Kaugnay sa pagdiriwang ng National Teachers' Month, nag-survey ako sa aking klase. Pinasulat ko sa kanila ang sampung magagandang katangian ng kanilang hinahangaang guro—dati at naging guro nila sa nakaraang panuruang taon. Pinapili at ipinalarawan ko sa kanila ang isang guro.
Narito ang top 10 na katangian ng kahanga-hangang guro:
Top 10. Masayahin.
Gustong-gusto ng mga bata ang gurong palaging masaya. Ayaw nila ang laging naiinis ang guro. Kaya, bukod sa uniporme, sapatos, o make up, tinitingnan din nila ang ngiti ng kanilang guro. Mas gusto nila ang gurong mapagbiro, palatawa, at mahilig magpatawa.
Top 9. Matulungin.
Ang gurong matulungin ay hinahangaan ng mga bata. Nararamdaman at nakikita nila kung paano tumulong sa kapuwa ang kanilang guro—maliit o malaking bagay man ito. Mas lalo nila itong naa-appreciate kung sila mismo ang natutulungan.
Top 8. Mapagbigay.
Dahil may mga estudyanteng kapos din sa buhay, madali nilang magustuhan ang gurong mapagbigay. Kung maalwan man sa buhay ang binibigyan, natutuwa pa rin silang makatanggap ng isang bagay mula sa kanilang guro.
Top 7. Malinis ang kalooban.
Paborito ng mga mag-aaral ang gurong may malinis na kalooban. Gusto nilang maganda ang asal o ugali ng kanilang guro, dahil iyon ang kanilang ginagaya.
Top 6. Matalino.
Kung ang guro ay nais na matalino ang mga mag-aaral, gayundin sila. Nais nilang matalino rin ang kanilang guro. Marahil, mas inspired silang matuto kung matalino o marami silang natututuhan mula sa guro tungkol sa mga aralin o aral sa buhay.
Top 5. Magaling.
Mahusay o magaling na guro ang paborito ng karamihan. Malawak ang kahulugan nito. Pero batay sa kanilang mga sagot, ang mahusay na guro ay magaling magturo, magsulat, magkuwento, mag-drawing, mag-ayos, at magdisiplina.
Top 4. Masipag.
Nakikita ng mga bata kung sino ang gurong masipag. Gusto nilang masipag ang kanilang guro, lalo na sa pagtuturo. Alam nilang obligasyon ng guro na magturo. Nais din nila na ang kanilang guro ay masipag maglinis at mag-ayos sa classroom. Hinahangaan din nila ang gurong nagwawalis.
Top 3. Mabuti.
Malalim ang kahulugan ng mabuti. Ito na yata ang kabuuan ng mga katangiang nabanggit at babanggitin pa lamang. Ang pagiging mabuti ay maaaring nangangahulugan ng panloob at panlabas na katangian ng guro. Ito rin ang hangad ng bawat guro sa lahat ng mag-aaral.
Top 2. Maganda o Pogi.
Hindi maikakaila ng mga bata na tumitingin sila sa panlabas na kaanyuan ng kanilang guro. Pinagmamasdan nila ang pisikal at mga kasuotan ng guro. Marahil ay nakadaragdag ang kagandahan ng guro sa kanilang inspirasyon at motibasyon.
Top 1. Mabait.
Ang pinakagusto ng halos lahat ng estudyante ay ang kabaitan ng kanilang guro. Ito na marahil ang pamantayan nila ng best teacher. Kalakasan nila ang pagkakaroon ng isang mabait na guro. Ayon sa kanila, ayaw nila ng matapang. Hindi nila gusto ang sinasaktan, pinagmamalupitan, sinisigawan, at minumura. Para sa mga mag-aaral, ang masamang guro ay laging naiinis o nagagalit, nangungurot, nanghihila ng anit, nagpapatayo, nagagalit sa mabaho, ayaw sa mababang grado, nananabunot, nanununtok, nangangaltok, nagpapa-Guidance, sobrang sakit magsalita, namimingot, masungit o mataray, hindi nagpapaihi, sinungaling, nambu-bully, namamato ng marker, nangungutang at hindi nagbabayad, walang disiplina, magulang o mandaraya, namamalo, nambabara, namamahiya, tsismosa, bait-baitan, istrikto, at maldita,
Bukod sa sampung katangiang nabanggit, gusto rin ng mga mag-aaral ang gurong istrikto pero mabait, mapagbiro, minsan lang magalit, maalalahanin, mapagmahal, may malasakit, maalaga sa mga bata, sweet, magalang, maunawain, malinis, mahaba ang pasensiya, hindi maingay o tahimik lang, hindi masungit, palabati (nagha-Hi), masikap, laging naglilinis o nag-aayos sa classroom, at hindi nagko-complain.
Malaki ang epekto ng mga katangian ng guro sa mga mag-aaral. Dahil modelo ang turing nila sa bawat guro, nararapat lang na kamtin ang mga katangiang hinahangaan ng mga kabataan, at iwasan naman ang mga asal at gawaing nakakasama sa kaisipan at kalooban nila.
Maligaya at produktibong Buwan ng mga Guro!
No comments:
Post a Comment