Followers

Saturday, May 30, 2020

Pagsulat ng Talumpati

PAGSULAT NG TALUMPATI

Magandang araw po sa inyong lahat!
Ako sa inyo'y lubos na nagpapasalamat
dahil sa mga sandaling ito, kayo'y mulat
at handang makinig, matuto, at umangat.
Halina't tuklasin natin ang nararapat,
alamin ang talumpati, at kung paano isulat.

Ang talumpati ay nagpapakita ng katatasan at kahusayan. Ang sinomang nagtatalumpati ay may higit na kaalaman kaysa sa nakikinig.

Ang talumpati ay isang kahusayan ng tagapagsalita sa panghihikayat upang paniwalaan ang kanyang paniniwala, pananaw, at pangangatwiran sa isang partikular na paksang pag-uusapan.

Ang pagsulat ng talumpati ang susi sa mabisang pagtatalumpati. Ang mahusay na mananalumpati ay may isinulat na magandang talumpati.

Ang PAGTATALUMPATI ay isang paraan ng pagpapahayag ng ideya o kaisipan sa paraang pasalitang tumatalakay sa isang partikular na paksa. Isinusulat ang talumpati upang bigkasin sa harap ng mga tagapakinig.

Opo, ang pagtatalumpati ay isang proseso ng pagpapahayag ng ideya. Kailangan mo itong paghandaan at pag-aralan, bago mo bigkasin sa madla.

May apat na URI ANG TALUMPATI batay sa paraan ng pagbigkas nito.

Ang una ay ang Biglaang Talumpati (Impromptu). Ito ay ibinibigay nang biglaan o walang paghahanda. Nangyayari ito sa mga programa. Kadalasan, maikli lamang ito. Ang mahusay na mananalumpati ay nabibigyan ito ng epektibong resulta, lalo na ang mga sanay na at ang madalas magtalumpati.

Ang ikalawa ay ang Maluwag na Talumpati (Extemporaneous). Napaghandaan ito, kaya kadalasang mahaba at akma sa tema at sa mga tagapakinig ang nilalaman ng talumpati. Malaya nitong naipapahayag ang kaisipang nais niyang ipahayag sa madla.

Ang ikatlo ay ang Manuskrito. Ginagamit ito sa mga kumbensiyon, seminar, o programa sa pagsasaliksik, kaya pinag-aaralan ito nang mabuti at dapat na nakasulat. Binabasa ito.

Ang ikaapat ay ang Isinaulong Talumpati. Hindi ito binabasa kundi sinasaulo at binibigkas ng tagapagsalita.

Narito naman ang mga Uri ng Talumpati Ayon sa Layunin.

Una. Talumpating Panlibang. Layunin nito na magbigay ng kasiyahan sa mga nakikinig. Kailangang lahukan ito ng mga birong nakatatawa na may kaugnayan sa paksang tinatalakay. Ginagawa ito tuwing salusalo, pagtitipong sosyal, at mga pulong ng mga samahan.

Ikalawa. Talumpating Nagbibigay ng Impormasyon o Kabatiran. Layunin nitong ipabatid sa mga nakikinig ang tungkol sa isang paksa, isyu, o pangyayari. Dapat na maging malinaw at makatotohanan ang paglalahad ng impormasyon, kaya sa pagsulat nito ay kailangang gumamit ng mga dokumentong mapagkakatiwalaan.

Ikatlo. Talumpating Panghikayat. Layunin nitong hikayatin ang mga tagapakinig na tanggapin ang paniniwala ng mananalumpati sa pamamagitan ng pagbibigay-katuwiran at mga patunay.

Ikaapat.Talumpating Pampasigla. Layunin nitong magbigay ng inspirasyon sa mga nakikinig. Sa pagsulat nito, tiyaking makapupukaw at makapagpapasigla sa damdamin at isipan ng mga tao. Karaniwang isinasagawa ang ganitong talumpati sa araw ng pagtatapos sa mga paaralan at pamantasan, at pagdiriwang ng anibersaryo ng mga samahan o organisasyon.

Ikalima. Talumpati ng Papuri. Layunin nitong magbigay ng pagkilala o pagpupugay sa isang tao o samahan. Kabilang sa mga ito ang talumpati ng pagtatalaga sa bagong hirang na opisyal at talumpati para sa taong nagbigay-karangalan.

Ikaanim. Talumpati ng Pagbibigay-galang.
Layunin nitong tanggapin ang bagong kasapi ng samahan o organisasyon. Ginagawa rin ito bilang pagtanggap sa isang bagong opisyal na naitalaga sa isang tungkulin.

May mga dapat isaalang-alang sa Pagsulat ng Talumpati

Una. Uri ng mga Tagapakinig. Dapat alam natin ang kaalaman, pangangailangan, at interes ng ating magiging tagapakinig.

Ang edad o gulang ng mga makikinig ay mahalagang malaman bago isulat ang talumpati dahil dapat akma ang nilalaman ng paksa at wikang gagamitin sa edad ng mga makikinig.

Ang bilang ng mga makikinig ay dapat ding isaalang-alang. Kung marami ang makikinig, marami ring paniniwala at saloobin ang dapat na isaalang-alang ng mananalumpati.

Magkakaiba ang interes, kawilihan, karanasan, at kaalaman ng bawat tao o ng mga kalalakihan at kababaihan. Tiyak magkaiba ang pananaw ng dalawa hinggil sa isang partikular na paksa.

Ang edukasyon ay may malaking kinalaman sa kakayahan ng mga tagapakinig na umunawa sa paksa. Kung ang mga makikinig ay kabilang sa masang pangkat, mahalagang gumamit ng mga salita o halimbawa na akma para sa kanila.

Dapat ding isaalang-alang ang mga saloobin at dati nang alam ng mga nakikinig.

Ikalawa. Tema o Paksang Tatalakayin. Mahalagang matiyak ang tema ng pagdiriwang upang ang bubuoing talumpati ay may kinalaman sa layunin ng pagtitipon.
Ang pananaliksik ay makatutulong sa pagsulat ng talumpati. Ang pagbabasa at pangangalap ng impormasyon sa ensayklopedya, aklat, pahayagan, magasin, dyornal, at Google ay may malaking papel dito. Maaari ring magsagawa ng interbyu sa isang taong eksperto sa paksang tatalakayin.

Ang pagsulat ng talumpati ay katulad sa pagsulat ng sanaysay. Pareho itong may simula, katawan, at konklusiyon.

Ang isang magandang simula ay nakaaakit ng pansin ng mga makikinig. Ang pag-akit sa madla sa pamamagitan ng mapang-akit na simula ay maisasagawa sa iba’t ibang kaparaanan. Maaaring simulan sa isang di-pangkaraniwang pahayag, isang pagtatanong, isang naaangkop na anekdota o isang pagpapatungkol sa okasyon.

Ang katawan ng talumpati ay dapat nagtataglay ng mga mahahalagang kaisipang ninanais ihatid sa madla. Sikapin itong maging makabuluhan at kapani-paniwala. Ito ay dapat magtaglay ng mga paliwanag, paghahambing o pagtutulad, paghahalimbawa, pagbanggit sa mga tunay na pangyayari, estastika, at patotoo.

Ang paggamit ng matatalinghagang pahayag tulad ng pagwawangis, pagtutulad, personipikasyon, at iba pa ay makatutulong sa pagbibigay-bisa sa nilalaman ng talumpati. Ang pag-uulit ay mabisa, hindi lamang sa katawan ng talumpati kundi sa pagwawakas.

Ang wakas o konklusiyon ay mahalaga sapagka’t ito ay tumitiyak kung matatandaan ng madla ang ninanais ng nagtatalumpati na matandaan nila. Sa pamamagitan ng isang mahusay na wakas, ang panggitnang diwa ng talumpati ay iniiwan sa isipan ng nakikinig. Maaaring wakasan ang isang talumpati sa pamamagitan ng paglalayon, pagtatanong, paggamit ng naaangkop na siniping pahayag, at iba pang kaparaanan na makatutulong sa pag-iiwan ng mahahalagang kaisipan, damdamin, at saloobin sa nakikinig.

Tandaan, ang haba ng susulating talumpati ay nakabase sa oras na inilaan para sa pagbigkas o presentasyon nito. Malaking tulong sa pagbuo ng nilalaman nito ang pagtiyak sa nilaang oras.

Ang magandang talumpati ay makakukuha ng masigabong palakpakan mula sa madla.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...