Followers

Saturday, October 17, 2020

Sorsogon, Isang Destinasyon

Sorsogon, Isang Destinasyon

Ang Sorsogon ay hindi magpapahuli sa kagandahan ng tanawin, at kalinisan na mga dalampasigan, bundok at kapaligiran nito. Ito na marahil ang mga dahilan kung bakit kailangan isama ito sa bucket list sa inyong susunod na paglalakbay.

Narito ang ilang bayan sa Sorsogon na tiyak akong magugustuhan at babalik-balikan ninyo. Sa Bacon ay matatagpuan ang Paguriran Lagoon, isang kamangha-manghang tanawin. Kay sarap lumublob sa tubig dito. At kay gandang akyatin ang mga rock formations, kung saan matatanaw ang mga kalapit na dalamapsigan at karagatan.

Sa Donsol ay matatagpuan ang mga butanding. Ito ang pangunahing pang-akit ng lalawigan. Ito rin ang tamang lugar kung nais ninyong lumangoy kasama ang mga ‘gentle giants.’ Sa gabi naman, maaari kayong manood ng mga alitaptap sa tabi ng Donsol River. Ang ilaw mga alitaptap sa gitna ng kadiliman ay isang pambihirang karanasan. 

Sa Matnog ay matatagpuan ang Subic Beach at Tikling Island. Ang Subic Beach ay may mala-pulbos at puting dalampasigan at mala-salamin at turkesang tubig. Ang Tikling Island, hindi man ganoon kasikat, ay kasingganda ng Bohol at Boracay. Ang dalawang ito at Instagramable talaga! Sa Bulusan ay matatagpuan ang Bulusan National Park. Ito ay nabuo dahil sa pagsabog ng Bulkang Bulusan. Isa itong lawa, na napapaligiran ng luntiang kagubatan. Masisiyahan talaga ang mga mahilig sa kalikasan.

Sa Barcelona ay matatagpuan ang St. Joseph Church. Ito ay isa sa mga bakas ng kolonyalismo ng mga Kastila at isa sa mga istrukturang magpapaalala sa Katolisismo noong panahon. Ang simbahang ito ay siyang pinakamatandang simbahan sa lalawigan.

Sa Irosin ay matatagpuan ang San Benon Hot Spring. Ito ay isang mainam na lugar upang makapagpahinga at buhayin muli ang pagod na katawan. Ang mainit na tubig lamang ang kailangan pagkatapos ng isang nakakapagod na araw ng mga aktibidad.

Sa Bulusan at Casiguran naman ay maaaring mag-waterfalls-hopping. Ang Bayugin, Nasipit, Palogtoc, and Namuat Falls ay ilan lamang sa mga ito na maaaring isasama sa inyong itinerary. Ang malalamig na tubig ang magpapanatili ng enerhiya sa inyong paglalakbay.

At sa Gubat ay matatagpuan ang Rizal Beach kung saan ang bagong tuklas na dalampasigan para sa mga surfers. Dito ay maaaring mag-arkila ng surfboard at magsanay sa paggamit nito sa napakamurang halaga.

Exciting, ‘di ba?!

Ang Sorsogon ay isang destinasyon na may samot-saring karanasang matatamo. Ito ay lalawigang ipinagmamalaki ng mga Bicolano. Kaya siguradong ang biyahe ninyo’y sulit at garantisado.




Diyalogo: Dakilang Guro

Athena: Kumusta ka na, bespren kong maganda? Erna: Mabuti naman. Ikaw, kumusta rin? Sayang hindi na tayo magkaklase. Athena: Oo nga, e. Paano kasi dito kami sa Cavite naabutan ng nakatatakot na pandemya. Erna: Hindi bale, may aktibong group chat naman tayo… Athena: Oo. Miss ko na nga ang maiingay nating kaklase. Erna: Miss ka na rin namin. Athena: Maiba ako… sino na ang bagong)adviser ninyo? Erna: Si Ma’am Saadvedra na. Siya talaga ang gusto nating maging adviser, ‘di ba, dahil siya ang isa sa mababait sa mga KKES. Natupad na… Sayang nga lang, nasa New Normal tayo. Athena: Wow! Sana all! Kahit wala namang normal na klase mararamdaman pa rin ninyo ang pagmamahal niya sa inyo. Erna: Tama ka! Ang bait niya. Maunawain pa siya. Athena: Ang suwerte) ninyo talaga. Kaya dapat mag-aral kayo nang mabuti. Erna: Siyempre naman. Idolo natin siya noon pa. At kahit sinong maging guro natin, dapat nating irespeto, mahalin, at pahalagahan dahil sila ay dakila. Athena: Korek ka diyan!

Si Mang Andoy

Si Mang Andoy ay masipag at responsableng OFW noon. Bilang padre de pamilya, ginagawa niya ang lahat upang mapunan ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya. Isa siyang welder sa Saudi Arabia tuwing umaga. Nagiging barbero irn siya kapag wala siya sa trabaho upang sumapat ang kinikita niya sa iba pang gastusin, gaya ng pag-aaral ng tatlo niyang anak, na pare-parehong kumukuha ng engineering sa kolehiyo. Nakilala siya bilang manggagawang napakapalad. Hindi sa pagtratrabaho sa ibang bansa, kundi sa pagkapanalo niya sa loterya. Umuwi siya sa Pilipinas, bitbit ang napakalaking halaga. Sobra-sobra iyon upang makapagpatayo siya ng maliit na welding shop sa kanilang lugar. Tuwang-tuwa ang kaniyang pamilya, gayundin ang kaniyang mga kapitbahay sa kaniyang natamo. At dahil biglang-yaman siya, binigyan niya ng ayuda ang ilang higit na nangangailangan. Sabi ng karamihan, napakasuwerte raw ng kaniyang mga anak dahil makapagtatapos na ng kani-kanilang pag-aaral. May iilan ding nagsasabing bigla na lang daw mauubos ang kanilang pera dahil hindi naman talaga pinaghirapan ang pera. Dahil sadyang taingang-kawali si Mang Andoy, hindi na lamang niya pinansin ang mga salitang iyon. Siya ay matatag sa mga negatibong komento. Hindi siya balat-sibuyas sa mga naririnig niya, bagkus pinatutunayan niyang masikap siya sa buhay. Kung anoman ang natamo niya, hindi niya iyon ninakaw, kundi pinagsikapan. Nagbabahagi rin siya ng kaniyang biyaya sa kaniyang mga kababaryong lubos na nangangailangan. Sa ngayon, may dalawang branch na si Mang Andoy ng welding shop. Masasabing matatag na talaga ang kaniyang negosyo, lalo na’t katuwang niya ang butihin niyang asawa, na si Aling Nida sa pagpapatakbo nito, gayundin ang kaniyang mga anak.

Diyalogo: Bayani

Drew: Kumusta na ang mama mo sa Dubai? Iya: Mabuti naman daw siya. Ayaw siyang pauwiin ng mga amo niya. Drew: Bakit? Iya: Kailangan daw kasi nila si Mama. Mababait naman ang mag-asawang amo niya. Iniisip din nila ang kaligtasan ng aking ina. Drew: Mabuti kung ganoon nga. At least, ligtas siya sa pandemya. Iya: Oo nga. Saka naiisip niya rin ang kabuhayan namin kung uuwi siya rito sa Pilipinas, na pinahihirapan din ng CoViD-19. Drew: Matatalinong desisyon iyan! Iya: Sabi nga niya, wala raw siyang katatakutang pandemya, maibigay lamang niya ang aming mga pangangailangan. E, ang mommy mo, kumusta naman sa UK? Drew: Naku! Napadelikado ng kalagayan niya roon bilang medical frontliner. Iya: E, paano iyan? Drew: Tuloy pa rin siya. Iyon daw kasi ang sinumpaan niyang tungkulin. Katulad ng karamihang nars at doktor, matapang siya sa anomang posibleng mangyari. Naging madasalin kaming mag-anak dahil dito. Iya: Tama! Ganyan din kami. Pananalig sa makapangyarihang Diyos na lamang ang ating sandata sa panahon ngayon. Drew: At lagi nating panatilihing malulusog ang ating katawan. Iya: Oo. Sabi nga, nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Mag-iingat tayo palagi. Drew: Tama ka! Pero, parehong kahanga-hangaa ang mga trabaho ang ating mga magulang. Iya: Totoo iyan. Bayani ang turing ko sa mga overseas Filipino workers. Drew: Ang susuwerte rin nila kasi may anak silang mababait. Nagtawanan ang magkaklase.

Hard Lockdown (teksto)

Nagpaalam si Andrew na lalabas upang manghiram ng paint brush sa kaklase. “Naku, huwag na… Bawal kang lumabas,” sawata ng ina. “Magsusuot naman po ako ng facemask.” “Kahit na… Ako na lang ang pupunta.” “Huwag na po… Ako na lang po kasi… Wala namang manghuhuli sa akin. Kilala naman po ako ang mga barangay tanod at barangay chairman natin. Tropa ko po sila.” Natawa pa si Andrew sa kaniyang tinuran. “Naku, paano kung hindi sila ang bantay? Paano kung mga sundalo, military o pulis? E, lockdown nga tayo kaya naghigpit? Hindi mo ba alam na buong pamilya ang may CoViD diyan sa kabilang block?” “Hindi naman ako pupunta sa kanila, e.” “Kahit na…” “Sige na, Ma… Inaatake na ako ng anxiety… Kailangan ko na pong mag-paint. Bakit po kasi itinapon mo ang mga paint brush ko, e… Pinatutuyo ko lang ang mga iyon. Hindi pa dapat itapon.” “Sorry na… E, kasi sa labas mo naman nilagay.” “Kaya nga po payagan na ninyo akong lumabas para makahiram ako kay Arnel.” Hindi agad nakatugon ang ina dahil may hinanap ito sa cellphone. “O, heto, pakinggan at panoorin mo.” Iniabot ng ina ang cellphone sa anak. “Pinatutupad ngayon sa isang barangay ng Cavite ang hard lockdown dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng CoViD-19. Narito si Arvin Barton para sa mga detalye,” sabi ng tv anchor. “Dahil sa mabilis na paglobo ng CoViD positive, ipinatutupad ngayon sa Spring Ville Subdivision ang hard lockdown. Narito ako ngayon sa may gate ng naturang subdivision kung saan nagkakaroon ng mahigpit na security para sa mga lalabas at papasok. Kung nakikita ninyo sa aking likuran, isa-isang hinahanapan ng quarantine pass ang mga residente. Kinukuhaan din sila ng temperatura at sinisiguradong nakasuot ng facemask at face shield. Makikita rin ninyo na mahigpit din para sa mga motorista. Tinitiyak nilang sumusunod sa safety and health protocols ang mga ito. Hindi naman pinapayagang lumabas ang mga residenteng hindi 21 hanggang 59 ang edad. Ito po si Arvin Barton, nag-uulat.” Ibinalik n ani Andrew ang cellphone sa ina. “Ano? Aalis ka pa?” “Hindi na po, Ma. Magbabasa na lang po ako.” “Mabuti pa nga.”

Malinis ang Pangalan

Malinis ang Pangalan Ina: Magtapat ka nga sa akin, Joven… Kasangkot ka ba sa nakawan ng mga halaman kagabi? Mga kaibigan mo ang pinagbibintangan. Naku, kahit anak kita, hindi ako mangingiming ipakulong ka kapag napatunayan kong kasama ka. Anak: Hindi po ako kasama, ‘Ma. Maniwala po kayo sa akin. Ina: E, paano kita paniniwalaan kung halos araw-araw kayong magkakasama. Anak: Opo, mga kaibigan ko po sila, pero hindi po nangangahulugang sasama ako sa mga kalokohan nila. Ina: O, sige… Anong oras ka natulog kagabi? Anak: Alas-diyes po. Pagkatapos po nating manood ng telebisyon, nakita naman po ninyong umakyat na ako. Ina: Oo, Nakita nga kita. Pero… pero maaaring lumabas ka ng bahay noong umakyat na kami ni Papa mo. Anak: Naku, hindi po! Ina: Alam ko, Joven… Nasaan na ang mga halaman? Umamin ka na kundi ako mismo ang magdadala sa iyo kay Kapitan. Anak: Ma, makinig po muna kayo sa akin… Ina: Sige. Paniwalaan mo ako… Anak: Opo, lumabas po ako kagabi. Bandang alas-onse, nag-chat po sa akin si Marcelo. Kuwentuhan daw po kami, kasama sina Jayson at Onyo. May problema daw po kasi siya. Lumabas naman po ako. Diyan lang po kami sa labas. Pagkatapos po ng kuwentuhan, isiningit na nga po niya ang planong nakawin ang Monstera Deliciosa ni Doktora Sy. Ina: Ano? Sinasabi ko na ng aba, e! Anak: Sandali lang po! Hindi po ako sumama. Pinigilan ko pa nga po sila. Ina: Kung ganoon, bakit may nabalitaan akong kasali ka? Anak: Naging mabuti po akong kaibigan sa kanila. Ayaw ko man pong magsumbong pero gagawin ko na kasi ayaw ko namang madungisan ang pangalan natin. Ina: Tama iyan, Joven! Sige, ibahagi mo nga sa akin. Anak: Opo! Ganito po ang nangyari, kaya alam kong sila nga po ang kumuha… Sinundan ko sila. Hindi po nila alam na nakabuntot ako sa kanila. Nagtago po ako sa likod ng acacia habang umaakyat sila sa pader ng bahay ni Doktora Sy. Kinuhaan ko po sila ng pictures habang umaakyat, habang ibinababa nila ang halaman, at pagkatapos nilang lumayo sa bakuran ni Doktora. Malinaw po ang kuha ko, kaya mapapatunayan ko ang pangyayari. Ina: Kung ganoon, nakahanda ka bang magsalita upang malinis ang pangalan mo? Anak: Opo, Ma… Ayaw ko rin po kasing makasanayan ng mga kaibigan ko ang pagnanakaw. Lalong ayaw ko pong pamarisan sila ng ibang kabataan. Ina: Tama ka, Anak. Pasensiya na kung pinaghinalaan kita. Anak: Okay lang po, Mama. Samahan na lang po ninyo ako sa barangay hall.

Ang Talaarawan ni Katrina

Ang Talaarawan ni Katrina Hunyo 1, 2020 Kay sayang magtanim! Kapag nakikita kong malulusog ang mga halaman ko, para ako na ang pinakamasayang tao sa mundo. At para nila akong nginingitian at kinakawayan tuwing pinagmamasdan ko sila. Hindi ko nga akalaing dahil sa pandemya, matuto akong mag-alaga ng mga halaman. Dati-rati, tinitingnan ko lang si Mama tuwing nasa hardin siya. Hunyo 2, 2020 Isa na namang napakasayang kapaligiran ang bumati sa akin paggising ko. Parang binati ako ng mga halaman sa hardin. Kaya pagkatapsos kung mag-almusal, pumunta na ako sa hardin. Kulang na lang ay batiin ko sila ng ‘Good morning!’ Pero, sabi ni Mama, kinakausap daw talaga ang mga halaman. May buhay rin daw kasi sila. Nahihiya lang akong gawin iyon. Baka kasi may makarinig sa akin. Iisipin nilang nababaliw na ako. Hunyo 3, 2020 Nagtanim ako ngayon ng mga halamang namumulaklak, gaya ng rose, zinnia, daisy, cosmos, santan, jasmine, petunia, at iba pa. Sabi ni Mama, may green thumb daw ako, kaya sigurado raw na mabubuhay ang mga itinanim ko. Natatawa ako kasi hindi naman green ang thumb ko. Tiningnan ko pa nga ang hinlalaki ko. Hindi naman berde. Natawa rin si Mama kasi hindi naman daw literal ang kahulugan ng green thumb. Ipinaliwanag naman niya iyon sa akin. Hunyo 4, 2020 Naunawaan ko na ngayon ang kahulugan ng green thumb. May kakayahan daw kasi akong magpatubo, magpalaki, magpabulaklak, at magpabunga ng anomang halaman o pananim. Kaya pala may mga taong walang hilig sa pagtatanim kasi hindi raw sila nabubuhayan ng halaman. Hunyo 5, 2020 Ngayong araw, natuto na akong kausapin ang mga halaman ko. Naniniwala akong bahagi ng pagiging green thumb ang pakikipag-usap sa mga halaman. Kung may makakita at makarinig man sa akin, hindi ko ito ikahihiya. Ang alam ko lang, masaya ako kapag nag-aalaga ako ng mga halaman.

Ang Talaarawan ni Ramon

Abril 14, 2020 Dear Diary, Isang buwan na ang nakalipas nang ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) kung saan bawal lumabas. Tanging si Papa lamang ang nakalalabas ng bahay upang bumili ng aming mga pangangailangan. Isang miyembro ng pamilya lamang kasi ang binigyan ng barangay quarantine pass. Mula sa ECQ, ipinatutupad naman ngayon ang general community quarantine (GCQ) at extended pa rin ang ECQ sa ibang parte ng bansa. Nakakalungkot ang kalagayang ito ng Pilipinas. Sobra rin akong natatakot at nangangamba na baka mahawaan kami, lalo na’t kailangang lumabas ni Papa. Gayunpaman, labis ang aming pag-iingat. Hinuhugasan niyang maigi ang kaniyang pinamili at ang kaniyang sarili pagdating niya. Hindi ko rin lubos maisip kung hanggang kailan ang pandemyang ito. Nag-aalala ako para sa aming lahat. Nawalan ng trabaho si Papa. Hindi na rin makapagtinda si Mama. Mabuti na lang, may naipon silang pera. Ginamit nila iyon upang mag-online selling. Sana marami ang tumangkilik sa lutong ulam namin. Masarap namang magluto ang aking mga magulang kaya sigurado akong babalik-balikan sila ng mga customer. Ngayong araw, marami akong napagtanto. Isa na rito ang pagkatuklas ko ng aking mga talento. Kaya ko palang magsulat ng maikling kuwento. Dahil nakahiligan ko ang pagbabasa, nabuhay ang diwa ko para sa pagsusulat. Isang kuwentong pambata ang nagustuhan ko. Dahil sa karakter niya, naging inspired naman akong isulat ang kuwento ng batang nag-trending sa Facebook. At siyempre, nilagyan ko na lang twist sa dulo upang maiba. Bukas at sa mga susunod na araw, hindi na ako malulungkot at mabubugnot dahil sa hindi ako makalabas ng bahay. Marami palang puwedeng gawing kapaki-pakinabang na bagay at gawain habang nasa bahay. Patuloy na lang akong mananalangin upang bumaba na ang bilang nagpopositibo sa CoViD-19. Patuloy rin sanang maging malusog ang pangangatawan naming mag-anak. Ramon,

Ang Liham ni Samara

Gumamela St, Brgy. Looc Talisay, Cebu Hulyo 21, 2020 Blk. 51, Lot 5, Phase I Springtown Villas Subd. Brgy. Bucal, Tanza, Cavite Mahal kong Mary Jane, Magandang araw sa iyo! Mabuti naman ako rito sa Cebu. Sa katunayan, mayroon kaming munting hardin sa aming bakuran. Simula nang ipinagbawal ang paglabas-labas at pinag-utos ang social distancing, nawili ako sa pagtatanim ng mga halaman, gulay, at punongkahoy. Naghahayupan na rin kami. Sa ngayon, napapakinabangan na namin ang mga itinanim at inalagaan namin. Kahit paano, nakakaraos kami sa pang-araw-araw. Maayos naman ang mga kalusugan naming mag-anak. Sa tulong ng pagdasal, wastong nutsrisyon, pag-iingat ay nananatili kaming ligtas sa CoViD-19. Totoong nakakabagabag ang mga pangayyari, hindi lang sa Cebu at sa Pilipinas, kundi sa buong mundo, pero nagtitiwala ako sa Diyos na siyang may kontrol ng lahat. Salamat nga pala sa iyong pangungumusta at pagbabalita. Lagi kang mag-iingat! Miss na miss na kita. Ikumusta mo rin ako sa ating mga kaklase. Ang iyong kaibigan, Samara

Ang Liham ni Mary Jane

Blk. 51, Lot 5, Phase I Springtown Villas Subd. Brgy. Bucal, Tanza, Cavite Hulyo 11, 2020 Gumamela St, Brgy. Looc Talisay, Cebu Mahal kong Samara, Magandang araw sa iyo, kaibigan! Kumusta ka na? Nasasabik na akong makita ka. Nabalitaan ko ang epekto ng pandemya sa inyong lungsod. Lagi ka sanang mag-iingat at magdasal. Iyon din ang ginagawa ko rito. Sumulat ako para ipaalam sa iyo ang mga nangyari rito simula noong Marso. Alam mo bang binalot kaming mag-anak ng pangamba nang magkasakit si Papa. Akala naming positibo an siya sa CoViD-19. Matindi ang naranasan niyang sintomas, kaya hindi kami makalapit sa kanya. Hindi siya makahinga. May lagnat, ubo, at sipon siya. Nahihirapan siyang lumunok at nanginginig pa siya. Takot na takot ako noon dahil hindi ko alam kung makakaya kong bawiin na ng Diyos ang buhay niya. Naisip ko, paano na kaya kaming magkakapatid? Paano na kaya si Mama? Dahil sa pag-aalalaga namin sa kanya, lumakas siya. Kasabay niyon ang panalangin namin. Pagkatapos ng tatlong araw, unti-unting bumuti ang kalagayan ni Papa. Hindi na namin siya naipasuri sa doktor dahil ayon sa kanya, trangkaso lang daw iyon. Hindi raw siya naniniwalaang nahawaan siya sa labas dahil nag-ingat siya nang husto. Naghuhugas siya ng kamay pagkatapos mamili ng aming pagkain. Hinuhugasan rin niya nang mabuti ang kanyang pinamili. At totoo namang epektibo dahil pagkatapos ng pangyayari, wala nang nagkasakit sa amin. Nakatulong nang malaki ang masusustansiyang pagkaing inihahanda nila sa amin, gayundin ang pag-eehersisyo at pag-inom ng bitamina. Hanggang ngayon, patuloy ang aming pag-iingat. Ikaw, paano mo iniingatan ang iyong sarili? Sana manatii kang ligtas at malusog. Pagpalain sana tayo ng Diyos! Ang iyong kaibigan, Mary Jane

Pagbibigay sa mga Pulubi

Madalas kaming mamasyal na mag-anak. Tuwing Sabado at Linggo yata ay nasa pasyalan kaming mag-anak. Hindi ko na nga mabilang kung ilang beses na kaming bumiyahe. Basta ang alam ko lang, masaya ako kapag kasama ko sina Daddy at Mommy. Lalo rin akong humanga sa aking ama dahil kahit sino ang lumapit sa kanya upang manghingi ng tulong ay tutulungan niya. "Daddy, bakit binigyan mo siya? Sabi sa balita may batas daw na nagbabawal na huwag magbigay ng limos sa mga pulubi," sabi ko. "Ay, opo! Mendicancy Law ang tawag doon. Alam ko iyon, Anak. Mas pinaniniwalaan ko kasi na mas mapalad ang nagbibigay kaysa humihingi. Gaano man kaliit o kalaki ang halaga ng binigay mo, biyaya pa rin iyon sa katulad nila," paliwanag ni Daddy. "Tama ang daddy mo, Errol. Kaya ikaw, kapag may nakita kang katulad niya o manghingi sa iyo, magbigay ka kahit magkano. Hindi masama iyon," dagdag ni Mommy. "E, kasi... ang iba po, nagkukunwari lang na pulubi... Nagagalit pa kapag hindi nila gusto ang ibinigay mo," sabi ko. "Naalala ko po kasi minsan na nagbigay na ako ng kung ano-ano tirang pagkain sa bag ko, nagalit pa sa akin. Pera raw ang gusto niya." "Ano ang ginawa mo?" tanong ni Mommy. "Tumakbo na po ako kasi kung ano-ano na po ang lumapit sa akin. Mga kasamahan niyang malalaking bata. Nakakatakot po sila." "Naku, mag-iingat ka, Errol. Kaya pala nagtataka ka kung bakit ako nagbibigay sa kanila," wika ni Daddy. "Pero, nakita naman ninyo kung kanino ako nagbigay kanina. Pinipili ko ang mga bibigyan ko." "Kani-kanino lang po ba dapat magbigay?" tanong ko. "Sa matatanda at may kapansanan." "Tama po. Sige po, sa susunod po mamimili na rin po ako ng bibigyan." "Sino ang bibigyan mo: lalaking pilay pero malusog ang pangangatawan o batang marungis?" tanong ni Daddy. Napaisip ako. "Pareho pong matimbang sa akin." "Tama naman! Basta nasa puso ang pagbibigay," sabi niya. "Opo!"

Baon sa Puso

 Baon sa Puso     Mga guro’t estudyante, uwian na noon, Sa mga gawain sa umaga ay nagutom Pagkapananghali ay babalik sa hapon.  ...