Ang Grupong Multimedia
“Ayaw ko nang maging lider,” naiinis na sabi ni Satur sa kaniyang mga
kagrupo. “Hindi
naman kayo tumutulong mag-isip. Ikaw, Romy, puro basketbol ang inaatupag mo.”
Binitawan ni Romy ang bola, saka yumuko.
“Ikaw, Nina, ikaw pa naman ang inaasahan ko, pero hindi ka man lang
nag-ambag ng ideya. Mas inuuna mo pa ang ibang subject.
Isinara ni Nina ang notebook at inilapag ang ballpen.
“Ikaw, Berto, panay lang ang patawa mo?
Magseryoso ka naman.”
Tinakpan ni Berto ang mukha, saka
nagseryoso.
“Kayo rin, Liza at Mila…”
Tumingin sa kaniya ang dalawa.
“Ano? Itutuloy pa ba natin `to?”
Sabay-sabay na nag-sorry sina Romy, Nina, Berto, Liza, at Mila kay Satur.
“Huwag ka nang magtampo sa amin,” sabi ni Liza. “Pangako, tutulong na kami, `di ba, Mila?”
Tumango at ngumiti lang si Mila.
“E, paano sila?” Inginuso pa ni Satur sina
Romy, Nina, at Berto.
“Tutulong tayo, `di ba?” tanong ni Romy sa
dalawa.
“Oo, tutulong ako,” sabay na sagot nina
Nina at Berto.
“Iyon naman pala, e.” Pumagitna si Liza.
“Magkaisa na tayo para matapos na natin ang proyekto. Sa Lunes na ang deadline nito.“
“Huwag ka nang umayaw sa pagiging lider mo, Satur. Kailangan ka namin.”
Napatingin ang lahat kay Mila.
“Narinig mo `yon, Satur? Mahaba `yon. Bihirang magsalita `yan si Mila, pero dahil sa `yo… Dalawang sentence ang sinabi niya,”
seryosong biro ni Berto.
“Ayan
ka naman, e,” sawata ni Liza kay Berto.
Natawa
muna si Satur. “Okey, okey! Pasalamat kayo kay Mila…”
“Yehey!”
Hiyaw ng mga kaklase ni Satur, maliban kay Mila. “Salamat, Mila!”
Nang
araw na iyon, nauwi sa pagtutulungan ang lahat. Nagbabasa si Satur ng
pahayagan. Nagbubuklat ng magasin si Romy. Nanonood ng video si Berto. Naghahanap naman sina Mila, Liza, at Nina ng iba
pang video na makatutulong sa
kanilang sinasaliksik.
Mayamaya,
may ipinakita si Mila.
“Ano
`yan, Mila,” natatawang tanong ni Berto. “Hindi iyan magugustuhan ni Ma’am
Redelyn.”
“Ano
ka ba, Berto?” pagalit na sagot ni Liza. “Walang maling
suhestiyon.”
“Ano’ng wala? E, sino ang magdodrowing?
Ako? Stick figures lang ang kaya ko.”
Si Berto lang ang natawa sa biro niya.
“Magandang ideya `yan, Mila,” sabi
ni Satur. “Ikaw, Berto, ano ba’ng ideya ang naisip mo?”
Medyo napahiya si Berto. “A, e…
gusto ko sanang gumawa tayo ng… ng patalastas.” Napayuko si Berto habang
kumakamot sa ulo.
“Okey rin `yon, Berto.” Nginitian at inakbayan ni
Satur si Berto. “Kayo?” tanong naman niya kina Romy, Liza, at Nina.
“Gusto
ko… Hmm,” saglit na nag-isip si Nina. “Video
clip!”
“Ako…
Slide shows,” sagot ni Romy.
“Mag-short film kaya tayo?” mungkahi ni Liza.
“Wow!
Ang gagaling ng ideya ninyo.’ Inapiran ni Satur isa-isa ang mga kagrupo niya.
“Salamat! Salamat!”
“Maganda
talaga kapag nagtutulungan at nagbabahagi ng ideya at kaalaman,” sabi ni Mila.
Pinalakpakan nila si Mila, gayundin ang isa’t isa. Lalo nilang
naramdamang mabubuo nila ang kanilang proyekto sa lalong madaling panahon.
Buong araw ng Sabado at Linggo pagkasimba, masayang
ginawa ng magkakagrupo ang kanilang proyekto. Nagtulungan sila hanggang sa
mabuo nila ang kanilang presentasyon.
“Magugustuhan
kaya ito ni Ma’am Redelyn?” ang tanong ni Satur.
“Oo
naman. Magtiwala lang tayo sa kakayahan natin,” nakangiting sabi ni Romy.
Sumang-ayon
naman sina Nina, Liza, at Berto, kahit si Mila sa pamamagitan ng pagtango.
Lunes ng umaga, unang magtatanghal sina Satur.
“Magandang umaga, Ma’am Redelyn at
mga kaklase namin!” masiglang bati ni Satur. “Sa araw na ito, matutunghayan
ninyo ang tekstong impormatibo tungkol sa pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan
ng multimedia.”
Biglang sumingit si Berto. “Dahil kami ang… ang… Grupong Multimedia!”
Nagtawanan ang lahat, pati si Mila. Napapalakpak na rin agad si Ma’am
Redelyn.
“Ulitin natin,” sabi ni Satur. “One, two,
three, dahil kami ang…”
“Grupong Multimedia!” sabay-sabay na
sigaw ng lima. Nakatanggap sila ng masigabong palakpakan.
“Salamat! Salamat!” sabi ni Berto, saka
ilang ulit ding nag-bow. “Diyan po
nagwawakas ang aming presentasyon.”
“Uy, wala pa,” sabi ni Satur, sabay tawa. Nakitawa na rin sa kaniya si Mila.
Sa unang pagkakataon, nakita ng lahat ang sobrang kasiyahan ni Mila.
Noon lamang nila nakitang tumawa si Mila nang ganoon.
“Okey.
Seryoso na, guys,” sabi ni Satur,
saka inihanda nila ang Powerpoint presentation.
Tumingin muna ang Grupong Multimedia sa mga
kaklase at guro.
“Isang mahalagang gampanin ng bawat mamamayan, kabilang ang kabataang
katulad natin, ay ang pangangalaga sa ating kalikasan. Ang bawat isa ay may tungkuling alagaan,
ingatan, at protektahan ang kapaligiran,” simula ni Satur.
“Ang wastong pagtatapon ng mga basura ay
isa sa mga pangunahing paraan nito. Ang segregasyon ng mga nabubulok at
di-nabubulok ay malaking tulong sa kalikasan. Maaaring gawing compost
ang mga nabubulok na basura. At maaari namang i-recycle ang mga
di-nabubulok,” sabi ni Romy.
“Ang pagtatanim ng mga puno ay may
napakalaking ambag sa ating kalikasan. Ang gawaing ito ay nakapipigil sa
pagbaha, pagguho ng lupa, at sa tindi ng init. Ang mga puno ay nagbibigay ng
mga pagkain, hilaw na materyal, sariwang hangin, at tirahan ng mga hayop,”
sabi ni Liza.
“Mahalaga rin ang pagtitipid ng tubig at
kuryente. Ang paggamit ng mga likas na yaman ay may katumbas na pag-iingat.
Nababalanse nito ang kalikasan at nakababawas ng polusyon,” dagdag ni Berto.
“Ang paggamit ng makabagong paraan sa
makakalikasang paraan ay may malaking ambag din. Posible namang ang kalikasan
ay maapektuhan ng pag-usbong ng teknolohiya. Sa halip, maaari itong gamitin sa
ikauunlad ng ating kalikasan at ng ating mundo,” sabi ni Nina.
“Sa pamamagitan ng pagpapanatiling malinis,
ligtas, at maayos ang kapaligiran, ang kabataan ay may kakayahang makibahagi sa
pangangalaga ng kalikasan,” sabi ni Mila.
“Kaya
tunghayan ninyo ang aming presentasyon upang umusbong sa puso ninyo ang pagmamahal
sa kalikasan,” sabi ni Satur, saka pinindot ang play button.
Naging
interesado naman ang lahat sa panonood. Pagkatapos manood, may mga nagtaas ng
kilay. May mga negatibong komento at panghuhusgang narinig si Satur.
Agad na pumagitna na si Ma’am Redelyn.
“Mahusay! Binabati ko ang Grupong Multimedia. Hindi lamang kayo nagbigay
ng kaalaman tungkol sa pangangalaga sa kalikasan, at hindi niyo lang kami
tinuruan, kundi nagpakita pa kayo ng iba’t ibang kasanayan.”
“Ma’am, hindi lang sila ang gumawa niyan!” sigaw ng Grupong
Makakalikasan pagkatapos sumigaw ng ‘Boo!’”
“Hindi totoo `yan,” sabi ni Romy.
“Kami lang ang gumawa niyan,” sabi naman ni Berto.
“Nagtulungan lang kami,” dagdag
pa ni Nina. Samantalang tahimik lang sina Satur, Liza, at Mila.
“Makinig kayong lahat!” sabi ni Ma’am Redelyn. “Hayaan niyo muna akong
magbigay ng komento sa kanilang presentasyon. Okey lang ba?”
“Opo!” sagot ng karamihan, maliban sa Grupong Makakalikasan.
“Mahusay ang kanilang ginawa. Nakita ko ang kanilang pagtutulungan, kaya
nakapagsaliksik sila ng mga paraan para makatulong sa kalikasan, at magamit
nila ang multimedia at kani-kaniyang
kasanayan. Mahusay
lahat silang umakting. Nakatulong ang aktuwal na pagtatanim, paglilinis, at
pag-segregate ng basura. Gumamit pa
kayo ng animation. Sigurado akong si
Satur ang gumuhit niyon. Tama ba?”
Malungkot na tumango si Satur. “Ma’am,
nagpatulong po ako sa kuya ko para gumalaw po ang mga drowing ko.”
“Sabi na, e!” sigaw ng Grupong Makakalikasan.
“Wow! That’s nice! Hindi masamang humingi ng tulong… at nakabuti sa overall presentation ninyo,” sabi ng kanilang guro. “Bravo! Ang huhusay ninyo. Nagulat din
ako sa kakayahan ni Mila.”
Bahagyang nagulat si Mila.
“Bukod sa caption o sa subtitle,
natutuwa ako sa ginawa mo. Marunong ka palang mag-sign language.”
Ngumiti at yumukod nang bahagya si Mila,
saka nag-sign language pa. “Thank you po!”
“Puwede
ka nang maging sign language interpreter
sa telebisyon. Ang husay!”
Natahimik
ang Grupong Makakalikasan.
“Kung
humingi man kayo ng tulong sa mga kapatid ninyo, walang problema,” dagdag pa ng
guro. “Ang mahalaga, kayo ang napanood namin sa short film. Andami niyong ipinakita. Marami kayong kaalamang
nilagay, hindi lang ang pangangalaga sa kalikasan, kundi ang paggamit ng
sangguniang pahayagan at magasin, na unti-unti nang natatabunan dahil sa
pag-usbong ng teknolohiya. Hindi lamang kayo nagpakita ng pagmamahal sa
kalikasan, nagbigay rin kayo ng halimbawa kung paano gamitin nang wasto ang
teknolohiya, gaya ng presentasyon ninyo. Lumabas ang lahat ng mga kakayahan,
talento, at talino niyo. May animation
na, may patalastas pa. Wow! Para
kaming nanood ng pelikula.” Pumapalakpak nang parang
walang katapusan si Ma’am Redelyn dahil sa labis na paghanga.
Nagpalakpakan na rin ang karamihan
ng kaklase nila.
Napaiyak sa tuwa sina Satur, Romy, Liza, Berto,
Nina, at Mila, lalo na nang nalaman nila ang kanilang grade sa performance task.
No comments:
Post a Comment