Sa panahon ngayon, kailangan nating maging masaya. Dapat palagi tayong may ngiti sa labi.
Magkakaiba tayo ng depinisyon o paraan ng pagiging masaya, kaya mayroon dito, dalawampu't limang tips kung paano maging masaya.
Palitan natin ang kaisipan. Huwag na tayong maging pesimistiko at negatibo. Kailangang lagi tayong punong-puno ng pag-asa anoman ang pinagdaraang problema. Huwag din tayong magkubli sa pagdududa, pagdadalawang-isip, at pag-aalinlangan.
Magsulat sa diary o journal. Ina-absorb kasi nito ang mga hindi mabuting mood, kaisipan, damdamin, at saloobin. Habang sinusulat natin ang mga nasa ating puso, ang lahat ay nagiging positibo. Sabi nga, mga matatagumpay na tao ang nagda-diary at nagdyo-journal.
Humugot tayo ng inspirasyon sa iba. Minsan, ang ibang tao pa ang nagpapamukha sa atin kung bakit hindi tayo masaya. At kapag ganoon ang nangyari, hugutin natin iyon upang maging masaya tayo. Wala namang masama sa panggagaya. Gawin natin silang inspirasyon.
Huwag tayong magpaapekto sa maliliit na bagay. Huwag tayong masyadong maging sensitibo. Huwag nating pansinin ang mga taong walang maidudulot na mabuti sa atin. Malilit na bahagi lamang sila at kayang-kaya nating tirisin.
Gawin na natin ang mga gawaing-bahay na kailangan nang tapusin. Huwag na nating hayaang pati ang mga bagay sa loob ng bahay natin ay kaiinisan natin dahil madalas nating balewalain. Gawin na natin kaagad! Kapag maaliwalas at malinis ang bahay, masaya tayo.
Magpalit tayo ng 'routine.' Isa sa nakapagpapalungkot sa atin ang paulit-ulit na trabaho o gawain. Subukan natin ang iba. Huwag tayong matakot magbago ng landas baka doon pa tayo makatagpo ng mas masayang buhay.
Huwag tayong masanay na may kasama, katulong, katuwang o kapartner. Hindi kalungkutan ang pag-iisa. At hindi lahat ng may lovelife ay masaya. Sikapin nating mamuhay nang malaya, walang sinasandalan at walang hinihingian ng tulong, payo, o awa.
Iwanan natin ang mga walang kuwentang tao o bagay. Kung hindi naman tayo masaya sa isang tao, bagay, o gawain, bakit pa tayo nagtitiyaga? Layuan natin ang mga ito. Hindi natin deserve maging malungkot dahil sa kanila.
Matuto tayong tumanggi. Hindi masama ang pumalag. Hindi kasalanan ang umayaw, kumontra, o lumaban lalo na kung nasa tama naman. Kung sang-ayon lang tayo nang sang-ayon, aba, dinaig pa natin ang trese martires!
Mahalin natin ang partner natin, kahit sino o ano pa sila. Kapag nagawa nating mapasaya sila, masaya na rin tayo. Hindi matutumbasan ang ligaya o kahit simpleng ngiti nila. Lagi nating tatandaan na sila ang ating kakampi sa anomang hamon ng buhay.
Huwag nating pagsawaan ang mga bagay o tao sa paligid natin. Kahit naiinis tayo sa kanila, basta mahalaga pa sila sa buhay natin, sige lang! Pagtiyagaan natin sila hanggang dumating sa punto na makita natin kung gaano talaga sila kahalaga.
Mag-I love you tayo sa mga partner, pamilya, at kaibigan natin. Hindi lang natin napasaya ang ating sarili, lalong napasaya natin sila. Mahirap naman talagang gawin ito para sa ilan, pero maraming paraan. Puwedeng email, chat, text, greeting card, sulat o snailmail, at personal.
Maging 'kaibigang masasandalan' tayo. May mga kaibigang hindi pera ang suliranin. Ang karamihan, gusto lang ng balikat natin upang kanilang maiyakan. Ang mabigyan lang natin sila ng oras, payo, at magagandang salita, sapat na sa kanila upang sila'y muli sumaya.
Kontakin natin ang mga dati nating kaibigan. Hindi na imposible ngayon na mahanap at maka-chat natin kahit ang kaklase natin sa Kinder. Kapag kinumusta natin sila pagkatapos nang mahabang panahon nang hindi pagkikita, sobra nilang ligaya. Kahit tayo rin, `di ba?
Minsan, subukan nating maging 'green-minded.' May mga tanong nasisiyahan kapag ang usapan ay may kalaswaaan. Hindi naman ito masama kung paminsan-minsan lang naman. Basta usapan lang, walang personalan. At siyempre, ilulugar, ita-timing, at pipillin ang mga kausap.
Pumunta tayo sa dagat. Hindi lang ito outing o swimming. Ang iba sa atin, masaya nang maamoy ang simoy ng hangin sa dalampasigan, masaya nang makapagtampisaw at makapag-beachcomb, at masaya nang makapag-selfie. Lahat ng ito ay tunay na nakapagpapasaya.
Gumawa tayo ng likhang-sining. Anomang gawain kapag gusto nating gawin ay nagdudulot ng kasiyahan sa puso natin. Habang gumagawa tayo, nakalilimutan natin ang mga bigat sa ating mga puso at damdamin. Kapag gumagawa tayo ng bagay, may natututuhan at may nauunawaan tayo.
Lumanghap tayo ng sariwang hangin. Ang kalikasan lang ang makapagbibigay nito sa atin. Hiking tayo! O kaya'y magtungo sa parke, sa burol, sa bundok, sa kakahuyan, sa kagubatan, o sa dalampasigan. Kapag nakahihinga tayo at nakalalanghap ng sariwa at preskong hangin, awtomatiko tayong sumasaya.
Maglakad-lakad tayo. Literal ito na huwag na tayong sumakay. Nakatitipid na tayo sa pamasahe, nakababawas pa sa polusyon. Lahat tayo happy! At ang paglakad-lakad kapag mabigat ang puso ay makatanggal ng ating kabagutan at kalungkutan. Nakatanggal din ito ng taba.
Manood tayo ng funny videos at movies. Marami tayong mapagpipilian sa youtube at sa Netflix. Ang iba nga, sa Facebook at sa telebisyon lang. May mga artistang mahuhusay magpatawa. Pansamantala man ang dulot nitong kasiyahan, at least sumaya tayo kahit saglit. May ilan nga, tuluyan nang nagiging masaya. (Baliw na pala sa katatawa.
Mag-ayos tayo ng sala. Kapag nalulungkot at nabubugnot tayo, madalas ang sala ang napagdidiskitahan natin. Hindi natin namamalayan, nakangiti at masaya na pala tayo pagkatapos nating ilipat-lipat ang muwebles, mga appliances, at mga pandisplay.
Mag-isip tayo ng isang goal. Magplano tayo, sa madaling sabi. Magpaka-busy tayo sa pangangarap. Mag-pretend tayong nandoon tayo sa Boracay, sa Paris, o kaya sa England. Kapag abala ang isip at diwa natin, hindi na natin magagawa pang damdamin ang bigat ng dinadala ng puso natin.
Yayain natin sa hapunan ang mga kaibigan natin. Kundi man natin sila mailibre ng dinner sa restaurant o fastfood chain, puwede namang KKB. Makipag-salo-salo tayo sa kanila habang nakikipagkuwentuhan at nakikipagtawanan. Mas maganda nga nito kung sa bahay natin sila imbitahan. Mas malaya tayo.
Ngumiti tayo. Libre lang ito. Ito na ang pinakamadaling paraan upang maging masaya. Pero, para sa iba, napakahirap daw ngumiti kapag malungkot o may problema. Ang totoo, napag-aaralan ang pagngiti. Ang iba nga, makita lang tayong nakangiti, masaya na. Sana, ganoon rin tayo.
At pangitiin natin ang iba. Sabi nga, it's better to give than to receive. Kapag nagbigay tayo, hindi lang tayo nakapagpasaya ng kapwa, kundi pati ang ating sarili. Mas masaya tayo kaysa sa tumanggap. Hindi rin sinusukat ang halaga ng binigay dahil kapag nagbigay tayo, may Diyos, na mas masaya kaysa sa atin.
Sa dami ng mga ito, walang dahilan upang manatili tayong lugmok sa kapighatian. Kaya tayo malungkot ay mas pinili nating maging malungkot. Sabi nga, happiness is a choice.
No comments:
Post a Comment