"Dad, puwede ba akong tumugtog uli sa MusicStram?" tanong ko sa aking ama, habang nagtatayo kami ng Christmas tree. Nasa kusina naman si Mommy, naghuhugas ng mga plato.
Kagyat na tumigil si Daddy sa ginagawa. "Bakit? May pinag-iipunan ka?"
Nag-apuhap ako ng isasagot. "Ayaw ko kasing matingga ang talent ko..." Iyon na lang ang idinahilan ko, kahit ang totoo ay gusto ko talagang mag-ipon ng pamasahe papuntang Aklan. Kahit ayaw ni Riz, tutuloy pa rin ako. I will follow my heart. Siya naman ang nagsabi niyon. Kahit ayaw din akong payagan nina Mommy at Daddy, sisige ako. Alam kong mahihikayat ko pa sila.
"Red... kung hindi mo ikakapahamak, sige. Basta, lagi mo lang tatandaan... delikado ang boss mo."
"Thanks, Dad!" Abot-tainga ang ngiti ko. Halos umayaw na ako sa pagtulong sa kanya sa pagdecorate ng bahay.
Hapon na nang makapag-ensayo akong maggitara at kumanta. Natext ko na noon si Boss Rey. Hindi naman siya tumanggi na tumugtog ako. Dapat daw sinabi ko ahead of time para nai-announce ng dj. May mga nag-aabang daw kasi sa akin. Sa karatula sa labas na lang daw niya ilagagay.
Natuwa naman akong malaman na kahit parang kabute lang akong performer ay hindi pa rin ako nauubusan ng fans. Si Boss Rey naman, hindi niya ako kayang hindian. Minsan, nakakatulong din pala ang katulad niya at ang pagkagusto niya sa akin. Kaya lang, hindi pa rin siya maaaring lumampas doon. Binalaan na siya ni Daddy. Business is business.
Hindi ko na sinabi kay Riz na tutugtog akong muli sa MusicStram. Alam kong mahuhulaan na naman niya ang rason kung bakit.
Bahala na!
"Kahapon lang... hindi kayo magkasundo ng gitara mo," pansing-bati ni Mommy. "Parang inspired ka yata ngayon."
"Opo, Mommy..."
"E, bakit nga ba?"
"Alam mo na po 'yun." Ngumiti na lang ako.
"Hindi nga, e. Ikaw talaga, naglilihim ka na naman..." Kinurot niya ako sa tagiliran.
"Bully ka, Mommy, a..."
Nagtawanan na lang kami. Ayaw ko munang malaman niya na para iyon sa pagbiyahe ko.
No comments:
Post a Comment