Totoong may pera sa pagsusulat. Mapatutunayan ko iyan sa inyo. Subalit, paano nga ba nagkakaroon ng pera ang isang manunulat?
Sa panahon ngayon, mas madali nang kumita sa pagsusulat dahil sa teknolohiya. May magaganda at hindi magagandang epekto ang teknolohiya sa mga manunulat. At ang magaganda ang ibabahagi ko sa inyo.
Una. Sumali ka sa mga paligsahan sa pagsusulat. Hindi na imposibleng maging bahagi ang bawat manunulat na makasali sa mga patimpalak pampanitikan dahil inaanunsiyo ito ng mga organisasyon sa mga social media. May mga paligsahan na naggagawad ng malalaking premyo, bukod pa ang tsansang pagkakalimbag ng iyong akda.
Pangalawa. Gumawa ka ng zine. Tinalakay ko na ito sa una kong vlog, pero sa mga hindi nakapanood, ang zine ay isang uri ng maliit na babasahin na kadalasan sariling-limbag, 'xerox-copy', at isinulat lamang ng isa o kakaunting bilang ng mga may-akda na may malalalim na tema. May mga samahan, proyekto, programa, o event na nagsusulong ng paggawa ng zine. Sa katunayan, nagkakaroon pa sila ng zine fair. Kadalasan, isinasali nila ito sa mga book fair. May pera sa pagbebenta ng zine dahil ang mga mambabasa ay mas pinipili ito kaysa sa makakapal na libro. Mabilis itong basahin at nagtataglay ng iba't ibang tema at konsepto.
Pangatlo. Magsulat at mag-post ka sa Wattpad. Ang Wattpad ay social media ng mga writers at readers. May mga publishing houses na kumukuha dito ng mga manunulat o ng mga akda. Binibigyan nila ng pagkakataon ang mga wattpad writers na maging published authors. In fact, maraming wattpad books sa mga bookstores. Ang iba nga ay naging pelikula pa. May taunang writing contest din ang Wattpad. Ang premyo ay chance to get published.
Pang-apat. Mag-vlog ka. I-vlog mo ang mga akda mo. Kung mahilig ka sa mga tula o spoken word poetry, gawan mo ng video. Kung mahusay kang bumigkas nito, e `di, wow! Kung may mga sanaysay at kuwento ka, gawan mo rin ng video. Kung mahusay ka pang mag-iilustrate o gumawa ng animation, e, `di ikaw na! Alam mong may kita sa Youtube, kaya ang talent mo sa pagsusulat ay magagamit mo rito.
Panglima. Mag-blog ka. Ito ang orihinal na blogging bago pa nauso ang vlogging. Pictures at text lang ang ginagamit dito. Binabayaran ng mga kompanya o mga negosyante ang mga blogs tungkol sa kanilang negosyo, produkto, o serbisyo. Kumikita rin ang bloggers sa mga articles nila kapag may advertisements na.
Pang-anim. Mag-contribute ka sa mga magasin at diyaryo. Ang Liwayway Magasin ay tumatanggap ng mga akda. May kaukulang bayad silang ibinibigay sa mga akdang napili. Meron din siyempre sa mga pahayagan. Mas maganda pa kung magiging kolumnista o reporter ka sa diyaryo dahil sigurado na ang kita mo.
Pampito. Magpasa ka sa mga publishing house. Inanunsiyo man nila o hindi, maaari kang magpasa ng iyong akda. Kapag napili ang iyong akda, magiging libro o magiling bahagi ng antolohiya. Siyempre, may kikitain ka sa royalty fee. Ang royalty fee ay bayad sa manunulat mula sa porsyento ng kabuuang kita sa libro mo, na karaniwang binabayaran regularly, ayon sa kontrata ninyo. Mas sikat ang publishing, mas kikita ka. Kapag ang publishing ay magaling sa marketing, sigurado ang income mo. Sa bawat isang librong mabebenta nila, may bahagi ka roon.
Pangwalo. Dumikit ka sa published author. Dahil nakatatanggap na siya ng royalty fee, hindi na malabo na matulungan ka niyang maging katulad niya. Kapag pinalad ka, baka mag-collab pa kayo at isali ka niya sa isang proyekto, gaya ng proyektong 'Ang mga Kuwento ni 21st Century Teacher.'
Iyan lang ang mga mairerekomenda ko. Sa totoo lang, napakagandang raket ang pagsusulat. Idiskubre mo na lang ang iba.
Happy writing! Happy earning!
No comments:
Post a Comment