Followers

Saturday, May 9, 2020

Junjun 1: Card

Naihanda na ni Junjun ang mga kagamitan niya sa paggawa ng kard. Mayroon na siyang puti at makukulay na papel, pasta, gunting, lapis, ruler, at makukulay na pentel pen.

Sinilip muna niya ang kanyang ate sa kuwarto nito. Natuwa siya kasi nagbabasa ito.

"Hindi alam ni Ate Maymay," bulong niya. Natatawa pa siyang pumasok sa kanyang kuwarto. Nagsara siya ng pinto. Ayaw niyang makita ito ng kanyang kapatid o kahit sinoman.

Sinimulan nang gawin ni Junjun ang kard. Tinupi niya ang puting papel. Gumupit siya ng puso sa pulang papel. Idinikit niya iyon sa harap ng puting papel. Gumupit din siya ng maliliit na bulaklak sa makukulay na papel, gaya ng morado, lila, mabaya, kahel, rosas, kalimbahin, kanaryo, at kunig. Gumupit din siya ng mga dahon mula sa lungtian at esmeraldang papel. Idinikit niya ang mga bulaklak at dahon sa ibaba ng malaking puso.

"Junjun, meryenda na!"

Narinig niya ang tawag ng kanyang ina, kaya agad siyang lumapit sa may pintuan.

"Opo, Mama... Susunod na po ako," tugon ni Junjun. Pilit niyang itinatago sa ina ang kanyang ginagawa.

Bago siya bumaba, tinakpan niya ng diyaryo ang mga kagamitan at ang ginagawa niyang kard. Pagkatapos, masaya siyang bumaba upang magmeryenda.

"Si Ate Maymay, tatawagin ko po muna," sabi ni Junjun.

"Tinawag ko na. Bababa na raw. Pero, sige, puntahan mo siya uli," utos ng ina.

Nang umakyat si Junjun, naabutan niya ang kapatid na nasa tapat ng kuwarto niya.

"Ano'ng ginawa mo sa kuwarto ko, Ate Maymay?" naiinis niyang tanong.

"Wala! Tatawagin sana kita. Nandiyan ka na pala." Tumawa pa si Ate Maymay.

"May nakita ka? Nakita mo?" usig ni Junjun.

"Wala! Wala akong nakita." Tumakbo na pababa si Ate Maymay.

Hinabol naman siya ni Junjun. "Nakakainis ka talaga! Naiinis ako sa `yo!"

"Ano na naman ang pinag-aawayan ninyo, ha?" nakapamaywang na tanong ng kanilang ina.

Nagtinginan sina Junjun at Maymay. "Wala po!" sabay nilang sagot.

"Nagbibiruan lang po kami," sabi ni Ate Maymay.

"Yari ka sa akin mamaya!" banta ni Junjun.

"Bakit mo pinagbabantaan ang ate mo?" pagalit ng ina.

"Po? Hindi po... Biruan lang po namin iyon," palusot ni Junjun.

"Okay! Sige... Kain na kayo." Tumalikod na ang kanilang ina.

Binelatan ni Junjun ang ate niya.

"May nakita ako... Hindi ko sasabihin kung ano," kanta ni Maymay. Tawa pa ito nang tawa.

Lalong nainis si Junjun, kaya tinukso niya nang tinukso ang ate niya. "May rin nakita ako. Tigyawat sa mukha ng ate ko." Kinanta rin niya iyon.

Ngumiti lang si Ate Maymay at ipinagpatuloy ang pagkain.

"Kung sino ang mahuli, siya ang magliligpit," sabi ni Ate Maymay.

Nagmadaling kumain ang magkapatid, pero si Junjun pa rin ang nahuli.

"May nakita ako, batang lalaki. Galit na galit sa kanyang ate," kanta ni Ate Maymay habang lumalayo sa hapag-kainan.

Pagkatapos magligpit, bumalik si Junjun sa kanyang ginagawa.

Tuwang-tuwa siya nang matapos iyon.

"Sigurado ako, matutuwa sa akin si Mama bukas," bulong ni Junjun.

Kinabukasan, naabutan ni Junjun ang kanyang ina, ama, at ate sa hapag-kainan.

"Halika na, Junjun, kakain na," yaya ng ama.

Lumapit muna si Junjun sa ina at inabot ang kard na kanyang ginawa. "Happy Mother's Day po, Mama!" Yumakap at nagbeso pa siya sa ina, saka masayang umupo sa tapat ng upuan ni Ate Maymay.

"Salamat, Junjun! Salamat, Maymay! Napasaya ninyo ako ngayong araw!" sabi ng ina. Hawak nito ang dalawang kard. Ang isa ay gawa ni Junjun. Ang isa naman ay gawa ni Ate Maymay.

Nalungkot si Junjun kasi akala niya, hindi nakagawa ang kanyang ate.

"Welcome po, Mama!" tugon ni Maymay. "Nagustuhan n'yo po ba ang kard ko?"

"Ay, oo, Maymay! Ang ganda, o! Ang galing-galing mo talagang gumuhit at magkulay," sabi ng ina.

Nginitian ni Maymay ang ina. Nginitian din niya si Junjun.

Sa sobrang inis, tumayo siya.

"O, Junjun, saan ka pupunta?" tanong ng ama.

"Magbabanyo po... May tigyawat po kasi."

Tumawa si Maymay. Nagseselos po siya."

"Halika rito, Junjun," yaya ng ina.

Tumayo si Junjun sa tapat ng ina at yumuko.

"Parehong maganda ang inyong mga gawa. Si Ate Maymay mo, mahusay sa pagpipinta, kaya heto ang kanyang obra. Ikaw, mahusay ka pa paggupit, kaya heto ang gawa mo. Hindi ba, Papa, ang gaganda nito?" tanong ng ina.

"Oo naman! Hindi ko nga naisip na gawa pala ninyo iyan. Sa Fathers' Day ba, meron din akong matatanggap niyan?" sabi naman ng ama.

"Siyempre naman po, Papa!" mabilis na sagot ni Maymay.

"O, ikaw, Junjun, bakit ka nagtatampo?" tanong ng ama.

"Kasi po akala ko, ako lang ang may gawa. Ginaya po ako ni Ate. Siya pa ang naunang magbigay... Pagkatapos, siya lang po ang pinuri ninyo kanina," paliwanag ni Junjun.

Nagtawanan ang mga magulang at kapatid niya.

"Ano ka ba, Junjun?! Hindi mahalaga kung sino naunang gumawa at nagbigay. At hindi rin mahalaga kung alin ang mas maganda," sabi ng ina. "Alam mo ba kung ano ang mas mahalaga?" Hinintay ng ina na sumagot si Junjun.

"Mas mahalaga po ang mensahe," sagot ni Junjun.

"Tama!" halos sabay na sagot ng ina at ama.

Binasa ng ina ang mensahe sa kard. "Mama, Mahal na mahal kita. Ikaw ang mabangong bulaklak sa buhay ko."

"Wow! Ang galing naman!" puri ng ama.

"Nakita mo na? Salamat, Junjun! Salamat, Maymay! Salamat, Papa! Salamat sa inyong tatlo dahil kayo ang dahilan kung bakit ako naging ina," maluha-luhang sabi ng ina.

Niyakap muli ni Junjun ang ina. Sumali na rin ang kanyang ate at ama.

"Nagtatampo ka pa ba?" tanong ng ina.

"Hindi na po...muna."

Nagtawanan ang magkakapamilya.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...