mabasa ito,
may maganap na mabuting pagbabago.
Monday, August 27, 2018
Resiklo
Nagulat ako nang binili niya ako kay Aling Tali. Siya ang tindera ng mga yosi at kendi.
Natuwa ako. Sa halagang piso, pakiramdam ko, mahalaga ako.
Hindi lang ako ang binili niya. Tatlo kami. Nilagay niya sa kaniyang bulsa ang dalawa.
"Sukli mo," sabi ni Aling Tali.
"It's okay!" sabi niya. Umalis na siya habang pinipilipit niya ako. Samantalang nasa lalamunan na niya ang laman ko.
"Ang bait niya," bulong ko.
Sa 'di-kalayuan, itinapon niya ako sa tabi.
"Hoy, Kuya, bumalik ka rito," sigaw ko.
Humanga pa naman ako sa kaniya. Wala pala siyang disiplina. Sayang lang ang pinag-aralan niya. Balewala ang kinikita niya at binabanko niya kung kapos siya sa ugaling maganda.
Matagal akong naghintay ng taong may puso. Pero, wala ni isa mang pumulot sa akin.
Tanggap ko naman na wala na akong halaga kapag wala na akong laman. Pero, sana ilagay naman nila ako sa tamang tapunan.
Nainitan ako roon. Naulanan. Natuyo. Nilikad ng hangin patungo kung saan. Inapak-apakan.
Ang sakit-sakit!
Sa isang tahimik na lugar ako napadad. Akala ko, mabubuti ang mga naninirahan doon. Hindi pala. Nilagay nila ako, kasama ng mga dahon at iba pang kalat, sa latang basurahan.
Okay na sana. Kaya lang, sinindihan kami ng babaeng mataba. Naghiyawan ang mga dahon. Pinilit ko namang tumakas at umahon, pero wala akong nagawa. Tinanggap ko na na oras ko na. Nagdasal ako sa Panginoon. Naniniwala ako sa Kaniya. Sabi ko, bahala na Siya.
Pumikit ako at dinamdam ang init na unti-unting lumalapit sa akin.
Lumipas ang ilang sandali, biglang umambon. Napaiyak sa tuwa ang mga kalat at dahon.
"Salamat, Panginoon!" bulong ko. Hindi ko pa talaga panahon.
Lumakas pa ang ambon. Kumulog pa. Kasunod ang pagbuhos ng malalaking patak ng ulan. Tuluyan na ngang namatay ang apoy na tutupok sana sa aking buhay.
Napuno ng tubig ang latang basurahan hanggang natakasan ko ang kamatayan.
Hindi nagtagal, inanod ako patungo sa kanal. Marami kami roon. May lata, plastik, at bakal. May nabubulok. May nangangamoy. Unti-unti rin akong sinasakal ng masangsang na amoy ng baha.
Lumakas pa ang ulan. Kung nasaan ako, hindi ko na alam. Basta, marami kami. Marami kaming sinalaula. Hindi sininop. Hindi pinahalagahan.
Paggising ko, palutang-lutang ako sa malaking ilog.
Malakas ang agos ng ilog, kaya tinangay ako. Nabangga ako kung saan-saan at kung kani-kanino. Nahilo ako. Hindi ko na alam kung nasaan ako. Hindi ko alam kung gaano katagal akong walang malay. Akala ko nga, wala na akong buhay.
Nasa ilalim pala ako ng karagatan. Tahimik doon, ngunit madilim. Okay lang dahil alam ko, ligtas ako.
Matagal ako roon. Nakilala ko na halos lahat ng mga hayop sa karagatan. Hindi naman nila ako pinakikialaman o sinasaktan. Kilala ko na sila isa't isa. Alam ko na ang mga kilos nila.
Payapa na sana ang buhay ko, pero gusto kong makita ang sikat ng araw. Kaya sinikap kong makarating sa ibabaw. Ginaya ko ang langoy ng pating. Lumangoy ako kagaya ng pugita. Ginaya ko rin ang alimango. At lumangoy ako katulad ng pawikan.
"Pawikan?!" sigaw ko. Hinabol ako ng pawikan. Akala niya, isda ako.
Matagal akong nasa sikmura ng malaking pawikan. Kung madilim sa ilalim ng karagatan, mas madilim doon.
Matagal akong umasang iluluwa niya ako, pero tila imposible na. Kaya, sumuko na ako.
"Panginoon, baguhin mo po ang mga tao. Bigyan Mo po sila ng puso para sa kalikasan at mundo," dasal ko.
Lumipas ang mga taon.
"Balat ng kendi lang pala!" bulalas ng lalaki. Inihagis niya ako sa buhangin.
Nakita ko ang pawikang lumunok sa akin. Wala siyang malay. Naisip ko, nagdusa rin siya habang nasa tiyan niya ako. Kaawa-awang nilalang. Nabiktima rin ng kawalang-awa ng mga tao.
Tulad ng sikmura ng mga tao, matibay ako. Sa dami ng pinagdaanan ko, buo pa rin ako. Kumupas man ang pangalan ko, hindi naman natinag ang kakayahan kong mabuhay sa mundo. May laban pa ako.
Naulit nang naulit ang iba kong pinagdaanan.
Inapakan-apakan.
Winalis at itinapon sa basurahan.
Naiwanan.
Naulanan.
Naarawan.
"Bart, sipa tayo," yaya ng bata sa kaibigan.
"Sige, gusto ko 'yan, Ivan. Nakakasawa naman maglaro nitong cellphone ni Mama."
"Teka lang!" Dinampot ako ni Bart. "Puwede na 'to." Ipinasok niya ako sa tingga at inayos-ayos niya. Pagkatapos, inihagis niya ako sa ere at sinipa-sipa.
"Ayos! Game na! Paramihan tayo," hamon ni Ivan.
"Sige, ako muna." Tumira si Bart, gamit ang paa niya. Hindi niya hinayaang malaglag ang sipa. Nagbibilang pa siya.
Nagbibilang din si Ivan.
Nahilo ako pero masaya ako kasi napakinangan ang isang katulad ko.
"Twenty, twenty-one..." Nilakasan na ni Ivan ang pagbilang. "... twenty-two. Twenty-two ka lang!"
Ibinigay ni Bart ang sipa kay Ivan.
Nagsimula na itong sumipa at magbilang. Nalamasan ni Ivan ang twenty-two ni Bart. Siya ang ise-serve nito.
Magaling sumipa si Ivan. Nakalima siya. Ang huling sipa, naipalayo niya. Sinubukan pa ngang habulin ni Bart, pero hindi niya ito naabot.
Naburot na si Bart. Panay pa ang habol niya. Ako naman, enjoy na enjoy akong lumilipad. Iba ang pakiramdam.
Sa ikaanim na tira ni Ivan, pumasok sa kabilang bakod ang sipa.
Bumagsak sa harapan ng binatang nakasakay sa wheel chair.
Tiningnan ako ng binata. Pagkatapos, pinaandar niya ang kaniyang wheelchair upang mas malapit siya sa akin.
Kakaiba ang binata kung ikukumpara sa ibang tao. Wala man siyang mga paa, sinikap niyang maabot ako. Ginamit niya ang kaniyang mga braso at kamay.
Nakuha niya ako. Sinipat-sipat niya ako. "Ito siguro ang tinatawag nilang sipa." Nilalaro niya ako sa palad niya. Nakatatlong lundag ako, bago niya ako ipinatong sa kaniyang binti.
Pagkatapos, dinala niya ako sa loob. Akala ko, itatapon niya ako sa basurahan nila. Sa isang kuwarto niya ako dinala.
Makulay ang kuwarto niya. Maraming nakasabit na kuwadradong bagay.
Habang palapit kami sa isang mesa, parang may nakikilala akong mga materyal.
Nagulat ako nang inisprihan ako ng binata. Nagkulay-ginto ako at ang tingga. Pagkatapos, ipinuwesto niya ako sa mga pamilyar na mukha.
Pilit ko silang kinilala. Alam kong nakita ko na sila sa kalye, sa kagaratan, sa kanal, sa ilog, at sa basurahan.
Kulay-ginto na rin sila. Bakas ang kasiyahan sa kanilang mukha.
"Kumusta kayo?" bati ko sa kanila. "Nasaan tayo, mga katoto?"
"Sa artroom tayo ni Sir Robino," sagot ng turnilyo.
"Ang bawat sa atin ay bahagi ng kaniyang obra maestra," dagdag ng lata.
Sumang-ayon naman ang screen, spring, kapirasong bakal, tanso, tubo, karton, plastic, butones, tansan, at iba pa.
"Masaya rito. Itinatangi tayo ni Sir Robino," sabi ng maliit na telang ginto.
"Welcome! Hindi ka na basura!" sabay-sabay na bati ng lahat.
Mangiyak-ngiyak ako sa tuwa, lalo na nang nakita kong nakangiti ang binata.
Hanggang Kailan Magluluksa ang Ilog Pasig
at nakaligo’t nakasisid sa Ilog Pasig?
Itong biyayang galing sa langit
May kayamang mabibingwit.
Nang ang mga Tagalog ay nakalimot,
Mga dumi at basura ang idinulot
Kinitil ang pag-asang natitira
Kasaganaan, biglang nawala.
Hanggang kailan magluluksa ang Ilog Pasig,
Hanggang kailan maghihintay ng pag-iibig,
Hanggang kailan luluha ng pagdurusa,
Hanggang kailan iiyak ang Maynila?
Ilog noon na kay ganda,
Ngayon ay lumuluha’t nagluluksa.
Tila imposible nang humalimuyak
Kay baho’t kay itim na nitong burak.
Sikapin mong magbalik-tanaw,
Kung kailan ka huling nagtampisaw,
Sa ilog na makasaysayan
Sa Ilog Pasig na bahagi ng kabataan.
Kung tutulong ka’t sumagwan
Patungo sa bukana ng kasagaanan
Maaaninag ang tubig sa kailaliman,
At mga isda, mabubunyi nang tuluyan.
Magkaisa tayo’t magkapit-bisig
Pasiglahing muli ang Ilog Pasig
Ibandera natin sa buong daigdig
Mabuhay, Mabuhay, ang bukambibig.
Wikang Filipino, Saliksikin at Gamitin
Tuesday, August 21, 2018
Isang Araw nasa Siyudad si Zack
Bumuhos ang malakas na ulan. Halos wala nang masilungan ang mga hayop at
insekto sa parang.
Takot na takot naman si Zack, ang batang tagak. Kaya, lumipad siya nang
lumipad. Hindi niya namalayang napadpad siya sa Kamaynilaan. Doon, marami ang
kaniyang nasilungan.
Sa pagsilay ng araw, si Zack ay nauhaw. Lumipad uli siya at naghanap ng
tubig. Nakarating siya sa Ilog Pasig. Sumakay siya sa bahaghari. Lumagpak siya
sa tubig na kulay-tsokolate.
Pagkatapos uminom ni Zack, muli siyang lumipad. Para siyang may hinahanap.
Kaya lang, napagod ang kaniyang mga pakpak. Sa basurang nakatambak siya lumapag
at umapak.
“Ganito pala sa siyudad,” natutuwang sabi ni Zack. “Kakaiba! Kay ganda!”
Sa kaniyang tuwa, lumublob siya tubig na parang sirena. Nang siya ay umahon,
ang mukha niya ay may nakabalumbon. Muntikan pa siyang mawalan ng hininga dahil
sa plastic bag na sumakal sa kaniya.
“Pambihira,” nakangiti pang sabi pa niya. Saka isang tumpok ng halamang
nakalutang ang kaniyang nakita. Sumakay siya. Gusto niyang malaman kung ano ang
meron pa sa dulo ng ilog na mahaba.
Bumilog ang kaniyang mga tuka at halos lumuwa ang mga mata. Natanaw niya
ang sementadong talon sa mga gilid ng ilog. Napansin niya ang mga dambuhalang
lata, na naglalabas ng maiitim na ulap. “Wow! Wala nito sa parang,” bulalas
niya.
“Ang ganda!” Napalukso pa siya nang isang bata ang nakita niya. Nagsaboy
ito ng basura. Naghabulan ang mga plastic, bote, papel, at iba pa sa ibabaw ng
tubig. Tuwang-tuwa niyang inabangan kung alin ang mauuna.
Pero, hindi na niya nakita dahil napansin niya ang isang mama. Inis na
inis siya. Kasi may nabingwit siyang tabla. Maluha-luha si Zack sa katatawa.
Pero nagtataka siya. “Ano kaya ang hinuhuli niya?”
Mula sa halamang lumulutang, lumipat si Zack. Sa ibabaw ng barge, siya
umapak. Inabangan niya ang mamimingwit. “Bakit kasi ito nagagalit?”
Ilang minuto ang lumipas, pumisik-pisik sa bingwit ang isdang maliit.
“A, isda pala ang kaniyang hinuhuli,” sabi ni Zack. Pumalakpak siya sa
galak.
Nagalit naman ang lalaki. Itinapon pabalik ang isdang nahuli.
Nalungkot si Zack. “Bakit kay liit ng mga isda sa ilog na malawak?”
Dumukwang siya sa tubig, ngunit wala siyang nasilip. “Hindi katulad sa aking
pinaggalingan, may mga isda sa mga katubigan.”
Malungkot na lumipad si Zack. Dumapo siya sa may gilid ng kung saan may
mga basurang nakatambak. Nagpalipat-lipat siya, nang biglang sa lusak siya
bumagsak. Nalubog sa mabaho at itim na burak ang kaniyang mga binti. At
natilamsikan din ang balahibo niyang puti.
“Tulong! Tulong!” sigaw niya. Kumawag-kawag pa siya, pero wala man
lang tumulong sa kaniya.
Sinikap niyang makaalpas sa putik. Buong higpit siyang kumapit sa lubid
na nakatali sa malapit. Hingal na hingal siya roon habang nakaapak. “Kay baho
naman!” reklamo ni Zack. Kumawag-kawag pa siya para tumalsik ang mga putik.
“Kay baho naman pala ng putik dito!” Iniling-iling niya ang kaniyang
ulo. Saka dumukwang sa tubig upang manalamin. “Wala na ba akong paningin?”
nangangambang tanong niya. Hindi kasi niya nakita ang kaniyang mukha.
“Waaaah! Ayaw ko na rito sa siyudad!” sigaw ni Zack, saka mabilis na
lumipad. Bumalik siya sa parang. “Kay sarap pa ring tumira sa tunay kong
tahanan.”
Monday, August 20, 2018
Sino ang Tunay na Mangmang?
Si Sir Flarino
Saturday, August 18, 2018
Nasaan ang Singsing, Lily?
Ang Aking Journal -- Hulyo 2026
Hulyo 1, 2026 Muntik na akong ma-late dahil sa bus na nasakyan ko. Panay ang hinto at pick-up niyon ng mga pasahero. Hindi ko na tuloy naa...
-
Ano ang Kolum (Column)? Paano ito isinusulat? Ang kolum o pitak ay regular na lathalain o serye ng mga artikulo sa pahayagan, magasi...
-
Si Baltog Noong unang panahon, may isang maginoo at makisig na binata—si Baltog. Anak siya ng datu sa tribu ng Botaera ...