Followers

Thursday, February 19, 2026

Ang Huling Kuha ni Edmund

 

Ang Huling Kuha ni Edmund

 

“Mag-iingat tayong lahat sa ating hiking activity. Huwag lalayo o hihiwalay sa grupo. Sumunod sa patrol leader. At igalang natin ang sagradong lugar na ito,” sabi ng scout master.

“Sir Magallano, may buddy system pa rin po ba?” tanong ni Edmund.

“Siyempre, dapat nagpartner-partner na kayo kanina pa.”

“Sir, wala pa po akong ka-buddy.”

“Ako, ako na lang ang ka-buddy mo,” presenta ni Aljun, ang kaniyang scout leader.

“Sige, sige,” natutuwang sabi ni Edmund.

“Ayos! Sige na, boy scout, simulan na ang hiking!” deklara ni Sir Magallano.

Agad na kumilos ang tatlong matikas na scout leaders— na sina Aljun, Heath, at River. Pinalinya ng mga ito ang kani-kanilang patrol group.

Manuna na kayo, Heath at River. Kami na ang sa hulihan,” sabi ni Aljun.

Pumayag naman ang dalawa, at agad na sumunod kay Sir Magallano.

“Walang lalayo sa ating grupo,” bilin ni Aljun, saka sumunod sa dalawang naunang grupo.

“Puwede bang mabagal na paglakad ang gawin natin para makapag-picture ako,” tanong ni Edmund.

“Hindi puwede. Kailangan nating masundan sina Sir Magallano at ang dalawang patrol group.”

“Mabilis na pagpi-picture lang ang gagawin ko. Hahabol na lang ako kung sakali,” hirit pa niya.

“Hindi talaga puwede, Edmund.”

Tumahimik na lang siya kahit naiinis sa istriktong scout leader. Buo na rin naman ang loob niyang suwayin ito kapag may nakita siyang kakaibang halaman, bulaklak, hayop, insekto, o anomang bagay sa kakayuhan. Mahalaga sa kaniya ang makakuha ng mga larawan doon.

Habang lumalayo sila sa camping site, parami nang parami ang nakikitang magagandang anggulo na dapat na nakuhaan ni Edmund ng mga larawan. Subalit hindi niya tinangkang huminto upang mag-picture bilang pagsunod sa kaniyang scout leader.

Lumipas pa ang ilang sandali, mas marami siyang nakikitang kakaibang bagay, na dapat ay nakuhaan niya ng larawan. May nakita siyang pambihirang orkidyas. May nakita siyang pulang palaka.

“Uy, ano `yon!” Natakpan niya ang sariling bibig nang mapansin ang insektong may maningning na pakpak. Agad niyang inihanda ang camera ng kaniyang cellphone, ngunit lumipad agad ang insekto.

Walang nakapansin sa paghinto ni Edmund, kaya naisip niyang sundan ang insekto. Naging mabilis ang kilos niya upang mahabol at matiyempuhan ang pagdapo niyon.

Bagaman, ayaw huminto sa paglipad ang sinusundang insekto, na hindi niya mawari kung paruparo ba o tutubi. Basta ang alam niya, ekstraordinaryo iyon. Desidido siyang makuhaan iyon ng larawan dahil nais niyang makilala kung sakaling siya ang nakadiskubre ng bagong specie ng insekto. Sa madaling sabi, gusto niyang mag-viral ang picture niya.

Ilang minuto ang nakaraan, nakita niyang dumapo sa sanga ang kakaibang insekto. Dali-dali niyang piniktyuran iyon. “Ay, buwisit! Naka-video pala.” Agad niyang binago ang setting.

Nang handa na, saka namang nawala sa paningin niya ang insekto. Bunga nito, grabe ang panghihinayang niya. Bukod pa rito, nang panoorin niya ang video, malabo iyon-- ni hindi maaaring i-screen shot.

“Hayun!” laking tuwa niya nang matanaw niyang palapit sa kaniya ang insekto. At hindi lang isa, kundi marami. Hindi na siya nag-aksaya ng sandali. Binidyuhan na lamang niya ang mga insektong umaaligid-aligid sa kaniya. Umikot-ikot pa siya habang ginagawa ito hanggang sa mapansin niyang nasa ibang lugar na siya.

“Wow! Ang ganda naman ng lugar na ito. Sa fantasy movie ko lang ito napapanood.” Manghang-mangha si Edmund sa kaniyang natuklasan. “Dito pala nakatira ang mga kakaibang insekto.” Walang patid ang pagkuha niya ng video sa makulay at makinang na paligid.

Nang tumigil si Edmund sa pagkuha ng video, sinimulan naman niyang i-play iyon. Labis ang tuwa niya dahil hindi siya binigo ng kaniyang cellphone. “Ayos! May pang-post na ako.” Nagdesisyon na siyang hanapin ang kaniyang mga kasamahan, subalit bago pa niya na-off ang video, napansin niya ang mukha ng insektong lumapit sa camera.

“Ay, Diyos ko, mga lambana pala!” Tumindig ang mga balahibo niya, at napaurong siya. “Tulong! Tulong!” sigaw niya. “Sir Magallano! Aljun!”

Habang tinatawag niya nang paulit-ulit ang kaniyang scout master at scout leader, palapit naman nang palapit sa kaniya ang mga lambana.

“Huwag! Huwag! Bitiwan ninyo ako. Gusto ko nang bumalik sa grupo ko.”

Unti-unting umangat si Edmund. Anomang pagpupumiglas ang gawin niya, walang nangyayari.

No comments:

Post a Comment

My Journal - April 2009

April 1, 2009 At 4:30, I was already wide awake. And at 5:00, Mama and I left the house. It was 6:30 when we arrived at East Avenue Medical...