Followers

Wednesday, May 18, 2016

Karma Sutra

Gumawa ka ng mabuti sa kapwa dahil kabutihan din ang iyong matatanggap. Ito ang tinatawag na karma.

Ang lahat ng nanakit sa 'yo ay makakaranas ng sakit, katulad ng naranasan mo sa kaniya. Kapag nagkataon, ipapakita pa sa 'yo ng Panginoon, kung paano siya masaktan.

Ang karma ay walang palugit. Darating at darating. Babalikan at babalikan ka. Ito ay hindi mahahadlangan ninuman. Kapag kailangan, darating sa 'yo, harangin mo man ng sibat.

Tandaan mo na sa isang puno ay makakagawa ng milyong posporo at ang isang posporo ay makakasunog ng milyong puno.

Sabi nga, "People who create their own drama deserve their own karma." Tama! Ikaw kasi ang gumagawa ng iyong aksiyon. Kung ano ang iyong ginawa, iyon ang mangyayari. Kaya nga, wala namang masama sa karma. Kung gagawa ka ng mabuti sa kapwa, aani ka rin ng kabutihan. Kabaligtaran naman, kapag masama ang iyong ginawa. Kapag naghagis ka ng bato sa kalawakan, bato pa rin naman ang babagsak. Kaya, hunghang lang ang taong sinisisi ang sarili dahil sa karmang kaniyang natanggap.

Ang masamang ginawa mo ay mananatili sa 'yo, ngunit ang mabuting ginawa mo ay babalik sa 'yo. Kapag may nagkasala sa 'yo, patawarin mo siya at ang kaniyang masasamang ginawa. Huwag mong hayaang manaig ang galit sa puso mo. Pakawalan mo ito at hintayin mo na lang na maunawaan niya ang tunay na kahulugan ng karma. Kapag gumanti ka, lalong dadami ang iyong kalaban at ikaw pa ang masama. Minsan, kailangan mo lang lumayo sa isang giyera. Karma na ang bahala. Hindi naman karuwagan ang pagtanggi sa pakikipagtunggali.

Ang karma ay pangkalahatang batas ng sanhi at bunga. Kung ano ang iyong itinanim, siya mong aanihin.

You are what you eat, 'ika nga. Wala itong menu list. Hindi ka puwedeng mamili ng ihahain sa'yo.

Upang maging positibo ang karma sa 'yo, ikaw ay maging mabuting tao. Magpatawad ka. Mahalin mo ang iyong kapwa.

Sunday, May 15, 2016

Hapag-Hugutan

Dumulog na sa hapag ang mag-anak upang maghapunan.

"Ikaw na Pamela, ang manguna sa panalangin," sabi ng ama sa panganay na anak.

"Ako, 'Tay? Lagi ko na lang ba ipinapalangin sa Diyos, na sana magbago ang boyfriend ko?  Hanggang ngayon, wala pa siyang pagbabago. Pagod na akong maghintay, 'Tay!"

"Ikaw na nga lang, Preston. Ikaw naman ang kuya. Dapat responsable ka sa lahat ng bagay," sabi naman ng ina.

"Ako, Nay? Responsable naman ako kay Sandra. Hatid-sundo ko siya. Lahat ng pangangailangan niya ay sinisikap kong maibigay. Kulang pa po ba?"

"O, si Bunsoy na lang. Magaling ito mag-pray, e," nakangiting puri ng ama kay Perry. Hinaplos-haplos niya pa ang buhok nito.

"Ako po, 'Tay? Hindi po ako magaling! Hindi ko nga masabi-sabi sa crush ko na mahal ko siya. Hindi ako magaling. Torpe ako, 'Tay... 'Nay! Bakit ako ganito? Bakit po?"

"Ewan ko sa inyo! Gutom na gutom na ako!" bulalas ng ina. "Amen na nga lang!"

Parang kidlat na nagsandukan ng ulam at kanin ang mag-anak.

Sorpresa

Mahilig talaga ako sa sorpresa, kahit noon pa.
Kaya, hindi ako nagsabing uuwi sa aking mag-
ina
Sa Facebook ay nagpost ako,
Kunwari ay nasa Romblon ako.
"Kalimutan mo na kami," text ng aking asawa.

Saturday, May 14, 2016

May Wattpad Lover: Pag-asa

Hindi ko na hinatid si Lanie sa bahay nila, tulad ng request niya. Hinintay ko lang siyang makasakay ng taxi. Isa rin iyon sa paraan ko upang ma-turn off siya sa akin.

Nagmadali akong umuwi para ma-search ko ang wattpad account ni gellion. Hindi naman ako nahirapang mahanap iyon.

Ang taas na ngayon ng pag-asa kong magkita uli kami ni Gelay. Abot-kamay ko na siya.

"Thanks, Arla! Nahanap ko ang account ni gellion," chat ko sa kanya.

Online siya, kaya agad niya akong nareplayan. "O, that's great! But, why are you interested to her?"

Natigalgal ako. Ilang minuto rin ang lumipas, bago ako nasagot. Tama nga siya. Bakit nga ako interesado? Kung alam niya lang. Siya ang nagtatampo at nagtatago kong girlfriend. Kung alam niya lang, siya ang dahilan ng paghihiwalay namin.

"I just wanna be her friend. Masama ba? Hehe," ang sagot ko.

"Nope. Go on..."

Akala ko, malakas ang pakiramdam niya. Hindi pala. Mabuti na lang. Ayaw kong malaman niya ang totong pakay ko.

Nauna niya pang ma-send ang isa pa niyang message niya,1 bago ko na-send ang "Thanks!" ko. Sabi niya, "Uunahan mo pa ako kay gellion. Hmp!"

Hindi ko kaagad naunawaan ang sinabi niya. Nang maalala ko ang boyish niyang get-up kahapon, saka lang tumimo sa utak ko ang ibig niyang sabihin.

"May the best man wins..." biro ko.

"Sure! Pero, uunahan kita kasi close na kami."

Medyo, kinabahan ako doon sa huli niyang salita. Hindi ko lubos maisip na si Arla ay magiging karibal ko pa. Very ironic!

Muli akong nag-isip. Hindi maaaring mangyari ang iniisip ni Arla.

Nagtapat ako sa kanya. Mahabang paliwanagan at kuwentuhan, inabot kami ng mahigit isang oras para lubos niyang maunawaan. Inihingi ko pa sa kanya ng tulong. Willing naman siya.

"Tamang-tama! May summer meet-up ang wattpad sa Linggo, chance mo na 'yun!"

Nabuhayan ako ng loob. Hindi na ako mangangamba kay Arla. Kakampi ko na siya. Nagkasundo na nga kami para sa isang plano. Kaya, ilang araw na lang, magkikita na kami ni Gelay. Abot-kamay na ang pag-asa kong maging kami uli. Or should I say, mapatawad niya ako.
A

Kaibigan/Kaaway

Kaibigan mo noon, kaaway mo na ngayon.
Kaaway mo noon, kaibigan mo na ngayon.
Patunay lang ito, na totoo ang pagbabago.
Kahit sobrang close pa kayo, mangyayari ito.
Kahit galit na galit na kayo sa isa't isa, magbabati pa rin kayo.
Patunay lang ito, na ang bawat tao ay nagbabago.

Pamana

Ako'y nagsikhay at nagsumikap
upang matupad, aking pangarap.
Ang maging isang ulirang guro
ng mga mag-aaral na nais matuto.

Pagiging edukador ay naganap,
kaya edukasyon ay pinalaganap.
Mga mabubuting aral ay natamo
ng mga estudyanteng may talino.

Inspirasyon ay laging ibibigay.
Magiging katulad ng isang panday.
Bukas, makalawa, mga kabataan,
Tanglaw na sila ng ating bayan.

Kapag dumatal na ang pagreretiro,
ako na ang may maligayang puso,
sapagkat ang aking mga pamana,
sa kanilang pamumuhay makikita.

x

Nabasa ng girlfriend ang mga text messages ng ex-girlfriend ng kanyang boyfriend. Imbes na magalit, humugot lamang siya.

Girlfriend: If I will have the right to eliminate a letter in the alphabet, I will choose the letter x, because, I hate x!

Boyfriend: (Smirks) In algebra, x has always a value. In other words, x plays an important role.

Girlfriend: Yes! But, don't forget that the value of x is sometimes negative. Kaya, tigilan mo na 'yang pakikipag-communicate mo diyan sa haliparot mong ex, kung ayaw mong lagyan ko ng x ang mukha niya!

Boyfriend: (Swivers) Oh, y...

AmAnak: Lola

Paggising ng ama, nakita niya ang anak na nakaupo sa harap ng kama ng nakaratay na lola.

Ama: Wow! Ang bait ng anak ko, a!

Ngumiti nang napakatamis ang anak.

Ama: Binabantayan mo ba si Lola?
Anak: Hindi. Nagpapahangin. (Itinuro pa ang bentilador sa harap niya.)

Napangiti na lamang ang ama.

Friday, May 13, 2016

Pinag-iipunan

"Dad, puwede ba akong tumugtog uli sa MusicStram?" tanong ko sa aking ama, habang nagtatayo kami ng Christmas tree. Nasa kusina naman si Mommy, naghuhugas ng mga plato.

Kagyat na tumigil si Daddy sa ginagawa. "Bakit? May pinag-iipunan ka?"

Nag-apuhap ako ng isasagot. "Ayaw ko kasing matingga ang talent ko..." Iyon na lang ang idinahilan ko, kahit ang totoo ay gusto ko talagang mag-ipon ng pamasahe papuntang Aklan. Kahit ayaw ni Riz, tutuloy pa rin ako. I will follow my heart. Siya naman ang nagsabi niyon. Kahit ayaw din akong payagan nina Mommy at Daddy, sisige ako. Alam kong mahihikayat ko pa sila.

"Red... kung hindi mo ikakapahamak, sige. Basta, lagi mo lang tatandaan... delikado ang boss mo."

"Thanks, Dad!" Abot-tainga ang ngiti ko. Halos umayaw na ako sa pagtulong sa kanya sa pagdecorate ng bahay.

Hapon na nang makapag-ensayo akong maggitara at kumanta. Natext ko na noon si Boss Rey. Hindi naman siya tumanggi na tumugtog ako. Dapat daw sinabi ko ahead of time para nai-announce ng dj. May mga nag-aabang daw kasi sa akin. Sa karatula sa labas na lang daw niya ilagagay.

Natuwa naman akong malaman na kahit parang kabute lang akong performer ay hindi pa rin ako nauubusan ng fans. Si Boss Rey naman, hindi niya ako kayang hindian. Minsan, nakakatulong din pala ang katulad niya at ang pagkagusto niya sa akin. Kaya lang, hindi pa rin siya maaaring lumampas doon. Binalaan na siya ni Daddy. Business is business.

Hindi ko na sinabi kay Riz na tutugtog akong muli sa MusicStram. Alam kong mahuhulaan na naman niya ang rason kung bakit.

Bahala na!

"Kahapon lang... hindi kayo magkasundo ng gitara mo," pansing-bati ni Mommy. "Parang inspired ka yata ngayon."

"Opo, Mommy..." 

"E, bakit nga ba?"

"Alam mo na po 'yun." Ngumiti na lang ako.

"Hindi nga, e. Ikaw talaga, naglilihim ka na naman..." Kinurot niya ako sa tagiliran.

"Bully ka, Mommy, a..."

Nagtawanan na lang kami. Ayaw ko munang malaman niya na para iyon sa pagbiyahe ko.

Ang Tisa ni Maestro 15

Ang dalawang unang buwan ng pamumuno sa amin ng bagong principal ay kahanga-hanga. Masigasig pa ako noon na nakikilahok sa mga programa sa paaralan. Kaya lang, nang pangalawang termino na niya, hindi rin pala siya nalalayo sa mga naunang pinuno. Nagkaroon siya ng mga paboritong guro, na bumubulag sa kanya at sumisipsip ng kanyang matinong kaisipan. Iyon pa naman ang pinakaayaw ko.

Noong una, tinitingala ko siya bilang nanay. Sabi pa nga sa akin, patatabain niya ako. Inasahan ko iyon. Akala ko'y pakakainin niya ako nang pakakainin. Diyusme! Tanging malunggay gelatin at malunggay-green mango shake lang ang ipinatikim niya sa akin. Iyon na ba iyon?

Balewala naman sa akin iyon. Kaya ko namang pakainin ang sarili ko. Ang akin lang ay biglang bumaba ang expectation ko sa kanya.

"Malapit ka kay Mam, a," tudyo sa akin ng kumare kong kalaunan ay makakasulian ko ng kandila.

"Hindi. Ayaw ko ngang inilalapit ang sarili ko sa mga principal. Ayaw kong matawag na sipsip. May pinagagawa lang siya sa akin."

Iyan ang naging tagpo, bago ko tuluyang ilayo ang loob ko sa kanya. Gayunpaman, ginagawa ko ang mga mandato niya at lahat ng nararapat. Nagpatuloy ako sa aking adbokasiya-- ang pagpapalaganap ng katuwiran, dahil ako nga si Makata O.

Hindi naman nag-ugat sa simpleng dahilan ang aking pag-aalsa laban sa administrasyon niya. Nagsimula ito sa ranking ng promotion. Bali-balita na may iaangat, ngunit uunahan pa ang iba. Ibig sabihin, dalawang position ang lalampasan niya, which is wrong and unfair doon sa mga totoong deserving.

Kaka-promote ko lamang noon, kaya wala dapat akong pakialam kung sinuman ang susunod na mapro-promote. Hindi ko lamang kinaya ang katotohanang 'Kung sino pa ang walang ginawa o kakayahan, siya pa ang tataas ang posisyon." Maling-mali. Isang karumal-dumal na gawain. Kawalang-hiyaan.

Umaksiyon ang aking panulat. Tula. Sanaysay. Kuwento. Quotes na patungkol sa promotion at irregularities. Iyan ang mga ipinopost ko sa aking FB. Without mentioning names. Besides, my literary pieces are double meaning. Nakakasugat naman talaga. Nasugatan ang mga puso ng mga makakapal ang mukha. Nagkampi-kampihan sila. Pinag-initan nila ako. I deserve that. Natutuwa ako dahil hindi sila manhid. Natuwa rin ako nang magpatawag ng professional meeting (daw). Iyon pala ay para gisahin ako sa masebong mantika nila.

Tumakbo ang meeting sa mga totoong agenda, pero nang paalis na ang principal, nag-closing remarks siya. Huwag daw magpost nang magpost ng against sa co-teachers dahil nababasa raw iyon ng mundo. Well, hindi ako iyon. Nagpost lang ako ng literary pieces ko at nag-upload ako ng pictures ng promotion guidelines na galing sa DepEd, with caption na nagsasabing dapat iyon ang sundin.

Sa makataong anggulo, makatao ang ginagawa ko. Ngunit para sa mga liko, mali ang akto ko.

Umakyat sa ulo ang dugo ko, kaya nagtaas ako ng kamay upang makapagsalita. Kaya lang, biglang umalis si Pinuno. May dadaluhan daw siyang affair. Hindi niya ako napakinggan.

"Galit ako sa'yo, pare!" bulalas naman ng kumare ko. Sinabi na niya na natamaan siya sa post kong guidelines.

"Bakit mo kasi inaako? Nasasaktan ka tuloy!" sagot ko naman. Boom! Nahuhuli talaga sa bibig ang isda. Siya ang pumutak, kaya siya ang nangitlog.

Siya naman talaga. Good thing, umamin siya. Ambisyosa kasi. Ako ngang masipag, hindi nagmamadaling ma-promote. Siya itong primadonna at wala namang naiiaambag na talento, maliban sa kanyang pagtuturo, siya pa ang mataas ang pangarap. Kawawa ang mga senior na matagal na sa serbisyo, pero mababa pa rin ang posisyon.

Mas marami  ang nakaunawa sa akin. Tama lang daw ang ginawa ko. Para naman kasi sa lahat ang ipinaglalaban ko.

"Ito ang tandaan niyo. Hindi ako magpa-promote ngayong taon, niluluto ko pa ang sarili ko. Alam ko ang kapasidad ko. I'm not in a hurry. May isang salita ako. " Iyan ang iniwan ko sa kanila, bago ako nag-walkout sa meeting.

Simula noon, nabawasan ako ng isang kaibigan. Okay lang. Hindi naman nabawasan ang mabuting pagkatao ko. Nakakalakad pa rin naman ako sa pasilyo na nakataas ang noo at may matalinong tisa pa naman akong nagagamit upang isakatuparan ang aking misyon bilang isang guro. Sumisikip nga lang ang daan, kapag nagkakasalubong kami.

Naging malaking hamon para sa akin ang pagiging si Makata O. Hindi biro ang labang sinusuong ko. Binabangga ko ang administrasyon sa paraang katulad kay Rizal. Nakakadismaya lamang dahil imbes na magkaroon ng pagbabago ay tila yatang lumala pa ang katiwalian. Naisip ko ngang talasan ko pa ang aking panulat upang higit na tumusok sa kanilang kaibuturan. Naging epektibo naman dahil naramdaman ko ang init ng kanilang mga mata at pintig ng kanilang mga maiitim na puso.

Naging matatag ako, sa kabila ng lahat. Hindi ko ipinakitang nagsisisi ako sa pinasok kong adbokasiya. Pinangatawanan ko ito, lalo na't marami ang natutuwa sa aking pagtatanggol sa kanila. Hindi raw kasi nila kaya ang ginagawa ko. Para sa kanila, mas maigi pang maging bulag, pipi, at bingi kaysa maging palaban.

Napatunayan kong ang guro ay hindi lamang tisa ang sandata laban sa kamangmangan. Pinilit kong gumamit ng panulat at literatura upang magpahayag, mangalampag, at magturo. Sinikap kong maging iba kaysa sa ordinaryong maestro.

Thursday, May 12, 2016

Time Will Come

"Bye, baby ko," bati ni Sandro sa limang buwang sanggol na karga ng asawang si Minerva. Kasunod niyon ang isang matunog na halik sa pisngi ng anak. Hindi pa siya nasiyahan. Kinuha niya pa mula sa ina upang idikit ang kanyang pisngi sa pisngi ng kanyang anak.
"Sige na! Late ka na naman niyan," pabulyaw na kinuha ni Minerva ang anak sa ama.
"Oo na! Bye, baby! Uuwi ako mamaya nang maaga. Ano'ng pasalubong ang gusto mo?"
Tinalikuran na ni Minerva ang asawa. Napangiti na lang si Sandro. Naisip niya na lang na nagseselos na naman ito.
Nang nasa loob na ang mag-ina, pumalahaw ng iyak ang baby. Hindi malaman ni Minerva kung ano ang gusto o ang nararamdaman ng anak. Kung ano-ano na ang ginawa niya para lang mapatahan ito, hindi pa rin tumigil sa pag-iyak. Naisipan niyang ilabas upang hindi magising ang dalawang taong gulang niyang kapatid. Noon din ay saglit na tumigil sa pag-iyak ang sanggol.
"Hay naku, baby. Kukurutin na talaga kita," nauuyam na biro ng ina. "Nakaalis na ang Daddy mong babaero. Huwag kang magmamana sa kanya, ha?" Tinapik pa ng ina ang ilong ng anak, gamit ang dulo ng hinlalaki niya. Isang matamis na ngiti ang ipinasilay ng bata sa ina. Bumuntong-hininga na lang ang ina.
Kinagabihan, sinalubong ng panganay na si Sandro. Agad itong yumakap at humalik sa ama. Pagkabigay dito ng pasalubong, ang bunso naman ang hinarap. Kiniss niya, na naging dahilan upang magising ito.
"Ayan! Katutulog lang niyan, e," palahaw ni Minerva. Kinurot-kurot pa si Sandro. "Hindi mo ba alam, maghapong nagpasaway 'yang mga anak mo? Hindi na ako makapagpahinga. Hay, naku! Ikaw ang magpatulog niyan!"
Napangiti na lang si Sandro, bago niya kinarga ang sanggol, na hindi naman mukhang nagpasaway. Panay nga ang ngiti nito sa ama.
Habang nilalantakan ng panganay ang kanyang pasalubong, nilalaro naman niya ang bunso. Si Minerva naman ay nasa kusina. Naghahanda ng hapunan, habang pamaya-maya ang pindot sa kanyang cellphone. Nakikita rin ni Sandro na napapangiti ito.
Maya-maya, naglambing at nagpakarga na rin ang kanilang panganay. Masayang-masaya si Sandro sa sandaling iyon. Hindi niya naramdaman ang pagod ng maghapong trabaho at ang inis dahil sa trapiko. Hindi niya rin alintana ang kilig na nararamdaman ng asawa, sa tuwing nagbabasa siya ng text message. Sanay na siya. Nauunawaan niya. Pareho lang naman sila.
Dumadalas ang pagseselos ni Minerva sa kanyang mga anak. Isang Sabado ng gabi, nagkasagutan silang mag-asawa. Tulad ng nakasanayan nila, tahimik silang nag-away sa kuwarto dahil ayaw nilang marinig sila ng mga biyenan ni Sandro. Napagkasunduan nila noon pa, na anumang away nila ay idadaan nila sa tahimik na paraan. Kung ang iba ay hindi natutulog nang hindi nagkakasundo, sila naman ay sanay matulog na katahimikan lang ang namamagitan. Iyan marahil ang bunga ng pakikipisan sa mga magulang o biyenan.
"Ano ba ako sa'yo? Di ba, wala? Mga bata lang naman ang nag-uugnay sa atin, 'di ba?" ungkat ni Minerva.
"Puwede ba, Minerva? Tumahimik ka na lang. Hintayin mo ang araw na matutunan kitang mahalin..."
"Hintayin? Pagputi ng uwak? O baka mauna ka pang mangibang-bahay kaysa mahalin ako?"
Natigilan si Sandro. Nasapol siya sa tinuran ng asawa. Marahil ay alam na ni Minerva na nakikipagkita pa siya sa kanyang dating kasintahan. Subalit, hindi upang pagtaksilan siya, kundi upang tuldukan ang hindi natapos nilang pagmamahalan noon. Nais na niya kasing subukang mahalin ang ina ng dalawa niyang anak--- si Minerva. Gusto niyang sorpresahin ang asawa ng isang proposal. Tahimik niyang inililihim ang kanyang damdamin para sa kanya. Ang totoo, kumukuha lamang siya ng tiyempo.
Mahal na niya si Minerva. Handa na siyang magbago upang maging maligaya silang magpapamilya.
"Time will come..." ang tanging nasabi ni Sandro.
Hindi na rin nakasagot si Minerva dahil tumunog na ang kanyang cellphone. Lumabas siya sa kuwarto upang basahin ito.
Lumipas ang mga araw, naging tahimik ang kanilang tahanan. Tanging ang mga iyak at tawa na lang ng mga anak nila ang naririnig. Hindi na dumadakdak si Minerva. Hindi na rin siya nagseselos sa mga bata. Naipangako niya kasi sa sarili na hindi naman maayos ang problema kung dadaldal siya. Naniniwala siyang magiging maligaya siya sa pagbubulag-bulagan, pagbibingi-bingihan at pagpipi-pipihan. Naniniwala siya kay Sandro.
Nagpakasubsob si Sandro sa trabaho upang makaipon siya ng pera. Hangad niyang maiharap sa dambana ang ina ng dalawa niyang anghel. Naniniwala kasi siya sa matrimonya ng kasal. Nais niyang mabasbasan ng Panginoon ang kanilang pagsasama.
Marami na ang nakakaalam ng kaniyang plano, lalo na ang kaniyang mga katrabaho. Kinasabwat niya ang mga ito na maging malihim at huwag magkakamaling magbanggit ng tungkol sa kasal, lalo na sa Facebook.
Habang inihahanda niya ang budget sa simpleng kasal, mini-memorize na rin niya ang marriage vow na bibigkasin niya sa asawa, pagharap nila sa altar. Hindi na siya makapaghintay ng araw na iyon. Gusto na niyang sirain ang pangako niyang ililihim ang kanyang plano, pero kailangan niyang maging tahimik muna, hanggang hindi pa kasado ang lahat. Mas masarap para sa kanya ang may element of surprise. Mas nakakaiyak. Mas memorable.
Nag-overtime nang nag-overtime si Sandro, kaya halos alas-onse ng gabi na siya nakakapagpahinga. Latang-lata man, masaya pa rin niyang binabati ang mga anak. Binabati na rin niya si Minerva.
"Good night, Hon!" Iyan ang sambit niya, sa unang pagkakataon, bago siya nahiga sa tabi ng kanilang panganay na anak.
Tiningnan lamang siya ni Minerva, na hawak pa rin ang cellphone.
Hindi lang isang beses na nagigising si Sandro sa hatinggabi na nakikita niyang wala sa higaan si Minerva. At sa hindi inaasahang pagkakataon, parang hinihila ang mga paa niya sa sala. Naabutan nga niya doon ang asawa na may kausap sa kanyang cellphone. Nang makita siya, biglang humina ang kanyang boses. Nagbanyo siya at pagbalik niya'y nasa higaan na ang asawa. Tahimik. Nakatalikod sa mag-aama.
Muling pumikit si Sandro, pagkatapos pagmasdan ang himbing na himbing na mga bata. Tahimik siyang nag-usal ng dasal. Humingi siya ng senyales mula sa Diyos. Gusto niyang bigyan Niya siya ng palatandaan kung kailan niya aamining mahal na mahal na niya si Minerva at handa na siyang makipag-isang-dibdib sa kanya, na siya namang pangarap ni Minerva, kahit noon pang isa pa lamang ang kanilang supling.
"Lord, sana bukas ay may kasagutan na ang aking pagsusumamo. Hindi ko na po siya kayang paghintayin pa. Maraming salamat po!"
Maaga at masayang bumangon si Sandro. Tulog pa ang dalawang bata, kaya masigla niyang binati si Minerva. Nagulat pa ito dahil napaaga ang kanyang paggising.
Hinapit niya ang balakang ni Minerva, palapit sa kanya at niyakap mula sa likod nito. ''I love you," bulong niya, sabay dampi ng kanyang mga labi sa buhok ng asawa.
Tahimik na nagpatuloy si Minerva sa paghahanda ng kanyang baon.
"Mamaya na 'yan, Hon. Sabayan mo na lang muna akong mag-almusal, bago magising ang mga bata..." ani Sandro. Sa simpleng bagay, gusto na niyang ipadama sa asawa ang kanyang ikinubling damdamin.
"Sandali lang, mag-CR muna ako." Dali-dali siyang tumakbo sa banyo.
Natawa si Sandro. Naisip niyang wrong timing ito.
Maya-maya, narinig niyang tumunog ang cellphone ni Minerva. May tumatawag. Nilapitan niya ito at nakita niyang numero lamang ang rumehistro. Naisip niyang sagutin ito.
"Hello, my love!" Boses ng lalaki ang narinig niya sa kabilang linya.
Tila isang punyal ang tumarak sa kanyang lalamunan. Nabungol rin siya. Tama kaya ang narinig niya? Sinabi ng lalaki na gusto lang niyang mag-I love you, kaya siya tumawag sa ganung oras. Pagkatapos niyon ay ibinaba na niya ang linya.
Nanginginig na ibinalik ni Sandro ang cellphone ng asawa sa dating kinalalagyan. Sa halip na bumalik sa hapag-kainan, sa kuwarto siya tumungo. Sinulayapan niya ang kanilang mga anghel.
"Diyos ko... Ito po ba ang senyales?" Napaupo siya sa paanan ng kanyang mga anak. "Salamat po, Panginoon. Marahil ay kailangang ko ngang manatiling tahimik..." Hinawi niya ang mga buhok ng mga bata, na tumatakip sa kanilang mga mata. “Anak, huwag na huwag mong gagayahin ang iyong ina paglaki mo,’’ bulong niya sa panganay. Hinaplos pa niya ang pisngi nito. At, pinagmasdan niyang muli ang kanyang mga inspirasyon. "Sila na lang po talaga ang nag-uugnay sa amin ni Minerva. Mahal na mahal ko po sila, Panginoon."
"Halika ka na, Hon," yakag ni Minerva. "Almusal na tayo."
Hindi tumingin si Sandro sa asawa. "Sige na, mauna ka na. Maliligo muna ako."
Pumasok nang maaga si Sandro. Sa unang pagkakataon, hindi siya nasilayan ng mga bata, bago siya umalis.
"May problema ba tayo, Sandro?" Text iyan ni Minerva. Hindi siya nag-reply. Nais sana niyang manahimik muna upang hindi siya makapagbitaw ng masakit na salita, ngunit nagtanong pa siya nang nagtanong. Hindi raw siya manghuhula. Sa ikatlong text ng asawa, saka lamang siya nagsalita.
"Alam mo ang sagot sa mga tanong mo. Hindi ko kailangang maging manghuhula. May iba ka nang mahal..." Hindi maitago ni Sandro ang mga luha niya. Mabuti na lang at walang katrabahong nakatingin sa kanya.
Nag-deny si Minerva. Pero, nang hindi na siya nag-reply, tumawag ito. Ilang beses niyang binalewala ang tawag, bago niya sinagot.
"Tapusin na natin ito..." ani Sandro.
"Ayusin natin 'to."
"Hindi na... Ikakasal na ako." Gusto lamang niyang itago ang sakit.
Natigalgal si Minerva, bago niya minura si Sandro. "Sabi ko na nga ba, e!"
"Sabi ko sa'yo, 'di ba? Time will come..."
Naputol na ang linya. Hindi naman maputol-putol ang pagtulo ng mga luha ni Sandro, pagkatapos niyon.
Nang mapagtanto niyang tanggapin na lang ang lahat, sabi niya sa sarili na tama lang na sinabi niyang ikakasal na siya sa iba. Pinaniwalaan naman iyon ni Minerva dahil iyon ang bumulag sa kanya, noon pa. Kaya raw hindi siya mapakasalan ni Sandro dahil may babaeng nais siyang pakasalan. Tama lang pala na pananahimik lamang ang isinagot niya noon sa asawa. Ngayon ay malaya na siya. Malaya na silang pareho. Ngunit, talo ang mga bata.
Ilang oras ang lumipas, nakatanggap ng mensahe si Sandro mula kay Minerva.
"Sasama na ako sa kanya. Isasama ko ang mga bata. Hindi mo na kami makikita sa bahay na ito. Itinakwil na nila ako. Ipakuha mo na lang ang mga gamit mo... Sorry at salamat. Malaya ka na."
Hindi nagkamali si Sandro. Nangalunya nga ang kanyang asawa. Abuti na lamang ay hindi pa niya nasabing mahal na mahal na niya si Minerva. Gayunpaman, hindi pa rin niya lubos maisip na mapuputol ang ugnayan nilang mag-aama. Awang-awa siya sa dalawang anghel nila.
“Lord God, patawad po. Hindi ko po ginustong masira ang pamilya ko. Ngunit, hindi ko na po matatanggap ang asawa ko. Ipinauubaya ko na siya sa iba. Umaasa akong pagdating ng panahon ay pag-uugnayin Mong muli kami ng mga anak ko. Salamat po.”

Pareho na silang malaya, ngunit pareho silang talo. Natupad man nila ang kanilang vow of silence, kapag may alitan, nabigo naman silang masambit ang kanilang marriage vows

Baon sa Puso

 Baon sa Puso     Mga guro’t estudyante, uwian na noon, Sa mga gawain sa umaga ay nagutom Pagkapananghali ay babalik sa hapon.  ...