Sa patuloy na paglago ng
teknolohiya at digital media, ang
aklat ay isa pa ring pinakamahalagang pangkalahatang sanggunian. Ito ay wala pa
ring kupas sa pagbibigay ng imahinasyon, inspirasyon, kaalaman, at impormasyon sa
mga mambabasa.
Sa katunayan, namamayagpag pa rin
ngayon ang mga tradisyonal na publishing
houses sa Pilipinas. Isang katunayan nito ay ang matagumpay na Manila
International Book Fair (MIBF), na ginaganap taon-taon. Ito ay mahigit apat na
dekada nang isinasagawa upang itaguyod at ipalaganap ang pagbabasa at literasiya sa bansa. Layunin din
nitong magbigay ng pagkakataon para sa mga publisher,
manunulat, dibuhista, layout artist,
at mambabasa upang magtagpo at magpalitan ng kaalaman.
Bukod sa MIBF, sinimulan din ng
National Book Development Board (NBDB) ang kaunaha-unahang Philippine Book
Festival (PBF) sa World Trade Center, Pasay City noong Hunyo 8, 2023 upang
ipakita, ipakilala, at ipagmalaki ang malawak at bihirang aklat at koleksiyon mula
sa National Library of the Philippines (NLP). Ang eksibit na ito ay nagsilbing
bintana sa nakaraan. Nagbigay ito sa mga bisita ng isang sulyap sa mayamang
pamana ng panitikan ng Pilipinas.
Sa mga nabanggit na book fair, hindi mawawala ang mga
makabagong aklat at babasahin, gaya ng e-books
at audiobooks. Ang mga ito ay mga
katibayan na ang kultura ng pagbabasa Pilipinas ay umaayon sa pagbabago. May
mga mambabasa ngayon na mas tinatangkilik ang digital media kaysa sa tradisyunal na aklat. Batay sa pagsusuri,
nakahihigit ito dahil walang ginagamit na papel -- makikita lamang sa computer, tablet, o smartphone
bilang e-book, PDF, o online article. Kaya ito ay eco-friendly at accessible kahit saan basta may internet
at puwede ring mag-download. Puwedeng
mag-imbak (save) sa device at hindi
na kailangan ang espasyo o bookshelf.
Siyempre, may audio, video, hyperlinks,
at interactive na features ang mga ito, kaya nmas
kawili-wili sa mga mambabasa. Hindi rin maitatanggi na mas madali dito ang
magsaliksik ng impormasyon.
Noong 2020, isang estudyante ng
Sertipiko sa Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Filipino sa Polytechnic
University of the Philippines, Manila na si Gerard Young o mas kilalang
Anathema Corpus ang nagpakilala sa ‘Scanitikan.’ Ito ay pinagsamang salita mula
sa “scan” at “panitikan,” na naglalayong hikayatin ang mga kabataang mambabasa
na basahin ang Ibong Adarna at Noli Me Tangere ni Jose Rizal. Ginamit dito ni
Corpus ang QR Codes (Quick Response Codes) upang magkaroon ng mabilis na access ang mga mambabasa sa mga naturang
akda.
Nitong 2025, binuksan naman ni
Corpus ang Project ScanAklatan sa mas marami pang sektor ng lipunan, komunidad,
at pampublikong lugar, lalo na sa Nagcarlan, Laguna. Isa itong patunay na ang
pinaghalong teknolohiya at tradisyunal ay maaaring magtagumpay na itaguyod ang
kahalagahan ng pagbabasa.
Subalit, hindi maikakailang marami
din ang tapat sa tradisyunal na aklat sapagkat may pisikal na anyo, papel at
pabalat na maaaring mahawakan at mabuksan ang mga mambabasa. Mas nakaeengganyo
sa mata ang mga ito. Nakaiiwas sa screen glare o radiation ang mga mambabasa at
mas nakakapokus sila sa pagbabasa. Bukod sa may sentimental at cultural value,
simbolo ng literasiya at kaalaman ang tradisyunal na aklat. Limitado man ang
kakayahan nitong maimbak at mas mabigat, iba pa rin ang mahika nito, na
maipapaliwanag lamang ng totoong nagpapahalaga nito.
Kaya naman, nagsulputan ang mga
indibidwal o grupong nagsusulong ng pagpapalaganap ng pagbabasa at paggamit ng
tradisyunal na aklat. Inilalapit nila ang aklatan sa mga mamamayan.
Si Tatay Hernando Guanlao o si Mang
Nanie, na founder ng Reading Club 2000, ay 72-anyos na lolo na nagtayo ng
aklatan sa bangketa sa Makati City. Mahigit dalawampung taon siyang nagbibigay
ng mga libro sa mga nangangailangan dahil sa paniniwala niyang ang pagbabasa
ang susi sa edukasyon.
Narito naman ang government organizations na naglalapit
ng aklatan sa mga tao: ang Aklat Mobile Program ng Capiz Provincial Library;
ang Makati Mobile Library ng Makati City Library; ang – Mobile Library Bus ng
Davao City Library and Information Center; at ang Mobile Library for IEC
Programs ng Isabela City, Basilan. Kasama rin sa listahan ang Dagdag Dunong
Reading Center (“Jeepney of Hope” / “Reading CaraVAN of Hope”); Siargao Masaya
(Library Jeepnee sa Siargao Island); World Vision Philippines (“Learn and Play
Hub” mobile library ng Mandaue City); at Capiz Provincial Library (“DALI, MABASA KITA: A Mobile Library
Program” ng Capiz) Philippine Information Agency.
Usong-uso ngayon ang aklatan sa
kariton o kariton klasrum upang mas mailapit ang mga tradisyunal na aklat sa
mga kabataan, lalong-lalo na ang walang access
sa aklatan at digital media.
Matatandaan ang Dynamic Teen
Company – Making a Difference, Inc., na nagsimula noong 1997 pa, ay nakilala sa
kanilang proyektong Kariton Klasrum. Isa sa mga tagapagtatag nito ay si Efren
Peñaflorida,
na ginawaran ng “CNN Hero of the Year” noong Nobyembre 2009.
Ang TK3 Pasay (Tulak Karunungan
Kariton ng Kapalaran) ay may tinatawag ding Kariton Klasrum. Ito ay isang
anim-na-buwang programa na ginaganap linggo-linggo na naglalayong ibalik ang
pagmamahal sa pag-aaral at interes sa paaralan sa mga kabataang hindi nakapasok
sa paaralan at mga batang lansangan sa komunidad sa Pasay.
Alinmang organisasyon ay gumamit ng
mga aklat sa kanilang mga gawain. Ang tradisyonal man o digital ang kanilang layunin ay magkakaugnay sa diwa at layunin.
Tandaan na ang pagbabasa-- tradisyunal
man o digital, ay kayamanang dapat
ipagmalaki at ibahagi sa lahat ng Pilipino.
No comments:
Post a Comment