Followers

Thursday, May 12, 2016

Time Will Come

"Bye, baby ko," bati ni Sandro sa limang buwang sanggol na karga ng asawang si Minerva. Kasunod niyon ang isang matunog na halik sa pisngi ng anak. Hindi pa siya nasiyahan. Kinuha niya pa mula sa ina upang idikit ang kanyang pisngi sa pisngi ng kanyang anak.
"Sige na! Late ka na naman niyan," pabulyaw na kinuha ni Minerva ang anak sa ama.
"Oo na! Bye, baby! Uuwi ako mamaya nang maaga. Ano'ng pasalubong ang gusto mo?"
Tinalikuran na ni Minerva ang asawa. Napangiti na lang si Sandro. Naisip niya na lang na nagseselos na naman ito.
Nang nasa loob na ang mag-ina, pumalahaw ng iyak ang baby. Hindi malaman ni Minerva kung ano ang gusto o ang nararamdaman ng anak. Kung ano-ano na ang ginawa niya para lang mapatahan ito, hindi pa rin tumigil sa pag-iyak. Naisipan niyang ilabas upang hindi magising ang dalawang taong gulang niyang kapatid. Noon din ay saglit na tumigil sa pag-iyak ang sanggol.
"Hay naku, baby. Kukurutin na talaga kita," nauuyam na biro ng ina. "Nakaalis na ang Daddy mong babaero. Huwag kang magmamana sa kanya, ha?" Tinapik pa ng ina ang ilong ng anak, gamit ang dulo ng hinlalaki niya. Isang matamis na ngiti ang ipinasilay ng bata sa ina. Bumuntong-hininga na lang ang ina.
Kinagabihan, sinalubong ng panganay na si Sandro. Agad itong yumakap at humalik sa ama. Pagkabigay dito ng pasalubong, ang bunso naman ang hinarap. Kiniss niya, na naging dahilan upang magising ito.
"Ayan! Katutulog lang niyan, e," palahaw ni Minerva. Kinurot-kurot pa si Sandro. "Hindi mo ba alam, maghapong nagpasaway 'yang mga anak mo? Hindi na ako makapagpahinga. Hay, naku! Ikaw ang magpatulog niyan!"
Napangiti na lang si Sandro, bago niya kinarga ang sanggol, na hindi naman mukhang nagpasaway. Panay nga ang ngiti nito sa ama.
Habang nilalantakan ng panganay ang kanyang pasalubong, nilalaro naman niya ang bunso. Si Minerva naman ay nasa kusina. Naghahanda ng hapunan, habang pamaya-maya ang pindot sa kanyang cellphone. Nakikita rin ni Sandro na napapangiti ito.
Maya-maya, naglambing at nagpakarga na rin ang kanilang panganay. Masayang-masaya si Sandro sa sandaling iyon. Hindi niya naramdaman ang pagod ng maghapong trabaho at ang inis dahil sa trapiko. Hindi niya rin alintana ang kilig na nararamdaman ng asawa, sa tuwing nagbabasa siya ng text message. Sanay na siya. Nauunawaan niya. Pareho lang naman sila.
Dumadalas ang pagseselos ni Minerva sa kanyang mga anak. Isang Sabado ng gabi, nagkasagutan silang mag-asawa. Tulad ng nakasanayan nila, tahimik silang nag-away sa kuwarto dahil ayaw nilang marinig sila ng mga biyenan ni Sandro. Napagkasunduan nila noon pa, na anumang away nila ay idadaan nila sa tahimik na paraan. Kung ang iba ay hindi natutulog nang hindi nagkakasundo, sila naman ay sanay matulog na katahimikan lang ang namamagitan. Iyan marahil ang bunga ng pakikipisan sa mga magulang o biyenan.
"Ano ba ako sa'yo? Di ba, wala? Mga bata lang naman ang nag-uugnay sa atin, 'di ba?" ungkat ni Minerva.
"Puwede ba, Minerva? Tumahimik ka na lang. Hintayin mo ang araw na matutunan kitang mahalin..."
"Hintayin? Pagputi ng uwak? O baka mauna ka pang mangibang-bahay kaysa mahalin ako?"
Natigilan si Sandro. Nasapol siya sa tinuran ng asawa. Marahil ay alam na ni Minerva na nakikipagkita pa siya sa kanyang dating kasintahan. Subalit, hindi upang pagtaksilan siya, kundi upang tuldukan ang hindi natapos nilang pagmamahalan noon. Nais na niya kasing subukang mahalin ang ina ng dalawa niyang anak--- si Minerva. Gusto niyang sorpresahin ang asawa ng isang proposal. Tahimik niyang inililihim ang kanyang damdamin para sa kanya. Ang totoo, kumukuha lamang siya ng tiyempo.
Mahal na niya si Minerva. Handa na siyang magbago upang maging maligaya silang magpapamilya.
"Time will come..." ang tanging nasabi ni Sandro.
Hindi na rin nakasagot si Minerva dahil tumunog na ang kanyang cellphone. Lumabas siya sa kuwarto upang basahin ito.
Lumipas ang mga araw, naging tahimik ang kanilang tahanan. Tanging ang mga iyak at tawa na lang ng mga anak nila ang naririnig. Hindi na dumadakdak si Minerva. Hindi na rin siya nagseselos sa mga bata. Naipangako niya kasi sa sarili na hindi naman maayos ang problema kung dadaldal siya. Naniniwala siyang magiging maligaya siya sa pagbubulag-bulagan, pagbibingi-bingihan at pagpipi-pipihan. Naniniwala siya kay Sandro.
Nagpakasubsob si Sandro sa trabaho upang makaipon siya ng pera. Hangad niyang maiharap sa dambana ang ina ng dalawa niyang anghel. Naniniwala kasi siya sa matrimonya ng kasal. Nais niyang mabasbasan ng Panginoon ang kanilang pagsasama.
Marami na ang nakakaalam ng kaniyang plano, lalo na ang kaniyang mga katrabaho. Kinasabwat niya ang mga ito na maging malihim at huwag magkakamaling magbanggit ng tungkol sa kasal, lalo na sa Facebook.
Habang inihahanda niya ang budget sa simpleng kasal, mini-memorize na rin niya ang marriage vow na bibigkasin niya sa asawa, pagharap nila sa altar. Hindi na siya makapaghintay ng araw na iyon. Gusto na niyang sirain ang pangako niyang ililihim ang kanyang plano, pero kailangan niyang maging tahimik muna, hanggang hindi pa kasado ang lahat. Mas masarap para sa kanya ang may element of surprise. Mas nakakaiyak. Mas memorable.
Nag-overtime nang nag-overtime si Sandro, kaya halos alas-onse ng gabi na siya nakakapagpahinga. Latang-lata man, masaya pa rin niyang binabati ang mga anak. Binabati na rin niya si Minerva.
"Good night, Hon!" Iyan ang sambit niya, sa unang pagkakataon, bago siya nahiga sa tabi ng kanilang panganay na anak.
Tiningnan lamang siya ni Minerva, na hawak pa rin ang cellphone.
Hindi lang isang beses na nagigising si Sandro sa hatinggabi na nakikita niyang wala sa higaan si Minerva. At sa hindi inaasahang pagkakataon, parang hinihila ang mga paa niya sa sala. Naabutan nga niya doon ang asawa na may kausap sa kanyang cellphone. Nang makita siya, biglang humina ang kanyang boses. Nagbanyo siya at pagbalik niya'y nasa higaan na ang asawa. Tahimik. Nakatalikod sa mag-aama.
Muling pumikit si Sandro, pagkatapos pagmasdan ang himbing na himbing na mga bata. Tahimik siyang nag-usal ng dasal. Humingi siya ng senyales mula sa Diyos. Gusto niyang bigyan Niya siya ng palatandaan kung kailan niya aamining mahal na mahal na niya si Minerva at handa na siyang makipag-isang-dibdib sa kanya, na siya namang pangarap ni Minerva, kahit noon pang isa pa lamang ang kanilang supling.
"Lord, sana bukas ay may kasagutan na ang aking pagsusumamo. Hindi ko na po siya kayang paghintayin pa. Maraming salamat po!"
Maaga at masayang bumangon si Sandro. Tulog pa ang dalawang bata, kaya masigla niyang binati si Minerva. Nagulat pa ito dahil napaaga ang kanyang paggising.
Hinapit niya ang balakang ni Minerva, palapit sa kanya at niyakap mula sa likod nito. ''I love you," bulong niya, sabay dampi ng kanyang mga labi sa buhok ng asawa.
Tahimik na nagpatuloy si Minerva sa paghahanda ng kanyang baon.
"Mamaya na 'yan, Hon. Sabayan mo na lang muna akong mag-almusal, bago magising ang mga bata..." ani Sandro. Sa simpleng bagay, gusto na niyang ipadama sa asawa ang kanyang ikinubling damdamin.
"Sandali lang, mag-CR muna ako." Dali-dali siyang tumakbo sa banyo.
Natawa si Sandro. Naisip niyang wrong timing ito.
Maya-maya, narinig niyang tumunog ang cellphone ni Minerva. May tumatawag. Nilapitan niya ito at nakita niyang numero lamang ang rumehistro. Naisip niyang sagutin ito.
"Hello, my love!" Boses ng lalaki ang narinig niya sa kabilang linya.
Tila isang punyal ang tumarak sa kanyang lalamunan. Nabungol rin siya. Tama kaya ang narinig niya? Sinabi ng lalaki na gusto lang niyang mag-I love you, kaya siya tumawag sa ganung oras. Pagkatapos niyon ay ibinaba na niya ang linya.
Nanginginig na ibinalik ni Sandro ang cellphone ng asawa sa dating kinalalagyan. Sa halip na bumalik sa hapag-kainan, sa kuwarto siya tumungo. Sinulayapan niya ang kanilang mga anghel.
"Diyos ko... Ito po ba ang senyales?" Napaupo siya sa paanan ng kanyang mga anak. "Salamat po, Panginoon. Marahil ay kailangang ko ngang manatiling tahimik..." Hinawi niya ang mga buhok ng mga bata, na tumatakip sa kanilang mga mata. “Anak, huwag na huwag mong gagayahin ang iyong ina paglaki mo,’’ bulong niya sa panganay. Hinaplos pa niya ang pisngi nito. At, pinagmasdan niyang muli ang kanyang mga inspirasyon. "Sila na lang po talaga ang nag-uugnay sa amin ni Minerva. Mahal na mahal ko po sila, Panginoon."
"Halika ka na, Hon," yakag ni Minerva. "Almusal na tayo."
Hindi tumingin si Sandro sa asawa. "Sige na, mauna ka na. Maliligo muna ako."
Pumasok nang maaga si Sandro. Sa unang pagkakataon, hindi siya nasilayan ng mga bata, bago siya umalis.
"May problema ba tayo, Sandro?" Text iyan ni Minerva. Hindi siya nag-reply. Nais sana niyang manahimik muna upang hindi siya makapagbitaw ng masakit na salita, ngunit nagtanong pa siya nang nagtanong. Hindi raw siya manghuhula. Sa ikatlong text ng asawa, saka lamang siya nagsalita.
"Alam mo ang sagot sa mga tanong mo. Hindi ko kailangang maging manghuhula. May iba ka nang mahal..." Hindi maitago ni Sandro ang mga luha niya. Mabuti na lang at walang katrabahong nakatingin sa kanya.
Nag-deny si Minerva. Pero, nang hindi na siya nag-reply, tumawag ito. Ilang beses niyang binalewala ang tawag, bago niya sinagot.
"Tapusin na natin ito..." ani Sandro.
"Ayusin natin 'to."
"Hindi na... Ikakasal na ako." Gusto lamang niyang itago ang sakit.
Natigalgal si Minerva, bago niya minura si Sandro. "Sabi ko na nga ba, e!"
"Sabi ko sa'yo, 'di ba? Time will come..."
Naputol na ang linya. Hindi naman maputol-putol ang pagtulo ng mga luha ni Sandro, pagkatapos niyon.
Nang mapagtanto niyang tanggapin na lang ang lahat, sabi niya sa sarili na tama lang na sinabi niyang ikakasal na siya sa iba. Pinaniwalaan naman iyon ni Minerva dahil iyon ang bumulag sa kanya, noon pa. Kaya raw hindi siya mapakasalan ni Sandro dahil may babaeng nais siyang pakasalan. Tama lang pala na pananahimik lamang ang isinagot niya noon sa asawa. Ngayon ay malaya na siya. Malaya na silang pareho. Ngunit, talo ang mga bata.
Ilang oras ang lumipas, nakatanggap ng mensahe si Sandro mula kay Minerva.
"Sasama na ako sa kanya. Isasama ko ang mga bata. Hindi mo na kami makikita sa bahay na ito. Itinakwil na nila ako. Ipakuha mo na lang ang mga gamit mo... Sorry at salamat. Malaya ka na."
Hindi nagkamali si Sandro. Nangalunya nga ang kanyang asawa. Abuti na lamang ay hindi pa niya nasabing mahal na mahal na niya si Minerva. Gayunpaman, hindi pa rin niya lubos maisip na mapuputol ang ugnayan nilang mag-aama. Awang-awa siya sa dalawang anghel nila.
“Lord God, patawad po. Hindi ko po ginustong masira ang pamilya ko. Ngunit, hindi ko na po matatanggap ang asawa ko. Ipinauubaya ko na siya sa iba. Umaasa akong pagdating ng panahon ay pag-uugnayin Mong muli kami ng mga anak ko. Salamat po.”

Pareho na silang malaya, ngunit pareho silang talo. Natupad man nila ang kanilang vow of silence, kapag may alitan, nabigo naman silang masambit ang kanilang marriage vows

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...