Followers

Friday, June 12, 2020

Paano Makaipon ng Pera

Sabi nga, kapag may isinuksok, may madurukot, kaya ang pag-iipon ng pera ay paghahanda para sa mga pangangailangan sa darating na araw o panahon. 

Mahirap ang mag-ipon ng pera, pero mas mahirap kung magigipit ka na. Kaya habang may pera ka o may kinikita ka, magtabi ka kahit kaunting halaga. Kahit piso iyan, malaki na ang magagawa niyan kapag naipon. 

Paano nga ba makaipon ng pera?

Simple lang.

Huwag kang bumili nang bumili ng mga bagay na hindi mo naman kailangan. Pigilan mo ang paging impulsive o compulsive buyer mo. Kung may online selling apps ka, uninstall mo na. Kung wala pa, huwag mo nang subukan. At kung kasali ka sa online selling or barter group, mag-leave ka na. Mag-leave ka na kung napapansin mong sumisikip na ang bahay ninyo dahil sa mga gamit na binibili mo. 

Tanggalin mo ang inggit sa katawan mo. Hanggang ikinukumpara mo ang buhay mo sa iba, ang tendency ay gayahin sila. Namumuhay ka na parang sila, kahit wala ka namang kakayahan. Nagpi-feeling ka lang naman, `di ba? Hindi mo naman napapanindigan. Mas mahirap magkunwari kaysa magpakatotoo. Live your life. Kung ano ka `yon ka. Magsumikap ka, sa halip na mainggit sa iba. Mag-ipon ka para mabili mo ang kinaiinggitan mo sa kanila. Pero, mas mainam kung hayaan mo silang magkaroon niyon. Isipin mo na lang, masisira ang lahat ng bagay. Sayang, `di ba? So, bakit ka pa bibili?  

Huwag kang magbisyo. Hindi lang sugal, droga, babae/lalaki, sigarilyo, at alak ang mga bisyo. Hindi mo alam ang lifestyle mo, bisyo na agad. Milk tea rito, milk tea roon. Samgyup dito, Samgyup doon. Starbucks dito, Starbucks doon. Shopping dito, shopping doon. Gala rito, gala roon. Plus, ang gadget mo, bago pa, pero nagpalit ka na. Para ka lang nagpapalit ng underwear. Huwag ganoon! Kahit mayaman, namomorblema sa pera, ikaw pa kaya. Itigil mo na ang bisyo mo, bago ka pa maadik. Sa halip ba igastos mo sa mga kinababaliwan mong bisyo, itabi mo. Imagine, kung gumagatos ka sa bisyo mo ng P300 kada araw, e `di, sa isang buwan may ipon ka nang P9000.

Maging kuripot ka paminsan-minsan. Kung maaari nga, palagi kang maging kuripot. Huwag kang manlibre nang manlibre kasi dadami ang fake friends mo. Pahalagahan mo kahit sentimos. Saan ba galing ang milyon? Tumawad ka sa pamimili. Maging practical at wise buyer ka. Hindi lahat ng branded ay matibay o maganda. At hindi rin lahat ng mura ay low quality. Galingan mo ang pagpili. Minsan, sa ukay-ukay ay makakapili ka pa ng mas magandang item kaysa sa department store. Nasa nagdadala lang iyan. Damitan ka man ng magarbo, kung hindi naman bagay sa `yo, mukha ka pa ring trapo. Kaya, doon ka na sa Made in UK. Labhan mo lang nang maigi. Tingnan mo rin ang mga bulsa, baka may dollars. 

Mag-alkansiya ka. Oo, alkansiya... kasi mas makakaipon ka kaysa sa banko. Hindi ka mahihiyang maghulog ng pera sa alkansiya kahit barya. Samantalang sa banko, daan-daan o libo-libo lang yata ang inilalagay natin. Aminin natin, bibihira tayong magdeposito ng barya sa banko. Kaya kung ikaw ako, mag-alkansiya ka. Hindi mo kailangang bumili ng mamahaling piggy bank o anomang alkansiya. Gastos pa iyon. babasagin mo lang naman, e. Sa garapon, lata o plastic bottle ay puwede ka nang makapag-ipon. Kung ayaw mo naman sa alkansiya, e `di magbanko ka. Basta ang mahalaga, makaipon ka. Ang iba nga, may 'Ipon Challenge.' 

Kung sisimulan mo nang sundin ngayon ang mga tips na ito, baka after a month malaki na ang ipon mo. 


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...