Followers

Monday, June 8, 2020

Matutong Mag-English

Ang Ingles ang pandaigdig na wika, na kailangang matutuhan upang magamit sa pakikipagtalastasan. Para nga sa iba, ito ay basehan ng katalinuhan. Kapag mahusay raw mag-Ingles ay matalino. Well, lahat tayo ay maaaring magbigay ng opinyon.

May mga paraan upang matutong mag-Ingles. Hindi na natin kailangang mag-aral sa prestihiyosong unibersidad. Sa sariling pagsisikap at sa mga simpleng paraan, tiyak magiging inglesero o inglesera na tayo.

Isa. Magbasa tayo ng librong Ingles sa loob ng sampung minuto araw-araw. Take note, sampung minuto lang. Katatamaran pa ba natin iyon? Isipin na lang natin kung ilang oras tayong nakatutok sa ating cellphone. Bakit hindi sa aklat o sa book? Hindi sa Facebook.

Dalawa. Kausapin natin sa Ingles ang ating sarili sa salamin. Huwag 'Mirror, mirror on the wall,' ha. Talk sensibly sa repleksiyon ng ating sarili. Tayo rin ang sasagot. Hindi naman iyon kakatwa kung gagawin natin in private. Huwag sa salamin sa mall o sa CR.

Tatlo. Manood tayo ng pelikulang Ingles. In this way, mai-expose tayo sa iba't ibang salitang Ingles, gayundin sa mga expressions. Puwede rin naman sa mga pelikulang may subtitles, basta tama ang translations. Mas gusto ko nga may sub kasi naririnig ko na, nababasa ko pa.

Apat. Sumulat tayo sa diary o journal, gamit ang Ingles. Hindi lang pagsasalita ang kailangang matutuhan. Mas mainam kung kaya natin itong isulat. Mas maitatama natin ang mga spelling at grammar kapag pasulat. May taong mahina sa oral, pero magaling sa written Or vice versa. Sana both.

Lima. Makipag-usap tayo sa Amerikano o foreigner. Parang praktis na rin ito. Mas mauunawaan pa nga tayo ng ibang lahi kaysa sa kapwa Pinoy. Kapag kapwa natin ang kausap natin, pagtatawanan tayo kapag nagkamali. Akala mo naman, pagkagaling-galing niya. Nakaka-trauma iyon, `di ba?

Anim. Matuto tayo ng limang salitang Ingles araw-araw. Para itong 'word of the day,' pero dapat lima. Words of the day. Kailangang may diksyunaryo tayo sa bahay o sa bag. Mayroon din namang mobile dictionary. So walang rason para hindi tayo matuto. Imagine, araw-araw limang salita o 365 times 5... wow! Andami na nating alam!

Pito. Gumamit tayo ng English grammar checker. Applicable ito kapag written. Puwede nating konsultahin ang application na ito para itama ang balarila natin bago natin i-post, ipasa, o i-print. Kahit sa MS Word, maaari nating makita ang mali natin. Parang ang boss natin... laging mali natin ang nakikita.

Walo. Huwag tayong matakot magkamali. Isa sa mga dahilan kung bakit hindi tayo sumusubok ay dahil takot tayong magkamali. Doon tayo matututo at lalago. Pero kapag paulit-ulit tayong nagkakamali, hindi tayo bobo... may sakit na tayo n'on. Sige lang, try hard!

Siyam. Makipagkaibigan tayo sa mga taong kapareho natin. Sabi nga, birds of the same feathers flock together. Kapag inglesero o inglesera ang mga friends natin, malaki ang tsansa na maging katulad natin sila. Sila ang susuporta sa ating hangaring makapag-Ingles.

Sampu. Magpraktis tayo palagi. Gasgas na ito, pero uulitin ko... Practice makes perfect. Huwag na lang nating intindihin ang kasabihang 'Nobody's perfect' kasi baka hindi na tayo magpraktis. Talk and talk lang kahit simple English. Huwag lang OA. Baka naman pati sa pagpara sa dyip ay Ingles pa.

Kapag nagawa natin ang sampung paraang ito, makikita nating may improvement sa communication skills natin. Tandaan lang na gamitin at ipagmalaki pa rin natin ang Wikang Filipino.



No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...