Followers

Saturday, June 27, 2020

Panayam

Panayam sa Isang Guro


Randolf: Magandang araw po sa inyo, Gng. Gomez! Kumusta po kayo?

Gng. Gomez: Magandang umaga rin sa iyo! Mabuti naman ako. 

Randolf: Ilang taon na po kayong nagtuturo?

Gng. Gomez: Siyam na taon na akong nagtuturo.

Randolf: Ano po ang mga bagay na nag-udyok sa inyo para maging isang guro at magbigay-serbisyo sa mga kabataan?

Gng. Gomez: Pinag-aral ako ng tiyo ko ng Education pagkatapos niyang makita ang potential kong maging guro. Mahilig kasi akong magturong magbasa sa mga pamangkin ko.

Randolf: Sa pagiging isang guro, ano po ang mga magagandang karanasang inyong nadaanan?

Gng. Gomez: Bawat araw ng isang guro ay magandang karanasan, pero ilan sa hindi ko makakalimutang karanasan ay noong nakita kong marami akong nabigyan ng inspirasyon para mag-aral at nahipo ko ang mga puso nila na mag-aral nang mabuti.

Randolf: Nagkaroon po ba kayo ng mga suliranin o problema sa inyong piniling propesyon?

Gng. Gomez: Opo! Minsan, gusto ko nang sumuko at magpalit ng bagong propesyon dahil sa kawalang-disiplina ng mga estudyante. Nakakapagod! Ngunit, heto pa rin ako—patuloy na umaaasang mapagbabago ko ang mga kabataang daraan sa buhay ko.

Randolf: Para maging isang mabuting guro, ano po ang mga katangiang dapat taglayin?

Gng. Gomez: Lahat ng mabubuting katangian ng tao ay dapat taglayin ng isang guro, subalit may isang mabuting katangian ang hindi dapat mawala sa kanya. Ito ay pagkakaroon ng puso sa kanyang ginagawa. Ang pagtuturo ay hindi lamang pagsasalin ng kaalaman kundi pagsasalin ng magandang buhay. Magagawa lamang iyon kapag ang guro ay may puso sa kanyang mga mag-aaral.

Randolf: Nais ninyo pa po bang manatili sa ganitong propesyon hanggang pagtanda ninyo? Ano po ang mga nagpapalakas ng loob ninyo para ipagpatuloy ang pagbibigay-kaalaman sa kabataan?

Gng. Gomez: Opo! Ito na ang propesyon ko hanggang sa aking pagtanda. Pinalalakas ang loob kong magbigay-kaalaman ng kagustuhan ng mga mag-aaral na matuto sila sa asignatura at sa mga praktikal na pamumuhay na aking itinuturo. Kapag hindi ko na makita ang kanilang interes, hihinto na ako.

Randolf: bilang isang guro, ano po ang inyong mga tungkulin sa bayan?

Gng. Gomez: Bilang guro, tungkulin kong dalhin ang bawat kabataan sa buhay na maginhawa at matagumpay. Magagawa ko lamang iyon kapag naturuan ko sila ng mga kaalaman, kagandahang-asal, at kasanayan.

Randolf: Bago po matapos ang ating panayam, ano po ang gusto ninyong imensahe sa mga kabataan?

Gng. Gomez: Sa mga kabataan, patuloy nilang pangarapin ang maningning na bukas. Piliin nila ang mabubuting gawain. Mag-aral nang mabuti. Magkaroon ng respeto at disiplina. 

Randolf: Maraming salamat po, Gng. Gomez, sa pagpapaunlak ninyo sa panayam na ito! Marami po akong natutuhan at tiyak akong marami pang magkakaroon ng inspirasyon dahil sa inyo at dahil dito.

Gng. Gomez: Walang anuman!

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...