Followers

Monday, May 25, 2020

Paano Magtagumpay sa Buhay

Napakaraming paraan upang magtagumpay sa buhay. Hindi hadlang ang kahinaan, kakulangan, kabiguan, at kawalan upang makamit ang inaasam.

Maniwala ka sa sarili mo. Ikaw ang gagawa ng tagumpay, hindi ang kapwa mo, kaya pagkatiwalaan mo ang katalinuhan at kakayahan mo. 

Magtakda ka ng prayoridad. Ikaw ang nakaaalam sa mga bagay at kung alin ang mas mahalaga. Iyon ang unahin mo at iwaksi mo ang mga nakaaabala. 

Maging responsable ka sa sarili mo. Ikaw lang ang may obligasyon sa sarili at sa buhay mo. Huwag mong iasa sa pamilya mo. Huwag kang aasa sa iba.

Buuin mo ang kinabukasan mo. Ikaw lang ang may kakayahang gawin iyon, hindi ang suwerte. Kaya mong baguhin ang tadhana kung kikilos ka na ngayon. 

Magpokus ka sa mga mithiin mo. Ikaw ang may gusto niyan, kaya ikaw rin ang aabot. Huwag kang papalit-palit ng landasin sapagkat hindi ka makalalayo at hindi ka makararating. 

Huwag mong hayaang kontrolin ka ng iba. Ikaw ang gagawa ng destinasyon mo. Huwag kang magpapapigil, magpapakontrol, at magpapahadlang sa iba anoman ang mangyari.

Maging malikhain ka. Ikaw ang pinakamatalinong nilalang sa balat ng lupa, kaya alam mo ang diskarte sa buhay. Ang bawat bagay ay may kabuluhan. Tingnan mo ang mga iyon.

Mangarap ka nang mataas. Ikaw ang nakakaalam ng kaya mong abutin, kaya kung nais mong marating ang buwan, hindi iyon magiging imposible sa `yo sapagkat susubukan at gagawin mo.

Konrolin mo ang mga problema. Ikaw ang magpapaikot sa mga stressful na bagay at hindi ikaw ang paiikutin. Mas malaki ka kaysa sa problema kaya huwag kang susuko kapag binabayo ka nito. 

Maging agresibo ka, ngunit mapanuri. Ikaw ang susuong sa lahat ng mga oportunidad, pero dapat mo ring suriin at piliin. Kung ikakabigo at ikakapahamak mo lang din naman, huwag na lang. 

Maging positibo ka. Ikaw lang naman ang gagawa ng paraan upang ang lahat ng gagawin mo ay maging produktibo. Kapag inisip mong magwawagi ka, magwawagi ka. Kaya, lagi mong iisipin ang magandang kahihinatnan. 

Ilista mo ang mga gawain at pangarap mo. Ikaw man ang gagawa niyon, pero kailangan mong maglista upang may tiyak na larawan ka ng mga naaabot at hindi mo pa naaabot. Kapag kinatamaran mo ito, nabigo kang magplano. 

Magtakda ka ng tiyak na naisin at suriin mo ito nang madalas. Ikaw ang susuri sa mithiin mo, hindi ang iba. Lagi mong pagmuni-munian ang ginagawa mong pagkamit sa pangarap mo. 

Maglaan ka ng oras upang mapaunlad ang iyong kaisipan. Ikaw ang magpapakain sa utak mo. Magbasa ka. Mag-reflect ka. Madalas mo ring paunlarin ang kakayahan mong kilalanin ang sarili mo. 

Balikan mo ang mga resulta ng pagsisikap mo. Ikaw rin ang mag-aadjust kung may kulang, sobra, o mali sa effort mo. Lagi mong isaalang-alang ang mga mithiin mo, gayundin ang mga nakamit mo. 

Maging matiisin ka. Ikaw ang yuyuko kapag umiihip ang hangin. Huwag ka kaagad susuko. Maging tulad ka ng kawayan-- yumuyuko, ngunit hindi sumusuko. Maging matatag ka sa mga pagsubok. 

Gawin mo ang bawat bagay nang may pagmamahal. Ikaw ang may puso, hindi ang bagay o gawain, kaya nararapat lamang na gamitin ito. Gustuhin mo nang buong puso ang bawat gagawin mo. 

Huwag kang magagalit. Ikaw ang mas nakauunawa kaya ikaw dapat ang nagpapatawad. Pagdating sa kabiguan, hindi ito dapat kinamumuhian sapagkat ito ang magpapatibay sa `yo bilang isang nilalang. 

Magkaroon ka ng tiwala sa sarili. Ikaw iyan. e! Anoman ang kahinaan at kakulangan mo, huwag kang matakot gawin ang gusto mo. Kaya mo `yan! Mas nakakatakot ang hindi sumusubok ng bagong bagay. Kabiguang maituturing ang hindi sumubok.

Tandaan mong ang lahat ng pinaniniwalaan mo sa buhay ay isang lang ilusyon. Ikaw lang ang gagawa ng paraan upang maging makatotohanan ito. At kung hindi mo man magawa, isipin mo na lang na ang pangarap ay isang panaginip.

Maging matapat ka. Ikaw ang manloloko sa sarili mo kung magsisinungaling o mandaraya ka. Kaya huwag mong itatama ang mali o gagawing mali ang tama. Lagi mong gagawin ang nararapat, makatarungan, at totoo.

Kumilos ka. Ikaw ang gagawa para sa pangarap mo, kahit mayaman ka pa. Hindi naman nabibili o nababayaran ang tagumpay. Lalong hindi ito nakukuha sa magdamag lang. Pagsumikapan mo itong makuha. 

Maniwala kang mabuti ang pera at darating ito sa `yo. Ikaw dapat ang mukha o simbolo ng pera. Hindi ikaw ang dapat magmukhang pera. Hindi kahihiyan ang pagnanais nito, basta pagtrabahuan mo. 

Manalig ka sa Kanya. Ikaw ang lumapit sa Panginoon. Humingi ka't maniwala sa Kanya.  Kapag sinamahan mo pa ng gawa, tiyak na darating sa iyo ang biyaya. Magdasal ka rin at magpasalamat. 

Kapag tinanggap mo ang isang gawain, gawin mo nang masaya. Ikaw ang magpapadali sa bawat gawain o trabaho. Kapag masaya mo itong gagawin, hindi mo mararamdaman ang pagod at pagkabigo.

Maging matatag ka. Ikaw at ang iyong katatagan ang kailangan ng tagumpay na iyong inaasam. Kung susuko ka kaagad sa pagkakadapa, hindi ka na uusad. Maging malakas ka at matapang sa bawat pagsubok.

Ipadama mo sa kapwa mo ang pagmamahal.   Ikaw ang manguna. Kahit hindi ka nila kayang mahalin, mahalin mo pa rin. Kung hindi sila mapagmahal, mahalin mo pa rin. Kung hindi ka nila mahal, mahalin mo pa rin.

Pahalagahan mo ang oras. Ikaw ang may hawak ng oras mo. I-manage mo ito nang husto. Sa bawat minutong naaaksaya mo ay kabawasan sa araw ng pagtatagumpay mo. Kaya kong kaya mong gawin ngayon, gawin mo na. 

Manamit ka nang tama. Ikaw man ang magdadala sa sarili mo, ngunit kailangan mo pa ring isaalang-alang ang iyong kapwa. Ang pananamit mo ay bintana ng iyong pagkatao. Maging presentable at kagalang-galang ka upang umani ka ng respeto.

Matuto kang ipakilala ang iyong sarili. Ikaw ang nakakaalam ng kalakasan at kahinaan mo. Ibenta mo sa iba ang mga kakayahan mo. Palakasin mo ang mga kahinaan mo. Gumawa ka ng paraan upang madiskubre nila ang talino at talento mo. 

Tumigil ka muna kapag napapagod ka. Ikaw ang magsasabi kung kailan ka hihinto upang magpahinga, ngunit huwag kang susuko. Kapag bumalik na ang lakas at determinasyon mo, kumilos ka na ulit. 

Paniwalaan mo ang iyong kaloob-looban. Ikaw ang nakararamdam ng mga bagay-bagay, kaya maniwala ka sa iyong kutob. Huwag kang magdadalawang-isip. Huwag ka ring magpadalos-dalos. Pakinggan mo rin ang iyong puso. 

Kumain nang husto. Ikaw ang kawangis ng kinakain mo. Kapag kumulang ka, hihina ka. Kapag labis naman, ito ay nakasasama sa kalusugan. Kumain ka lang nang sapat. Palusugin mo ang iyong katawan nang makapag-isip at makagawa ka nang tama.

Humingi ka ng tulong sa mga taong may simpatiya sa mithiin mo. Ikaw ang nakakikilala sa iyong kapwa, kung sino sa kanila ang totoo at peke at kung sino ang willing tumulong o hindi. Pahalagahan mo ang tulong nila.

Tumulong ka rin sa iba. Ikaw ang tinulungan noon, ikaw naman ang tumulong. O ikaw ang tutulungan ngayon, ikaw naman sa susunod. Give and take lang iyan. Matuto kang tumanaw ng utang na loob at magbigay. 

Magmuni-muni ka. Ikaw ang kakausap sa sarili mo dahil minsan hindi ka naniniwala sa iba. Minsan, mas pinaniniwalaan mo pa ang bulong ng puso at isip mo. Kausapin mo ang inner self mo. Dalawa ang sagot nito, pero piliin mo ang tama.

Pagtiwalaan mo ang iba at maging mapagkakatiwalaan ka. Ikaw na ang magsimula ng pagbibigay ng tiwala. Trust begets trust. Kung walang magtitiwala, sino? Kapag nagtiwala kayo sa isa't isa, magsasama kayo nang maluwat.

Tandaan mong ang tagumpay ay higit pa sa pera. Ikaw ang nangarap maging matagumpay, kaya huwag mo itong ipagpalit sa pera. Mas masarap damhin ang tagumpay na iyong pinagpawisan. Ang pera ay panandalian lang. 

Maging mabait ka. Ikaw, bilang tao, ay may pusong wangis ng Maykapal. Gawin mo ang lahat ng kabutihan sa mundo sa abot ng iyong makakaya upang ang lahat ay umayon sa kagustuhan mo. Nakahahawa ang kabaitan. 

Maging organisado ka. Ikaw rin naman ang maaapektuhan kapag magulo ang paligid at isip mo, kaya ayusin mo. Literal kang maglinis. Magtanggal ka rin ng mga bagabag, alalahanin, at takot sa iyong isip. 

Huwag ka nang magpatumpik-tumpik pa. Ikaw rin naman ang gagawa ng kinabukasan mo, kaya huwag mo nang aksayahin ang oras mo. Huwag kang matulog sa pansitan. Kumilos ka na habang malakas ka pa. 

Dapat kontrolado mo ang sitwasyon. Ikaw dapat ang piloto ng pangarap mo. Huwag kang aasa sa eroplanong pinalilipad mo. Bawat detalye nito'y kailangan may kontrol ka kung ayaw mong bumagsak kasama nito. 

Manatili kang malusog. Ikaw ang nakararamdam sa kalusugan mo. Kapag may  nararamdaman ka, bigyang-lunas mo ito agad. Panatilihin mong malusog ang iyong katawan at kaisipan dahil ang kalusugan ay tagumpay.

Ibilang mo ang problema bilang oportunidad.  Ikaw lang ba ang may problema? Siyempre hindi. Kaya nga, ituring mo ang iyong problema bilang tuntungan patungo sa tagumpay. Lahat naman ng tagumpay ay may balakid. 

Pag-aralan mo ang trabaho o gawain mo. Ikaw ang magpapadali sa ginagawa mo, kaya sikapin mong matutuhan ito. Kapag kayang-kaya mo na itong gawin, hindi ka na makararamdam ng pagod at para ka na ring nagwagi. 

Huwag kang matakot magtagumpay. Ikaw ay nakadisenyo upang magtagumpay. Huwag mo itong katakutan. Huwag mo itong atrasan. Harapin mo ang laban. Lahat ng hadlang ay kaya mong lampasan kung matapang mo itong susunggaban. 

Maging mapagbigay ka sa kapwa. Ikaw mismo ay biyaya ng Diyos, kaya maging biyaya ka rin sa iba. Kapag nagbigay ka, hindi ka nawalan, bagkus nagkaroon ka pa. Ang mapagbigay raw ang pinakamasayang tao sa mundo. 

Bumagon at kumilos ka na. Ikaw lang ang hinihintay ng tagumpay. Hanapin mo siya. Gawin mo ang lahat upang magkita kayo. Ang pangarap ay mananatiling panaginip kung mananatili kang nakahiga at nakapikit. Bumangon ka na at gumawa. 

Paano ka magtatagumpay kung ni isa sa mga nabanggit ay hindi mo isasabuhay? Paano mo makakamit ang tagumpay kung ang simpleng suhestiyon ay hindi mo kayang   gawin? 

Tandaang ang tagumpay ay nasa iyong mga kamay, gayunpaman kailangan mo pa ring magsikhay. Ito ay mananatiling abot-kamay at abot-tanaw hanggang hindi ka humahakbang.


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...