Followers

Friday, May 13, 2016

Ang Tisa ni Maestro 15

Ang dalawang unang buwan ng pamumuno sa amin ng bagong principal ay kahanga-hanga. Masigasig pa ako noon na nakikilahok sa mga programa sa paaralan. Kaya lang, nang pangalawang termino na niya, hindi rin pala siya nalalayo sa mga naunang pinuno. Nagkaroon siya ng mga paboritong guro, na bumubulag sa kanya at sumisipsip ng kanyang matinong kaisipan. Iyon pa naman ang pinakaayaw ko.

Noong una, tinitingala ko siya bilang nanay. Sabi pa nga sa akin, patatabain niya ako. Inasahan ko iyon. Akala ko'y pakakainin niya ako nang pakakainin. Diyusme! Tanging malunggay gelatin at malunggay-green mango shake lang ang ipinatikim niya sa akin. Iyon na ba iyon?

Balewala naman sa akin iyon. Kaya ko namang pakainin ang sarili ko. Ang akin lang ay biglang bumaba ang expectation ko sa kanya.

"Malapit ka kay Mam, a," tudyo sa akin ng kumare kong kalaunan ay makakasulian ko ng kandila.

"Hindi. Ayaw ko ngang inilalapit ang sarili ko sa mga principal. Ayaw kong matawag na sipsip. May pinagagawa lang siya sa akin."

Iyan ang naging tagpo, bago ko tuluyang ilayo ang loob ko sa kanya. Gayunpaman, ginagawa ko ang mga mandato niya at lahat ng nararapat. Nagpatuloy ako sa aking adbokasiya-- ang pagpapalaganap ng katuwiran, dahil ako nga si Makata O.

Hindi naman nag-ugat sa simpleng dahilan ang aking pag-aalsa laban sa administrasyon niya. Nagsimula ito sa ranking ng promotion. Bali-balita na may iaangat, ngunit uunahan pa ang iba. Ibig sabihin, dalawang position ang lalampasan niya, which is wrong and unfair doon sa mga totoong deserving.

Kaka-promote ko lamang noon, kaya wala dapat akong pakialam kung sinuman ang susunod na mapro-promote. Hindi ko lamang kinaya ang katotohanang 'Kung sino pa ang walang ginawa o kakayahan, siya pa ang tataas ang posisyon." Maling-mali. Isang karumal-dumal na gawain. Kawalang-hiyaan.

Umaksiyon ang aking panulat. Tula. Sanaysay. Kuwento. Quotes na patungkol sa promotion at irregularities. Iyan ang mga ipinopost ko sa aking FB. Without mentioning names. Besides, my literary pieces are double meaning. Nakakasugat naman talaga. Nasugatan ang mga puso ng mga makakapal ang mukha. Nagkampi-kampihan sila. Pinag-initan nila ako. I deserve that. Natutuwa ako dahil hindi sila manhid. Natuwa rin ako nang magpatawag ng professional meeting (daw). Iyon pala ay para gisahin ako sa masebong mantika nila.

Tumakbo ang meeting sa mga totoong agenda, pero nang paalis na ang principal, nag-closing remarks siya. Huwag daw magpost nang magpost ng against sa co-teachers dahil nababasa raw iyon ng mundo. Well, hindi ako iyon. Nagpost lang ako ng literary pieces ko at nag-upload ako ng pictures ng promotion guidelines na galing sa DepEd, with caption na nagsasabing dapat iyon ang sundin.

Sa makataong anggulo, makatao ang ginagawa ko. Ngunit para sa mga liko, mali ang akto ko.

Umakyat sa ulo ang dugo ko, kaya nagtaas ako ng kamay upang makapagsalita. Kaya lang, biglang umalis si Pinuno. May dadaluhan daw siyang affair. Hindi niya ako napakinggan.

"Galit ako sa'yo, pare!" bulalas naman ng kumare ko. Sinabi na niya na natamaan siya sa post kong guidelines.

"Bakit mo kasi inaako? Nasasaktan ka tuloy!" sagot ko naman. Boom! Nahuhuli talaga sa bibig ang isda. Siya ang pumutak, kaya siya ang nangitlog.

Siya naman talaga. Good thing, umamin siya. Ambisyosa kasi. Ako ngang masipag, hindi nagmamadaling ma-promote. Siya itong primadonna at wala namang naiiaambag na talento, maliban sa kanyang pagtuturo, siya pa ang mataas ang pangarap. Kawawa ang mga senior na matagal na sa serbisyo, pero mababa pa rin ang posisyon.

Mas marami  ang nakaunawa sa akin. Tama lang daw ang ginawa ko. Para naman kasi sa lahat ang ipinaglalaban ko.

"Ito ang tandaan niyo. Hindi ako magpa-promote ngayong taon, niluluto ko pa ang sarili ko. Alam ko ang kapasidad ko. I'm not in a hurry. May isang salita ako. " Iyan ang iniwan ko sa kanila, bago ako nag-walkout sa meeting.

Simula noon, nabawasan ako ng isang kaibigan. Okay lang. Hindi naman nabawasan ang mabuting pagkatao ko. Nakakalakad pa rin naman ako sa pasilyo na nakataas ang noo at may matalinong tisa pa naman akong nagagamit upang isakatuparan ang aking misyon bilang isang guro. Sumisikip nga lang ang daan, kapag nagkakasalubong kami.

Naging malaking hamon para sa akin ang pagiging si Makata O. Hindi biro ang labang sinusuong ko. Binabangga ko ang administrasyon sa paraang katulad kay Rizal. Nakakadismaya lamang dahil imbes na magkaroon ng pagbabago ay tila yatang lumala pa ang katiwalian. Naisip ko ngang talasan ko pa ang aking panulat upang higit na tumusok sa kanilang kaibuturan. Naging epektibo naman dahil naramdaman ko ang init ng kanilang mga mata at pintig ng kanilang mga maiitim na puso.

Naging matatag ako, sa kabila ng lahat. Hindi ko ipinakitang nagsisisi ako sa pinasok kong adbokasiya. Pinangatawanan ko ito, lalo na't marami ang natutuwa sa aking pagtatanggol sa kanila. Hindi raw kasi nila kaya ang ginagawa ko. Para sa kanila, mas maigi pang maging bulag, pipi, at bingi kaysa maging palaban.

Napatunayan kong ang guro ay hindi lamang tisa ang sandata laban sa kamangmangan. Pinilit kong gumamit ng panulat at literatura upang magpahayag, mangalampag, at magturo. Sinikap kong maging iba kaysa sa ordinaryong maestro.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...