Followers

Wednesday, June 3, 2020

Si Vida Kontrabida

“Ayan ka naman, Vida!," nakangiwing sawata ni Anna, isa sa mga SK kagawad. "Lagi ka na lang ganyan... Hindi ba nag-usap-usap na tayo?"

            "Oo nga, pero naisip kong mali pala," paliwanag ni Vida.

            "Ano'ng mali? Hindi ba nagbotohan pa tayo at ang gusto ng karamihan ay ituloy natin ang proyekto," sabi naman ni Rolando, ang SK chairman ng Barangay Sampaloc.

            "Posible tayong makasagap ng virus sa gagawin natin," hirit pa ni Vida.

            "Naku! Naipaliwanag na natin kanina kung paano natin proprotektahan ang sarili natin. Isa pa, inaasahan na ni Kapitana Elsa ang ating pakikiisa. Nakahanda na rin ang mga relief goods," sabi ni Rolando.

            "Sige, ituloy ninyo. Basta huwag na ninyong asahang darating ako sa Lunes," tugon ni Vida.

            "Ano'ng ibig mong sabihin? Iiwanan mo kami? Paano ang gawaing nakaatang sa `yo? Sino ang gagawa niyon?" tanong ni Rosa, isa ring kagawad.

            "Kayo na ang bahala. Pag-usapan ulit ninyo. Tutal kayo naman ang matatapang kaharapin ang peligro... Pasensiya na.” Tumalikod na si Vida at mabilis na lumayo sa mga kasamahan.

            Nagbulungan ang mga kasamahan niya, pero hindi na niya iyon inintindi. Alam niyang magkakaroon uli ng pagpupulong ang mga ito.

            Sa kanilang bahay, agad na nakaramdam ng kalungkutan si Vida. Gayunpaman, sanay na siyang matawag na kontrabida.

            Sa pulong ng Sangguniang Kabataan, kasalukuyang nilang pinag-uusapan ang mga dapat gawin.

            “Bumalik si Vida Kontrabida,” deklara ni Anna.

            “Puwede bang sumali sa pulong ninyo?” nahihiyang sabi ni Vida. “Sorry sa inasal ko kanina.”

            “Sige, sige… Halika, upo ka rito.” Binigyan siya ng upuan ni Rolando.

            “Napag-isip-isip ko, lagi akong nagiging kontrabida sa inyo. Akala ko kasi lagi ninyong     binabalewala ang mga suhestiyon ko. Ang totoo naman pala, pinagbobotohan natin upang makabuo tayo ng tamang desisyon. Pasensiya na talaga kayo… Hindi na ito mauulit.,” sabi ni Vida.

              “So, itutuloy na ba natin ang naunang plano?” masayang tanong ni Rolando.

              “Oo, sana,” tugon ni Vida.

              “Mabuti naman kung ganoon… Meeting adjourned!”

              Habang nagtatawanan at nagliligpit ang kanilang mga kasamahan, kinamayan ni Rolando si Vida. “Sana ikaw na palagi si Bidang Vida.”

              “Oo, Chairman, ayaw ko nang maging Vida Kontrabida. Kailangan ko nang tanggapin ang anomang napagpasyahan ng nakararami dahil iyon ang siguradong tama at nakabubuti sa lahat.”


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...