Kilala mo ba si Juan Tamad? Si Pina? Si Harry Potter? Si Alice? Si Pinocchio?
Mabuti kung gano'n. Nangangahulugan lamang na kahanga-hanga ang pagkakalikha sa kanila ng mga manunulat.
Sila ay iilan lamang sa mga tauhan sa kuwentong kinagiliwan nating lahat. Hindi natin sila malilimutan. Nagkintal sila ng pambihirang impact sa puso at isipan natin. At utang natin iyan sa mga manunulat na lumikha sa kanila, gayundin sa mga dibuhista na gumuhit at nagbigay-kulay sa kanila.
Ang manunulat ang taong may higit na responsiblidad sa paglikha ng tauhang hindi makakalimutan. Isang malaking karangalan para sa manunulat kapag ang tauhang nilikha niya ay sumikat, nanatili sa isip at puso ng tao, at naging inspirasyon ng mga mambabasa.
Paano nga ba lumikha ng tauhang hindi makakalimutan ng mga mambabasa?
Mag-isip ng magandang pangalan. Ang manunulat ay kailangang umakto bilang magulang na pumipili ng pangalan para sa isisilang na anak. May malaking papel na ginagampanan ang pangalan ng tao sa buhay niya, kaya nararapat lamang na mapili ito nang maigi para sa isang tauhan. Sa kuwentong pambata, patok ang mga palayaw. Ibinabagay rin minsan ang pangalan sa ugali ng tauhan at magkasingtunog. Halimbawa, 'Agot Maramot' at 'Ningning Kambing.' Maaari rin namang banyagang pangalan, pero mas maganda kung Pinoy rin.
Maganda ba sa pandinig ang pangalan ng tauhan? Kung, oo... maganda ang pangalang napili mo. Catchy! Kung gayon, posibleng maging memorable ang karakter mo.
Ating tatandaan na ang pagbibigay ng pangalan sa tauhan ay hindi kasingdali sa paggamit ng mga pangalan ng kakilala, kaibigan, kapitbahay, anak, o pamangkin. Maaari rin namang hiramin at gamitin ang mga pangalan nila, ngunit ito ay hindi yata malikhaing paraan.
Ang ibang manunulat ay gumagamit ng biodata system upang makalikha ng pambihirang tauhan. Mahalagang kilalang-kilala ng manunulat ang tauhan. Edad nito. Pisikal na katangian. Kaarawan. Tirahan. Lahat ng detalyeng nasa biodata! Subalit, hindi naman isasamang lahat ng mga iyon sa kuwento, kundi gabay lamang sa pagsusulat.
Bukod sa mga detalye sa biodata, kailangan ding alamin ang medical history ng tauhan. Baka may sakit siya. Baka may allergy. Alamin din ang physical features nito. May nunal ba? May mga palatandaan? May mga imperfections?
Kung nobelang pambata naman ang isusulat, kailangang tukuyin ang family tree ng pangunahing tauhan.
Isa ring pagsasanay ng ilang manunulat ang pagpapanggap o pag-iimagine sa tauhan na nakasama mo siya sa isang handaan at kasama mo siya sa mesa. Doon ay mapapansin mo ang kanyang kilos, gawi, pananalita, pananamit, at tiwala sa sarili.
Ang bawat tao o bata ay may lihim. Kaya, mahalagang alam ng manunulat na magamit iyon sa sulatin.
Magiging malabnaw ang kuwento mo kung hindi mo bibigyan ng motibo at ambisyon ang iyong tauhan. Pangarap ba nitong makarating sa Maynila? Nais ba ng nitong matulad sa butiki na may kakayahang patubuing muli ang buntot? Bigyan mo siya ng aabutin niya. Pahirapan mo siya, pero tulungan mo siyang abutin iyon at maunawan iyon kung bakit hindi niya nakamit.
Bigyan mo ng suliranin ang tauhan. May dalawang uri ang suliraning kakaharapin nito: internal o sikolohikal at external o sosyolohikal. Kung ang problema ng tauhan ay may kinalaman sa kanyang pisikal na katawan, internal problem iyon. Halimbawa, hindi siya marunong magsinga ng sipon. Kung ang problema ng tauhan ay may kinalaman sa lipunan, extermal problem iyon. Halimbawa, hindi siya makalabas dahil sa lockdown.
Walang perpektong tao, kaya nararapat lang na ang tauhang lilikhain mo ay bigyan mo ng kamalian o kapintasan. Subalit sa bandang huli, itatama niya ang kanyang pagkakamali o tatanggapin niya ang kanyang kapintasan. At siyempre, kailangang ipagdiwang sa kuwento ang mga iyon, maliit o malaking tagumpay man iyon para sa kanila. Para sa mga batang mambabasa, tagumpay nang maituturing kapag natuto silang magtali ng sintas o magbisikleta.
Mahalaga ring mabigyan mo ng kakayahan o kapangyarihan ang tauhan na lutasin ang suliranin, gaano man ito kadali o kahirap. Hayaan mong ito ang lumutas, hindi ang magulang o guro. Huwag idaan sa panaginip ang solusyon. Iyong tipong natulog lang ang tauhan at paggsing ay solb na ang problema. Gawin mo siyang aktibo. Hayaan mo muna siyang masaktan, mabigo, at matalo bago magtagumpay. Isipin na lang natin si Pilandok. Nilutas niyang mag-isa ang suliranin.
At ang pinakamahalaga upang makabuo ka ng `di-malilimutang tauhan, magbasa ka ng mga kuwentong pambata, regardless kung foreign o local. Makakukuha ka ng mayaman at samo't saring ideya.
Nawa'y makilala ko ang tauhang lilikhain mo. Happy writing!
No comments:
Post a Comment