Bihira ang hindi nakaaalam ng kahulugan ng pangngalan, subalit ibibigay ko pa rin.
Ang pangngalan ay bahagi ng pananalita na nagsasaad ng ngalan ng tao, bagay, hayop, pook, pangyayari, gawain, ideya, at iba pa.
May tatlong uri ang pangngalan ayon sa tungkulin. Ang mga ito ay tahas (kongkreto), basal (di-kongkreto), at lansakan.
Ang Tahas o Kongkreto ay pangngalan na nakikita at nahahawakan. Halimbawa, mangkok, sandok, manok.
Ang Basal o Di-Kongkreto ay tinatawag ding abstrakto. Ito ay pangngalang hindi nakikita o nahahawakan, pero nadarama, naiisip, nagugunita o napapangarap. Halimbawa: kaligayahan, pangarap, pag-ibig
Ang Lansakan naman ay pangngalan nagsasaad ng kaisahan sa kabila ng dami o bilang. Halimbawa: pulutong, buwig, tumpok
Subukan nga natin kung may natutuhan ka. Sabihin ang uri ng mga sumusunod
1. saging (Tahas)
2. piling ng saging (Lansakan)
3. Samahan ng mga Guro (Lansakan)
4. kabaitan (Basal)
5. paghihirap (Basal)
6. hangin (Tahas)
7. anino (Tahas)
8. tambak ng lupa (Lansakan)
9. kapayapaan (Basal)
10. kaarawan (Basal)
Magaling!
No comments:
Post a Comment