Ang Aking Paglalakbay
Isang araw, sa lawa, ako’y nagtatampisaw
Sa mala-impyernong init, bigla akong natunaw
Ako’y nag-ibang anyo— naging singaw
Gustuhin ko man, pero hindi ako makasigaw.
“Kaluluwa na ba ako’t ako’y pumanaw?”
Mga ulap at langit ang aking natatanaw
Bigla akong nagyelo sa lamig at gininaw
“Diyos ko, Diyos ko, nais ko pang mabuhay!”
“Hay, salamat! Ako’y biglang bumigat
Mapuputing ulap ako’y hinagkan, niyakap
Literal na ngang ako ay nasa siyam na ulap
Kaya napalukso-- parang natupad ang pangarap.
Sa isang kisapmata, ako’y nagging dambuhala
Pumintog ang tiyan na animo’y puputok na bula
Pakiramdam ay bumigat, paglukso’y `di na kaya
At walang ano-ano, ako’y bumagsak sa lupa.
Sa halip na umiyak at umagos ang luha
Ako’y napalundag sa galak at tuwa
Nang makabalik ako sa tahanan kong lawa
“Ako’y `di lang tubig, minsan singaw at ulap pa.
Buhay ko’y paulit-ulit lang, ngunit pambihira
Minsan ako’y naglalakbay sa ilog o sapa
Minsan naman sa maalat na tubig napunta
Gayunpaman, ang siklo kong buhay ay kay saya!
No comments:
Post a Comment