Followers

Thursday, February 19, 2026

Ang Itim na Libro

 

Ang Itim na Libro

 

 

Binuklat pa rin niya ang itim na libro sa municipal library, kahit ipinagbabawal na galawin iyon dahil hihigupin ang sinomang magbabasa nito.

Habang binabasa niya ang mga nakasulat sa itim na libro, naramdaman niyang tumigil ang ikot ng mundo, pero kusang gumagalaw ang mga pahina.

Nakita niya sa dulo ng libro ang malalaking pulang letrang nagsasabing “Mamamatay ka!” kaya agad niya iyong binitiwan, saka mabilis na tumakbo palabas ng library.

Kinabukasan, pinaghahanap siya ng kaniyang mga magulang, at labis na nag-alala ang mga ito sapagkat nakita ang pangalan niya na nakasulat sa itim na libro.

Mula noon, tuluyang ipinasara ang municipal library, ngunit gabi-gabi raspas ng mga pahina, na parang  may nagbabasa ng itim na libro.

Ang Huling Kuha ni Edmund

 

Ang Huling Kuha ni Edmund

 

“Mag-iingat tayong lahat sa ating hiking activity. Huwag lalayo o hihiwalay sa grupo. Sumunod sa patrol leader. At igalang natin ang sagradong lugar na ito,” sabi ng scout master.

“Sir Magallano, may buddy system pa rin po ba?” tanong ni Edmund.

“Siyempre, dapat nagpartner-partner na kayo kanina pa.”

“Sir, wala pa po akong ka-buddy.”

“Ako, ako na lang ang ka-buddy mo,” presenta ni Aljun, ang kaniyang scout leader.

“Sige, sige,” natutuwang sabi ni Edmund.

“Ayos! Sige na, boy scout, simulan na ang hiking!” deklara ni Sir Magallano.

Agad na kumilos ang tatlong matikas na scout leaders— na sina Aljun, Heath, at River. Pinalinya ng mga ito ang kani-kanilang patrol group.

Manuna na kayo, Heath at River. Kami na ang sa hulihan,” sabi ni Aljun.

Pumayag naman ang dalawa, at agad na sumunod kay Sir Magallano.

“Walang lalayo sa ating grupo,” bilin ni Aljun, saka sumunod sa dalawang naunang grupo.

“Puwede bang mabagal na paglakad ang gawin natin para makapag-picture ako,” tanong ni Edmund.

“Hindi puwede. Kailangan nating masundan sina Sir Magallano at ang dalawang patrol group.”

“Mabilis na pagpi-picture lang ang gagawin ko. Hahabol na lang ako kung sakali,” hirit pa niya.

“Hindi talaga puwede, Edmund.”

Tumahimik na lang siya kahit naiinis sa istriktong scout leader. Buo na rin naman ang loob niyang suwayin ito kapag may nakita siyang kakaibang halaman, bulaklak, hayop, insekto, o anomang bagay sa kakayuhan. Mahalaga sa kaniya ang makakuha ng mga larawan doon.

Habang lumalayo sila sa camping site, parami nang parami ang nakikitang magagandang anggulo na dapat na nakuhaan ni Edmund ng mga larawan. Subalit hindi niya tinangkang huminto upang mag-picture bilang pagsunod sa kaniyang scout leader.

Lumipas pa ang ilang sandali, mas marami siyang nakikitang kakaibang bagay, na dapat ay nakuhaan niya ng larawan. May nakita siyang pambihirang orkidyas. May nakita siyang pulang palaka.

“Uy, ano `yon!” Natakpan niya ang sariling bibig nang mapansin ang insektong may maningning na pakpak. Agad niyang inihanda ang camera ng kaniyang cellphone, ngunit lumipad agad ang insekto.

Walang nakapansin sa paghinto ni Edmund, kaya naisip niyang sundan ang insekto. Naging mabilis ang kilos niya upang mahabol at matiyempuhan ang pagdapo niyon.

Bagaman, ayaw huminto sa paglipad ang sinusundang insekto, na hindi niya mawari kung paruparo ba o tutubi. Basta ang alam niya, ekstraordinaryo iyon. Desidido siyang makuhaan iyon ng larawan dahil nais niyang makilala kung sakaling siya ang nakadiskubre ng bagong specie ng insekto. Sa madaling sabi, gusto niyang mag-viral ang picture niya.

Ilang minuto ang nakaraan, nakita niyang dumapo sa sanga ang kakaibang insekto. Dali-dali niyang piniktyuran iyon. “Ay, buwisit! Naka-video pala.” Agad niyang binago ang setting.

Nang handa na, saka namang nawala sa paningin niya ang insekto. Bunga nito, grabe ang panghihinayang niya. Bukod pa rito, nang panoorin niya ang video, malabo iyon-- ni hindi maaaring i-screen shot.

“Hayun!” laking tuwa niya nang matanaw niyang palapit sa kaniya ang insekto. At hindi lang isa, kundi marami. Hindi na siya nag-aksaya ng sandali. Binidyuhan na lamang niya ang mga insektong umaaligid-aligid sa kaniya. Umikot-ikot pa siya habang ginagawa ito hanggang sa mapansin niyang nasa ibang lugar na siya.

“Wow! Ang ganda naman ng lugar na ito. Sa fantasy movie ko lang ito napapanood.” Manghang-mangha si Edmund sa kaniyang natuklasan. “Dito pala nakatira ang mga kakaibang insekto.” Walang patid ang pagkuha niya ng video sa makulay at makinang na paligid.

Nang tumigil si Edmund sa pagkuha ng video, sinimulan naman niyang i-play iyon. Labis ang tuwa niya dahil hindi siya binigo ng kaniyang cellphone. “Ayos! May pang-post na ako.” Nagdesisyon na siyang hanapin ang kaniyang mga kasamahan, subalit bago pa niya na-off ang video, napansin niya ang mukha ng insektong lumapit sa camera.

“Ay, Diyos ko, mga lambana pala!” Tumindig ang mga balahibo niya, at napaurong siya. “Tulong! Tulong!” sigaw niya. “Sir Magallano! Aljun!”

Habang tinatawag niya nang paulit-ulit ang kaniyang scout master at scout leader, palapit naman nang palapit sa kaniya ang mga lambana.

“Huwag! Huwag! Bitiwan ninyo ako. Gusto ko nang bumalik sa grupo ko.”

Unti-unting umangat si Edmund. Anomang pagpupumiglas ang gawin niya, walang nangyayari.

Ang Grupong Multimedia

 

 

Ang Grupong Multimedia


“Ayaw ko nang maging lider,” naiinis na sabi ni Satur sa kaniyang mga kagrupo. “Hindi naman kayo tumutulong mag-isip. Ikaw, Romy, puro basketbol ang inaatupag mo.”

 Binitawan ni Romy ang bola, saka yumuko.

“Ikaw, Nina, ikaw pa naman ang inaasahan ko, pero hindi ka man lang nag-ambag ng ideya. Mas inuuna mo pa ang ibang subject.

Isinara ni Nina ang notebook at inilapag ang ballpen.

“Ikaw, Berto, panay lang ang patawa mo? Magseryoso ka naman.”

Tinakpan ni Berto ang mukha, saka nagseryoso.

“Kayo rin, Liza at Mila…”

Tumingin sa kaniya ang dalawa.

“Ano? Itutuloy pa ba natin `to?”

Sabay-sabay na nag-sorry sina Romy, Nina, Berto, Liza, at Mila kay Satur.

“Huwag ka nang magtampo sa amin,” sabi ni Liza. “Pangako, tutulong na kami, `di ba, Mila?”

Tumango at ngumiti lang si Mila.

“E, paano sila?” Inginuso pa ni Satur sina Romy, Nina, at Berto.

“Tutulong tayo, `di ba?” tanong ni Romy sa dalawa.

“Oo, tutulong ako,” sabay na sagot nina Nina at Berto.

“Iyon naman pala, e.” Pumagitna si Liza. “Magkaisa na tayo para matapos na natin ang proyekto. Sa Lunes na ang deadline nito.“

“Huwag ka nang umayaw sa pagiging lider mo, Satur. Kailangan ka namin.”

Napatingin ang lahat kay Mila.

“Narinig mo `yon, Satur? Mahaba `yon. Bihirang magsalita `yan si Mila, pero dahil sa `yo… Dalawang sentence ang sinabi niya,” seryosong biro ni Berto.

            “Ayan ka naman, e,” sawata ni Liza kay Berto.

            Natawa muna si Satur. “Okey, okey! Pasalamat kayo kay Mila…”

            “Yehey!” Hiyaw ng mga kaklase ni Satur, maliban kay Mila. “Salamat, Mila!”

            Nang araw na iyon, nauwi sa pagtutulungan ang lahat. Nagbabasa si Satur ng pahayagan. Nagbubuklat ng magasin si Romy. Nanonood ng video si Berto. Naghahanap naman sina Mila, Liza, at Nina ng iba pang video na makatutulong sa kanilang sinasaliksik.

            Mayamaya, may ipinakita si Mila.

            “Ano `yan, Mila,” natatawang tanong ni Berto. “Hindi iyan magugustuhan ni Ma’am Redelyn.”

            “Ano ka ba, Berto?” pagalit na sagot ni Liza. “Walang maling suhestiyon.”

            “Ano’ng wala? E, sino ang magdodrowing? Ako? Stick figures lang ang kaya ko.” Si Berto lang ang natawa sa biro niya.

            “Magandang ideya `yan, Mila,” sabi ni Satur. “Ikaw, Berto, ano ba’ng ideya ang naisip mo?”

            Medyo napahiya si Berto. “A, e… gusto ko sanang gumawa tayo ng… ng patalastas.” Napayuko si Berto habang kumakamot sa ulo.

            “Okey rin `yon, Berto.” Nginitian at inakbayan ni Satur si Berto. “Kayo?” tanong naman niya kina Romy, Liza, at Nina.

            “Gusto ko… Hmm,” saglit na nag-isip si Nina. “Video clip!”

            “Ako… Slide shows,” sagot ni Romy.

            “Mag-short film kaya tayo?” mungkahi ni Liza.

            “Wow! Ang gagaling ng ideya ninyo.’ Inapiran ni Satur isa-isa ang mga kagrupo niya. “Salamat! Salamat!”

            “Maganda talaga kapag nagtutulungan at nagbabahagi ng ideya at kaalaman,” sabi ni Mila.

            Pinalakpakan nila si Mila, gayundin ang isa’t isa. Lalo nilang naramdamang mabubuo nila ang kanilang proyekto sa lalong madaling panahon.

            Buong araw ng Sabado at Linggo pagkasimba, masayang ginawa ng magkakagrupo ang kanilang proyekto. Nagtulungan sila hanggang sa mabuo nila ang kanilang presentasyon.

            “Magugustuhan kaya ito ni Ma’am Redelyn?” ang tanong ni Satur.

            “Oo naman. Magtiwala lang tayo sa kakayahan natin,” nakangiting sabi ni Romy.

            Sumang-ayon naman sina Nina, Liza, at Berto, kahit si Mila sa pamamagitan ng pagtango.

            Lunes ng umaga, unang magtatanghal sina Satur.

            “Magandang umaga, Ma’am Redelyn at mga kaklase namin!” masiglang bati ni Satur. “Sa araw na ito, matutunghayan ninyo ang tekstong impormatibo tungkol sa pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng multimedia.”

Biglang sumingit si Berto. “Dahil kami ang… ang… Grupong Multimedia!”

Nagtawanan ang lahat, pati si Mila. Napapalakpak na rin agad si Ma’am Redelyn.

“Ulitin natin,” sabi ni Satur. One, two, three, dahil kami ang…”

“Grupong Multimedia!” sabay-sabay na sigaw ng lima. Nakatanggap sila ng masigabong palakpakan.

“Salamat! Salamat!” sabi ni Berto, saka ilang ulit ding nag-bow. “Diyan po nagwawakas ang aming presentasyon.”

“Uy, wala pa,” sabi ni Satur, sabay tawa. Nakitawa na rin sa kaniya si Mila.

Sa unang pagkakataon, nakita ng lahat ang sobrang kasiyahan ni Mila. Noon lamang nila nakitang tumawa si Mila nang ganoon.

            “Okey. Seryoso na, guys,” sabi ni Satur, saka inihanda nila ang Powerpoint presentation.

            Tumingin muna ang Grupong Multimedia sa mga kaklase at guro.

“Isang mahalagang gampanin ng bawat mamamayan, kabilang ang kabataang katulad natin, ay ang pangangalaga sa ating kalikasan. Ang bawat isa ay may tungkuling alagaan, ingatan, at protektahan ang kapaligiran,” simula ni Satur.

“Ang wastong pagtatapon ng mga basura ay isa sa mga pangunahing paraan nito. Ang segregasyon ng mga nabubulok at di-nabubulok ay malaking tulong sa kalikasan. Maaaring gawing compost ang mga nabubulok na basura. At maaari namang i-recycle ang mga di-nabubulok,” sabi ni Romy.

“Ang pagtatanim ng mga puno ay may napakalaking ambag sa ating kalikasan. Ang gawaing ito ay nakapipigil sa pagbaha, pagguho ng lupa, at sa tindi ng init. Ang mga puno ay nagbibigay ng mga pagkain, hilaw na materyal, sariwang hangin, at tirahan ng mga hayop,” sabi ni Liza.

“Mahalaga rin ang pagtitipid ng tubig at kuryente. Ang paggamit ng mga likas na yaman ay may katumbas na pag-iingat. Nababalanse nito ang kalikasan at nakababawas ng polusyon,” dagdag ni Berto.

“Ang paggamit ng makabagong paraan sa makakalikasang paraan ay may malaking ambag din. Posible namang ang kalikasan ay maapektuhan ng pag-usbong ng teknolohiya. Sa halip, maaari itong gamitin sa ikauunlad ng ating kalikasan at ng ating mundo,” sabi ni Nina.

“Sa pamamagitan ng pagpapanatiling malinis, ligtas, at maayos ang kapaligiran, ang kabataan ay may kakayahang makibahagi sa pangangalaga ng kalikasan,” sabi ni Mila.

            “Kaya tunghayan ninyo ang aming presentasyon upang umusbong sa puso ninyo ang pagmamahal sa kalikasan,” sabi ni Satur, saka pinindot ang play button.

            Naging interesado naman ang lahat sa panonood. Pagkatapos manood, may mga nagtaas ng kilay. May mga negatibong komento at panghuhusgang narinig si Satur.

Agad na pumagitna na si Ma’am Redelyn. “Mahusay! Binabati ko ang Grupong Multimedia. Hindi lamang kayo nagbigay ng kaalaman tungkol sa pangangalaga sa kalikasan, at hindi niyo lang kami tinuruan, kundi nagpakita pa kayo ng iba’t ibang kasanayan.”

“Ma’am, hindi lang sila ang gumawa niyan!” sigaw ng Grupong Makakalikasan pagkatapos sumigaw ng ‘Boo!’”

“Hindi totoo `yan,” sabi ni Romy.

“Kami lang ang gumawa niyan,” sabi naman ni Berto.

 “Nagtulungan lang kami,” dagdag pa ni Nina. Samantalang tahimik lang sina Satur, Liza, at Mila.

“Makinig kayong lahat!” sabi ni Ma’am Redelyn. “Hayaan niyo muna akong magbigay ng komento sa kanilang presentasyon. Okey lang ba?”

“Opo!” sagot ng karamihan, maliban sa Grupong Makakalikasan.

“Mahusay ang kanilang ginawa. Nakita ko ang kanilang pagtutulungan, kaya nakapagsaliksik sila ng mga paraan para makatulong sa kalikasan, at magamit nila ang multimedia at kani-kaniyang kasanayan. Mahusay lahat silang umakting. Nakatulong ang aktuwal na pagtatanim, paglilinis, at pag-segregate ng basura. Gumamit pa kayo ng animation. Sigurado akong si Satur ang gumuhit niyon. Tama ba?”

Malungkot na tumango si Satur. “Ma’am, nagpatulong po ako sa kuya ko para gumalaw po ang mga drowing ko.”

“Sabi na, e!” sigaw ng Grupong Makakalikasan.

“Wow! That’s nice! Hindi masamang humingi ng tulong… at nakabuti sa overall presentation ninyo,” sabi ng kanilang guro. “Bravo! Ang huhusay ninyo. Nagulat din ako sa kakayahan ni Mila.”

Bahagyang nagulat si Mila.

“Bukod sa caption o sa subtitle, natutuwa ako sa ginawa mo. Marunong ka palang mag-sign language.”

Ngumiti at yumukod nang bahagya si Mila, saka nag-sign language pa. “Thank you po!”

            “Puwede ka nang maging sign language interpreter sa telebisyon. Ang husay!”

            Natahimik ang Grupong Makakalikasan.

            “Kung humingi man kayo ng tulong sa mga kapatid ninyo, walang problema,” dagdag pa ng guro. “Ang mahalaga, kayo ang napanood namin sa short film. Andami niyong ipinakita. Marami kayong kaalamang nilagay, hindi lang ang pangangalaga sa kalikasan, kundi ang paggamit ng sangguniang pahayagan at magasin, na unti-unti nang natatabunan dahil sa pag-usbong ng teknolohiya. Hindi lamang kayo nagpakita ng pagmamahal sa kalikasan, nagbigay rin kayo ng halimbawa kung paano gamitin nang wasto ang teknolohiya, gaya ng presentasyon ninyo. Lumabas ang lahat ng mga kakayahan, talento, at talino niyo. May animation na, may patalastas pa. Wow! Para kaming nanood ng pelikula.” Pumapalakpak nang parang walang katapusan si Ma’am Redelyn dahil sa labis na paghanga.

            Nagpalakpakan na rin ang karamihan ng kaklase nila.

            Napaiyak sa tuwa sina Satur, Romy, Liza, Berto, Nina, at Mila, lalo na nang nalaman nila ang kanilang grade sa performance task.

 

Ang Dalawang Liham ni Flor

 

Ang Dalawang Liham ni Flor


 

Binasang muli ni Flor ang liham para sa kaniyang kaibigan. Napangiti siya pagkatapos mabasa.

 

Blk. 27-B, Lot 27, Southville 9

Brgy. Pinugay, Baras, Rizal

Oktubre 13, 2025

 

Mahal Kong Joy,

                Kumusta ka na? Nawa’y nasa mabuti kang kalagayan.

Maraming salamat sa iyong paanyaya na dumalo sa iyong kaarawan sa Oktubre 31.

Ikinagagalak kong ipaalam sa iyo na tinatanggap ko ang paanyaya mo. At darating ako upang makisaya at makasama ka sa iyong espesyal na araw. Tiyak na magiging masaya at puno ng tawanan ang selebrasyon.

Natutuwa ako dahil naalala mo akong imbitahan. Tamang-tama, gusto kong magbakasyon sa probinsiya. Matagal na nating pinaplano iyon.

Maraming salamat muli sa iyong paanyaya. Huwag kang mag-alala, magdadala rin ako ng munting regalo bilang pasasalamat at pagbati sa iyong kaarawan.

Ingat ka palagi. Abangan mo ako ang pagdating ko.

 

Ang iyong kaibigan,

Flor

 

                Agad na tinupi ni Flor ang liham, saka isinilid sa sobre. Isinulat niya sa harap ng sobre ang pamuhatan at patungahan.

                Excited na akong magkita kami ni Joy, saka mamasyal sa probinsiya nila,” sabi ni habang palabas siya sa kaniyang kuwarto.

                “O, Flor, mukhang masaya ka,” pansing-bati sa kaniya ng ama, nang makasalubong niya ito sa sala.

                Nginitian muna ni Flor ang ama. “Opo, Papa, kasi magkikita na kami ni Joy.” Itinaas at ipinaypay pa niya nang bahagya ang liham. “Sinagot ko ang invitation niya. Dadalo ako sa debut niya sa October 31.”

                Napatitig sa kaniya ang ama, habang nakangiti naman siya. “Ganoon ba?” Bahagyang tumango-tango ang ama, saka huminga nang malalim bago magsalita. “May problema.”

                “Bakit po, Papa?” Umangat ang kilay ni Flor at bahagyang kumunot ang noo, tanda ng pagtataka.

                Inakbayan siya ng ama patungo sa sofa, saka siya pinaupo. Umupo rin ito sa kaharap na sofa. “Papayagan ka naman namin ng Mama mo.” Ngumiti nang matipid ang ama ngunit hindi diretso ang tingin, halatang may gusto pang ipaliwanag.

                Biglang naglaho ang ngiti sa mga labi ni Flor, nang maramdaman niya ang pahiwatig na problema ng kaniyang ama. “May ipon naman po ako.” Tumingin siya nang diretso sa ama, umaasang may pag-asa pa.

                “Hindi iyon, anak.” Umiling ang ama, sabay dampi ng kamay sa tuhod ng anak bilang pagpapatahimik.

                “E, ano po `yon, `Pa?” Bahagya siyang napayuko at pinisil ang dulo ng kanyang damit.       Huminga muna nang malalim ang kaniyang ama. “Biglaang nag-imbita ang Tito Ezekiel mo. May family reunion tayo sa Cebu sa pagkatapos ng Undas.” Inabot ng ama ang kamay ng anak at marahang pinisil ito. “Sorry. Pamilya muna. Dadalawin na rin natin ang puntod ng mga lolo’t lola mo roon.”

                Napatitig si Flor sa ama, tila hindi agad makapaniwala sa narinig. Bahagya siyang napakurap, at dahan-dahang bumagsak ang kanyang mga balikat. “Sa Cebu po? Pero... sabi ni Mama, puwede po akong magbakasyon kina Joy.” Umangat ang boses niya nang kaunti, sabay kagat sa labi habang nakatingin sa sahig.

Ngumiti nang malungkot ang ama. Tumitig ito sa kaniya, saka marahang tinapik ang kamay niya.

“Alam kong gusto mong makasama ang kaibigan mo, anak, pero minsan lang magkasama-sama ang pamilya.”

Natahimik si Flor habang nilalaro ang laylayan ng kaniyang damit. Pagkatapos, tumingin siya sa ama, na tila naiintindihan ngunit may bigat sa dibdib. “Opo, Papa,” mahina niyang tugon. Ngumiti siya nang pilit, at saka tumango bilang tanda ng pagsang-ayon.

Ngumiti rin ang ama at tinapik ang balikat ng anak. “Salamat sa pang-unawa, Flor!”

Sa huli, napangiti si Flor nang totoo. Itinaas niya ang paningin, sabay yakap sa ama. “Salamat po, Papa. Naiintindihan ko po.”

                Kinagabihan, sumulat ulit si Flor ng liham para sa kaibigang si Joy.

 

 

Blk. 27-B, Lot 27, Southville 9

Brgy. Pinugay, Baras, Rizal

Oktubre 13, 2025

 

Mahal kong Joy,

Kumusta ka na? Sana ay maayos ka habang abala sa paghahanda ng iyong kaarawan.

Maraming salamat sa iyong paanyayang dumalo sa iyong kaarawan sa Oktubre 31. Nakalulungkot mang isipin, nais kong ipaalam sa iyo na hindi ako makararating sa iyong selebrasyon. Ipinatawag kasi kami ng aking mga kamag-anak sa Cebu para sa isang biglaang family reunion pagkatapos ng Undas.

Sayang talaga, Joy, dahil sabik akong makasama ka at ang ating mga kaibigan. Alam kong magiging masaya ang iyong kaarawan. At kahit wala ako roon, ipinagdadasal kong maging matagumpay at masigla ang iyong pagdiriwang.

Huwag kang mag-alala— babawi ako sa susunod nating pagkikita. Magdadala ako ng munting pasalubong galing Cebu!

Maraming salamat muli sa paanyaya. Nawa ay patuloy kang maging masayahin at palakaibigan.

Ingat ka palagi. Maligayang kaarawan sa iyo!

 

Ang iyong kaibigan,

Flor

               

Napangiti siya pagkatapos ipasok sa sobre ang liham. Tanggap na niyang hindi pa sila magkikita ni Joy. Ang hiling niya lang ay sana maunawaan siya ng kaibigan.

 

 

 

 

Ang Bata sa Underground

 

Ang Bata sa Underground


Madalas kong marinig ang pagtangis ng isang batang babae sa lumang bahay, na nasa tapat ng aming bahay. Matagal nang inabandona iyon ng mag-asawang doktor, subalit marami ang nagsasabi na parang may nakatira pa roon. Ayon sa kuwento-kuwento ng aming kapitbahay, nagkaanak ang mag-asawa ng isang batang may kakaibang hitsura, kaya sa takot na mahusgahan, pinalaki nila ang anak, ngunit itinago sa madla. Nalaman ng mga kapitbahay ang tungkol sa lihim ng mag-asawa dahil sa kadaldalan ng tagapag-alaga sa bata, subalit hindi pa nagtagal ay biglang naglaho ang tagapag-alaga. Napilitan ang mag-asawa na alagaan ang sariling anak nang walang gustong maging yaya sa bata. Hirap na hirap silang tanggapin ang kasuklam-suklam na anyo ng kanilang anak, kaya nilinisan nila ang kanilang tahanan at iniwanang nakakulong sa underground ang bata.

Ang Bakunawa at ang Pitong Buwan

 

Ang Bakunawa at ang Pitong Buwan

 

Noong unang panahon, may isang payapang bayan, na tinatawag na Banwa. Biniyayaan ito ni Bathala ng pitong buwan upang tuwing nagtatago ang araw ay magbigay ng liwanag sa mga tao. Lahat ng bahagi ng kanilang bayan ay nababanaagan ng buwan.

Samantala, hindi alam ng mga tao sa Banwa na may nananahang dambuhalang ahas-dagat sa mga yungib sa kailaliman ng karagatan. May mahaba, makapal, at makintab na katawan ito, na nababalutan ng kumikislap na kaliskis. Malalaki at nagliliwanag ang mga mata nito. At sa laki ng bibig nito, kaya nitong lamunin ang buwan.

“Ang gaganda nila! Kailan ko kaya makakain ang isa sa kanila?” sabi ni Bakunawa habang nakatingala sa kalangitan. Labis ang paghanga niya sa mga maliwanag at makulay na buwan. “Kung malulunok ko lamang sila, ako na ang magmamay-ari ng walang hanggang kagandahan sa mundo.” Tumawa pa siya nang napakalakas, kaya nabulabog ang mga hayop sa karagatan.

Nang gabing iyon, pinag-isipan ni Bakunawa ang mga dapat gawin upang makakuha ng buwan.

“Alam ko na!” bulalas ni Bakunawa. “Lilipad ako habang natutulog ang mga tao sa Banwa, saka ko lulunukin ang isang buwan upang walang makakita sa akin. Magliliwanag na sa kailaliman.” Ganoon nga ang ginawa niya. Bumuwelo siya nang ubod ng lakas, saka mabilis na nilipad ang kinaroroonan ng pulang buwan. Pagkatapos niyon, nagmamadaling dumaluyong pabalik si Bakunawa nang malunok niya ang buwan. Parang nagliliyab ang kaniyang tiyan.

“Ang ganda ko na!” sigaw niya nang nasa kailaliman na siya ng karagatan.

Subalit lumipas ang mga araw, labis ang kalungkutan ni Bakunawa nang natunaw ang nilamon niyang buwan.

Muling kumuha si Bakunawa ng isang buwan. Matagumpay naman niyang nalunok ang kahel na buwan, subalit, gaya noong una, natunaw rin ito.

“Hindi ako susuko. Susubukan kong muli,” nakangising sabi ni Bakunawa.

Sa anim na beses at anim na buwang nalunok ni Bakunawa, anim na beses ding natunaw ang mga iyon at anim na beses siyang nabigo. Inis na inis siya.

“Pagpaplanuhan ko nang maigi ang mga gagawin upang hindi masayang ang kahuli-hulihang buwan sa Banwa,” sabi ni Bakunawa.

Samantala, tumugtog ng mga instrumentong pangmusika ang mga tao sa Banwa. Nagsisigawan ang mga babae at lalaki dahil sa pangambang tuluyan nang mawala ang natitirang buwan. Pinatunog nila nang pinatunog ang kanilang mga tambol upang umabot kay Bathala.

“Bathala, nawawala ang anim na buwan,” sigaw ng mga tao.

“Nakita ko ang isang dambuhalang ahas, mula sa karagatan. Nilamon niya ang berdeng buwan,” salaysay ng matandang lalaki.

“Iyon marahil ang dahilan ng kadiliman sa Banwa. Ang Bakunawa! Siya ang lumamon sa anim na buwan,” sabi ng kanilang pinuno.

“Kung kakainin pa ni Bakunawa ang natitirang buwan, paano na tayo?” tanong ng mga tao. “Ano ang gagawin natin?”

Lingid sa kaalaman ng mga taga-Banwa, natuklasan na ni Bathala ang paglamon ni Bakunawa sa anim na buwan. Kailangan niya itong mapigilan bago pa mahuli ang lahat, kaya nag-isip siya ng mga hakbang.

Ang unang gagawin ni Bathala ay sabihan ang mga tao sa Banwa na manatiling alerto. Ang sunod naman ay sasabihan niya ang mga ito na magkaroon ng mga tagabantay. Pagkatapos nito, hihikayatin niya ang mga ito na ipagpatuloy ang pagtatambol dahil takot ang Bakunawa sa ingay. At sa huli, magtatanim siya ng mga kawayan sa gitna ng buwan. Iisipin ng Bakunawa na hindi na maganda at makinang ang asul na buwan, at hindi na nito lalamunin.

Ganoon nga ang nangyari. Salit-salitan ang mga tao sa Banwa sa pagbabantay kay Bakunawa at sa pagtugtog ng mga tambol. Subalit, nagulat na lamang ang lahat nang biglang nagdilim ang kanilang bayan.

“Ang Bakunawa!” sigaw ng isang bantay.

Mabilis na tinambol ng mga tao ang kanilang mga instrumento. Nagsigawan at naghiyawan ang mga ito. Gumawa sila ng iba-ibang ingay.

Nang marinig iyon ni Bakunawa, nailuwa niya ang buwan. Nagmamadali siyang bumalik sa kaniyang yungib. Nanginginig siya sa takot at pagkabalisa. 

“Salamat, Bathala! Salamat!” hiyaw ng mga taga-Banwa. Ipinagpatuloy ng mga ito ang pagtugtog ng tambol.

Kinalaunan, muling naghari ang kapayapaan sa Banwa. Nawala man ang anim na buwan, hindi naman mawawala sa kanila ang pag-asa at katapangan na protektahan ang huling buwan.

Nagtanim pa si Bathala ng maraming kawayan sa buwan, kaya nagmistula itong may madilim na anino ng mukha. 

Sinusubukan pa rin ni Bakunawa na lamunin ang asul na buwan, ngunit palagi siyang nabibigo. Laging nakaabang ang mga taga-Banwa. Lagi silang sumisigaw, gumagawa ng mga ingay, at nagpapatugtog ng mga tambol. Pinaniniwalaan din nila, na hanggang hindi mamatay ang mga puno ng kawayan, hindi magtatagumpay si Bakunawa sa masamang balak nito.

“Hindi ninyo ako mapipigilan!” banta ni Bakunawa. “Babalik-balikan ko kayo.”

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Ang Babae sa Balete

 

Ang Babae sa Balete

 

Hatinggabi na natapos ang inuman, kaya naglalakad na lang si Rene pauwi, pero kahit lasing, nagmadadali siya dahil nararamdaman niyang may sumusunod sa kaniya.

Madilim at tahimik ang daan, pero bigla siyang nakarinig ng mga yapak at tila may humahabol sa kaniya, kaya napalingon siya. Wala namang tao.

Nasa tapat siya ng mayabong na puno ng balete, nang makita niya ang babaeng nakaputi, kaya nagtayuan ang mga balahibo niya.

Ngumiti ang babae at nagtanong sa kaniya, “Alas-singko na ba?” kaya nanginginig sa takot na tumakbo palayo si Rene.

Kinabukasan, ikinuwento niya ang pangyayari sa mga kaibigan, pero nagulat siya nang makita niyang muli ang babae sa kabilang kalsada.

Ang Alamat ng Bulan

 

 

Ang Alamat ng Bulan

 

 

                Kilala si Datu Francisco sa pagiging mabait at mapagkanlong na datu. Kapos man siya sa edukasyon, subalit lubos siyang hinahangaan ng mga nasasakupan sapagkat marunong siyang makisalamuha sa mga tao.

                Sa kabilang banda, may mga datung naghahanda na masakop ang kanilang teritoryo. Nais nilang maangkin ang lupaing pinamumunuan ni Datu Francisco dahil sa taglay nitong kagandahan at kayamanan.

                Isang araw, may ibinalita ang isa sa mga kawal ni Datu Francisco. “Mahal na datu, usap-usapan sa kabilang lupain ang tungkol sa kawalan ng pangalan ng ating lupain. Napag-alaman kong nais sakupin ni Datu Irosin ang lupain natin habang hindi pa ito napapangalanan.”

                Kung gayon, dapat na nating pangalanan ang ating lupain upang hindi na nila ito masakop,” nakangiting tugon ni Datu Francisco.

                “May nais ka na ba, mahal na datu?”

                “Naku, wala pa nga, e.” Napakamot na lamang sa ulo ang datu.

                Nang gabing iyon, habang maliwanag ang bilog na bilog na buwan, naglakad-lakad si Datu Francisco sa dalampasigan. Hindi pa rin siya makaisip ng pangalan ng kanilang lupain. Labis siyang nangangamba na baka maagaw ito sa kanila.

                Nang pabalik na si Datu Francisco, nakasalubong niya ang dalawang lalaki. Muntikan na siyang matakot at magduda na baka mga tauhan ito ni Datu Irosin, kung hindi niya lamang nakilala ang mga kasuotan ng mga ito.

Nagsalita ang mga dayuhang pari, subalit wala siyang maunawaan. May itinuturo ang mga ito, kaya naisip niyang itinatanong ng dalawa ang pangalan ng buwan.

“Bulan!” masiglang tugon ni Datu Francisco. “Bulan!”

“Bulan!” bulalas ng dalawang paring dayuhan, saka yumukod-yukod, bago nagpatuloy sa paglalakbay.

Dahil sa nangyari, nabalitaan ni Datu Irosin na may pangalan na ang teritoryo ni Datu Francisco, kaya pinadalhan siya nito ng liham paanyaya.

Agad niya itong ipinabinasa nang malakas sa kaniyang mapagkakatiwalaang kawal, sapagkat hindi siya marunong magbasa.

 

 

Lupain ng Bulan

Setyembre 11, 1525

 

Mahal na Datu Francsisco,

Magandang araw!

Binabati kita sa pagkakaroon ng pangalan ng iyong teritoryo. Malugod kong ibalita na kinakalimutan ko na ang plano kong sakupin ang iyong lupain dahil may pangalan na ito.

Dahil dito, inaanyayahan kita sa isang piging, na gaganapin sa Setyembre 20, 1925, sa dito sa aming lupain upang magdaos ng “Araw ng Pakikipagkaibigan.” Imbitado rin sa pagtitipong ito sina Datu Matnog at Dayang Magdalena.

Inaasahan ko ang iyong pagdalo. Maraming salamat!

 

Lubis na gumagalang,

Datu Irosin

 

 

Pagkatapos nito, nakilala ang lupain ni Datu Francisco bilang isang payapa at papunlad na lupain ng Bulan, na matatagpuan sa lalawigan ng Sorsogon.

Ang Aklat at Teknolohiya: Pagpapalaganap ng Pagbabasa sa Pilipinas

 


 

 

Sa patuloy na paglago ng teknolohiya at digital media, ang aklat ay isa pa ring pinakamahalagang pangkalahatang sanggunian. Ito ay wala pa ring kupas sa pagbibigay ng imahinasyon, inspirasyon, kaalaman, at impormasyon sa mga mambabasa.

Sa katunayan, namamayagpag pa rin ngayon ang mga tradisyonal na publishing houses sa Pilipinas. Isang katunayan nito ay ang matagumpay na Manila International Book Fair (MIBF), na ginaganap taon-taon. Ito ay mahigit apat na dekada nang isinasagawa upang itaguyod at ipalaganap ang  pagbabasa at literasiya sa bansa. Layunin din nitong magbigay ng pagkakataon para sa mga publisher, manunulat, dibuhista, layout artist, at mambabasa upang magtagpo at magpalitan ng kaalaman.

Bukod sa MIBF, sinimulan din ng National Book Development Board (NBDB) ang kaunaha-unahang Philippine Book Festival (PBF) sa World Trade Center, Pasay City noong Hunyo 8, 2023 upang ipakita, ipakilala, at ipagmalaki ang malawak at bihirang aklat at koleksiyon mula sa National Library of the Philippines (NLP). Ang eksibit na ito ay nagsilbing bintana sa nakaraan. Nagbigay ito sa mga bisita ng isang sulyap sa mayamang pamana ng panitikan ng Pilipinas.

Sa mga nabanggit na book fair, hindi mawawala ang mga makabagong aklat at babasahin, gaya ng e-books at audiobooks. Ang mga ito ay mga katibayan na ang kultura ng pagbabasa Pilipinas ay umaayon sa pagbabago. May mga mambabasa ngayon na mas tinatangkilik ang digital media kaysa sa tradisyunal na aklat. Batay sa pagsusuri, nakahihigit ito dahil walang ginagamit na papel --   makikita lamang sa computer, tablet, o smartphone bilang e-book, PDF, o online article. Kaya ito ay eco-friendly at accessible kahit saan basta may internet at puwede ring mag-download. Puwedeng mag-imbak (save) sa device at hindi na kailangan ang espasyo o bookshelf. Siyempre, may audio, video, hyperlinks, at interactive na features ang mga ito, kaya nmas kawili-wili sa mga mambabasa. Hindi rin maitatanggi na mas madali dito ang magsaliksik ng impormasyon.

Noong 2020, isang estudyante ng Sertipiko sa Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Filipino sa Polytechnic University of the Philippines, Manila na si Gerard Young o mas kilalang Anathema Corpus ang nagpakilala sa ‘Scanitikan.’ Ito ay pinagsamang salita mula sa “scan” at “panitikan,” na naglalayong hikayatin ang mga kabataang mambabasa na basahin ang Ibong Adarna at Noli Me Tangere ni Jose Rizal. Ginamit dito ni Corpus ang QR Codes (Quick Response Codes) upang magkaroon ng mabilis na access ang mga mambabasa sa mga naturang akda.

Nitong 2025, binuksan naman ni Corpus ang Project ScanAklatan sa mas marami pang sektor ng lipunan, komunidad, at pampublikong lugar, lalo na sa Nagcarlan, Laguna. Isa itong patunay na ang pinaghalong teknolohiya at tradisyunal ay maaaring magtagumpay na itaguyod ang kahalagahan ng pagbabasa.

Subalit, hindi maikakailang marami din ang tapat sa tradisyunal na aklat sapagkat may pisikal na anyo, papel at pabalat na maaaring mahawakan at mabuksan ang mga mambabasa. Mas nakaeengganyo sa mata ang mga ito. Nakaiiwas sa screen glare o radiation ang mga mambabasa at mas nakakapokus sila sa pagbabasa. Bukod sa may sentimental at cultural value, simbolo ng literasiya at kaalaman ang tradisyunal na aklat. Limitado man ang kakayahan nitong maimbak at mas mabigat, iba pa rin ang mahika nito, na maipapaliwanag lamang ng totoong nagpapahalaga nito.

Kaya naman, nagsulputan ang mga indibidwal o grupong nagsusulong ng pagpapalaganap ng pagbabasa at paggamit ng tradisyunal na aklat. Inilalapit nila ang aklatan sa mga mamamayan.

Si Tatay Hernando Guanlao o si Mang Nanie, na founder ng Reading Club 2000, ay 72-anyos na lolo na nagtayo ng aklatan sa bangketa sa Makati City. Mahigit dalawampung taon siyang nagbibigay ng mga libro sa mga nangangailangan dahil sa paniniwala niyang ang pagbabasa ang susi sa edukasyon.

Narito naman ang government organizations na naglalapit ng aklatan sa mga tao: ang Aklat Mobile Program ng Capiz Provincial Library; ang Makati Mobile Library ng Makati City Library; ang – Mobile Library Bus ng Davao City Library and Information Center; at ang Mobile Library for IEC Programs ng Isabela City, Basilan. Kasama rin sa listahan ang Dagdag Dunong Reading Center (“Jeepney of Hope” / “Reading CaraVAN of Hope”); Siargao Masaya (Library Jeepnee sa Siargao Island); World Vision Philippines (“Learn and Play Hub” mobile library ng Mandaue City); at Capiz Provincial Library  (“DALI, MABASA KITA: A Mobile Library Program” ng Capiz) Philippine Information Agency.

Usong-uso ngayon ang aklatan sa kariton o kariton klasrum upang mas mailapit ang mga tradisyunal na aklat sa mga kabataan, lalong-lalo na ang walang access sa aklatan at digital media.

Matatandaan ang Dynamic Teen Company – Making a Difference, Inc., na nagsimula noong 1997 pa, ay nakilala sa kanilang proyektong Kariton Klasrum. Isa sa mga tagapagtatag nito ay si Efren Peñaflorida, na ginawaran ng “CNN Hero of the Year” noong Nobyembre 2009.

Ang TK3 Pasay (Tulak Karunungan Kariton ng Kapalaran) ay may tinatawag ding Kariton Klasrum. Ito ay isang anim-na-buwang programa na ginaganap linggo-linggo na naglalayong ibalik ang pagmamahal sa pag-aaral at interes sa paaralan sa mga kabataang hindi nakapasok sa paaralan at mga batang lansangan sa komunidad sa Pasay.

Alinmang organisasyon ay gumamit ng mga aklat sa kanilang mga gawain. Ang tradisyonal man o digital ang kanilang layunin ay magkakaugnay sa diwa at layunin.

Tandaan na ang pagbabasa-- tradisyunal man o digital, ay kayamanang dapat ipagmalaki at ibahagi sa lahat ng Pilipino.

 

 

Ang Aking Paglalakbay

 

Ang Aking Paglalakbay

 

Isang araw, sa lawa, ako’y nagtatampisaw

Sa mala-impyernong init, bigla akong natunaw

Ako’y nag-ibang anyo— naging singaw 

Gustuhin ko man, pero hindi ako makasigaw.

 

“Kaluluwa na ba ako’t ako’y pumanaw?”

Mga ulap at langit ang aking natatanaw

Bigla akong nagyelo sa lamig at gininaw

“Diyos ko, Diyos ko, nais ko pang mabuhay!” 

 

“Hay, salamat! Ako’y biglang bumigat

Mapuputing ulap ako’y hinagkan, niyakap

Literal na ngang ako ay nasa siyam na ulap

Kaya napalukso-- parang natupad ang pangarap.

 

Sa isang kisapmata, ako’y nagging dambuhala

Pumintog ang tiyan na animo’y puputok na bula

Pakiramdam ay bumigat, paglukso’y `di na kaya

At walang ano-ano, ako’y bumagsak sa lupa.

 

Sa halip na umiyak at umagos ang luha

Ako’y napalundag sa galak at tuwa

Nang makabalik ako sa tahanan kong lawa

“Ako’y `di lang tubig, minsan singaw at ulap pa.

 

Buhay ko’y paulit-ulit lang, ngunit pambihira

Minsan ako’y naglalakbay sa ilog o sapa

Minsan naman sa maalat na tubig napunta

Gayunpaman, ang siklo kong buhay ay kay saya!

Wednesday, September 3, 2025

Buwaya sa Gobyerno

Guro: Ano ang gusto ninyong trabaho paglaki ninyo?

Maria: Maging guro!

Guro: Wow! Gusto mo ring magturo sa mga bata?

Maria: Opo! Masaya po kasing matuto sa school.

Guro: Tama! E, ikaw, Pedro?

Pedro: Maging engineer!

Guro: Bakit gusto mong maging engineer?

Maria: Kasi gusto kong magtayo ng school para kay Maria.

Guro: Wow! Maganda `yan… E, ikaw naman, Luis?

Luis: Gusto ko ring maging engineer.

Guro: Talaga? Gusto mo ring magtayo ng school para kay Maria?

Luis: Hindi po. Tulay, kanal, at flood control projects ang itatayo ko para hindi na tayo binabaha.

Guro: Mabuti iyan, Luis… E, ikaw naman, Filemon?

Filemon: Dalawa ang gusto ko, Ma’am.

Guro: Ha? Ano-ano naman iyon?

Filemon: Kung hindi ako magiging congressman, magiging contractor ako para matuloy ang mga projects nina Pedro at Luis.

Guro: Ay, hala! Ang gaganda naman ng mga pangarap ninyo. Kayo talaga ang pag-asa ng bayan.

Filemon: Ma’am, si Juan po, walang pangarap.

Juan: (Tumingin lang nang masama kay Filemon.)

Guro: May pangarap `yan si Juan. Hindi ba, Juan?

Juan: (Tumango lang.)

Guro: Anong gusto mong maging, Juan, paglaki mo?

Juan: (Nahihiya) Gusto kong maging… maging sepulturero.

Guro: Ha? Bakit `yon?

Juan: Ako ang gagawa ng nitso ng mga buwaya sa gobyerno.

Guro: Aray ko!

Si Matt Singh at si Kune Ho

  Si Matt Singh at si Kune Ho Kahit magkaiba ang pinagmulang lahi nina Matt Singh at Kune Ho, magkasundo pa rin sila sa maraming bagay. Kad...