Followers

Sunday, August 13, 2017

Gustong-gusto ni Divino sa Hospital


"Parang kagat lang ito ng langgam," malambing na sabi ng doktor kay Divino.

"Totoo iyon, Divino," sang-ayon ng ina, habang hawak ang kamay ang anak.

"Ready ka na?" Nginitian at kinindatan pa ng doktor ang pasyente.

Tumango lang si Divino.

"Wow! Ang bait naman ng batang ito, Mommy. Kaya pagkatapos nito, bibigyan ko siya ng premyo."

Namilog ang mga mata ni Divino dahil sa narinig.

"Sige na, Divino. Tingin ka sa kisame. Pagkatapos, magbilang ka ng isa hanggang sampu. Marunong kang magbilang, hindi ba?"

"Opo!" mabilis na sagot ni Divino.

"Bilang na, anak," utos ng ina.

Mabilis namang kumilos ang doktor.

"Isa... dalawa... tatlo... apat... lima... anim... pito... walo... siyam... sampu!"

"Ayan, tapos na? Naramdaman mo ba ang kagat ng langgam?" tanong ng doktor.

"Hindi po!"

"Talaga? Ang galing naman. Hindi ka natatakot sa ineksiyon. At dahil diyan, may..." May dinukot ang doktor sa kanyang bulsa. "...lollipop ka sa akin! Premyo ko sa 'yo dahil mabait ka at hindi ka natatakot sa karayom."

"Thank you po!"

"You're welcome, Divino. Magpagaling ka, ha? Bye!"

"Salamat po, Dok!" sabi naman ng ina ni Divino.

Pagkaalis ng doktor, hindi nagpumilit si Divino na kainin na anglollipop kahit ayaw ng kanyang ina. Umiyak pa siya, kaya pinagbigyan na lamang siya.

"Mommy, ang sarap palang maospital. Mabait ang doktor at ang mga nars. Gusto ko po dito lagi."

"Naku, hindi maaari, Divino. Mas baleng nasa bahay lang tayo basta hindi ka magkakasakit."

"Basta... gusto ko po dito."

Madalas magkasakit si Divino dahil sa kanyang kalikutan at kakulitan. Kaya naman, madalas din siyang naoospital. Subalit, imbes na ikatakot niya, nasisiyahan pa siya. Unang-una, hindi siya naoobligang mag-aral, magbasa, at magsulat. Napagbibigyan siyang maglaro sa cellphone. At, higit sa lahat, may premyo siya mula sa mga doktor at nars.

Kaya naman, kung hindi tuwing ikalawang buwan, buwan-buwan siyang nagkakasakit at naoospital. Hindi niya alam na nahihirapan pareho ang kanyang ina at ama.

Isang araw, nagsabi siya sa kanyang ina na hindi siya makahinga. Nagpasugod siya sa hospital.

Nanatili siya doon ng dalawang araw at dalawang gabi. Sa ikatlong gabi, nakikita at naririnig niyang nagtatalo ang kanyang mga magulang. Kahit musmos pa lamang siya, alam niyang ang dahilan ng kanilang pagsasagutan ay ang pambayad sa hospital. Nagkaproblema ang mga papeles nila para makakakuha ng benepisyong medikal.

"Kasalanan mo ang lahat ng ito, Gracia! Nag-iisa na nga lang iyang anak mo, hindi mo pa maalagaan! Saan tayo kukuha ng pambayad ngayon? Palaki nang palaki ang bayarin natin habang nandito kayo!" galit na sabi ng ama.

"Huwag naman tayong magsisihan, Phil. Magtulungan na lang tayo."

"Magtulungan? Paano?"

"Kaunting sakit lang, dinala mo kaagad dito. Hindi mo muna ginamot sa bahay. Aber, saan ako kukuha ng pera?"

"Sige, sa susunod, hindi ko na siya dadalhin sa hospital. Mamatay na lang siya sa bahay, ganoon ba?"

"May namamatay ba sa hika? Naku, Gracia! Bahala ka na nga! Dito na kayo tumira. Wala na akong magagawa." Mabilis na umalis ang ama.

Nalungkot si Divino. Hindi niya alam na nahihirapan pala ang kanyang magulang sa tuwing nagpapaospital siya.

Nakita niyang nagpahid ng luha ang kanyang ina.

"Mommy, sorry po. Hindi na po ako magkakasakit. Ayaw ko na pong magpaospital."

Umiyak lang nang umiyak ang kanyang ina. Naawa siya rito. Alam niyang hindi na naman kikibuin ng daddy niya ang mommy niya. Ayaw niya rin namang tumira sa hospital, gaya ng sabi ng kanyang ama.

Kaya, simula noon, ayaw na niyang magkasakit. Ayaw na rin lalo niyang magyaya sa hospital. Nagpapaalaga na lamang siya sa kanyang ina sa bahay kapag hinahapo siya.

Tuesday, August 1, 2017

Ang Aking Journal -- Agosto 2017

Agosto 1, 2017 Kulang ako sa tulog, kaya halos wala ako sa mood magturo. Mabuti na lang, may Values Education mula sa Bethany kaya nakalibre ako sa isang section. Gayunpaman, nagturo ako sa advisory class ko-- AP at Filipino, gayundin sa last section. Nagpakopya lang ako sa Aquamarine. Tahimik sila. Akala kasi nila, galit na naman ako. Bukas, e-enhance ko ang lesson ko sa iba. Sisimulan ko namang ituro ang aralin sa iba. I hope makatulog na ako nang maayos ngayong gabi. Apektado talaga ang teaching-learning kapag puyat. Pagdating ko nga kanina, masakit ang ulo ko. Paggising ko, mga 5:20 masakit pa rin. Kung hindi nga lang ako nag-remedial reading sa mga beneficiaries ng Project Elevate Reading ng principal, baka mas maaga akong nakauwi. Mabuti na lang, si Emily ang maayos ang health. Siya ang nagdilig at nagluto. Haist! Ayaw ko ng ganitong pakiramdam! Agosto 2, 2017 Hindi kami nakapagpalitan dahil absent si Mam Dang. Isa pa, culminating program ng Nutrition Month. Nanuod kami ng program at awarding. Gayunpaman, makabulahan ang araw ng advisory class ko. May timelining activities ako para sa kanila. Na-enjoy nila ang pagsusunod-sunod ng mga pangyayari mula panahon ng mga Espanyol hanggang Amerikano, gamit ang mga larawan. Sa Filipino, nagpanuod ako ng short.film at nagpa-groupwork. Gustong-gusto nila ang pagbunot ng kanilang tasks, like role playing, drawing, pantomiming, singing, dancing, making hugot, writing.poems, etc. Tinakot ko nga sila, na aalisin ko na ang groupwork. Ayaw nila. Naiingayan kasi ako kapag nagpe-perform na. Gumawa muna ako ng summative test sa AP 6 bago ako umuwi. Gusto ko kasi sanang makabawi ng puyat dahil kinulang na naman ako ng tulog kagabi, kaya lang past 5:00 na ako nakarating. Hindi ko alam kung bakit nahihirapan akong matulog nang maaga, gayong mag-isa lang ako sa kuwarto. Hindi ko tuloy maalis sa akin, ang pag-iisip at pagpapaplano. Andami kong gustong gawin sa school. Gusto kong gumawa ng action research. Gusto kong matapos na agad ang Tambuli at anthology book namin. Naisipan ko ring i-display ang mga books ko at books ng LSP sa book shelf ko. Kaya, kanina, ginawa ko. Nakiusap rin ako sa mga bata na tulungan akong i-promote ang books para makabili kami ng tv monitor. Sa bawat 5 books na pipiliin ng customer, magbabayad siya ng P1000. Nagkalibro na siya, nakatulong pa siya sa klase ko. Kailangan kasi talaga ang telebisyon para mapadali ang lesson. Nag-post na rin ako. Pinangalanan ko iyon na TOPAZ Bookshop. Kahit paano, naka-attract ng atensiyon. Sana nga, makabili na kami ng tv. Agosto 3, 2017 Gusto kong umabsent kanina dahil kapos na naman ang oras ng tulog ko. Isa pa, masama ang panahon. Kaya lang, mas pinili kong pumasok dahil nanghihinayang ako. Ayaw ko ring mapabayaan ang mga estudyante ko. Alam kong magsisipasok pa rin sila kahit maulan. Tama ako. Halos kompleto pa rin sila. Wala pang sampu ang absent, hindi gaya sa ibang section. Tama lang naman iyon. Nagpa-summative test kasi ako sa AP 6. Nabigla ako sa school Filipino coordinator nang sabihin niyang bukas na ipre-present ang sabayang pagbigkas. Ni hindi pa nga kami nakapagpraktis. Mabuti na lang, walang palitan ng klase. Agad kong prinaktis ang 21 pupils na nakakuha ng highest scores sa summative test. Kahit paano ay mahaba-haba na ang natapos namin. After class, prinaktis ko naman ang isa kong pupil na lalaki para sa kanyang pagbigkas ng tula. Natuwa ako sa sarili ko. Napilitan akong tumula. Marunong pa rin pala akong bumigkas ng tula. Naalala ko tuloy ang sinalihan kong patimpalak. Past 2:30, nasa Baclaran ako para bumili ng kulambo. Gusto ko kasing matulog nang mahimbing. Ibinili ko rin sa Emily ng shorts at si Ion ang mga sando at shorts. Tuwang-tuwa sila. Masaya rin ako. Aanhin ko ang isang libo kung hindi naman ako nakapagpasaya ng tao? Agosto 4, 2017 Past 7:30 ng umaga, nagparada kami. Pagkatapos, pormal na binuksan ang Buwan ng Wika. Nagkaroon ng maikling programa. Rumampa ang mga batang nakasuot ng kasuotang Pilipino. Past 11, pinatawag ako at ni Mam Janelyn. Kinausap at in-orient kami ng ESP supervisor tungkol sa kanyang class observation sa August 8. Ako na naman! Pangatlo na ito ngayong school year. Hindi bale, para naman ito sa aking development. After class, isang masaganang kainan ang naganap. May libreng food mula sa pondo ng feeding program. Nagpapansit din ang estudyante kong kambal. Before two, nagpatawag ng meeting ang punongguro. Hindi ako masyadong interesado, kaya nang dumating ang mga pupils ko na sinabihang kong bumalik para sa practice ng sabayang pagbigkas, agad ko silang hinarap. Naging maayos at mabilis naman ang rehearsal. Nadagdagan na ang acts. Ikalawang araw pa lang naman, kaya sigurado akong mahahasa pa silang lalo after a week. After ng meeting, nagkayayaan ang 1000+ group na mag-bonding sa JCo. Siyempre, isa na namang masaya at maingay na sandali ang naganap. Andami kong tawa! Before 7, saka pa lang kami nakalabas doon. Kaya, past 8 na ako nakauwi sa bahay. Agosto 5, 2017 Binigyan ko ng perang pamalengke si Emily. Inutusan ko rin siyang bumili ng tiles para sa ground floor namin. Panahon na para magkaroon kami ng maayos at magandang sala at dining area. Lagi na lang kasi kaming nasa kuwarto. Habang wala siya, inasikaso ko ang mga sinampay. Pabugso-bugso ang ambon, kaya nakakainis. Nag-edit ako ng nobela kong 'I Love Red 0.2.' Panahon na siguro para mag-self pub uli. Kailangan ko ng maraming stocks sa aking mini-bookshop. Agosto 6, 2017 Excited akong pumunta sa Antipolo. Bitbit ko ang isang malaking cake, masaya kong binati ang mga anak ko. Kiniss ko sila sa noo. Kaya lang, biglang napalitan iyon ng disappointment. Nainis ako nang marinig ko mula kay Mama na nagugutom na sila. Agad ko silang binigyan ng puto na binili ko sa Goldilocks. Pagkatapos, nagsimula na akong magalit sa group chat na ginawa ni Jano. Sinabi kong nakakarimarim ang sitwasyon ni Mama. Walang makain. Wala ring tubig. Ni walang de-lata. Kung hindi ako dumating, ganoon din. Wala rin silang ulam. Tatlo-tatlo sila roon. Ni walang nakaalalang alamin kung may pagkain o wala. Matitiis ko pa ang gutom, pero ang makikita ko ang mga anak ko na nagugutom, hindi ko matatanggap iyon. Sumubok pang magrason ni Jano. Bumawi na lang daw pagkaluto. Hindi na. Sagad na ako. Hindi man lang nila mapasarapan ang mga anak ko. Sa laki ng pagkakautang nila sa akin, ni hindi nila maibalik kina Hanna at Zildjian. Mabuti na lang talaga, napaaga ako. Hindi ko kinaya ang loob ko. At kapag hinintay ko pa sila, magkakasagutan lang kami. Minabuti kong umalis na lang. Nag-iwan na lang ako ng pera kay Mama at sa panganay ko. Puwede naman silang umuwi na lang. Hindi isyu ang gutom ko. Ang mga isyu ay ang kahihiyan sa side ng mga anak ko. Malamang magsusumbong sila sa ina nila. Ano na lang ang sasabihin? Nag-imbita tapos gugutumin. Hindi ko pa naman alam na nandoon na. Nagtitipid ako kaya hindi na ako nag-grocery. Saka, magbibigay na lang kasi ako ng pera. Alam ni Mama ang kailangan niya, kaya better kung pera na lang. Ang tagal nawala ang galit ko sa kanila. Nakauwi na ako lahat-lahat, naiinis pa rin ako. Nagkulong ako sa kuwarto. Agosto 7, 2017 Marami akong nagawa kanina sa school. Nagturo. Nagpa-summative test. Nag-encode. Nag-edit ng article. Nag-post ng akda. Nagturo ng sabayang pagbigkas. Pagkatapos ng mga ito, naki-meet-up ako sa client ng Mortiartea. Kumita ako ng P500. Not bad! Nabawi ko na ang lugi ko noong naki-meet-up ako sa MOA. Gabi. Nagtutor ako sa anak ng kapitbahay namin. Nagpaturo siya sa assignment niya sa division of fraction. Napansin kong nahihirapan siya sa multiplication. Hindi niya rin alam ang process long division. Gayunpaman, mabilis siyang matuto, sa tingin ko. Kaya, gusto ko siyang tutor-an hanggang matuto siya. Agosto 8, 2017 Naging successful ang observation sa akin at sa aking klase ni Mam Diaz, supervisor ng ESP. Nagustuhan niya ang child-centered kong atake. Sa wakas, nakaranas akong mapuri ng observer. Very good daw ako. Sobrang saya! Kung alin pa ang wala gaanong effort, iyon pa ang applauded. Samantalang ang AP6 ko, negative sa kanila. Anyways, alam ko na ngayon. Iba-iba ang taste ng mga supervisors at principals. Nag-remedial reading muna ako sa mga slow readers, bago nag-practice ng sabayang pagbigkas. Nakakapagod, pero masaya akong makita ang improvement nila. Past 3, bumiyahe na ako pauwi. Past 5, nasa bahay na ako. Hindi ko naabutan ang mag-ina ko. Alam ko na kaagad na nasa ospital sila dahil nag-chat si Emily sa akin. Hindi na raw kaya ni Zillion ang hingal niya. Sabi niya, hihintay nila ako, pero hindi na ako nahintay. Nagpahinga muna ako. Antok na antok ako. Hindi ako nakatulog nang maayos kagabi dahil sa ingay ng nebulizer na ginagamit kay Ion. Before seven, nagpa-load ako para tawagan siya. Kaya lang, wala akong signal. Antagal kong naghintay. Nakiusap pa ako kina Epr, Gina, at Amy na kontakin siya, since OL ako sa FB. Nakisuyo rin ako kina Beverly at Heaven. Kaya lang, ako pa rin ang nakatawag. Dumating na kasi ang signal after more than one hour. Wrong timing ang signal. Past nine naman ako nakapunta sa hospital dahil kumain muna ako. Kinuha ko rin ang nebulizer. Naawa ako sa kondisyon ni Ion. Naka-oxygen siya. Pero, mukhang okay na siya. Mapula na ang mga lips niya. Umalis ako at past 10 para magpahinga sa bahay. Gayunpaman, hindi naman ako agad nagpahinga. Naghugas muna at nagbanlaw ng mga nakababad na damit. Bukas, kailangan kong pumasok para mapapirmahan ang Philhealth form. Agosto 9, 2017 Maaga akong gumising para dalawin at hatiran ng pagkain at mga damit ang mag-ina ko. Mabuti hindi mahigpit. Nakapasok ako agad. Dahil shortened ang nga klase, hindi kami nagpalitan. Sinamantala ko naman iyon para magturo ng ESP sa advisory class ko. Na-enjoy nila ang topic dahil may mga kuwento akong noon lamang nila narinig. Mas nagiging interesado na sila sa buhay ko. After dismissal, nagpraktis kami ng sabayang pagbigkas. Then, nag-post ako ng mga akda nila. Inantok lang ako sa hina ng net, kaya naglatag ako ng karton sa sahig. Umidlip ako. Kahit paano gumaan ang ulo ko. Past 2, nagsimula ang LAC session. Antagal matapos, kaya almost five na akong nakadalaw sa aking mag-ina. Gayunpaman, natuwa akong makita si Ion na maayos na ang kalagayan. Masigla na uli siya. Wala nang oxygen. Naglalaro na sa cellphone. Magana na ring kumain. Pagdating ko sa bahay, agad akong nagdilig ng mga halaman. Naglalaba rin ako habang naghahanda ng hapunan. Sayang, hindi natikman ni Emily at Zillion ang ginataang tulingan, na iniluto ko. Agosto 10, 2017 Past 8:30 na ako nakarating sa SDO para dumalo sa seminar, kasi akala ko sabay-sabay kaming tatlo nina Sir Ren at Mam Edith. Nauna na pala sila. Nagsisimula na nang dumating ako. Okay lang naman. Nakakahiya lang dahil kitang-kita ako pagpasok ko. Dramatic entrance. Hindi ako sanay nang nali-late. Hindi ko gusto ang pinagtitinginan ako. Naging interesting ang mga topic lalo na sa AM session. Andami kong natutuhan. Empowered na empowered talaga ako. Angkop ang tema ng seminar. Kaya lang, na-stress ako sa text messages ni Emily. Hindi pa rin sila pinapalabas ng hospital dahil hinahanapan sila ng certificate of distribution. Hindi naman ako nahirapan last time. Na-bad trip talaga ako. Gusto ko nang lumipad pa-Cavite. Nag-inquire ako sa accounting office. Tinuro ako sa admin. Wala! Hindi raw sila nag-i-issue ng ganoon. Kaya, nang dumating ako sa DGMC, bandang 7:30 pm, si Emily ang napagbalingan ko. Inaway ko siya. Kung tutuusin, kasalanan niya talaga. Inuna niya ang package ni Mhel. Iniwanan niya si Ion sa kapitbahay, kaya nasobrahan sa laro. Lalo na't alas-10 na siya umalis sa bahay. Kung umalis siya kasabay ng pagpasok ni Ion sa school, baka hindi na niya kailangan ibilin ang anak namin sa pangangalaga ng kapitbahay. Nakasama pa. Sobrang nakaka-stress. Hindi ako puwedeng um-absent para lakarin ang hinihingi ng hospital. Kapag nakauwi na sila bukas, may part 2 ang galit ko. Pareho ko silang pagagalitan. Hindi na nga nakakatulong sa pinansiyal, nakakabawas pa. Ang hirap! Agosto 11, 2017 Sobra ang inis ko maghapon. Inaway ko si Emily nang tumawag siya. Kasalanan talaga niya kung bakit nagkandaletse-letse kami. Kung sino-sinong tao pa tuloy ang naabala. Ako, hindi makapagpokus sa meeting ng journalism dahil sa problema. Wala naman akong magagawa. Obligasyon ko ang inuna ko. Past 12:30, nakabalik na ako sa school. Wala pa rin ako sa mood. Gustuhin ko mang gumawa ng mga kapaki-pakinabang para makalimutan ang problema, hindi ko pa rin nagawa. Hindi pa naman kaming 1000+ group natuloy sa TGIF bonding. Hindi rin ako nakaidlip nang matagal. Nag-dilly-dally ako sa Baclaran. Ang bigat ng paa kong umuwi nang maaga dahil parang ayaw ko munang makausap si Emily. Before 8, nasa bahay na ako. Wala akong imik. Nagpahinga ako sa kuwarto habang sila ay kumakain. Pagkatapos, naglaba ako. Kahit paano, nabawasan ang grudges ko. Agosto 12, 2017 Maghapon akong tahimik. Ayaw ko pa rin siyang kibuin. Although, may tinatanong siya sa akin, ramdam niyang iniiwasan ko siya. Napaka-mean ko, perilo gusto ko lang malaman niyang nagagalit ako kapag nagkakasakit sila, lalong-lalo na kapag may malaking gastos. Oo, may Philhealth, pero may gastos pa rin. Idagdag pa ang abala at stress. Agosto 13, 2017 Maghapon pa rin akong tahimik. Nag-encode lang ako nang nag-encode at nag-edit nang nag-edit. Sayang, walang internet. Nakadagdag pa sa kalungkutan ko. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko kung bakit mas pinili ko ang pagiging tahimik. Alam kong nakakaapekto iyon sa pamumuhay at pakikitungo ko sa aking pamilya. Nakikita kong nahihirapan sila. Pero, mas ginusto kong pahirapan sila dahil pakiramdam ko, mas pinahirapan nila ang kalooban ko nitong huling mga araw. Ipinakita ko lang sa kanila ang resulta ng pagkakasakit at pagkakahospital. Ni halos wala nang laman ang ref. Wala nang makain at maulam. Ang hirap kasi ako lang ang nagpapasok ng pera sa bahay, tapos sila, ganoon na lamang ginastos ang pera. Kung sana'y ibinili na lamang ng mga materyales o kasangkapan sa bahay, okay pa. Sana matuto na silang pahalagahan ang pera ko at ang health nila. Sobra talaga akong nasaktan, lalo na kapag naiisip ko si Mama, at ang dalawa ko pang mga anak, na nangangailangan din. Agosto 14, 2017 Pinilit kong humarap sa mga klase ko nang masaya. Mabuti na lang creative ako. May mga activity akong naipagawa sa bawat section, na nagustuhan naman nila. Past 8, dumating si Emily. Mabuti na lang, nasabi ko na kay Ate Jing ang tungkol sa certificate of distribution. Natawagan na niya ang division office. Pinababa ko siya sa office at ipinatanong sa clerk kung ready to pick up na. Nang bumalik siya, nagtanong na siya kung paano pumunta doon. Lihim akong natuwa. At last, natapos din ang problema! And, at least, hindi nasayang ang punta niya. Hindi ko na kailangang ma-bad trip. Past 3:45 na ako nakaalis sa school. Nag-practice pa kasi ng sabayang pagbigkas at pinost ko sa wattpad ang mga akda ng pupils ko. Pagdating ko sa bahay, tahimik pa rin ako. Ramdam kong walang na-refund si Emily. Naubos ang P5k na binigay ko. Wala man lang bumalik kahit singkong duling. Kaya ako naiinis. Ni pambili ng gatas, wala na. Agosto 15, 2017 Hindi ko na alam kung ano ang ituturo ko sa mga klase ko. Sobrang delayed na ang periodic test. Tapos, kanina may memo na naman. Sa August 24 na naman daw. Aruy! Grabeng pasakit nila. Sana sinabi na lang nila na teachers' made test na lang. Andami kasi nilang arte. Gusto pa divisionwide, hindi naman nila kayang i-sustain. Haist! Ginabi ako ng uwi dahil miniting kaming remedial teachers niya sa kanyang reading project. Nai-suggest ko pang hatiin na lang ang 50 pupils sa 8 para mapokusan namin. Kasi mahirap ma-contain ang mga bata after dismissal. Tumatakas. Unlike sa kanya-kanya hawak, may sense of ownership at responsibility na kami sa bawat hawak namin. Agad namang nag-agree si Mam. Hindi lang ako sure kung natuwa ang mga kasamahan ko, since magiging araw-araw kaming magtuturo. Unlike noong dati, na once a week lang. Nababagalan kasi ako sa reading development ng mga bata. Nakakaawa rin, at the same time. Grade Six na, slow readers pa rin. What a heck?! Gusto ko nang kibuin ang mag-ina ko. Binibiro-biro na nila ako. Haist! Kaunti pa... Agosto 16, 2017 Halos wala naman kaming turo kanina. Nag-meeting kaming Grade Six teachers about incoming Science Month Celebration sa September. Inabot kami ng past nine doon. Nasimulan ko na rin ang school paper. Nagbago ako ng layout. Mas gusto ko ang bago. Nakaka-stress kung tutuusin ang mga tasks ko--advisorship, school paper, rehearsal, at remedial reading, pero kinakaya ko. Enjoy naman. In fact, kanina kahit naiinis ako sa isang estudyanteng Grade Six na, pero hindi pa halos letter reader. Back to basic dapat ang atake sa kanya. Nakakalungkot isiping may ganoong sitwasyon. Ano ang remediation ng mga lower grade teachers? Bakit kami ang kailangang mag-suffer? Bakit ipinasa? Gayunpaman, gagawin ko ang aking makakaya para mapabasa siya. Mabuti na lang kahit paano, may mabilis na development sa iba kong nire-remediate. Nag-meeting kaming BOD, kaya ginabi na ako ng uwi. Agosto 17, 2017 Na-late ako kanina. Mabagal kasi ang bus na nasakyan ko. Kaya naman, nakapagbasa pa ako ng akda ko sa wattpad. Nakakatawa lang dahil naluha ako. Na-inspired na naman tuloy akong basahin iyon sa advisory class ko. Kaya, after ng seatwork ko sa AP6, binasa ko iyon sa kanila. Na-inspired sila sa kuwento. May naluha rin. Tapos, pinasulat ko sila ng akda nila. Walang palitan ng klase dahil nag-meeting ang tatlo kong kasamahan. Ako, habang nagtuturo sa trainees ko sa collaborative publishing, nagbabantay ako sa nasa classroom. Mabuti na lang talaga at may maaasahan akong leaders. Nasasawata nila ang mga kaklase nila. Nakapagturo rin ako ng pagsulat ng dalit. Sobrang hectic ang schedule ko. Nag-remedial reading, nagturo ng collab, at nagrehearse ng sabayang pagbigkas. Tinapos ko na ang act. Pagpupulido na lang ang gagawin sa mga susunod na araw. Past 7 na ako nakauwi. Pagod na pagod ako, pero fulfilled. Medyo apektado nga lang ang dealings ko sa aking mag-ina. Hindi bale, babawi na lang ako sa mga susunod na araw. Good morning, Sir Rem! Wala pa akong nagawang DLP for 2nd grading. Baka may picture ka ng objectives na toka sa akin..wala talaga akong naisave, e. Agosto 20, 2017 Nagbigay ako ng pamalengke kay Emily. Masaya siyang umalis para mamalengke. Ako naman ay nag-edit ng akda ko, habang binabantayan si Ion. Nanunuod lang naman siya ng tv. Naging masagana at masaya uli ang kainan namin. Iba talaga ang feels kapag walang away o tampuhan. Hapon, pagkatapos kong magkape, nag-gardening ako. Na-miss ko ang paghahalaman. Dalawang linggo rin akong hindi man lang humawak ng lupa. Agosto 18, 2017 Masigla akong pumasok. Dahil dito, nakapag-rehearse pa ako ng sabayang pagbigkas bago ko isinama ang apat na estudyante para sa unang training ng collaborative publishing. Sa ABES kami nag-training instead sa JRES. Naging ka-team ko uli si Sir Bagsik. But, this time sa collab na. Dati, sa broadcasting kami magka-team. May bago kaming kasamahan, kaya medyo nangangapa pa. Gayunpaman, naging productive naman iyon dahil kahit paano ay may natutuhan ang mga bata. Dahil natapos bandang alas-dose ang training, nakabalik pa kami sa GES bago nag-uwian ang mga bata. Nakapag-remedial reading pa ako. Nag-train din uli ako sa collab writers ko, habang nagprapraktis naman ng sabayang pagbigkas. Grabe! Andami kong energy. Pero, alas-singko inantok ako, kaya umidlip muna ako sa classroom. Past 5:30 na ako umalis. Ayaw ko naman talagang umuwi agad dahil bad trip ako sa maybahay ko. Tinext ba naman ako ng kung ano-ano. Nakakapang-init ng dugo. Sinasabayan niya ang inis ko. Nasira niya ang araw ko. Maganda na sana... Tsk tsk. Sisingilin pa ba niya ako ng utang niya sa kaibigan niya dahil sa pagpapahospital ni Ion? Sana ginawan na niya ng paraan. Ako lang ba talaga ang maglalabas ng pera? Pagod na pagod na ako. Mamasamain pa kapag napagsabihan siya. Sige! Pagbibigyan ko siya. Ako pa ba ang babanggain niya? E, lahat na ng kabaitan at pagiging mabuting asawa at ama, ibinigay at ipinakita ko na. Lahat ng pangangailangan nila, napro-provide ko. May kulang pa pala... Agosto 19, 2017 Halos nasolo ko ang bahay dahil nag-MTAP si Ion. Sinamahan siya ni Emily. Maghapon sila doon. Nanuod lang ako ng tv at nag-encode. Pagdating nila, biniro-biro ako ng maybahay ko. Bati na kami. Agosto 20, 2017 Nagbigay ako ng pamalengke kay Emily. Masaya siyang umalis para mamalengke. Ako naman ay nag-edit ng akda ko, habang binabantayan si Ion. Nanunuod lang naman siya ng tv. Naging masagana at masaya uli ang kainan namin. Iba talaga ang feels kapag walang away o tampuhan. Hapon, pagkatapos kong magkape, nag-gardening ako. Na-miss ko ang paghahalaman. Dalawang linggo rin akong hindi man lang humawak ng lupa. Agosto 21, 2017 Maghapon kaming nasa kuwarto lang. Masama ang lagay ng panahon dahil sa bagyong Isang. Okay lang naman dahil andami kong na-encode. Gabi. Natapos ko na ang nobelang 'Maybe This Time'. Kapag may time, ii-edit ko ito at hahanapan ng publisher. Agosto 22, 2017 Maaga akong nagising para hindi ako ma-late. Hindi nga ako na-late, pero late namang sinuspende ang klase. Nakakainis! Nasayang lang ang pamasahe ko. Dapat itinulog ko na lang. Nabalahaw tuloy ako sa Baclaran. Past 8 na ako nakauwi't nakapag-almusal. Hindi bale, worth it naman ang maghapon ko dahil natapos ko nang i-edit ang 'Maybe This Time' ko. Ready to publish na ito. Sana mahanap ko ng publisher as soon as possible. Agosto 23, 2017 Nagsimula na, sa wakas, ang first grading test. Kompleto na ang test questionnaires at bubble sheets. May schedule na rin kami. Tatlong subjects ang ibinigay namin sa mga bata. Bukas tatlo uli. Dalawa na lang sa Friday. Eleven ang uwian ng mga bata. Ako, nag-stay pa hanggang past 4. Inipon ko kasi ang novel kong 'BlurRed' na nasa blogsite ko para i-edit. Gusto ko na ring wakasan ito para ready na for submission or publishing. After kong manuod ng 'Wildflower,' pinanuod ko si Ion ng mga Math videos, na na-download ko kanina sa school. Gusto kong makatulong iyon sa kanya. Agosto 24, 2017 Ikalawang araw ng test. Naging maayos naman. Nakapagpa-check pa ako ng mga answer sheets. Satisfied ako sa result sa Filipino. Dalawa ang nakakuha ng 48. Seventy-five percent ang pumasa. After class, nag-stay uli ako sa school. Nag-wattpad ako, umidlip, at nag-wattpad. Before 4 ako umalis. naman Nagpadala ako ng pera (P340) through Cebuana sa Simpleng Book Club para sa bayad ng anthology book, kung saan kasama ang isa kong akda. Past 5:30 ako nakauwi sa bahay. Pagod, pero masaya ako ngayong araw dahil may na-accomplished ako. Naibalik ko pa ang drive ko para magsulat. Medyo na-highblood lang ako kay Ion nang naghahapunan na kami. Pasaway kasi. Ang hirap pakainin. Nalaman ko pang halos walang bawas ang baong tubig. Gusto yatang magkasakit. Pinagalitan ko. Binalaan ko. Bawal na siyang magkasakit dahil magagalit na talaga ako nang husto. Kaya, kako, ingatan niya ang kanyang sarili. Agosto 25, 2017 Natapos na ang test, pero hindi pa na-shade-an lahat ng mga bata ang bubble sheets. Okay lang naman, alam ko, hindi pa naman iyon kokolektahin. After class dismissal, nag-stay ako sa school. Nagsulat uli ako. Past 4:30 na ako lumabas sa classroom ko. Dahil dito, inabutan ako ng malakas na ulan sa biyahe hanggang sa pagbaba ko. Basang-basa ako nang makauwi ako. Ayos lang naman. Agosto 26, 2017l Inatupag ko maghapon ang pag-encode ng mga raw scores from the traditional class records to the e-class records. Nakakatuwa! No need to compute or to use calculator. Naalala ko tuloy noong una. Mano-mano pa. Napakahirap... Kinailangan ko ring mag-aral ng pagsulat ng maikling kuwento para sa mga Kinder at Grade 1 bilang paghahanda sa seminar-workshop sa August 29-31. Inimbitahan ako ng division. Malaking responsibilidad ito, pero kapag nagawa ko ang expectation nila, malaking karangalan din ang hatid nito sa akin. Ini-scan ko ang mga akda ng pupils ko. Baka sakaling mairekomenda ko. Good thing, may mga napili akong maaaring makuha, kung gugustuhin nila ang gawa ng mga estudyante. Gusto ko rin namang makatulong sa mga bata. Agosto 27, 2017 Gaya kahapon, nag-encode lang ako halos maghapon. Naisingit ko rin ang pagsusulat. Gusto kong madugtungan ang lahat ng mga nasimulan kong nobela. Time lang talaga ang kulang sa akin. Gayunpaman, susubukan ko. Kailangang maging inspired uli ako. Hapon, bago dumilim, nag-gardening ako. Natuwa ako sa grass na tumatkip sa lupa. Hindi ko na kailangang bumili ng bermuda, frog o carabao grass. Agosto 28, 2017 National Heroes' Day ngayon at huling araw ng long weekend. Pakiramdam ko, nakapagpahinga ako ng napakahaba. Marami rin akong na-accomplished. Sayang nga lang, walang signal ang internet. Lesser ang nagawa ko. Mas marami pa sana akong natapos. Naturuan ko rin si Ion sa pagbabasa. Kahit paano may mga natatandaan na siyang English words. Mahirap talagang ituro ang langauge na ito, pero kung aaraw-arawin o pagtitiyagaan, hindi imposible. Nakapag-update rin ako ng nobela kong 'Ang Babae sa Underground.' Napagdesisyonan ko ring gawing superhero story ang isa kong akda at isama sa nasimulan kong superheroes piece. Bukas, back to work ako. Action, rather. Kasama ako sa Big Book Making Workshop. Tatlong araw akong wala sa klase ko. Haist! Maiiwanan ko na naman ang mga pupils ko. Agosto 29, 2017 Hectic ang schedule ko ngayong araw. Kinailangan kong maging time conscious nang nasa school pa ako. Nag-almusal. Nagbilin sa mga batang iiwanan ko. Nagpa-finalize ng bubble sheets. Nakiusap sa mga co-teachers para i-handle ang pupils ko. Nag-practice ng sabayang pagbigkas. Nagsundo ng isang trainee ng collaborative publishing. Nakiusap kay Sir Vic na ihatid ang mga collab trainees sa ABES in my behalf. At, nag-workshop. Ang workshop ang umubos sa oras ko. But, worth it naman. Marami akong natutuhan. Kahit published author na ako, crucial pa rin ang nalaman ko kanina. Kinailangan ko kasing ibagay ang akda ko sa kakayahang magbasa ng Kinder at Grade 1. Para tuloy akong nagsulat ng bago. Dalawa lang ang naipasa ko. Okay na iyon. Bukas naman. Babawi ako. Past 7 na ako nakauwi. Nagpagupit pa kasi ako. Pumila pa roon. Agosto 30, 2017 Nag-final rehearsal kami kanina ng sabayang pagbigkas. Kahit paano, nakita ko ang readiness nila. Hindi man pang-contest, alam nasa performance level naman. Naipasabay ko rin ang collab publishing trainees ko kay Ma'am Dang, since sa JRES rin naman ang training nila. Past 8, nasa PBES na kami ni Ma'am Joann para sa ikalawang araw ng Construction of Big Books Workshop. Nakapagpasa ng aking ikatlong akda bandang alas nuwebe. Before 10, nakasulat na sana ako ng ikaapat, kaya lang ipinahinto na ang pagpasa dahil marami na raw. Hindi na kaya ng illustrators. Kaya naman, tumambay na lang kaming writers. Nagkuwentuhan na lamang kami. Ang ganitong pagtitipon ay nakakabuo talaga ng bagong pagkakaibigan. Nakakakilala. Nakakapulot ng idea. At, nagkakaroon ng bagong oportunidad. May bago akong papasuking writing work. This time textbook naman. Filipino Grade 4. Ito na marahil ang katuparan ng aking pangarap. Sana matuloy. Ibinigay ko na ang resume ko. Gagawa na lang ako ng sample na aralin. I hope magawa ko before Monday. Before the workshop ends, nakasulat pa ako ng isang kuwentong pambata. Tapos, inatasan pa ako ni Ma'am Mina na magbigay ng impression bukas sa closing program. First time ko, kaya hindi ko hinindian. Alam kong bini-build-up niya ako. Dumaan ako sa school para i-confirm kay Sir Erwin kong tuloy ba ang seminar namin sa Laguna sa September 1-2. Hindi na raw. Sayang... Pero, okay lang, makakagawa ako ng iba. Past 7:30 na ako nakauwi dahil nag-draft pa ako ng tula na babasahin ko bukas sa pagbibigay ko ng impresyon tungkol sa workshop. Agosto 31, 2017 Naging matagumpay ang sabayang pagbigkas. Halos sabay-sabay. Malakas ang boses. Maraming formations. Nakakatuwa ang feedback. May nagsabing kinilabutan siya. May nagtanong rin kung ilalaban namin iyon. Panalo naraw kasi. Sabi ko naman, maraming elemenys ang kulang, like audio and costume. Sapat na sa akin ang presentation lang at may naka-appreciate. Worth it ang pagod. Past 1:30, pumunta kasi ni Ma'am Joann sa DO para naman sa closing program. 4:30 pm pa naman nagsimula. Isa ako sa naatasang magbigay ng impression. Kagabi pa ay naisulat ko na ng piyesa ng tula. Tula ang ginawa ko, instead na speech or sanaysay para maiba naman. Narito ang aking binigkas: Tula ng Impresyon Ako ay nagulat nang todo Nang si Ma'am Mina'y pinatawag ako Upang magbigay ng impresyon ko Ukol sa workshop na ito. Kahit takot akong humarap sa tao, Tinanggap ko ito nang buong puso. Kaya, mga kaibigan ko Hayaan sana ninyo ako, Na saglit na magkuwento Maaari bang mahiram ko ang mga tainga ninyo? Salamat, mga kaguro! Alam niya ba kung paano Ako'y napasama rito? Nang MTOT, noong Mayo, Si Ma'am Mina, sa 'ki'y nagtampo. Hindi ko raw naibabahagi ang aking talento. Di nakaimik, ngumiti na lang ako, Pero ang totoo, nabagbag ang puso ko. Nais ko naman talagang ibahagi ang kakayahan ko, Ngunit hindi ko alam kung paano. Kaya, nang kami ay muling nagkatagpo, Kinausap niya ako, Pinagpasa ng mga kuwento. Isasama niya raw ako sa memo. Agad akong nagpasa ng mg akda ko Dahil ayaw kong siya'y muling magtampo. Heto na nga ako... Heto na nga tayo... Matapos ang tatlong araw na madugo, Tayo ay natuto, lumago... Pambihira talaga ang karanasang ito! I'm sure, hindi lang ako Ang nagsasabi nito... Kayo rin, tama ba ako? Muli, maraming salamat po, Ma'am Mina, sa oportunidad na ito! Laht kami—kaming naririto Ay talagang natuto nang husto Sa larangang aming gusto. Ang mga manunulat ay humusay lalo... Ang mga ilustrador, naging astig na totoo. Sa iyo, LRDMS queen, kami ay saludo! Salamat po! Sana'y hindi ko kayo nabigo. Ang programang kagaya nito May potensiyal, may puso... Dapat nating suportahan ito Upang talento ng mga guro Lalong umusbong o kaya'y mabuo. Walang magsasabing, 'Sayang ang oras ko sa palihang ito," Sapagkat ito'y produktibo Para isa bawat batang Pasayeño Upang interes sa pagbasa'y tumubo. Salamat sa lahat ng nasa likod nito! Sir Noel, na aking bagong idolo. Sa iyo, ako'y lubos na natuto. Hindi pagsisipsip ang tawag dito, Kundi pagsasabi ng totoo. Nariyan rin si Sir Comia, Ma'am Salaysay, Ma'am Ramos, Ma'am Martino, Sir Torres... Mga punungguro, Sa pagpayag na kami'y dumalo. Kay Ma'am Leny Sa pagkanlong sa amin. At sa masipag nating pinuno At reyna ng SDO--- Ma'am Evangeline Ladines, Magandang hapon po! Maraming salamat sa suporta ninyo Sa ganitong proyekto— Isang makabuluhang proyekto! Maraming salamat po! "Tell me and I forget, teach me and I may remember, involve me and I learn" –Benjamin Franklin Natuwa sila, sa tingin ko, lalo na si Ma'am Mina. Ramdam ko ang kanyang ligaya nang marinig niya ang aking mga tinuran. Past 6 na natapos ang program. Eight na yata ako nakauwi. Pagod man, masaya naman. Fulfilled.

Wednesday, July 26, 2017

Classroom Dialogue: Pagkakaisa

Tee-Jay: Sir, kung magkakasundo ba taga-Marawi, kaya nating labanan ang mga mananakop?

Sir: (Nakuha agad niya ang nais niyang sabihin. Ang tinutukoy nito ay ang Maute Group at ang gobyerno ng Pilipinas.) Hindi rin!

Tee-Jay: Bakit po?

Sir: Pagkakaisa nga, hindi natin magawa. Wala nga tayong disiplina, e, gaya sa basura, sa traffic...

Tee-Jay: Tama ka po, Sir!

Sir: Hindi ako magtataka kung masakop uli tayo ng mga dayuhan dahil tayong mga Pilipino nga ay nagdidigmaan.

Tuesday, July 25, 2017

Ayaw Tumingin sa Ibaba

Kapag sikat o mayaman na siya,
malamang 'di ka na niya maaalala
hindi dahil sobra na siyang abala,
kundi dahil para sa kanya...
wala ka naman talagang halaga.
Anuman ang iyong nagawa
sa kanya nang siya'y wala pa
ay katulad niya... wala ring kuwenta.
Kaya, h'wag ka nang umasa pa
sa taong walang nang alaala.
Ang isang kagaya niya--
ay bangaw sa likod ng baka.
Akala niya matagumpay na siya.
Ang totoo, mabaho at putikang lupa
ang pedestal, na kanyang natatamasa.
Ayaw niyang tumingin sa ibaba,
kung saan siya talagang nagmula,
sapagkat nababatid niya,
doon siya pupulutin ng tadhana.

Friday, July 14, 2017

Puti at Pula

Noong ako ay bata pa,
siguro ako'y labindalawa.
Sa suwerte, laging umaasa,
kaya madalas tumataya--
gaya ng bingo at puti at pula.

Isang gabi, utos ng aking ina,
aking lubos na ikinatuwa,
sapagkat aking maitataya
ang pang-ulam ng pamilya,
baka sakaling dumami pa.

Sa pingpongan ako pumunta,
at lakas ng loob na tumaya,
tuwang-tuwa nang tumama.
Kaya lang, agad ding nawala,
suwerte ay pansamantala.

Noodles, hindi na nabili pa,
dahil sampung piso'y talo na.
Takot, noon ko lang nadama,
nang naisip ko ang aking ama.
Sigurado, palo aking mapapala.

Abot-abot ang aking kaba,
nang umuwing walang dala.
Walang nabigkas na kataga,
'di ko alam, paano magsisimula.
Pero, sila'y naging manghuhula.

Isang batok, maraming alimura,
ang napala ko mula kay Papa.
Pangaral at pagpapaunawa
ang narinig ko mula kay Mama,
kaya hiya ko'y nabawasan na.

Muli akong binigyan ng pera
para ulam nami’y mabili ko na.
Noon ko napagtanto aking nagawa—
suwerte ay hindi puti at pula
at ang sugal ay talagang masama. 

Wednesday, July 5, 2017

Pahimakas

Muling binalikan ni Rommel ang parkeng madalas nilang pasyalan noon ni Liza. At, sa oras na iyon, tanging mga alaala na lamang ng dati niyang kasintahan ang kanyang kasama.

Halos hindi niya naririnig ang ingay ng mga batang naglalaro sa paligid sapagkat ang tanging nauulinig niya'y ang mga pahimakas ni Liza.

"Rom, pasensiya na... kung inilihim ko sa 'yo ang sakit ko. Pasensiya na kung... kung madalas kang naiinis sa makapal na lipstick sa mga labi ko. Nais ko lang itago sa 'yo ang tunay na kulay nito... Hindi ko na kaya... Hindi... hindi ko na kailangan ito... ngayong alam mo na... Patawad... Mahal na... na mahal kit..."

Pinilit itago ni Rommel ang kanyang mga luha, habang kuyom-kuyom niya ang iniwang lipstick ni Liza.

"Habang nabubuhay ako, Liza... at habang nabubuhay ang mga alaala mo, patuloy kong gagawin ito." Nagpahid siya ng lipstick sa kanyang mga labi.

"Ano ba yan, 'te?! Tingnan mo siya, o," ani ng babae sa kanyang kasama.

Noon lamang nanumbalik ang pandinig ni Rommel. Subalit, hindi niya pinansin ang mga tsismosa.

"Oo nga, 'te! Yay!" sabi naman ng isa.

Tumayo si Rommel at walang lingon-likod na umalis sa parke.

"Salamat sa lipstick mo, Liza! Nararamdaman kita..." bulong ni Rommel, habang dumadaloy sa pisngi ang kanyang luha.



Saturday, July 1, 2017

Si Totit at ang Berdeng Halimaw

"O, bakit ka umiiyak?" tanong ng ina kay Totit. Hinawakan niya ang ulo ng anak, pagkatapos ay kinindatan ang asawa.

Hindi kumibo ang pitong taong gulang na bata, bagkus sinipsip niya lang ang laman ng kanyang bibig-- kanin at gulay.

"Nakakaiyak ba ang gulay? Nguyain mo na 'yan," galit na sabi ng ama.

Takot na takot na nginuya ni Totit ang kanyang pagkain. Ayaw niyang mapalo na naman siya ng kanyang ama.

Antok na antok naman ang ama, habang pinagmamasdan ang anak. "Isang subo na lang. Bilisan mo na. Nakakaantok kang bantayan... Matutulog nga muna ako."

Habang umaakyat ang ama, pinagmasdan siya ni Totit. Kumurap-kurap ang kanyang mga mata. Kahit siya'y antok na rin. Nilinga niya muna ang ina. Naghuhugas na ito ng mga pinagkainan.

Pinagmasdan niyang maigi ang berdeng bagay sa kutsara. Napalunok siya. Hindi talaga iya kayang lunukin iyon. Pakiwari niya'y magbabara iyon sa kanyang lalamunan.

Pinunasan niya ang kanyang luha at nang luminaw ang kanyang paningin, tumambad sa kanya ang berdeng halimaw.

"Kakainin kita," anito. Lumabas ang kanyang mga pangil. Akma pa siyang dadamputin nito. Kung hindi nga lang siya nakaiwas at nakatago sa ilalim ng mesa, malamang ay napirat na siya ng mga kuko nitong kay tutulis.

"Mama, Papa!" sigaw ni Totit. Takot na takot siyang nagsumiksik sa mga upuan. Ngunit, walang ano-ano'y nahila na ng halimaw ang kanyang damit. "Bitawan mo ako!" Nagkukumawala siya, habang inilalapit siya sa bunganga nito.

"Hindi ka nila maririnig, batang lampayatot."

Muli niyang tinawag ang kanyang ina at ama.

"Ikaw, ngayon ang kakainin ko dahil ayaw mong kumain ng gulay." Tumawa pa ang halimaw, habang nakabitin si Totit, malapit sa kanyang malaking bunganga.

"Huwag po! Huwag niyo po akong kainin," pakiusap ni Totit. Puspos na siya ng luha at pawis dahil nasa loob na siya ng bunganga ng halimaw. "Kakain na po ako ng gulay..." Pumikit na lamang siya.

Nang binitiwan ng berdeng halimaw ang kanyang damit, alam niyang ngunguyain na siya nito, pero bigla na lamang siya iniluwa nito. Nauntog ang ulo niya sa mesa. Pagdilat niya, nakita niya ang gulay sa kutsara. Luminga-linga siya. Naghuhugas ng mga plato ang kanyang ina. Wala na ang berde at nakakatakot na halimaw.

"Tapos ka na, Totit?" tanong ng ina.

Mabilis niyang isinubo ang laman ng kutsara. Noon niya lamang nagustuhan ang lasa ng berdeng pagkain. Naisip niyang masarap naman pala ang gulay.

"Opo, tapos na po."

"Very good!"

Simula noon, hindi na siya ginugulo ng halimaw.


Ang Aking Journal -- Hulyo, 2017

Hulyo 1, 2017 Gumawa ako ng instructional materials pagkatapos mag-almusal. Hindi ko kasi magagawa bukas dahil matutuloy na ang 100 group bonding namin sa Xinnia. Natapos ko naman kaagad, kaya nakapag-encode pa ako ng mga akda ng pupils ko. Kahit sinabi ko sa kanila na wala nang libro, hindi ko iyon totohanin. Kinokonsensiya mzellm ko lamang sila para tumino at maging disiplinado. Nakapagsulat rin ako ng kuwentong pambata. Inspirasyon niyon ang pag-iyak ni Ion nang pinakain ko ng gulay. Alas-kuwatro, nagpintura ako ng kuwarto ni Zillion. Ginamit ko ang tirang pintura noong nagpintura ako sa classroom. Nagkasya naman kahit paano. Hindi nga pang ganoon kapulido, lalo na't pangsemento ang pinturang iyon.as Hulyo 2, 2017 At 5:45 AM, umalis na ako sa bahay para sa swimming-bonding naming 1000 group. Before 7, nagkita na kami ni Ms. Kris. At, agad din kaming bumiyahe papunta sa Roosevelt. Halos magkasunuran lang kami ni Mam Edith. Past 8, sinundo na kami ni Sir Erwin. Ang bilis ng mga pangyayari. Before 9, nag-almusal kami, bago lumublob sa pool. Isang masayang swimming-bonding ang naganap sa pool. Walang humpay na tawanan at kuwentuhan. Hindi na namin inaksaya ang oras namin sa panunuod ng laban nina Pacman at Horn, lalo na't nalaman naming talo naman ang pambato ng Pinoy. Mas pinili namin ang magbabad doon. Tamang-tama kasi, hindi mainit ang panahon. Halos panay rin ang kainan namin. Sulit na sulit talaga. Pag-uwi ko, may binigay pang mga damit ang mag-asawang Climacosa para kay Zillion. Para akong nag-shopping sa dami. Past 7:30 na ako nakauwi. Malakas kasi ang ulan. Nagpatila muna kami doon sa condo ni Sir. Mukhang may part two ang swimming namin. Gusto nilang doon kami mag-celebrate ng birthday ko. Bahala na. Depende sa budget at pagkakataon. Hulyo 3, 2017 Maaga akong nagising, dahil parang naiinitan ako. Hindi ako nakatulog nang maayos. Maaga rin akong nakarating sa school. Nakatulong pa nga ako sa paglimas ng tubig-ulan sa may pintuan ng canteen. Kahit shortened ang klase, nagpalitan pa rin kami. Hindi ko lang napasok ang Section Aquamarine dahil after recess ay uwian na. Sa advisory class ko, nagpaskil lang ako ng visual aids ko sa AP6. Bahagi iyon ng tampo ko sa kanila. Tahimik naman sila, habang ginagawa ko ang ID cards nila. Antok na antok ako kanina, habang gumagawa ng instructional materials sa Filipino 6 at habang nagda-download ng videos para sa AP6. Kaya, past 2:30, umuwi na ako. Na-traffic lang ako sa Tejero, nang bumuhos ang malakas na ulan. Sayang ang oras. Hindi ko pa rin tuloy nagagawa ang toka ko sa writeshop namin. Kinukuha na ang week 6-10. Kapag nasa bahay ako, halos wala akong magawang school-related works. Ang sarap kasing mag-relax at magpahinga. Anyways, gusto ko naman talagang ihiwalay ang oras para sa paaralan at para sa pamilya. Hulyo 4, 2017 Alas-4 ako bumangon kanina. Sinubukan ko lang kung kaya kong makarating sa school bago mag-5:45. Tamang-tama naman ang dating ko, kahit natagalan ako sa biyahe. Bukas, babalik ako sa 3:30 na gising para makapaghanda ako ng almusal ko. Mahirap maghagilap ng pagkain sa canteen kapag may klase na ako. Nakakagutom. Unti-unti kong ipinakikita sa advisory class ko ang pagiging istrikto ko. Pinagalitan ko na naman ang isa kong estudyante dahil ang nanay ay nagreklamo diretso sa principal. Um-attend naman siya ng meeting noong June 9. Sabi ko, kapag may problema, sa akin muna pupunta. Kahit pa biktima ng bullying ang anak niya, hangga't hindi ko alam o hindi nila ipinaalam sa akin, wala akong papanigan. Wala silang karapatang magreklamo. Dumaan muna sa akin, bilang respeto. I hope makarating sa kanyang ina. Nasabi ko tuloy na pinaghahandaan ko ang mga posibleng reklamo nila sa grades. Ihanda rin nila ang kanilang portfolio at diary. Kailangang may ipapakita silang ebidensiya sa akin. Naging maayos naman ang pagtuturo ko kanina sa lahat ng klase, kahit nagsermon pa ako sa dalawang lower sections. Nagpa-group work pa ako. Nagustuhan nila iyon. Dumating na ang "Malamig na Kape." Sulit ang pagod at paghihintay ko. Sa bahay, nang binasa iyon ni Emily, na-hook na siya. Agad niyang nahulaan na story ko iyon. Hulyo 5, 2017 Naisakatuparan ko ang lesson ko kanina. Alam kong marami ang natutuhan ng mga estudyante ko. Nakuha ko ang kanilang interes. Nainis lang ako sa paulit-ulit na paggawa ng IPCRF. Nakakabuwisit na ang DO. Hindi malaman kung ano ang dapat gawin. Pabago-bago ng template at forms. Time-consuming. Past seven na ako nakauwi. Ang lakas na nga ng ulan, traffic pa. Pagkatapos kong kumain, gumawa na naman ako ng instructional materials. Nakakapagod, pero hindi ako kailangang sumuko. Responsibilidad kong magturo at mapatuto ang mga bata. Past nine na ako nakahiga. Puyat na naman ako. Hulyo 6, 2017 Umalis ako sa bahay nang hindi ko nabati si Zillion. Tulog pa naman kasi siya at masyado pang maaga. Gayunpaman, umuwi ako nang maaga para mabilhan ko siya ng cake at ice cream. Natuwa nga siya, pagdating niya. Sayang nga lang, hindi ko siya nabilhan ng kahit spaghetti sa Jollibee. Ayaw na rin ni Emily, na magluto pa kami. Sa school kanina, kahit dalawa ang absent na teachers, hindi naging hadlang para hindi ko maituro ang inihanda kong IM's. Naging makabuluhan ang pagtuturo ko. Ang sarap sa puso. Sulit ang pagod at gastos ko sa mga materials ko. Hulyo 7, 2017 Walang palitan ng klase kanina dahil nagkaroon ng parada bilang opening ng Buwan ng Nutrisyon 2017. Gayunpaman, nagturo ako sa advisory class ko, at siyempre, nagpa-groupwork ako. First time siguro nilang maranasang magkaroon ng beauty pageant style of learning. Tamang-tama dahil ang topic namin ay about "Ang mga kababaihan ng rebolusyonaryong Pilipino." Pinarampa ko ang mga estudyante babae. May hosts at judges din. May Q&A pa. Natuwa ako sa efforts nila. Medyo maingay lang, pero game sila. Nang sinabi ko ngang i-present nila sa ibang sections, um-agree rin sila. Umuwi ako nang maaga. Before 4, nasa bahay na ako. Ginusto ko kasing umidlip. Hindi ko naman nagawa dahil nagkape ako. Hindi bale, kahit paano ay nakapagpahinga ako. Nakabisita pa nga ako sa garden namin. Naipadala ko na pala kay Ms. Heaven ang apat na books na order niya, worth P800, plus P180 shipping fee. Nag-chat kami later. Sinuhestiyon niya sa akin na ibili ko na lang ng stocks sa LSP ang kabayaran, pati ang utang niyang P2000. So, magiging stockholder na ako ng Le Sorelle sa halagang more or less P3000. Hulyo 8, 2017 Dahil wala akong pasok at lakad, nagawa ko ang mga gusto kong gawin, like pag-encode at gardening. Marami-rami akong na-encode sa journal ko noong 2008. Nakapili rin ako ng mga akda ng VI-Topaz na isasama sa anthology book namin. Nakaidlip rin ako after maligo. Hulyo 9, 2017 Habang namamalengke si Emily, ako naman ang nagbantay kay Ion. Hinayaan ko siyang manuod ng tv. Ako naman ay nag-encode nang nag-encode. Pagdating niya, nakagawa pa ako ng handicraft, na out of seashells. Hapon, nag-ayos kami ng harapang bakuran namin. Inalis namin ang mga damo sa gutter. Nagtanong si Auntie Vangie tungkol sa mag-ina ko. Then, binanggit niya ang gamit na ibibigay niya sa amin. Kami na lang ang hinihintay na pumunta sa kanila. Chat ko lang daw siya kung kailan. Inirason ko na lang ang ka-busy-han ko, pero, actually, wala na akong interes. Baka kasi magastusan lang ako sa pag-mobilize, lalo na't si Kuya Junior ang maghahatid sa amin. Hulyo 10, 2017 Muntik na akong ma-late dahil past 4 AM ko na narinig ang alarm, na supposedly ay 3:30. Halos, hindi na ako nagsabon para lang mabilis akong makarating sa sakayan. Good thing, hindi ako nahuli. Nakapag-print pa nga ako ng DLP bago nagsiakyatan ang mga pupils ko. Natuwa ako sa effort ng mga estudyante ko. Game na game talaga sila sa pagrampa, na suot ang sash at costume na ginawa lang nila from newspapers and magazine. Naimbitahan ko rin silang mag-present sa section 3. Sayang nga lang, hindi ko sila nahiram sa dalawa pang sections. Since, birthday ni Emily, nagmadali akong makauwi after ng coop board meeting. Natagalan lang dahil sa kung ano-anong agenda. Sinorpresa ko si Emily ng cake. Pansit lang ang request niya, pero binilhan ko siya ng cake. Ako rin ang nagluto ng pansit canton. Okay na iyon. Masaya na siya. Hulyo 11, 2017 Ikalawang beses na akong nagigising nang late. Bakit kaya hindi ko nauulinigan ang alarm. Lilipas muna ng mahigit 30 minutes bago ako magising. Mabuti na lang, hindi ako nali-late. Kahit absent ang isa naming co-teacher, nagpalitan pa rin kami ng klase. Nakapagturo ako sa lahat. Teacher-centered ang mga naging klase ko sa mga lower sections. Gayunpaman, effective pa rin. After class, miniting kaming Grade 6 advisers. Akala ko ay negative. Nakikisuyo lang pala na tulungan namin siya sa kanyang reading project. Pagkatapos, naghanda kami ng entablado para sa Holy Spirit Mass bukas. Tinanggalan lang naman namin iyon ng dikit ng double-sided tape. Then, naghanda ako ng tarpapel bago ako umuwi. Pag-uwi ko, hindi pa nga ako nakakabihis, dumating ang malayong kapaitbahay naming si Ate Nelda. Nakipagkuwentuhan siys sa amin. Mabuti pa siya, masarap kausap. Walang halong kayabangan. Samantalang ang kabitbahay naming nasa tabi lang ng bahay, halos ayaw na naming kausapin. Tsismoso kasi at pakialamero. Mapambulid pa ng sinulid. Haist! Wala na akong magagawa. Siya na ang kapitbahay namin forever. Hulyo 12, 2017 Naging abala kami kanina dahil sa Holy Spirit Mass. Nagtulong-tulong kami sa paglagay ng cutouts sa stage. Then, ako nag-ikot ng mga trainers at trainees para sa journalism categories. Kailangan ko na kasing maipasa kay Mam at masimulan ng mga tagapagsanay ang training. Gusto ko na rin kasing mag-focus sa Tambuli at book ng VI-Topaz. Dahil walang palitan kanina, marami akong nagawa about sa writing. Naging mas interasado na ang karamihan na nakasama ang artworks at write-ups nila sa binubuo naming aklat. Natutuwa ako sa husay ng iba. Kahit sa group work, may napipili akong akda. Well, section one kasi sila. Dapat lang naman. Dahil maaga-aga akong nakauwi, nakapaghanda pa ako ng instructional materials para bukas. Nagpag-gardening din ako. Sulit ang pagod at puyat. Nakakawala talaga ng stress ang mga halaman. Hulyo 13, 2017 Napagtanto ko na masyadong maaga ang gising na 3:30. Kanina kasi ay madilim pa nang makarating ako sa school. Kaya, bukas, alas-4 na ako babangon. Naging smooth sana ang pagtuturo ko ng AP6 sa tatlong sections, kaya lang nainis ako sa huling klase. Grabe! Mga wala silang respeto at walang interes matuto. Tumigil ako sa pagtuturo. Nagsermon ako. Sinabi ko na, hindi ako magsasalita bukas. Hahayaan kong matuto sila sa visual aids na ipapaskil ko. Gayunpaman, hindi ako masyadong apektado. Gusto ko lang magbago sila. Sanay na ako sa mga estudyanteng pumapasok lang para mag-inarte at magpasaway. Kahit nga sa advisory class ko, na cream of the crop, may mga pasaway pa rin. Haist! Part of being a teacher, 'ika nga. Maaga akong nakauwi. Pagod man, pero sumapat na ang ilang minutong pag-idlip ko. Hulyo 14, 2017 For the first time, na-late ako kanina. Traffic kasi at hindi agad napuno ang bus na nasakyan ko. Gayunpaman, naabutan ko ang flag ceremony. Nainis ako sa advisory class ko habang nag-lelesson ako sa AP6, kaya hindi ako nagturo. Nag-PHILIRI na lang ako. Tinupad ko rin ang sinabi ko sa VI-Aquamarine. Sa dalawang sections lang ako nag-discuss. Natapos ko ngayong araw ang pagpapabasa (PHILIRI). Na-update ko rin ang EHRIS ko. Naghintay kasi ako sa labasan ng Grade V teachers. Nag-treat si Papang. Isinabay na kami ni Ms. Kris at Mam Bel. Bago iyon, past five na ako nakalabas sa school dahil kinausap ko pa ang canteen helper na pinag-initan ng cook. Kinailangan na namin siyang tanggalin para hindi maapektuhan ang operation. Hindi namin puwedeng ikompromiso ang canteen sales. Malaki ang magiging problema kapag cook ang mawawala. As board, hindi ko nagawa ang dapat. Malaking kawalan kasi ang cook kapag siya ang tinanggal. Naawa ako sa inalis. Kabago-bago, terminated agad. I feel sorry for her. Past 9:30 na ako nakarating sa bahay. Grabe, umuulan na nga, traffic pa. Hulyo 15, 2017 Naging produktibo ang buong araw ko ngayon dahil nakapag-check ako ng mga activities ng advisory class ko, nakapag-record, at nakapag-encode ng mga akda nila. Dahil maulan at malamig ang panahon, nakaidlip rin ako. Kay sarap sa pakiramdam ang nakakapagpahinga. Gabi, nakapag-encode rin ako ng journal ko. Nadugtungan rin ang 'Maybe This Time' ko ng ilang salita. Kahit paano ay may interes pa rin akong tapusin ang nobela. Hulyo 16, 2017 Nag-gardening ako pagkatapos naming mag-almusal. Sinamantala ko ang malilim na panahon at malambot na lupa. Pagkatapos, hinarap ko naman ang pag-encode at pag-edit ng mga akda ng mga pupils ko. Siyempre, nakaidlip ako kahit paano, pagkatapos kong magpagupit at maligo. Malapit na ang birthday ko, kaya kailangang presentable ako. Kahapon , pinakulayan ko na kay Emily ang buhok ko. Nakapag-update rin ako ng nobela kong 'Maybe This Time.' Nagkaroon ito ng aksiyon. Nasa 28k words na, kaya anytime ay maaari ko nang bigyan ng wakas. Hulyo 17, 2017 Birthday ngayon ni Hanna. Ngayon ko lang yata siya hindi nabigyan ng panghanda o kahit pambili man lang ng cake. Ang hirap na kasi ngayon ng pera. Halos kulang pa nga sa pangangailangan naming tatlo. Idagdag pa ang mga bills at ang mga pamasahe namin ni Ion. Sana makaahon kami sa ganitong estado. Gusto ko na ring madalaw doon si Mama. Nagsermon ako sa section Amethyst, gaya sa section Aquamarine. Nakakainis kasi. Sinsabayan nila ng daldalan ang panunuod ng video. Hindi sila interesadong matuto. Mabuti pa ang last section, nakukuha sa tingin. Sila, hindi. Paulit-ulit akong nagsasaway. Akala nila manggagalaiti ako sa galit. Hindi ko na gagawin iyon. I love myself. Kung dati, halos mapaos ako dahil sinasapawan ko ang ingay at daldalan nila. Ngayon, hindi ako nagsasalita kapag maingay. Hindi naman ako ang lugi, e. Dapat malaman nila iyon. Nag-coffee bonding kami ni Papang bandang alas-3:30 ng hapon, bago ako umuwi. Nakakawala ng pagod at stress. Pagdating sa bahay, inuna ko ang paggawa ng learning materials, bago ang gardening. Hulyo 18, 2017 Hindi pa rin ako nagturo sa dalawang klase o section. Nagpaskil lang ako ng visual aids ko. Nagsulat ng iba pang mahahalagang impormasyon. Kinopya naman nila nang tahimik. Naisaloob kong baka maging effective pa iyon kaysa magturo ako. Bago mag-uwian, kinausap ko ang advisory class ko. Tungkol iyon sa birthday ko. May nagtanong kasi kung 19 ba o 20. Ramdam kong may surprise sila sa akin. Kaya, gaya ng dati, sinabihan ko sila na huwag na huwag nila akong reregaluhan o bibilhan ng handa. Sinabi ko ang mga dahilan. Una, hindi ako sanay na nagse-celebrate at nakakatanggap ng regalo. Pangatlo, wala pa naman silang trabaho. Pang-apat, hindi nga nila sineryoso ang napag-usapan sa HPTA meeting. Dapat nag-ambagan na lang sila para makabili ng tv. Kaso, may nagpagawa na ng tarpaulin. Kaya, no choice ako kundi ipadala iyon. Sayang naman. Nalungkot nga sila, e. Pero, kako, huwag na silang bumili ng cake at magbalot ng regalo. Naunawaan naman nila ako. Sana lang tumimo sa isip nila na iba ako kung ikukumpara sa ibang teacher. Hindi ako materialistic. Sapat na sa akin ang may disiplina sila. Mas pinahahalagahan ko rin ang good deeds and words, as gifts. Since, isinali kaming Grade 6 teachers sa reading remedial, nagpabasa ako sa 11 non-readers. One hour lang naman, kaya hindi ko ramdam ang pagod. Siguro, dahil naaawa ako sa mga estudyante may reading problem, kaya na-enjoy ko ang ginawa. Bago ako umuwi, nagkape muna kami ni Papang. Hulyo 19, 2017 Masaya ako sa aking kaarawan dahil kahit paano ay nag-effort ang mga estudyante ko. Sinuway man nila ako, natuwa pa rin ako. Gusto talaga nila akong sorpresahin. May tarpaulin at cake pa sila. Kinantahan nila ako, pinag-wish, at pinag-blow. Pero, ang pinakanagustuhan ko ay ang mga greeting cards. Nakaka-touch! Sinorpresa rin ako ng kagrupo ko sa 1000. Binigyan nila ako ng chocolate cake roll. Nagkape kami after ng GPTA meeting and election of officers. Past 4 na tuloy ako nakaalis sa school. Okay lang. Masaya naman ang bonding namin. Pagdating ko, mga bandang alas-sais iyon, naghanda naman kami ni Emily ng pansit canton. Siya halos ang naghanda at nagluto dahil gumawa ako ng summative test sa AP 6. Hulyo 20, 2017 Maaga na naman akong nagising kanina. Nauna pa ako sa alarm. Kaya, after meeting ko with campus journalists, umuwi agad ako. At, nang nasa biyahe ako pauwi, hindi ko na kinaya ang antok. Pagdating naman sa bahay, umidlip ako. Naibsan ang ilang araw kung pagod at puyat. Tapos, kinagabihan, nagpahilot ako. Nagpahilot kasi si Emily sa matandang babae. Pagkatapos niya, ako naman. Tiyempo. Need ko talagang mahilot dahil ramdam kong may lamig ako sa likod. Masakit, e, lalo na kapag umuupo ako at kapag nababangga sa upuan. Solb! Guminhawa ang pakiramdam ko. It's a gift! Hulyo 21, 2017 Naging epektibo ang pagpagalit ko sa Section Amethyst noong isang araw dahil kanina, naging behave sila. Tinuruan ko na sila. Kaya lang, hindi pa rin nagbago ang Section Aquamarine. Naging pari na naman ako. Haist! Nakakapagod magpagalit. Sana magbago na sila ng study habits. Pagkatapos ng klase, dinalaw ako ng ilang pupils ko. Kaya lang, hindi ko naman sila nakakuwentuhan nang matagal dahil hinuli sila ng guard. Ayaw kasing magpapasok, kaya umakyat sila sa bakod. Past 5, kasama ko ang Triple Zero, si Mam Sha, at si Mam Dang. Nag- food bonding kami. Birthday treat ko iyon sa kanila. Isa ring masayang kuwentuhan at maingay na tawanan ang nangyari. Inabot kami ng alas-siyete doon. Past 9:30 ako nakauwi sa bahay. Nagkuwentuhan pa kami ni Emily. Pagkatapos, pinanuod ko ang 'Heneral Luna.' Haist! Puyat na naman ako. Bukas, nasa MOA ako para sa meet-up sa mga buyers ng 'Moriartea.' Napag-utusan lang naman ako ng LSP. Pero, siyempre may P40 each ako sa bawat book na mabibili. Not bad! Hulyo 22, 2017 Past 11:30, bumiyahe ako papuntang Pasay para kunin ang Moriarte books sa school. Medyo late akong nakarating sa may carousel sa MOA Seaside dahil sobrang bigat at sobrang layo pa ng meeting place. Naasar pa ako dahil halos tatlong oras akong naghintay. Limang buyers lang ang dumating at anim na books ang nabili. Mabuti na lang, bawasan pa ng 22 copies dahil nakipag-meet up ako sa client na tagal Gen. Trias. Ewan ko lang kung mayroon akong tubo doon. Ang mahalaga naman, gumaan ang bitbit ko. Nanghihinayang lang ako sa oras ko. Akala ko mauubos ang 40 copies. P1600 sana. Pero, hindi ko kinita iyon dahil halos nilangaw nga ang meet-up. Disin sana, natapos ko na ang mga dapat kung gawin, lalo na ang summative tests sa AP 6 at Filipino 6. Mag-i-eight na ako dumating sa bahay. Pagod na pagod ako at gutom na gutom. Hindi ko na nagawang magmeryenda sa MOA. Naiinis kasi ako. Ayaw ko ang may bitbit kapag papasok sa food chain. Hulyo 23, 2017 Sinulit ko ang buong araw sa pag-encode ng mga akda ng mga pupils ko, gayundin sa paggawa ng summative test. Siyempre, nakapagpahinga rin ako after lunch at nakapag-gardening before ako nagluto ng ulam para sa dinner. Nanghihinayang pa rin ako sa nasayang na oras kahapon. Disin sana'y natapos kong lahat ang mga tasks ko. Hindi na bale. I have learned a lesson na. Hulyo 24, 2017 Nagpa-summative test lang ako sa mga klase ko. Nakapag-check na rin at nai-record ko na. At, bago mag-uwian, nagturo ako ng pagsulat ng Tanaga sa advisory class. Patuloy ko silang hinihikayat na magsulat nang magsulat. Naiinis ako sa mga madadaldal na estudyante. Wala namang nagawang kapaki-pakinabang. After class, nagpa-meeting ang editor-in-chief ng school paper namin. Ginabayan ko sila. Natuwa ako sa kanyang dedikasyon at determinasyon. Maaasahan talaga. Inengganyo ko rin siyang mag-publish. Hindi siya makapaniwalang napakamura lang ng pagpa-print ng isang libro. Sana ay matulungan ko siyang magkaroon ng sariling libro. Hulyo 25, 2017 Hindi kami nagpalitan ng klase dahil may Values Education ang Bethany Baptist Church at saka shortened pa dahil naman sa naka-schedule na pagpunta ng mga guro sa Japedia para sa libreng consultation, check-up, at laboratories. Nakapag-post ako ng mga akda ng bata habang may VE. Siyempre, nakapagturo at nakapagpa-groupwork ako sa advisory class ko. Past 10, nasa Japedia na kami. Nalaman ko ang nutritional status ko. Nalaman ko ring 123 ang sugar ko. Kailangan kong mag-ingat sa pagkonsumo ng matatatamis na pagkain. Ang maganda, normal ang BP ko at ang daloy ng dugo ko. Natawa lang ako sa sarili ko dahil nang nagpa-ECG ako, pakiramdam ko ay kukuryentehin ako. Nanginginig ang mga tuhod ko. Inulit tuloy ang test. Hindi naman pala masakit. First time, e! Past 2, umalis na ako sa school. Wala kasing dumating na mga bata para sa remedial reading. Ipinadala ko muna kay Ms. Heaven ang P1500 na benta ng book. Binigay niya sa akin ang halos kalahati niyon. Plus ang tubo ko pa sa anim (P40x6). Siguro, nahiya siya sa nangyari. Gayunpaman, wala na akong magagawa. Tinanggap ko. Sayang, e. Past 4, nasa bahay na ako. Antok na antok ako. Ramdam ko talaga ang pagod at puyat. Ramdam ko na naman ang pamamayat ko. Hulyo 26, 2017 Hindi ako nakatulog nang mahaba. Kung kailan uminom ako ng food supplement na SleepWell at gatas, saka naman ako naging insomiac. Ala-una ng madaling araw, gising pa ako. At, kung kailan mahimbing na ako, saka naman nag-alarm ang orasan. Gustuhin ko mang um-absent, hindi ko ginawa. Hiniling ko nga na sana ay suspended ang klase dahil sa malakas na ulan. Hindi naman sinuspende. Sinikap ko na lang na magturo nang maayos at masigla. Pag-uwi ko, saka ko naramdaman ang pagod at antok. Kaya, nagpahinga ako't umidlip. Kahit paano ay naibsan ang init ng ulo ko. Nakapaghanda pa nga ako ng learning materials para bukas. Kaya lang, maagang nag-anunsiyo ng klase bukas. Sa Friday ko pa iyon maituturo. Kaninang 8 AM, kasama si Mam Gie at 20 Grade 6 pupils, dumalo kasi sa lecture ng rescue team ng Pasay sa Japedia Clinic. One hour lang. Pagbalik namin, recess na. Maaasahan ko naman sina Althea at Joselito. Nakapagpasulat pa sila ng tula. Kanina rin, mga past 12:30, nainis ako sa tinuran ni DK. Ikinumpara niya ako sa estudyanteng nag-donate ng P100 para sa anthology book na gustong i-publish ng ITW. Binalitaktakan ko siya ng replies ko. Heto ang convo namin: Ako: Crisis ako ngayon. Sa bahay muna. Siya: Buti pa sila magbibigay ng kahit 100 (iyong mga istodyante) Ako: Andami ko nang lugi sa publishing. Andami ko ngang nakaimbak na libro. Nakakadala lang. Siya: Post ka na lang kuya. Ako: Ayaw kong magpost. Huwag nating ipilit ang hindi natin kaya... Tumulong sana tayo kapag kaya natin. Kaso, kapag hihingi na ng tulong, parang hindi kaya ng mukha ko. Hindi kasi ako sanay ng humihingi ng tulong. Kinakaya ko lahat dati. Until now, dala-dala ko. Matulungin naman ako. Kaya lang, pag wala, wala talaga. Ako: Dapat ipasok natin ang Story of Life sa isang publishing. Sila ang gagawa ng marketing at magpi-finance ng printing. Writers tayo, hindi tayo financiers. Ako: Ang ginawa ng Le Sorelle isa kong kuwentong pambata, nag-print, saka ibinenta. Ang proceeds, itinulong sa mga bata. Ang writers, may royalty kahit paano. Ako: Sorry for this. Pero di talaga ako agree na nagso-solicit tayo. Dapat may libro muna bago humanap ng donors. Kahit doon, tutulong na ako. Iba na kasi ngayon ang tao. Kailangang may kapalit ang tulong nila. Hindi puwdeng pera lang, wala tayong token. Kahit sa LSP, tumutulong ako. Libo-libo pa. Sa SULAT, umabot na ng P15k ang total ng naibigay ko. Pero, ang sa ITW, hindi talaga ako convinced. Sorry. Siya: Slr That is your opinion, Kuya. Kaya lang nakapag gawa na ako ng letter at kumikilos na ang mga bata. Pati kami. :) Ang hirap din kasi sa sponsors, ang Skyfiction nagpadala na ng letter pero hindi pa rin approve. Hindi na ako nag-reply. Gabi na niya kasi nasagot. Hulyo 27, 2017 Nakabawi na ako ng puyat. Past 7 na ako bumangon. Kaya naman, may lakas na ako para maglinis sa kuwarto at mag-type ng akda ng mga bata, since wala namang pasok. Past 1, nasa Robinson's kaming tatlo para manuod ng Cars 3. First time ni Ion sa panunuod ng sine. Matagal ko nang gusto siyang i-treat. Favorite niya talaga since then ang Cars, kaya inabangan ko talaga ang part 3 nito. Good thing, nataon sa walang pasok. Alam at ramdam kong nag-enjoy siya. Masayang-masaya siya sa bago niyang experience. Napasaya ko rin ang kanyang ina sa aming family date. Hulyo 28, 2017 Bumangon ako para sana maghanda sa pagpasok. Nagbukas ako ng tv, pero wala pang balita. Aalamin ko sana kung sinuspende ang klase kagabi. Mabuti na lang may signal ang net ko. Nakita ko sa post ng FB friend ko ang announcement ng Pasay City Hall. Ayos! Bumalik ako sa higaan. Pero, hindi ako kaagad nakatulog. Okay lang. Past 8 na akong bumangon, kahit past minutes before seven ako namulat. Ang sarap magbabad sa higaan. Buong araw, nagbasa lang ako. Na-hooked ako sa Moriartea. Naalala ko ang college days ko, kung kailan ako naadik sa pagbabasa ng detective stories, like Hardy Boys. Nanghinayang ako dahil hindi ko nadala ang laptop ko. Marami sana akong nagawa at natapos i-encode. Anyways, okay lang. Nagkaroon naman ako ng oras para magbasa at magpahinga. Nakapag-gardening pa ako at five o' clock. Hulyo 29, 2017 Nag-stay lang kami maghapon sa bahay dahil hindi pa rin maganda ang panahon. Mayamaya ang pagpatak ng ulan. Okay lang naman dahil family day namin. Ang sarap lang mag-stay sa kuwarto at manuod ng telebisyon. Hulyo 30, 2017 Maliban sa panunuod ng tv, halos wala naman akong nagawa at natapos ngayong araw. Na-miss ko ang pagta-type/encode. Kaya nga, nang bandang hapon, nagbasa ako ng mga akda ko. Kahit paano ay muli kong nabalikan ang mga kuwentong tumatak sa puso ko at mga estudyante ko. Sila ang aking mga nabasahan ng mga iyon. Hangad ko na magkaroon uli ako ng drive at time para madugtungan ko ang mga nakatingga kong akda. Lagi naman akong inspired magsulat, time na lang... Minsan, kailangan kong mag-isa para makapagsulat ako. Kaya lang, mahirap ding mag-isa. Haist! Hulyo 31, 2017 Huling araw ng aking birth month... Masigla akong nagturo sa aking mga klase. Nangangapa ako sa unang klase, pero later nagamay ko na. Na-realize kong hindi sapat ang isang reference. Kailangan talagang mag-research para mas malinaw ang aralin ko sa AP. Hindi maaaring theory lang. Kailangang factual. Malapit na ang 1st periodic test. Gusto kong malaman kung naging effective ba akong AP teacher. Kasi kung hindi, kailangan kong baguhin ang aking teaching style. Bago umalis sa school, at past 3, nag-print muna ako ng certificates para sa mga perfect attendance awardees. Isa sa mga motivations ko ito para sipagan sila sa pagpasok sa school. Ako, mas sinisipag din akong pumasok at magturo dahil nakikita ko ang eagerness nilang matuto. Although, may mga pasaway, madaldal, at walang pagmamahal sa pagkatuto, mas marami pa rin ang kabaligtaran nila.

Monday, June 12, 2017

AmAnak: Games

Ama: Ang galing-galing mo sa cellphone. Sana sa pagbabasa magaling ka rin.

Anak: (Tumingin lang sa ama, pagkatapos tumitig uli sa libro.)

Ama: Dapat educational ang mga games dito sa cellphone mo.

Ina: Hindi ako ang nag-iinstall niyan. Siya lang din. Tapos, ipapakita sa kaklase. Sasabihin, 'Share It ko sa inyo dali.'

Ama: Uninstall mo na nga ang mga games diyan.

Ina: Hindi nga ako marunong, e.

Ama: Ako na nga..

Anak: Nilagyan 'yan ni Ate ng password para 'di madelete.

Ama: (Hinanap ang unistall button) Akala mo, ha. Mas nauna akong ipinanganak sa 'yo. (Ipinakita na sa anak ang Cancel at OK button.) OK.

Anak: (Kinuha ang kamay ng ama upang hindi mapindot ang OK.)

(Nang mapagod ang mag-ama sa pag-aagawan, tumigil sila. Inilayo ng ama ang cellphone.)

Mayamaya...

Anak: Iibahin ko ang password para hindi mo madelete ang games.

Ama: Paano kung ako ang mag-iba ng password? Hindi ka na makakapaglaro?

Anak: (Walang nasabi.)

Ang Aking Journal -- Hulyo 2026

Hulyo 1, 2026 Muntik na akong ma-late dahil sa bus na nasakyan ko. Panay ang hinto at pick-up niyon ng mga pasahero. Hindi ko na tuloy naa...