Followers

Saturday, June 13, 2020

Mahirap Magpasya

                    Mahirap magpasya, para sa ilan. Ang iba naman, nahihirapang sumang-ayon sa pasya. Kaya nga, madalas nagkakaroon ng pagtatalo sa mga panahong may pinagpapasyahan. Minsan, kahit sarili mo ay nagiging kalaban mo sa pagpili ng tamang desisyon, Halimbawa, sa pagpili ng damit na susuutin, saan mag-aaral, o ano ang kakainin.

                    Ang ibang tao naman ay naghahanap ng suhestiyon, opinyon o rekomendasyon ng ibang tao upang mas mapadali ang kanyang pagpapasya. Subalit sa pagdating sa grupo ng mga tao, may mga bagay na isinasaalang-alang bago magpasya. Mas pinipili ang pasya ng nakararami kaysa sa pasya ng  minorya. Sa pagkakataong tumabla ang mga boto, nagkakaroon ng toss coin.

                    Maraming bagay na nakaaapekto sa pagbuo o pagsang-ayon sa pasya. Narito ang ilan.

                    1. Kulang ang impormasyon. May oras na kailangan nang magpasya, ngunit dahil wala ka pang sapat na batayan sa pinili ng nakararami, hindi ka na lang sumasang-ayon dahil ayaw mong magkamali. Nais mo munang pag-aralan ang kalalabasan niyon.

                    2. Sobra ang impormasyon. Kabaligtaran naman ito ng nauna. Nagiging magulo na tuloy ang isip mo. Hindi mo na alam kung alin ang tama. Lalo tuloy tumatagal ang pagpapasya dahil marami ang dapat isaalang-alang at pag-aralan.

                    3. Marami ang kasapi. Kapag marami ang taong magpapasya, marami rin ang magkakaibang saloobin, kurokuro, opinyon, at suhestiyon. Nahihirapan tuloy ang grupo na salain ang   pinakamabuting pasya.

                    4. May nakatagong interes. Nahahadlangan ang pagpili ng tamang pasya kapag may isa o ilang tao sa grupo na may nakatagong interes. Mas isinusulong niya ang isang bagay o desisyon dahil nakabubuti iyon sa kanya, ngunit hindi maganda ang dulot sa karamihan.

                    5. May nakadikit na emosyon. Kapag may kasapi sa grupo na madrama, nagiging hilaw ang pagpapasya. Mas nananig kasi ang awa, takot, kaba, saya, lungkot, at iba pang emosyon, kaysa sa tunay na layunin ng pagpapasya.

                    6. Walang pakialam. Hindi nagkakaroon ng tamang pasya dahil may mga taong walang pakialam sa pinag-uusapan o pinagdedesisyonan. Kung ano na lang ang mapali ng mga kasamahan, iyon na lang din ang sasang-ayonan niya.

                    Ang mga hadlang na ito ay maiiwasan kung ang pagpapasya ay isasagawa sa masusing paraan. Kailangang nakaplano ang oras at araw ng pagpapasya, gayundin ang mga hakbang at mga usapin ukol sa bagay na pagpapasyahan.


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...