Followers

Wednesday, June 17, 2020

Ang Panlapi

Magandang araw sa inyong lahat!

Narito tayo ngayon sa isa na namang pagtatalakayan.

Makinig. Magbasa. Sumabay. At matuto.

Ang aralin natin ngayon ay tungkol sa PANLAPI.

Sa araling ito, bibigyan natin ng kahulugan at mga halimbawa ang PANLAPI. Iisa-isahin rin natin ang mga uri nito.

Ano nga ba ang Panlapi?

Ang PANLAPI ay titik, pantig, kataga o mga kataga na idinurugtong sa salitang-ugat upang makabuo ng bagong salita.

Ang mga halimbawa ng panlapi ay:

um-
pag-
mag-
nag-
na-
-in
-an
-han
-hin


Ano naman ang SALITANG-UGAT?

Ang salitang-ugat ay orihinal na salita o salitang pinagmumulan ng mga bagong salita.

Ang mga halimbawa ng salitang-ugat ay:

dasal
hugas
kain
inom
ligo
bigay
tulong


Pinag-aaralan natin ang salitang-ugat dahil dito magsisimula ang aralin natin.

Kapag pinagsama natin ang mga salitang-ugat at panlapi, makabubuo tayo ng bagong salita.

Narito ang simpleng pormularyo sa pagbuo ng bagong salita:


PANLAPI + SALITANG-UGAT = BAGONG SALITA



Ang mga sumusunod ay halimbawa:

Panlapi Salitang-Ugat Bagong Salita
1. mag-        dasal                 magdasal
2. nag-            hugas                naghugas
3. -um             kain                   kumain
4. -i                  inom                 iinom
5. pag-            ligo                    pagligo
6. -an.             bigay                 bigayan
7. tu-               tulong               tutulong





Malinaw na ang mga panlapi ay walang kahulugan. Nagkakaroon lang ito ng kahulugan kapag isinama sa salitang-ugat. 


Ang panlapi ay parang IKAW. Walang kahulugan ang buhay kapag hindi mo SIYA kasama.

Ayie!

May tatlong uri ang PANLAPI.

UNLAPI
GITLAPI
HULAPI

Ang UNLAPI ay panlaping idinurugtong sa UNAHAN ng salitang-ugat.

Halimbawa:

na + hinto = nahinto
i + tama = itama
pag + laya = paglaya

Ang GITLAPI ay panlaping idinurugtong sa GITNA ng salitang-ugat.

Halimbawa:

binalak  (balak) + (-in)
lumabas  (labas) + (-um)


Ang HULAPI ay panlaping idinurugtong sa HULIHAN ng salitang-ugat.

Halimbawa:

sama + han = samahan
labas + an = labasan
sulit + in = sulitin

May mga BAGONG SALITA na binubuo ng dalawa o tatlong panlapi.
Narito ang mga halimbawa:
1. katotohanan (totoo)
2. pagbutihan (buti)
3. kabataan (bata)
4. pagtutulungan (tulong)
5. pinag-aagawan (agaw)

May mga bagong salita rin na nilagyan ng PANLAPI, ngunit iba ang kinalabasan. 

Narito ang mga halimbawa:

SUNDIN (sunod) (-in)
MARUMI (ma-) (dumi)
NILAGYAN (ni-) (lagay) (-an)
TULUNGAN (tulong) (an)

May paliwanag para sa mga ito. Abangan sa aking susunod na vlog.

PAKIUSAP LANG PO.
Huwag ninyong ihiwalay ang panlapi sa salitang-ugat.

Marami akong nababasa sa Facebook, na mali-maling gamit ng panlapi.

TANDAAN:
Kaya nga tayo gumagamit ng panlapi upang pagdugtungin at maging isang salita, hindi upang maghiwalay at maging dalawang salita o kataga.

Narito ang maga halimbawa ng MALING GAMIT NG PANLAPI:

mag sulat
pag laki
paki kuha 
naka inuman


Ang mga salita o katagang dapat magkahiwalay, pinagsasama naman.

Ano ba?

samin (sa amin)(sa `min)
diba  (hindi ba) (`di ba)
kana (ka na)
nalang (na lang)
sakin (sa akin) (sa `kin)
nato (na ito) (na `to)
padin (pa rin) 

MGA FILIPINO TAYO! Nararapat lang na bihasa tayo sa sarili nating wika.

Bago mag-post sa Facebook, double check.
Think before you click. 

Ang PANLAPI ay ginagamit upang magkaroon ng bagong salita. Ang bawat bagong salitang mabubuo ay may bagong kahulugan.







No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...