Followers

Tuesday, April 7, 2020

Bakit Nakakaiyak ang Sibuyas?

"Anak, pakihiwa nga nitong sibuyas." Iyan ang tanging utos ni Papa na nagpapaiyak sa akin.

Lalapit pa lang ako sa kanya, umiiyak na ako. Tawa naman nang tawa si Papa.

"O, bakit umiiyak ka na naman? Hindi mo pa nga nababalatan at nahihiwa ang sibuyas, e,' sabi niya.

"E, kasi po nakakaiyak naman po talagang maghiwa niyan."

"Ganoon talaga."

"Bakit po kasi nakakaiyak ang paghihiwa ng sibuyas?"

"Naglalabas kasi ng sulfur ang sibuyas kapag hiniwa natin. Kapag umabot iyon sa ating mata, nagiging sulfuric acid, na nagiging dahilan ng pagluha natin," paliwanag niya.

Naliwanagan naman ako, kaya minsan hindi na ako naiiyak. Inilalayo ko ang sibuyas sa mga mata ko. Minsan, pumipikit pa ako.

Hindi lang ako ang pinaiiyak ni Papa, este ng sibuyas pala.

"Junjun, pakihiwa nga nitong sibuyas," utos ni Papa kay Kuya.

Umiiyak na agad si Kuya Junjun habang palapit siya. Tawa naman kami nang tawa ni Papa.

Minsan, nagtaka ako kay Papa kasi hindi ko siya nakitang umiyak dahil sa sibuyas.

"Papa, may sikreto po ba sa paghiwa ng sibuyas?" tanong ko.

"Meron. Mabuti naman at naitanong mo iyan."

"Paano po?"

Sabi ni Papa, hinihiwa niya raw ang sibuyas habang nakalubog sa tubig. Minsan naman, pinapahiran niya ng suka ang sangkalan.

Epektibo nga! Kaya, simula noon, hindi na ako umiiyak kapag naghihiwa ng sibuyas. Pero, hindi pa rin tumigil si Papa sa pagpapaiyak sa akin.

"Kainin mo iyan! Ang mahal-mahal ng sibuyas ngayon, tapos itatabi mo lang diyan sa plato mo," pagalit niya sa akin.

Tumutulo na ang luha ko habang dahan-dahan kong kukutsarain ang sibuyas sa plato ko.

"Bakit po kasi nilalagyan n'yo pa ng sibuyas ang ulam?" tanong ko.

"Iyan ang isa sa mga nagpapasarap sa lutuin. Kainin mo 'yan. Hindi ka naman mamatay n'yan. Para kang hindi lalaki."

 

Pinilit kong kainin, pero umaagos ang mga luha ko.

"Napakabalat-sibuyas mo naman," natatawang sabi niya.

Pati sina Mama at Kuya Junjun ay pinagtawanan ako. Ang hindi lang tumawa ay si Bunso.

Halos araw-araw akong umiiyak sa hapag-kainan dahil sa sibuyas. Lahat halos ng ulam namin ay may sibuyas. Kapag ang almusal namin ay scrambled eggs, may sibuyas. Kapag ang pananghalian namin ay ginisang monggo, may sibuyas. Kapag ang hapunan namin ay paksiw na isda, may sibuyas.

Minsan, sinubukan kong kumain ng sibuyas para hindi na nila ako pagtawanan. Masarap naman pala ang sibuyas! Hindi ito maanghang, kundi manamis-namis.

"Sabi ko sa 'yo, e!" natutuwang sabi ni Papa. "Hindi ka namatay, 'di ba?"

"Opo!"

"Maraming sustansiya ang naibibigay ng sibuyas," sabi naman ni Mama.

"Tama! Mainam ito para sa ating mga mata, puso, at kasukasuan," dagdag ni Papa.

"Wow! Kakain na po ako palagi ng sibuyas!" bulalas ko. "Huwag lang po ang hilaw."

Tinawanan na naman ako nina Papa, Mama, at Kuya. Pagkatapos, ininggit nila ako sa pagkain ng sibuyas na galing sa sawsawang toyo-kamatis-kalamansi-at-sibuyas.

"Kakain ka rin nito pagdating ng araw," sabi ni Kuya.

Napangiwi na lang ako.

Tuwing nasa hapag-kainan kaming pamilya, tungkol sa sibuyas ang usapan namin. Hindi na nila ako napapaiyak. Nagbibigay na lamang sila ng mga trivia tungkol sa gulay na nagpapaiyak.

"Alam n'yo ba? Ang bansang Tsina ang may pinakamalaking produksiyon ng sibuyas sa buong mundo. Sinundan ito ng India at Amerika," sabi ni Papa.

"Alam n'yo ba? Ang sibuyas ay ginamit na panggamot sa mga sugatang sundalo noong panahon ng digmaan," sabi ni Mama.

"Alam n'yo ba? Nabasa ko sa libro ni Patricia Shcultz, na '1000 Places to Visit Before You Die," na ang New York na may bansag na 'Big Apple' ay dating 'Big Onion," sabi ni Kuya.

"Alam n'yo ba? Ang sibuyas ay kaaway ng mga aso. Pinapababa nito ang dugo nila, na maaaring sanhi ng kanilang anemia," sabi ni Papa.

"Alam n'yo ba? Ang sibuyas ang ikaanim sa pinakasikat na gulay sa buong mundo," sabi ni Mama.

"Alam n'yo ba? Nabasa ko sa Guiness Book of World Records na si Peter Glazebrook ang nakapagtanim ng pinakamalaking sibuyas," sabi ni Kuya.

Hangang-hanga ako sa kanila. Marami akong natutuhan sa kanila tungkol sa sibuyas. Pinaiyak man ako nito, pero tuwang-tuwa ako dahil ngayon ako naman ang magtuturo kung paano maghiwa at kumain ng sibuyas. Natutuwa ako dahil ako naman ang magpapaiyak sa anak ko.

"Anak, pakihiwa nga nitong sibuyas."

 


Monday, April 6, 2020

Ang Pamilyang Masagana

Sa Barangay Dos, may isang pamilyang naninirahan sa munting lupain. Malayo sila sa mga kapitbahay. Maraming pilapil ang tatawirin bago marating ang sentro ng baryo. Ang bahay nila ay isang perpektong halimbawa ang bahay kubo. Agrikultura ang ikinabubuhay nila. Sila ang pamilyang Masagana. Nagtutulungan silang mag-anak sa mga gawaing-bahay, pagtatanim, at paghahayupan. Tinuruan nina Misis Masagana at Mister Masagana ang kanilang mga anak na sina Mameng, Moymoy, Mimi, at Mongmong. Sina Mameng at Moymoy ang tagasalok ng tubig sa balon. Sina Mimi at Mongmong naman ang tagadilig ng mga tanim nilang gulay. Sabay-sabay rin silang mamimitas ng mga gulay, gaya ng talong, okra, sitaw, kalabasa, bataw, patola, upo, sigarilyas, kamatis, labanos, pechay, kangkong, alugbati, malunggay, kulitis, talbos ng kamote, sili, at saluyot. Sama-sama rin silang aani ng mga halamang-ugat, gaya ng mani, ube, gabi, kamote, uraro, at kamoteng kahoy. Minsan, tuwang-tuwa silang nanunungkit o umaakyat sa puno upang kumuha ng mga hinog na bunga nito. Meron silang papaya, mangga, santol, duhat, kalamansi, guyabano, avocado, atis, langka, lanzones, sampalok, kasoy, suha, at rambutan. Meron din silang mga tanim na kawayan sa likod-bahay, kung saan napagkukunan nila ng pambakod at labong. Meron din silang iba't ibang uri ng saging, gaya ng lakatan, saba, at seƱorita. Sa isang bahagi ng kanilang bakuran, mayroon silang munting palaisdaan. May alaga silang hito at tilapia. Tuwing umaga at hapon, pinatutuka nila ang mga manok, itik, pato, gansa, at pabo. Pinasasabsab nila ng damo ang mga kambing, kalabaw, at baka. Pinapakain at pinaliliguan din nila ang mga baboy. Ang pamilyang Masagana ay hindi lang masagana, kundi masaya pa dahil kuntento na sila sa buhay nila nang sama-sama. "Ang dami nitong naani natin. Sobra-sobra ito para sa atin," sabi ni Misis Masagana. "Gaya ng dati, mga anak, ilalako ninyo ang iba sa baryo," sabi naman ni Mister Masagana. "At ipambibili ng asukal at mga sangkap," sabi ni Mameng. "Ng de-lata," sabi ni Moymoy. "Ng bigas," sabi ni Mimi. "At ng iba pa nating kailangan," sabi naman ni Mongmong. "Tama! At ang iba ay pambaon ninyo sa eskuwela!" dagdag ng ina. "O, sige na! Galingan uli ninyo ang pagbebenta," sabi ng ama. Isa-isa niyang binigyan ng bilao ang mga anak. Masayang tumulay-tulay ang magkakapatid sa mga pilapil. Masaya ang mga magulang nila habang pinagmamasdan sila palayo. "Sigurado ako, masasaya na naman silang uuwi mamaya," sabi ni Misis Masagana. "Oo. Sana patuloy tayong masaya at kuntento sa ating munting paraiso," sabi ni Mister Masagana. Sa baryo, sama-samang naglako ang magkakapatid. Marami ang bumili sa kanila dahil bukod sa sariwa ang kanilang mga gulay at prutas, mura pa ang mga ito. Tuwing walang pasok, ang magkakapatid ang naglalako ng mga gulay at prutas sa baryo. Masaya nilang ginagawa ito upang makatulong sa kanilang ina at ama. Subalit, isang araw, malungkot na umuwi sina Mameng, Moymoy, Mimi, at Mongmong. Napansin iyon nina Misis at Mister Masagana. Pagkaabot na pagkaabot ni Mameng ng perang napagbentahan, pumunta na siya kusina. Si Moymoy ay pumunta sa balon. Si Mimi ay nagtungo sa hardin. At si Mongmong ay pinuntahan ang alaga nilang kalabaw. Nagtataka ang mga magulang sa kalungkutan ng mga anak, kaya isa-isa nilang pinuntahan ang mga ito. Kinausap nina Misis Masagana at Mister Masagana sina Mameng, Moymoy, Mimi, at Mongmong. Tinanong nila ang mga ito kung bakit sila malungkot. Iisa ang sagot nila. "Naiinggit po kami sa kanila." Ang ama ang nagtanong kung ano ang kinaiinggitan nila sa mga taga-baryo. "May mga refrigerator po sila," sabi ni Mameng. "May mga gripo po sila," sabi ni Moymoy. "May mga telebisyon po sila," sabi ni Mimi. "May mga sasakyan po sila," sabi naman ni Mongmong. Kinagabihan, muling kinausap ng mag-asawa ang mga anak. "Hindi kayo dapat na nalulungkot dahil wala tayo ng mga bagay na mayroon sila," sabi ng ama. "Pero, gusto po naming may cellphone. Ang mga kaklase ko po, meron. Nakapaglalaro sila roon," sabi ni Mameng. "Wala tayong kuryente, Anak." "Iyon nga po, Papa. Bakit sa baryo, may kuryente ang lahat ng bahay?" "Sige, bibili tayo ng cellphone at magpapakabit tayo ng kuryente," sabi ng ina. "Pero kailangan ninyong sabihin sa amin kung ano-ano ang mga bagay nakapagpapasaya sa inyo dito sa ating tahanan at bakuran." "Ngayon na po ba?" tanong ni Mameng. "Kahit kailan, basta handa na kayo... Sa ngayon, lalabas tayo. Maliwanag ang buwan kaya puwede kayong maglaro," sagot ng ina. Bago naglaro ang magkakapatid, sabay-sabay nilang tiningala ang kalangitan. "Wow, ang ganda po ng kalawakan!" bulalas ni Mongmong. Sumang-ayon naman ang mga kapatid niya. Maya-maya, nagyaya na si Mameng na magtago-taguan, habang ang mga magulang nila ay nakabantay sa kanila at habang nagduduyan sa ilalim ng punong mangga. Naghabol-habulan din ang magkakapatid. Kaya, kahit pagod na pagod sila, masayang-masaya silang nahiga. Nagkuwentuhan pa silang magkakapatid habang nakahiga. Naghuhulaan sila ng mga bugtong. "Mga anak, matulog na tayo. Magsisimba pa tayo bukas." May ngiti ang mga labi na natulog ang mag-anak. Kinabukasan, masayang tumulay-tulay sa mga pilapil ang pamilyang Masagana patungo sa simbahan. Subalit, pagdating sa baryo, hinarang sila ng mga barangay tanod. "Nasa estado po tayo ngayon ng enhanced community quarantine dahil sa kumakalat na sakit na CoViD-19," sabi ni Mang Ernie. "Opo! Pasensiya na po. Pinapayuhan po ang lahat na manatili sa bahay," sabi naman ni Mang Luis. "Sige po. Babalik na po kami," sagot ni Misis Masagana. "Pasensiya na po, hindi po namin alam. Wala po kasi kaming radyo o telebisyon," sabi naman ni Mister Masagana. "Wala pong problema," sagot ni Mang Ernie. "Mag-antabay na lang kayo sa mga tulong na ibibigay ng ating lokal na pamahalaan," payo ni Mang Luis. Nagbigay pa ang dalawang tanod ng mga impormasyon tungkol sa krisis na pinagdadaanan ng mundo. Malungkot na umuwi ang magkakapatid. "Paano na po tayo nito?" tanong ni Mameng. "Hindi tayo dapat mangamba dahil meron tayo, na wala sila," masayang sagot ng ama. Nagtaka ang magkakapatid. Pagdating sa kanilang tahanan, diniskubre nila ang kahulugan ng winika ng kanilang ama. Naghanap din sila ng sagot sa tanong ng kanilang ina. "Mama, Papa, alam na po namin ang meron tayo, wala sila," sabi ni Mameng. Natutuwang nagtinginan ang mga magulang. "Ano ang mga iyon, Anak?" tanong ng ama. "Narito lang po sa bakuran natin ang ating mga pangangailangan," tugon ni Mameng. "May balon po tayong mapagkukunan ng sariwa at malinis na tubig," sabi ni Moymoy. "May mga gulay at prutas tayong mapipitas upang makain. Maaari nating iimbak at ipreserba ang iba," sabi ni Mimi. "May mga alaga po tayong hayop," sabi ni Mongmong. "Tama po! Sagana po tayo sa itlog, gatas, isdang tabang, at karne dahil sa mga alaga nating hayop," dagdag ni Mameng. "At dahil marunong po tayong mag-imbak ng mga pagkain, hindi kaagad masisira at mabubulok ang sobra nating pagkain," dugtong ni Mimi. "Ang huhusay ninyo, mga anak! Tama ang inyong sagot. Nasa bakuran lang natin ang ating pangangailangan," sabi ng ina. "Kaya, hindi tayo dapat mag-alala habang masipag tayo at masayang namumuhay sa ating munting paraiso," dagdag ng ama. "Mama, Papa, hindi na rin po pala kami naiinggit sa kanila kung wala man tayong cellphone, telebisyon, refrigerator, sasakyan, gripo, at kuryente," sabi ni Mameng. "Talaga? Kung ganoon, alam na ninyo ang sagot sa tanong ko?" wika ng ina. "Opo! Pero, hindi na po kami maghahangad ng cellphone dahil ang bakuran natin ay sapat na upang maging masaya kaming magkakapatid." Nayakap ni Mister Masagana ang asawa dahil sa tuwa. "Mas maganda po ang mga laro gaya ng tago-taguan, habulan, piko, tumba-lata, at iba kaysa sa mga laro sa gadget. Malusog na po ang katawan, wala pa pong kasingsaya," sabi pa ni Mameng. Hindi na po ako magpapabili ng telebisyon kasi po ang ating bakuran, ang kalawakan, at ang ating pamilya ay magagandang tanawin," sabi ni Mimi. Naluha sa tuwa ang mag-asawa. Hindi na rin po ako maghahangad ng refrigerator dahil ang ating bakuran ay isa nang malaking imbakan ng pagkain," sabi ni Mameng. "Tama ka!" sang-ayon ni Misis Masagana. "Hindi na rin po maghahangad ng gripo kasi po mayroon naman po tayong balon kung saan tayo puwedeng maligo ay uminom," sabi ni Moymoy. "Libre pa," dagdag ng ama. "Hindi na rin po ako naiinggit sa mga sasakyan nila kasi po may kalabaw po tayo na puwede nating sakyan," sabi ni Mongmong. Nagtawanan ang pamilyang Masagana. Sa mga sandaling iyon, alam nilang mas mapalad sila kaysa sa iba nilang kababaryo. Nagpatuloy ang pagkalat ng pandemiko. Marami ang nahirapan. Marami-rami ang naging positibo. May ilang mga namayapa. Mayroon din namang mga gumaling. Ngunit ang pamumuhay ng pamilyang Masagana ay nanatiling masaya at masagana. Hindi halos nila ramdam ang epekto ng sakit na nagpahirap sa loob at labas ng bansa.

Sunday, April 5, 2020

Tomboy ba si Ma'am?

Mahilig magmasid si Jayboy. Mahilig rin siyang magtanong.

Sa bintana, pinagmasdan ni Jayboy ang lineman. Bago ito matapos sa ginawa, lumabas siya upang kausapin.

"Manong, ang galing mo pong umakyat! Para kang si Ma'am. Magaling po siyang umakyat sa puno," sabi ni Jayboy.

"Ha? Nakita mo ba kung paanong umakyat ng puno ang titser mo?"

"Opo! May puno po kasi ng mangga sa iskul. Tomboy ba si Ma'am?"

Natawa ang lineman. "Hindi. Babae at lalaki ay puwedeng umakyat ng puno."

Nagkibit-balikat na lang si Jayboy.

Maya-maya, narinig niya ang ingay, kaya pinuntahan niya. Naabutan niyang inaawat ng mga barangay tanod ang mga nag-aaway niyang kaibigan na sina Ambet at Alex.

"Magbati na kayo," utos ni Mang Nestor.

Nagbati naman ang dalawa.

"Sige na, uwi na kayong dalawa," utos naman ni Mang Rene.

Agad namang nagsitakbuhan ang dalawang batang pinagbati pauwi sa kani-kanilang bahay. Saka lumapit si Jayboy sa dalawang barangay tanod.

"Ang husay po ninyong mag-awat!" sabi ni Jayboy. "Napagbati rin po ninyo kaagad."

"Salamat!" magkasabay na sagot ng dalawa.

"Ganyan na ganyan po si Ma'am. Tomboy ba siya?"

Tumawa ang dalawang tanod.

"Hindi," sabi ni Mang Nestor.

"Trabaho talaga iyon ng titser," sabi naman ni Mang Rene.

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

"Papa, ang galing! Naayos po ninyo ang electric fan," bulalas ni Jayboy.

Nginitian siya ng kanyang ama.

"Ganyan po si Ma'am. Siya po ang nag-aayos ng mga electric fan sa classroom. Tomboy po ba si Ma'am?"

Natawa ang ama. "Hindi. Marunong lang talaga siyang mag-ayos. Napag-aaralan naman ito, e."

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

"Jayboy, halika, sama ka sa akin sa palengke. Ipapaayos ko itong sapatos ko," yaya ni Tito Domeng.

"Sige po!"

Sumakay sila sa traysikel.

"Manong, ang galing n'yo pong magmaneho. Maingat po kayo."

"Salamat!" sagot ng drayber ng traysikel.

"Para po kayong si Ma'am. Ang galing din po niyang magmaneho ng motorsiklo. Tomboy po ba siya?"

Natawa ang drayber. "Hindi. May mga babae talagang nagmamaneho kasi kailangan nila."

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

Sa palengke, pinagmasdan ni Jayboy ang sapatero.

"Ang husay po ninyo!" sabi ni Jayboy sa lolo, na nagpapakintab ng sapatos.

"Oo, Apo. Napaaral ko ang mga anak ko dahil sa pagiging sapatero," sagot ng lolo.

"Ang galing din po ng titser ko, katulad mo. Siya po ang nag-ayos ng sapatos ng kaklase ko noong masira ang suwelas niyon. Tomboy po ba si Ma'am?"

Natawa ang lolo. "Hindi. Nais lang talagang makatulong ang guro mo."

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

"Jayboy, dito ka muna, ha? Bibili lang ako ng pako."

"Sige po, Tito."

Habang naghihintay, pinagmasdan ni Jayboy ang isang kargador ng gulay.

Nang matapos magkarga ang lalaki, kinausap niya ito.

"Ang tibay po ng mga braso ninyo, Kuya!" papuri ni Jayboy.

"Kailangang kumayod para sa pamilya," nakangiting sagot ng kargador.

"Katulad ka po ni Ma'am. Kaya po niyang buhatin ang mga upuan at mga mesa. Tomboy ba siya?"

Natawa ang kargador. "Hindi. May mga babae naman talagang kasinglakas ng mga lalaki."

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

Paglingon niya, nakita naman niya ang street sweeper. Pinagmasdan niya muna ito bago nilapitan.

"Manong, ang sipag naman po ninyo!" sabi niya sa matandang lalaki.

Nginitian siya nito.

"Masipag rin po si Ma'am. Siya po ang nagwawalis sa silid-aralan namin pagkatapos ng klase. Siya rin po ang nagtatapon ng basura."

"Hindi ninyo tinutulungan?"

"Tinutulungan po. Pero, mas gusto niyang siya ang naglilinis. Tomboy po ba siya?"

Natawa ang tagalinis ng kalsada. "Hindi. Masipag lang talaga siya at malinis sa paligid.

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

"Halika ka, Jayboy. Uwi na tayo," yaya ni Tito Domeng.

Sa bahay ni Tito Domeng, pinagmasdan ni Jayboy ang karpintero at tubero.

"Ang galing po ninyong magpako," sabi niya sa karpintero. "Katulad ka po ni Ma'am. Siya po ang nagkukumpuni ng mga upuan, mesa, at kabinet sa silid-aralan namin. Tomboy po ba siya?"

Natawa ng karpintero. "Hindi. Gusto lang siguro niyang makatipid sa pambayad sa karpintero."

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

Kinausap naman ni Jayboy ang tubero.

"Ang galing po ninyong tubero. Katulad ka po ni Ma'am."

"Talaga?" sabi ng tubero. "Paano mo nasabi?"

"Siya po kasi ang nag-aayos ng mga tubo sa lababo namin sa classrooom. Tomboy po ba siya?"

Natawa ang tubero. "Hindi. Madali lang maging tubero kapag gusto mong gawin ito."

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

"Tito Domeng, uwi na po ako. Salamat po sa pagsama sa akin sa palengke!" paalam ni Jayboy.

"Salamat din! Ingat ka sa pag-uwi."

Sa daan, nakita ni Jayboy ang hardinero. Mapahanga siya sa ganda ng mga alaga nitong halaman.

"Wow! Ang galing po ninyong harsienro. Ang gaganda ng mga bulaklak," bulalas ni Jayboy.

Napalingon ang hardinero at nagpasalamat.

"Naalala ko tuloy ang hardin ni Ma'am. Mahusay din po siyang mag-alaga ng mga halaman. Tomboy po ba siya?"

Natawa ang hardinero. "Hindi. Ang paghahardin ay para sa lahat kasarian--babae at lalaki.

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

Lumakad na si Jayboy. Pero, sa di-kalayuan, napahinto na naman siya upang pagmasdan ang magsasaka. Nagdidilig ito ng mga tanim na gulay.

"Ang tataba naman po ng gulay ninyo!" bati ni Jayboy.

"Salamat!"

"Para po kayo si Ma'am. Mahilig din po siyang magtanim ng mga gulay. Tomboy po ba siya?"

Natawa ang magsasaka. "Hindi. Ang pagtatanim ng gulay ay dapat ginagawa ng bawat tao para mayroon tayong dagdag na kabuhayan."

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

"Makauwi na nga. Baka hinahanap na ako sa bahay."

Pagdating niya sa kanilang bahay, nakita siya ng kanyang ate.

"Jayboy, patulong naman, o," pakiusap ng kanyang ate.

"Ano po ang gagawin natin?"

"Iuurong natin itong kabinet para malinisan ko ang likod. Ang bigat kasi, e."

Nagawa naman nilang dalawa, pero hirap na hirap sila.

"Alam mo, Ate, si Ma'am, kayang-kaya niyang iurong ang mga kabinet niya sa silid-aralan namin. Tomboy ba siya?"

Natawa si Ate Joylyn. "Hindi. Malakas lang talaga siya."

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

Nang hindi makuntento, pinuntahan ni Jayboy sa kusina ang kanyang ina.

"Mama, alam mo po ba? Nagpagupit si Ma'am noong isang araw," sabi ni Jayboy.

"Lalo ba siyang gumanda?" nakangiting tanong ng ina.

Napakunot ang noo ni Jayboy. "Maikli po... Panlalaking gupit. Kanino kaya siya nagpagupit-- sa barbero o sa parlorista?"

"Hindi na mahalaga iyon."

"Tomboy po ba siya?" tanong uli ni Jayboy.

Natawa ang ina. "Hindi siya tomboy. Gusto niya ang maikling buhok dahil baka naiinitan siya. Isa pa, hindi ang buhok ang basehan ng kasarian ng tao."

Nagkibit-balikat lang si Jayboy.

Kinalunesan, titig na titig si Jayboy sa kanyang guro. Naniniwala talaga siyang tomboy ito, kaya bago matapos ang klase, nilapitan niya ito.

"Ma'am, may itatanong po ako sa inyo.. Huwag po kayong magagalit, ha?" sabi ni Jayboy.

"Sige. Ano ba iyon?" sabi ng guro.

"Napansin ko po kasi na magaling po kayo sa mga gawaing panlalaki. Magaling po kayong umakyat sa puno, magbuhat, magtanim, magkumpuni, at iba pa. Para po kayong lineman, tanod, electrician, drayber, sapatero, kargador, sweet sweeper, karpintero, tubero, hardinero, at magsasaka. Ang sipag po ninyo.

Tumigil si Jayboy sa pagsasalita. Naghihintay naman ang kanyang guro sa tanong.

"Ngayon naman po, panlalaki po ang gupit ninyo."

"Ano ang tanong mo?"

"Tomboy ka po ba?"

Natawa ang guro. "Hindi ako tomboy. Ang gupit na ito ay puwede sa lalaki at babae. Ang mga gawaing at kakayahan namang panlalaki ay nakuha ko sa mga kapatid at ama ko. Ako lang kasi ang nag-iisa anak na babae ng mga magulang ko. Anim na kuya ang mayroon ako, kaya napagmasdan ko ang mga ginagawa nila. Kaya nang naging guro ako, ginaya ko sila. Isa pa, mas maganda ang maraming kakayahan. Nakatitipid ka. Nakatutulong pa."

"Ay, sorry po, Ma'am. Hindi po pala kayo tomboy."

"At ano naman kung tomboy ako? May masama ba sa pagiging tomboy?

"Wala po. Basta po hindi po nakasasakit ng kapwa."

"Tama ka, Jayboy!"

"Sorry po talaga. Sana po huwag kayong magalit sa akin," nahihiyang sabi ni Jayboy.

"Sige... pero ipangako mong hindi ka na magiging mapanghusga sa kapwa."

"Opo. Pangako po. Hindi na po ako manghuhusga ng kapwa."

"Mabuti kung ganoon... Pinatatawad na kita "

"Salamat po!"

Dahil sa nangyari, iniwasan na ni Jayboy ang panghuhusga. Pero, patuloy pa rin siya sa pagiging mapagmasid at palatanong. Pinipili rin niya ang mga dapat paniwalaan.

Wednesday, April 1, 2020

Ayaw Kong Matulog

Ayaw na ayaw ko talaga ang matulog sa hapon. Hindi ko alam kung bakit nila ako pinatutulog. Mas gusto ko pang maglaro at gawin ang mga gusto ko.

Noong Lunes, si Lolo Ambo ang kumatok sa pinto ng kuwarto ko. 

"Bonbon, matulog ka na," sabi niya sa akin. 

"Opo!" Nahiga ako at nagkunwaring natutulog.

Nang lumabas siya sa aking kuwarto, bumangon uli ako. Kinuha ko ang coloring book at nagkulay ako.

Nagkulay ako ng isda, paruparo, at kastilyo.

Noong Martes, si Lola Selya ang pumasok sa kuwarto ko.

"Bonbon, matulog ka na," sabi niya sa akin.

"Opo!" Nahiga ako at nagkunwaring natutulog. 

Nang lumabas siya sa aking kuwarto, bumangon uli ako. Kinuha ko ang drawing book at gumuhit ako. 

Gumuhit ako ng bahay, hardin, at dalampasigan.

Noong Miyerkoles, si Ate Dangdang ang kumatok sa pinto ng kuwarto ko.

"Bonbon, matulog ka na," sabi niya sa akin.

"Opo!" Nahiga ako at nagkunwaring natutulog.

Nang lumabas siya sa aking kuwarto, bumangon uli ako. Kumuha ako ng bond paper, ruler, at lapis at gumawa ako ng komiks. 

Ang kuwento ni 'Mang Pinting' ang ginawa kong komiks.

Noong Huwebes, si Kuya Dondon ang pumasok sa kuwarto ko.

"Bonbon, matulog ka na," sabi niya sa akin.

"Opo!" Nahiga ako at nagkunwaring natutulog.

Nang lumabas siya sa aking kuwarto, bumangon uli ako. Kumuha ako ng papel at ballpen at nagsulat ako ng maikling kuwento. 

Isinulat ko ang kuwento ni --------

Noong Biyernes, si Papa ang kumatok sa pinto ng kuwarto ko.

"Bonbon, matulog ka na," sabi niya sa akin.

"Opo!" Nahiga ako at nagkunwaring natutulog.

Nang lumabas siya sa aking kuwarto, bumangon uli ako. Kumuha ako ng canvas, paint brush, at mga pintura at nagpinta ako.

Nagpinta ako ng talon sa gitna ng gubat.


Noong Sabado, si Mama ang pumasok sa kuwarto ko.

"Bonbon, matulog ka na," sabi niya sa akin.

"Opo!" Nahiga ako at nagkunwaring natutulog.

Nang lumabas siya sa aking kuwarto, bumangon uli ako. Kumuha ako ng mga libro  at nagbasa ako nang nagbasa.

Nabasa ko ang mga kuwentong 'Gaano Kalayo Patungong Paaralan?,' 'Sandosenang Kuya,' at 'Kayang-kaya Ko nang Maging Kuya.'

Noong Linggo, lahat sila ay pumasok sa kuwarto ko. Ginising nila ako. 

Lahat sila ay nakabihis na para magsimba. 

"Akala namin, nakabihis ka na," sabi ni Mama.

"Magsisimba tayo, `di ba?" sabi naman ni Papa.

"Alas-tres na. Bangon na! Mahuhuli tayo sa misa," sabi ni Kuya.

"Sasama ka ba o magpapaiwan ka na lang?" tanong ni Ate Dangdang.

"Isama natin siya. Buong pamilya tayong magsisimba," wika ni Lolo Ambo.

"E, paano iyan? Parang ayaw niyang sumama," sabi naman ni Lola Selya.

Hindi ko sila maintindihan. Kung kailan gusto kong matulog, saka naman nila ako pinababangon.

"Ayaw ko pong sumama," sabi ko.

Hindi nila ako napilit. Sabi ko para akong may sakit. 

"Sige. Matulog ka pa. Babalik agad kami pagkatapos ng misa," sabi ni Mama. 

Nang umalis sila, hindi naman ako nakatulog pa. Kaya, bumangon na lang ako at nag-isip ng gagawin ko habang wala sila. 

Ilang minuto ang lumipas, bumalikwas ako upang gawin ang nasa isip ko.

Bago sila dumating, tapos ko na proyekto sa aking kuwarto. 

Kinagabihan, habang naghahapunan kami, may napansin sila sa akin.

"Bonbon, parang wala kang ganang kumain," sabi ni Lolo Ambo.

"Inaantok na siya," sabi ni Lola Selya. 

"Hindi ka naman yata natulog kanina," sabi ni Papa.

"Naglaro lang siguro siya," sabi ni Mama.

"Ilang araw na siyang ganyan, Mama," sabi ni Kuya.

"Oo nga po... Nagkukunwari lang siyang tulog. Ilang araw ko na siyang naririnig sa kabilang kuwarto. May ginagawa po siya," sumbong ni Ate Dangdang. 

"Naku, Bonbon! Bakit ayaw mo kaming sundin? Bakit napakahirap sa `yo ang matulog o umidlip man lang?" sermon ni Mama.

"Kapag nagkaedad ka na, hahanap-hanapin mo ang tulog. Kukulangin ka na ng oras ng pagtulog," dagdag pa ni Papa.

"Ano ba ang ginagawa mo habang kami ay natutulog?" tanong ni Lolo Ambo.

Mangiyak-ngiyak na ako kasi lahat sila ay nakatingin sa akin. 

"Hindi kami magagalit kapag magsabi ka ng totoo," sabi ni Papa.

"Bakit ayaw mong matulog?" untag ni Mama.

"Kasi po... kasi po... sa mga oras po ng pagtulog ninyo sa hapon, iyon po ang oras ng paggawa ko ng mga gusto kong gawin," paliwanag ko.

Nagtinginan sila. Parang hindi sila naniniwala. 

"Ano? Linawin mo nga, Bonbon?" sabi ni Kuya Dondon.

"Sa kuwarto ko po ipapaliwanag," nakayuko kong sabi. 

Sumunod sila sa akin. Ipinakita ko sa kanila ang kuwarto ko.

Nagtinginan sila. Lahat sila ay namangha.

"Ito po ang ginawa ko kanina. Naglinis po ako," sabi ko.

Hindi pa rin sila makapaniwala sa kanilang nakikita. 

"Artroom?" tanong ni Lolo.

"Study room," sabi ni Lola.

"Library?" tanong ni Ate.

"Reading room," sagot ni Kuya.

"Wow, ang galing mo, Bonbon!" bulalas ni Mama.

"Oo nga, Anak! Bakit hindi mo agad sinabi sa amin?" sabi naman ni Papa.

"Kasi po baka magalit kayo sa akin," nahihiya kong sagot.

"Simula ngayon, hindi na kami magagalit sa `yo kung ayaw mong matulog," sabi ni Lolo Ambo.

"Basta huwag ka lang magkalabog nang magkalabog," dagdag ni Lola Selya.

Tiningnan pa nila ang mga gawa ko. Pagkatapos, kinurot-kurot nila ang pisngi ko. Ang galing-galing ko raw kasi. 


Saturday, March 28, 2020

Agot Maramot

"Ang damot mo naman!" Iyan ang madalas na sinasabi kay Agot kapag may nanghihiram o may nanghihingi sa kanya.

Sa eskuwela, kilala siya bilang si Agot Maramot.

"Pahiram naman ng lapis," sabi ni Maris."

"Ayaw ko nga. Dapat hindi ka burara."

"Andami mo namang lapis, e."

"Kahit na." Itinago na ni Agot ang ibang lapis niya.

"Ang damot mo talaga, Agot. Maramot!"

"Agot, puwede ko bang mahiram ang pantasa mo?" tanong ni Hero.

"Ayoko! Bumili ka kasi ng sa `yo!" singhal niya.

"Ang damot mo talaga, Agot. Maramot!"

"Pahiram naman ng pambura," sabi ni Dessa.

"Ayaw ko nga! Ulitin mo na lang kaya."

"Sandali lang naman."

"Istorbo ka lang!" singhal niya.

"Ang damot mo, Agot!"

"Pahingi naman ng isang papel," bulong ni Noel.

"Bakit? May pinatago ka bang papel sa akin?"

"Kaya nga nanghihingi ako. Babayaran ko na lang bukas."

"Binili ito ng nanay ko, kaya tumigil ka."

"Napakaramot mo talaga."

"Pahiram naman ng gunting," sabi ni Quintin.

"Ginagamit ko, `di ba?"

"Sandali lang."

"Ayaw ko. Baka hindi mo pa isauli."

"Ang damot-damot mo naman!"

"Puwede ba akong makigamit ng pangkulay mo?" tanong ni Nicolai.

"Hindi puwede! Magpabili ka kasi sa nanay mo."

"Ang damot mo na nga, ang taray mo pa!"

"Pahiram naman ng ruler," sabi ni Jester.

"Wala! Wala akong ruler!"

"Nakita kita kanina, gumamit ka."

"E, ano'ng pakialam mo?"

"Wala naman, Agot Maramot!"

Kahit sa mga kapatid niya, maramot si Agot.
Walang sinuman ang nakagagamit ng mga gamit niya. Hindi rin siya namimigay ng mga bagay o pagkaing meron siya.

"Ate Agot, hingi ako... kendi," sabi ng kapatid niyang bunso.

Agad niyang itinago ang kendi, na gusto sana niyang kainin.

"Wala... Walang kendi, Aga. Wala!"

"Tinago mo." Hinanap pa ng kapatid ang kendi sa bulsa ng ate niya.

"Wala nga!" singhal niya. Tinabig pa niya ang kamay ni Aga, saka tumakbo palayo. Hinayaan niyang umiyak ang kapatid niya.

"Agot, pahingi nga ng isang goma. Ipantatali ko lang sa buhok ko," sabi ng ate niya.

"Ayaw ko, Ate Aiko. Magkukulang na ito kapag binawasan ko. Nakabuhol na, o."

"Ang damot mo!"

"Pahiram naman ng diksyunaryo mo. May titingnan lang ako," sabi ni Kuya Arjo.

"Ano bang salita ang titingnan mo? Ako na ang maghahanap para sa `yo?"

"Basta! Ako na lang ang maghahanap. Pahiram na."

"Kay Ate Aiko ka na lang manghiram. Gagamitin ko rin, e."

"Hay, naku! Ganyan ka talaga karamot!"

Ang masama pa, pati ang kanyang ina at ama ay pinagdadamutan niya.

"Agot, manood naman tayo ng balita," sabi ng ama.

"Huwag na po, Pa. Nanonood pa ako ng palabas na pambata."

"Kanina ka pa naman nanonood, e. Ako, kararating ko lang."

"Kahit na po. Nauna naman po ako rito."

Napangiwi na lang ang ama.

"Anak, hiramin ko muna ang ipon mo. Ipambabayad muna natin sa kuryente," sabi ng ina.

Kumawag-kawag si Agot, saka sumimangot.

"Ipon ko nga po iyon, e," sabi niya.

"Ibabalik ko naman agad."

"Ayaw ko, 'Ma."

Walang nagawa ang ina.

Kung nagagawa ngang pagdamutan ni Agot ang mga kapatid at mga magulang, kayang-kaya niyang gawin ito sa hindi niya kilala.

Isang umaga, nakasalubong niya ang babaeng matanda.

"Bata, pahingi naman ng barya. Ipandadagdag ko lang sa pambili ko ng tinapay," sabi ng lola.

"Hay, naku! Hindi nga kita kilala! Kadiri ka!"

"Hindi ka lang maramot, mapangmata ka pa! Sana makatanggap ka ng parusa."

Ginaya-gaya pa niya ang akto ng matanda., saka lumayo na siya.

Sa klase, nagturo na ang gurong tagapayo. Matamang nakikinig si Agot at ang mga kaklase niya.

"Ang aralin natin ngayon sa GMRC ay pagiging mapagbigay. Ikaw, Agot, masasabi mo bang mapagbigay ka?"

Nagdadalawang-isip na tumayo si Agot.

"Opo!" sagot ni Agot. Agad din siyang umupo.

Pinagtawanan siya ng mga kaklase.

"Sinungaling po siya, Ma'am! Hindi po siya mapagbigay. Maramot po siya," sabi ni Mara.

"Opo, Ma'am!" sang-ayon ng karamihan.

"Agot Maramot!" sigaw ng lahat. "Agot Maramot!"

"Tumigil kayo!" sigaw ng guro.

Nagpaalam si Agot na lalabas ng silid-aralan. Pinayagan naman siya ng guro. Pero, hindi siya agad na bumalik.

Pagbalik niya, may ginagawa na ang mga kaklase niya.

"Noel, anong gagawin?" tanong niya.

"Ewan ko! Kay Ma'am ka magtanong."

Nagmasid siya. May idodrowing lang pala.

"Ang dadamot niyo rin. Akala niyo hindi ko kayang gawin?" bulong niya.

Hinanap niya ang kanyang bag sa ilalim ng upuan niya at sa ilalim ng upuan ng kanyang katabi.

Gusto na niyang magsumbong sa guro, nang maaalala niyang nakalimutan pala niya. Kaya, nanghiram at nanghingi siya ng mga kagamitan sa mga kaklase niya.

"Maris, pahiram ng lapis."

"Jester, pahingi ng bond paper."

"Quintin, pahiram ng gunting."

"Nicolai, pahiram ng pangkulay."

Lahat hiningian at hiniraman niya, pero pare-pareho ang sagot nila.

"Ayaw ko!"

Walang naipasang slogan si Agot, kaya wala siyang maisagot.

"Sorry po, Ma'am. Hindi na po mauulit," sabi niya.

"Okay! Narito ang pinakamagandang slogan. Babasahin ko. Gawa ito ni Mara... Ang pagiging maramot ay tulad ng sakit na walang gamot... Palakpakan natin si Mara!"

Nabingi si Agot sa palakpakan. Lalo siyang nainis sa kanyang mga kamag-aral. Pati tuloy ang kanyang guro ay hindi na niya pinakinggan.

"Maliwanag ba?"

"Opo!" sagot ng lahat, maliban sa kanya.

Mabilis na lumabas si Agot nang uwian na. Gusto niyang iwasan ang mga kaklase niya. Pero, hindi niya alam, sinundan pala siya ni Mara.

"Bakit mo ako sinusundan, Mara?" singhal niya.

"Gusto ko lang sanang sabihin sa `yo na nagbigay ng takdang-aralin si Ma'am."

"Ha? Meron ba? Ano ba ang takda?"

"Heto, o. Isinulat ko na." Inabot ni Mara kay Agot ang isang papel, saka tumakbo na siya.

Pag-uwi ni Agot, nakita niya ang ina na nakasimangot. Gusto sana niyang humingi ng pera upang mabili niya ang mga materyales na nakalista.

Naisip niya ang mga ate at kuya niya.

Hihingi na lang siya ng mga kagamitan kay Ate Aiko.

Magpapaturo na lang siyang gumawa ng diorama kay Kuya Arjo.

At hihingi na lang siya sa kanyang ama ng pambili ng iba pang kakailanganin.

Nang nilapitan niya isa-isa, iisa ang sabi nila. 

"Hindi ba pinagdamutan mo rin kami?"

Walang nasabi si Agot. Tumalikod na lang siya nang malungkot.

Sinundan naman siya ng ina.

"Anak, halika... Huwag ka nang malungkot."

Saka lang tumulo ang luha ni Agot nang humarap na siya sa ina. 

"Hindi maganda ang karamutan, Agot. Kaya sana, maging mapagbigay ka na sa kapwa at sa amin," payo ng ina.

"Mama, wala na po bang gamot ang pagiging maramot?"

Natawa muna ang ina. "Walang gamot, pero puwede kang magbago. Isipin mo na lang na kapag nagbigay ka ay nalulugod sa iyo ang Diyos. Sabi nga, mas mapalad ang nagbibigay kaysa humihingi."

"Opo, 'Ma." 

Niyakap siya ng ina. 

Simula noon, binawasan na ni Agot ang pagiging maramot. At hindi nagtagal, wala nang tumatawag sa kanya ng 'Agot Maramot.'


Darating na si Lolo Victor

Tuwing darating si Lolo Victor para magbakasyon, masayang-masaya ako. Masaya ako kapag kasama ko siya dahil marami akong natututuhan sa kanya.

Kapag may ubo siya o ako, gumagaling kaagad.

"Apo, nasa tahanan lang natin ang lunas sa ubo," sabi ni Lolo Victor.

"Talaga po?" Manghang-mangha ako.

Namitas kami ng dahon ng oregano at dahon ng ampalaya. Kumuha rin kami ng kalamansi at luya. Pagkatapos, tinuruan niya ako sa paghahanda.

"Ang katas ng dahon ng ampalaya o oregano, kapag nilagyan ng pulut-gata at kalamansi ay mainam para sa ubo," paliwanag niya. "Ang pinakuluang luya ay tinatawag na salabat. Nakalulunas din ito sa ubo."

"Puwede rin po bang lagyan ng asukal o pulut-gata ang salabat?" tanong ko.

"Puwede."

Ang galing talaga ni Lolo Victor. Alam niya ang gagawin kapag may sakit siya. Kay sarap tuloy maging nars niya.

Kapag may lagnat siya, alam ko na kaagad ang aking ihahanda.

"Lolo, narito na po ang palangganitang may tubig at bimpo," sabi ko.

"Sige na, Nars, i-cold compress mo na ako," natatawang sabi niya.

Binasa ko kaagad ang bimpo at pinigaan. Pagkatapos, ipinatong ko na iyon sa noo ni Lolo Victor upang humupa ang lagnat niya.

Pagkatapos, pinakain ko siya ng mainit na sopas, na niluto ni Mama.

"Ang galing na nars ng apo ko!" sabi niya sa akin nang gumaling siya.

Masayang-masaya rin ako kapag nagkukuwento siya.

"Alam mo ba, Kobi, na simula noong tinigilan ko ang paninigarilyo, gumanda na ang paghinga ko. Kaya ikaw, huwag na huwag mong susubukan iyon, ha?"

"Naku, hindi po talaga, lalo ngayong alam ko na."

Pero noong nahirapan siyang huminga, inakala kong naninigarilyo na naman siya.

"Naku, hindi ako nanigarilyo, Kobi. Talagang nahihirapan akong huminga ngayon. Maaari mo ba akong tulungan?" sabi ni Lolo Victor.

"Sige po. Masaya pong maging doktor!"

Ipinagtimpla ko siya ng mainit na kape.

Habang iniinom niya iyon, binuksan ko ang mga bintana at pinaypayan ko siya.

"Bumuti-buti na ako, Kobi!"

"Nakabubuti po pala talaga ang kape!"

"Isa pang paraan ay ang paglalakad-lakad. Halika, samahan mo akong maglakad-lakad."

"Sige po... Ako po ang inyong magiging therapist."

Habang naglalakad-lakad kami, tinuro niya rin sa akin ang diaphragmatic breathing.

Pinayuhan niya pa ako. "Maaari mo ring gawin ang steam inhalation. Pagpapasingaw ito, na gumagamit ang mainit na tubig at asin. Dahil makabago na ang mga teknolohiya natin ngayon, may nabibili na ring 'nebulizer.'

Matalino talaga si Lolo Victor, kaya hindi ako naiinip kapag kausap siya. Siya na rin ang madalas kung kalaro kapag nagbabakasyon siya sa amin.

Pero, isang araw, napagod yata siya nang husto sa aming paglalaro.

"Sorry po, Lolo." Nalungkot ako.

Nginitian niya ako. "Saging lang ang katapat nito."

"Talaga po?"

Tumango si Lolo. "Kailangan ko ring magbawas ng timbang at matulog nang walong oras o mahigit. Halika, kain tayo."

Kumain kami ni Lolo Victor ng saging at iba pang mga pagkaing nakita namin sa refrigerator. Sabi niya, kumain lang daw nang madalas kapag nakakaranas ng pagkahapo.

"At siyempre, uminom ng maraming-maraming-maraming tubig," dagdag pa niya.

"Water therapy!"

"Yes! Tama ka. Ang galing-galing mo na talaga!" Nakipag-apir pa siya.

"Ikaw po ang nagturo niyan sa akin, Lolo."

"Ah, ako ba? Nakalimutan ko na... Pero, seryoso ako, nasa tahanan lang natin ang lunas sa halos lahat ng mga karamdaman sa mundo."

Naniniwala ako kay Lolo. Maraming beses ko nang napatunayan ito. Kaya nga noong sumakit ang dibdib niya, alam ko na agad ang gagawin ko.

Pinahiga ko muna siya at binigyan siya ng cold pack, habang inihahanda ko ang hot drink niya.

Ang hot drink ay maaaring kape, salabat, tsaa, tubig na may baking soda, o kahit tubig lang. Nakatatanggal ito ng impatso, na sanhi ng sakit sa dibdib.

Ang saya-saya talaga kapag siya ang aming bisita. Kay sarap matuto at makipag-usap sa kanya.

Gusto ko ngang laging bakasyon para lagi kong kasama si Lolo Victor.

"Kobi, uuwi na ang Lolo Victor mo," malungkot na sabi ng mama ko.

Nagtaka ako. Gusto kong mag-usisa, pero hindi ko nagawa. Umiyak na siya nang umiyak.

"Ano'ng nangyari?" tanong ko kay Ate.

Wala siyang sinabi.

"Papa, may sakit po ba siya? Aalagaan ko po siya. Ako po ang magiging doktor at nars niya."

Walang sagot si Papa, ni isang salita.

Ako rin mismo ang nakadiskubre sa katanungan ko. Kaya pala, ilang araw na silang balisa. Kaya pala, madalas mugto ang mga mata ni Mama.

Nang dumating si Lolo Victor, hindi ako masaya. Iyon na ang pinakamalungkot na pag-uwi niya. Sana hindi na lang siya bumisita. Mas gusto kong alagaan siya kaysa makita ang abo niya.

Hinding-hindi ko makalilimutan si Lolo Victor. Hinding-hindi ko makalilimutan ang mga payo, aral, at kuwento niya. Hinding-hindi ko rin makalilimutan na ang CoViD-19 ang kumitil sa buhay niya.







Friday, March 27, 2020

Laging Gutom na Gutom si Rustom

Gutom na guton na naman si Rustom nang umuwi siya mula sa paaralan.

Nagtataka na naman ang kaniyang ina dahil naubos niya ang dalawang hiwa ng pritong manok at tatlong tasa ng kanin. Kumain pa siya ng tatlong pandesal at dalawang hinog na latundan.

"Rustom, bakit andami mo na namang kinain ngayon?" tanong ng ina.

Dumighay muna si Rustom, pagkatapos uminom ng tubig.

"Napagod lang po ako sa mga gawain sa eskuwela," paliwanag ni Rustom.

Kinabukasan, umuwi na namang gutom na gutom si Rustom. Andami na naman niyang nakain.

"Rustom, hindi kaya maimpatso ka niyan?" tanong ng ina.

"Hindi po. Gusto ko pa nga po sanang humingi ng sabaw."

"Sige, bibigyan kita, pero sagutin mo muna ang tanong ko... Bakit lagi kang gutom na gutom? Pinag-aalmusal at pinababaunan naman kita, ah."

"Mama, nakakagutom po talaga sa eskuwela. Gumagana po ang katawan at utak ko... Nag-iisip. Nagsusulat. Nakikipagtalakayan. May mga pangkatang gawain din po kami."

Parang hindi kumbinsido ang nanay ni Rustom.

"Bakit po, Mama? Wala na po ba tayong pambili ng pagkain? Wala na po bang trabaho si Papa?"

Ngumiti muna ang ina, bago nagpaliwanag.

"May trabaho pa ang papa mo. Nagtataka lang ako. Simula pa noong nakaraang linggo ka laging gutom na gutom tuwing galing ka sa paaralan."

Napaisip bigla si Rustom. Gusto na niyang sabihin ang totoo.

"Siguro may bully kang kaklase, ano? Kinukuha pa niya palagi ang baon mo?" usisa ng ina.

"Naku, hindi po! Wala pong nambu-bully sa akin."

“E, ano pala? Hindi na ako naniniwala sa mga dahilan mo, Rustom."

"Mama, lumalaki na po kasi ako," kinakabahang sagot ni Rustom. Hindi siya sigurado kung maniniwala pa ang kaniyang ina.

Tiningnan ng ina si Rustom. Pinisil-pisil pa nito ang mga pisngi at mga braso niya.

"Ay, oo nga pala!" Bakit hindi ko agad naisip iyon?!"

Natawa silang mag-ina. Lihim na nakahinga nang maluwag si Rustom.

"Sige, Anak, bukas, dodoblehin ko ang baon mo."

"Yehey! Salamat po, Mama!"

Kinabukasan, naghanda ang ina ni Rustom ng dalawang tuna sandwich, dalawang nilagang itlog, dalawang dalandan, at dalawang bote ng tubig.

"Anak, ubusin mo itong mga baon mo, ha? Tandaan mo, maraming taong nagugutom sa kalye."

Napatingin muna si Rustom sa ina bago siya sumagot. "Opo, Mama."

Natutuwa siyang lumabas ng bahay. Hindi niya namalayang sinundan siya ng ina.

Sa tabi ng mataas na pader, huminto si Rustom.

"Magandang umaga po, Lola Carmen! Kain na po kayo." Inabot ni Rustom ang isang tuna sandwich, isang nilagang itlog, isang dalandan, at isang bote ng tubig. "Tig-iisa na po tayo palagi."

Maluha-luha sa tuwa si Lola Carmen. "Maraming salamat, Rustom. Napakabuti mong bata."

"Walang anoman po! Paalam po! Bukas po uli."

Masayang pumasok si Rustom sa paaralan. Masaya rin siyang umuwi, pero nagtataka na naman siya dahil nakakurba ang mga kilay ng kaniyang ina at nakapamaywang pa.

"Hindi ka nagsasabi nang totoo," sabi ng ina.

Kinabahan agad si Rustom. "Po?"

Nawala lang ang kaba niya nang ngumiti ang kaniyang ina.

"Hindi mo sinabing ibinibigay mo pala kay Lola Carmen ang baon mo."

"Po?"

Inakbayan ng ina si Rustom at pumasok na sila.

"Kinupkop ko si Lola Carmen. Dito muna siya sa atin habang hindi pa natin nahahanap ang pamilya niya," sabi ng ina

"Talaga po? Salamat po, Mama!" Napayakap siya sa kaniyang ina. "Sorry po kung nagsinungaling po ako sa inyo."

"Masama ang magsinungaling, pero dahil tinutulungan mo naman si Lola Carmen, pinatatawad na kita. Sa susunod, magsabi ka kaagad, ha?"

"Opo, pangako po." Itinaas niya ang kaniyang kanang kamay at kinindatan pa niya si Lola Carmen. 

 


Wednesday, March 25, 2020

Si Niknok, Tiktok nang Tiktok

"Itigil mo 'yan, Niknok!" sigaw ng ina. "Tiktok ka na naman nang Tiktok? Buksan mo ang pinto at ibalik mo sa akin ang cell phone ko!" "Sandali lang po... Maa-upload na po." Nang na-upload na ang video niya sa Tiktok, lumabas na siya at isinauli ang cell phone sa ina. Piningot ng ina si Niknok. "Ilang beses ba kitang pagsasabihan, na itigil mo ang pagtitiktok mo, ha? Magbasa ka na lang habang walang pasok." "Tiktok na po ang uso ngayon." "Hindi lahat ng uso ay nakabubuti sa 'yo. Hala, sige! Simula ngayon, bawal ka nang gumamit nito, ha?" Hindi kumibo si Niknok. Tiningnan niya lamang ang ina. Maghapong malungkot si Niknok. Hindi kasi kompleto ang araw niya kapag hindi siya nakagagawa ng video para sa Tiktok. Nanood na lang siya ng cartoons sa telebisyon. "Manood na tayo ng balita, Niknok. Ilipat mo na iyan," utos ng ama. "Alamin natin kung ano na ang lagay ng Coronavirus sa ating bansa." "Sige po, pero pahiram po ako ng cell phone." Narinig iyon ng ina, na kasalukuyang nagluluto. "Huwag mong pahiramin iyan. Magtitiktok lang iyan," galit na sabi ng ina. "Ano bang masama sa Tiktok?" mahinahong tanong ng ama. "Nagiging katawa-tawa siya. Sumasayaw. Nag-iiba ang boses at mukha. Umaarte. Kumakanta. At kung ano-ano pa," paliwanag ng ina. "E, maganda pala ang Tiktok dahil nahahasa ang talento ng bata." "Basta! Ayaw kong magtiktok siya. Huwag mo siyang pagagamitin ng cell phone mo." Malungkot na tiningnan ng ama si Niknok. "Manood na lang tayo ng balita, Anak," utos pa ng ama. Inilipat ni Niknok ang channel at nilakasan niya ang volume niyon. Pagkatapos, pumasok na siya sa kuwarto at nagmukmok. Mula sa kuwarto, naririnig ni Niknok ang balita. "Ilang mga kabataan ang hinuli sa Barangay Mabini dahil sa paglabag sa curfew." "Gusto mo bang ipahiram ko ito sa 'yo?" Nagulat si Niknok sa ama. "Po? Opo, gusto ko po." "Sige, pero ipaliwanag mo muna sa akin kung ano ang Tiktok, para saan ba ito, at bakit mo ito kailangan." Ngumiti muna si Niknok bago nagpaliwanag. "Ang Tiktok ay isang social media. Ginagamit ito upang magpahayag, magpakita ng talento, magpangiti, at magbigay ng inspirasyon sa kapwa. Kailangan ko ito ngayong patuloy na lumalaganap sa mundo ang Coronavirus. Sa halip na lumabas ako, magtiktok na lang po ako." Blangko ang mukha ng ama ni Niknok. "Pahihiramin n'yo po ba ako?" tanong ni Niknok. "Pag-iisipan ko... at kakausapin ko ang Mama mo." "Po? Huwag na po. Hindi naman po papayag iyon." Inakbayan siya ng ama. "Wala ka bang tiwala kay Papa?" Sinulyapan ni Niknok ang ama. "Meron po." Nginitian siya ng ama at ginulo ang kaniyang buhok. "Bukas, malalaman mo ang sagot ng Mama mo. Kaya, pag-isipan mo na ang konsepto ng video mo. " "Opo." "Halika... Manood na tayo ng balita." Inakbayan ng ama si Niknok habang palabas sila sa kuwarto. "Naragdagan na naman ang bilang ng positibo sa Coronavirus. Narito ang ulat mula kay Mario Marangal," sabi ng anchor sa telebisyon. Nalungkot si Niknok sa narinig sa balita, pero napangiti rin siya. May pumasok na ideya sa utak niya. Kinabukasan, tuwang-tuwang tinanggap ni Niknok ang cell phone ng ama. "Galingan mo, Niknok, para matuwa na ang Mama mo sa Tiktok." "Opo, Papa." Agad na gumawa si Niknok ng mga video. Sa kanilang bakuran, kumanta siya. Nakasuot siya ng facemask. Sa kusina, sumayaw at kumanta siya habang nagsasabon at naghuhugas ng kamay. Sa hapag kainan, nagsasalita siya habang kumakain ng gulay at prutas. Kinuhaan din niya ng larawan ang kaniyang mga magulang habang may kani-kaniya itong binabasa sa magkahiwalay na puwesto. Umaarte rin siya na parang doktor, nars, sundalo, at iba pa. Pagkatapos niyon, naglaan siya oras para makabuo ng isang video mula sa pinagsama-samang video. "Papa, salamat po!" Isinauli na ni Niknok ang cell phone ng ama. "Mama, salamat din po sa pagpayag ninyo!" "Walang anoman!" magkasabay na sagot ng mga magulang ni Niknok. Bumalik na si Niknok sa kuwarto. Alam niyang panonoorin ng mga magulang niya ang Tiktok niya. Lihim na naluha sa tuwa ang mga magulang ni Niknok. "I-share natin sa Facebook," sabi ng ama. Pagkatapos, pinuntahan ng mag-asawa ang kanilang anak. Sa kuwarto, nahihiyang humarap si Niknok sa mga magulang. "Anak, maganda ang Tiktok mo," papuri ng ama. "Proud na proud kami sa 'yo ng Mama mo." "Isama mo naman kami sa susunod mong Tiktok... Kaya rin naming... sumayaw, kumanta, at umarte," biro ng ina. Nagtawanan ang mag-anak at nag-finger heart pa sila, bilang pagsunod sa physical at social distancing.

Sunday, March 22, 2020

Ang Aking Journal -- Marso 2020

Marso 1, 2020 Maaga akong gumising para maghanda sa pagsimba. Isinama ko ang mag-ina ko sa Elijah Christian Fellowship. Napaaga kami. Mabilis ng biyahe. Pero, okay lang dahil naging komportable kami, lalo na ang mag-ina ko.Sumakit lang ang bagang ko. Sobrang sakit niyon. Antagal bago nawala. Gusto kong maniwala na dahil sa FVP Lavender Oil kaya nawala ang sakit. Sana nga.Mabuti na lang nawala ang sakit bago nagsimula ang service. Naging ayos naman ang unang simba ng mag-ina ko. Naramdaman nila ang warm welcome ng mga members. Nanalo pa si Ion ng Jollibee GC. Then, kinausap sila ng isa sa mga pastor, habang kausap ko naman si Sir Jeff. Naipakilala ko ang First Vita Plus. Open-minded daw siya, kaya hindi na ako masyadong nahirapan.Pinaschedule ko siya kay Ma'am Rich. Sa Martes ng umaga siya pupuntahan para macheck up at makausap.Nahikayat ko siya dahil ililibre ko sa kanya ang isang box. Kung gusto niya akong bayaran, okay lang. Kung hindi, okay lang din. Ang mahalaga, gumaling siya. Gusto kong manumbalik sng dating sigla niya upang mas marami siyang magawang service para sa Diyos. Nakauwi kami bago magfive.Wala na halos akong time para magvlog dahil okupado na ng FVP. Okay lang naman. Ganoon talaga ang negosyo. Kailangang magsales talk. Mabuti nga ngayon, may teknolohiya na. Mabilis na lang ang marketing. Marso 2, 2020 Nagdilig lang ako nang halaman, habang nagtuturo si Sir Ram sa mga klase ko. Hayahay ang buhay. Hindi tulad noong si Ma'am Jade ang intern ko. Twice lang yata siya nagturo.Anyways, pumunta ako sa CUP bago mag-alas-dos. Nakasalubong ko agad sinDr. Ramos at nakilala niya ako. Pinapunta niya ako agad kay Dr. Rivas. Kami na raw ang mag-usap. Natuwa ako dahil makakatipid ako. Hindi ko na siya pasasalubungan nang pasasalubungan tuwing kakausapin ko siya o tuwing may ipapasa ako.Nakausap ko rin kaagad si Dr. Rivas. Magpapalit kami ng title. Parang mababalewala ang survey ko. Anyways, susundin ko siya para lang makatapos ako. Kakayanin ko.Past 4:30, nagwork out ako. Shoulders at back ang tinira ko.Past seven na ako nakauwi. Pagod na pagod ako. Okay lang sana, kaya lang masakit na naman ang bagang ko. Nakakainis. Marso 3, 2020 Nagdilig ako ng mga halaman na nasa garden at pasilyo. Then, tumulong ako sa pagletter cut ng ipapandekorasyon namin sa surprise birthday celebration namin kay Sir Vic. Habang ginagawa iyon, masakit ang bagang ko.Nainis ako sa ngayong araw dahil sa mga pasaway na magulang at estudyante. May ayaw magtagal sa school dahil may trabaho. Kung kailan ko ipinatawag, saka naman parang sinusunog ang puwet. Ikalawa, ang mga nakumpiska kong cellphone. Naiinis ako kasi imbes na libro ang hawak, gadget. Napagsalitaan ko tuloy ang isang magulang na pumunta para iclaim ang cellphone ng anak. Hindi raw niya alam na dinala nito.Gayunpaman, masaya ako ngayong araw dahil matagumpay ang team namin na mapabili ng First Vita Plus products si Brother Jeff. Tiyak akong magiging dealer ito.Umuwi ako agad para harapin ang thesis at periodic test. Nangangarag na ako. Marso 4, 2020 Nawala na ang sakit ng bagang ko, kaya komportable na ako.Natuloy na ang pag-aayos ng mga magulang bully at binully. Nasabi ko namang lahat ang mga nais kong sabihin.Then, may dumating na namang magulang upang ireklamo ang estudyante kong nagbanta sa kanyang anak. Naayos din naman agad.Pagkatapos niyon, ginabayan ko si Sir Ram sa pagsulat niya ng lesson plan para sa demo niya sa Martes. Mabilis at maganda siyang imentor.Nagwork out bandang 4:30. Natagalan ako sa kahihintay ng bus, kaya late na ako nakauwi. Hindi ko tuloy natapos ang paggawa ng periodic test. Kinailangan ko pang magchat para sa negosyo. Marso 5, 2020 Malala na talaga ang kademonyuhan ng VI-Love. Lahat kaming advisers ay nagsasabing worst sila. Hindi ko nga napigilang murahin sila. Nagalit din sa kanila si Ma'am Madz.Nariniga pa tuloy ng nurse ang kabalahuraan ko. Kako, "Hindi tinatablan ng purga ang mga demonyo."Nagawa ko ring tulungan si Sir Ram sa pag-edit ng lesson plan niya kahit maingay at magulo sa paligid. Idagdag pa ang pagdating ng problemadong magulang ni Aya, na isa ring pasaway sa klase.After class, pinasama ako ni Ma'am Vi sa kanila ni Ma'am Madz pupunta sa BFS RCBC Tower sa BGC Taguig. Nakarating na ako roon last year. Doon nakikipagtransact si Ma'am tungkol sa nabili niyang foreclosed properties.Nagkuwentuhan kami habang naghihintay. Nalaman ko tuloy ang sistema. Magandang investment nga iyon. Nainspire ako sa mga kuwento niya. Mabuti na lang nagtanong ako. Gusto ko ring mag-invest. Gusto kong magkaroon ng paupahang bahay.Past 5:30 na ako nakauwi sa bahay. Agad akong naghanda ng mga school report. Kaya lang, hindi ko naprint. Natuluyan na yata ang laptop ko. Marso 6, 2020 Nagkabit kami ng letter-cuttings at balloons para sa birthday ni Sir Vic. Nakatakda ngayong araw ang salusalo, pero bago iyon, nakausap ko sa Guidance's Office ang tatay ng estudyante kong inuwi sa Quezon. Pinadlahan namin ng request form para sa Form 137.Pagbalik ko sa classroom, nahighblood ako sa inabutan ko. Ang gulo ng klase ko. Inalimura ko sila. Narinig pa tuloy ni Ma'am Mercy.Iyon na ang huli kong pagalit.Mabuti, nakakain ako nang husto. Hindi pa rin sila ang mood ko.Hindi ko nga lang talaga kayang itake ang mga ugali ng VI-Love. Walang disiplina. Walang respeto. Manhid. Pekeng plastic.After workout, umuwi agad ako.Isang good news ang natanggap ko mula kay Ma'am Nhanie. Ready na kasi ng royalty fee namin sa publishing. Ang kaso, hindi siya puwede kasi nasa NSPC siya. Sa March 17 na lang daw. Half-disappointed ako and half-thankful. Thankful ako kasi, sa wakas, natatanggap ko na ang kauna-unahang royalty ko sa tagal ko bilang writer. Marso 7, 2020 Mas nauna pa akong nagising kaysa sa mag-ina. Before 4, mulat na ako. Ginising ko na si Emily para maghanda sa pag-alis ni Zillion. May field trip sila. Binigyan ko na lang din siya ng P1000 para masamahan ang anak namin. Kawawa naman kung hindi man lang mapiktyuran.Natulog uli ako pag-alis nila. Past 7:30 na ako bumangon para mag-almusal. Pagkatapos magpahinga, nagbanlaw ako ng mga winashing niya kahapon. Tinapos ko rin ng mga de-kolor.Isiningit-singit ko ang paglilinis sa kuwarto at hagdan. Nagtanggal lang ako ng alikabok.Past 10 na ako natapos. Then, after magdilig at magpaligo sa aso, sinubukan ko uling buksan ng laptop ko. Wala na talaga! Ayaw nang magpower on. Natuluyan na. Paano na kaya ng thesis ko?!After lunch, gumawa ako ng vlog tungkol sa pagdedealer sa First Vita Plus. Gabi ko na iyon naipost. Nagdeliver kasi ako ng halamang binenta ko---dalawang Globe Amaranth. Natagalan ako sa kahahanap ng bahay niyon. Iyon pala, nakita ko na. Bumalik tuloy ako.Past 11 na dumating ang mag-ina ko. Hindi na ko nakipagkuwentuhan sa kanila. Antok na rin ako. Marso 8, 2020 Past 8:30 nasa biyahe na ako patungo sa Elijah Christian Fellowship. Before 10:30 naroon na ako.Medyo nailang na naman ako. Mabuti na lang, nagsimula agad ang service. Hinanap nga nila ang mag-ina ko.Kinausap ko sandali si Sir Jeff bago ako naglunch sa third floor, kasama ang ibang church member, like Sister Tina.Nakakuwentuhan ko siya kahit paano bago ako nagpaalam na umuwi.Sa GES ako dumiretso. Nagdilig ako roon ng mga halaman. May sisiw na ang pugad sa hanging plant ko. Noong Friday, itlog pa lang iyon. Natuwa ako. Kinuhaan ko pa ng video para sa vlog ko.After niyon, nagsulat akong details sa Form 137. Natapos ko naman kaagad kaya sa PITX na ako tumambay. Nagmeryenda ako ng burger at fries doon saka nag-FB bago umuwi.Six na ako nauwi. Pagod na pagod ako dahil sa init, pero hindi naman ako iritable. Maayos naman akong nakitungo sa aking mag-ina. Marso 9, 2020 Mag-aalas-9 na ako nakarating sa school. Natrapik ako. Kapag talaga may araw na akong nakakalabas sa bahay, 3 hours ang biyahe. Although flexitime naman kami ngayon kasi walang klase ang mga estudyante, feeling ko, late pa rin ako. Naroon na nga ang mga kasamahan ko.Nagmop ako sa classroom ko. Hindi ko na nga lang naisaayos o naibalik ang mga upuan. Nakakapagod kasi. Sobrang init.Past 12, umalis na ako sa school. After maglunch sa karinderyang malapit doon, pumunta na ako sa PITX para umidlip. Kahit paano, nakaidlip ako. Past 2:30 na ako nakapag-chest workout.Maaga rin akong nakauwi. Ako na nga ng nagdilig ng mga halaman. Marso 10, 2020 Maagang umalis ng mag-ina ko para dumalo sa training ng First Vita Plus, kung saan speaker si Ma'am Rich. Natulog uli ako. Up-to-sawa. Napuyat kasi ako kagabi.Before 10:30, nasa school na ako. Kakaunti lang kami roon. Nagkuwentuhan lang habang naghihintay na makompleto ang 3 hours. Nakapagdilig din ako ng mga halaman, na siyang pinakasadya ko roon.Past one, kumain kami nina Papang, Ate Bel, at Gracia sa Car Wash. Nagkuwentuhan din kami habang nagbabanana con yelo. Before 4, umalis na ako sa GES.Nag-internet muna ako sa PITX bago nagworkout. Past 7 na ako nakabiyahe pauwi. Wala pa sina Emily. Past 8 na iyon. Nakapagdilig na ako ng mga halaman, nang dumating sila. Tuwang-tuwa ai Emily sa unang income niya sa negosyo namin. Marso 11, 2020 Nagpalate ako ng gising dahil late na ako natulog kagabi. Ang sarap humilata.Habang nag-aalmusal kami, may good news na dumating sa amin. Bibili uli ng tatlong sachets ang kachoir ni Emily na si Vince. Epektibo sa kanyang UTI ang Melon Gold, kaya itutuloy-tuloy na raw niya. Isa siya sa mga prospects kong isama sa Sizzle.Naggardening ako pagkatapos mag-almusal. Napaganda ko ang harapan namin. Inilipat ko ang mga halaman. Pinagsama-sama ko ang mga halamang pambenta.Past two, dumating si Ma'am Jenny para turuan kami sa business. Past six na siya nakauwi. Sa kanya naubos ng oras namin. Okay lang naman. Para naman kasi iyon sa negosyo namin. Marso 12, 2020 Past 12, bumiyahe ako patungo sa school para magdilig ng mga halaman ko roon.Nagworkout na rin ako pagkatapos. Mga 8 na ako nakauwi. Natulungan ko pa ang kaklase ko sa thesis, na gawin ang tally sheet niya. Marso 13, 2020 Masakit pala sa katawan ang late na paggising. Magnanine o'clock na kasi ako bumangon. Parang hindi ako sanay. Anyways, nag-stay lang kami sa bahay maghapon. Nag-FVP si Emily. Ako naman, nagluto, nagdilig, nagsulat, at umidlip.Kahit mainit sa kuwarto ko, nakatulog pa rin ako. Binuksan ko lang amg mga bintana. Siyempre, may electric fan.Gabi, nanood kami ng Lion King. Ang ganda! Then, nagplay ako ng karaoke. Ang sarap kumanta kahit walang mic. Marso 14, 2020 Past 8, bumiyahe ako patungo sa Pasay para sa advanced birthday celebration ni Ma'am Edith. Tatlo lang kami. Si Ma'am Joan at ako lang ang nakarating. May sakit si Papang. May lakad si Ma'am Bel. Hindi nagreply si Ma'am Divine. Okay lang naman. Masaya naman kaming kumain sa Mang Inasal.Pagkatapos kumain, pumunta kami sa GES. Kinuha nila ang mga printer nila. Ako naman, kinuha ko ang mga Forms137 at 138.Then, sumama ako sa bahay ni Ma'am Joan para magcopy ng mga movies. Mga isang oras o mahigit din akong naghintay para sa pagkopya.Umuwi agad ako pagkatapos. Mga past 4 na ako nakauwi. Nanood agad ako ng pelikula.Bago natulog, nanood din kami. Past 11 na kami nakaakyat para matulog. Ang sarap pala ng may community quarantine. Lolz. Marso 15, 2020 Hindi kami nagsimba para makaiwas sa CoViD-19. Nanood na lang kami ng pelikula.Hapon, nahighblood ako sa magulang ng dati kong estudyante na si Stephen, na kapatid ng nagchat sa akin ng common sense na tanong. Feeling ko inaaway niya ako, kaya pinagsalitaan ko siya. Pagkatapos niyon, blinock ko silang mag-ina.Nakapagpost tuloy ako at nakapaglabas ng saloobin. Wala naman kasing sintido-kumon. Parang hindi nanood ng balita. Parang sanggol na walang muwang sa nangyayari sa paligid. Kailangan pa bang itanong kung may pasok bukas? Susme! Ngpapanic na ang iba, sila naman, pagpasok pa ang mahalaga. May order na ng community quarantine, exam pa ang mahalaga. Noong may pasok, ayaw magsipasok. Ayaw pahalagahan ng edukasyon. Ngayon may epidemic, kay sisipag na. Leche! Nakakanginig ng laman!Mabuti na lang, nagchat si Ma'am Joann. Napag-usapan namin ang tungkol sa royalty fee. Kinilig akong bigla. Nawala ang high blood ko. Marso 16, 2020 Samot-saring reaksiyon ang inabot ng pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng Community Quarantine sa Metro Manila. Nakita ko naman sa Facebook at balita na nahirapan nga ang mga commuters. Mas lalong humaba ang trapiko. Mas lalong nagkaroon ng mass gathering dahil sa tagal at bagal ng pagkuha ng temperature at paghahanap ng ID.Nainis ako nang sobra. Gayunpaman, naaliw lang ako dahil nagfood trip kaming mag-anak. Nanood ako ng Netflix series. At pagsapit ng gabi, nainis na naman ako dahil nagdeklara na naman ang pangulo ng Enhanced Community Quarantine, kung saan bawal na ang mass transporation. Bukas pa naman ang schedule ng pagkuha namin ng royalty fee sa St. Bernadette Publishing. Antagal kong hinintay iyon, pero napurnada na naman. Ayaw pa naman ni Ma'am Nhanie na makipagsapalaran. Takot siya. Game pa namn sana kaming bumiyahe ni Ma'am Joann, anoman ang mangyari.Wala kaming nagawa.Disappointed ako. Akala ko pa naman, makakahawak na ako ng malaking pera. Kailangan ko pa namang bumili ng laptop. Marso 17, 2020 Masaya naman akong bumangon kahit disppointed kagabi. Kinukuha na ni Ma'am Nhanie ang bank account number namin. Pumayag na ang publishing na ideposit na lang ang royalty fee namin. Bago ako bumangon, naisend ko na.Before 10, pumunta na ako sa banko para magwithdraw. Advanced ang sahod namin.Ipinalit ko na rin sa Securiy Bank ang dalawang tseke ko sa First Vita Plus.Pagdating ko, nagfood trip kami. Nanood kami ng pelikula. Hapon, nagkaraoke kami.Ang sarap talaga ang nakaquarantine. Marso18, 2020 Napasarap ang tulog ko. Masarap din ang gising ko, kaya maghapon akong masaya. Nakagawa ako ng mga forms. Nakapagmovie marathon. Nagfood trip kaming mag-anak. Wala nga lang tulog sa hapon. Okay lang naman. Safe naman kmi.Lumabas man ang mag-ina ko bandang hapon, I know, safe pa rin sila. Pinaghugas ko agad ng kamay pagdating.Nawindang lang kami sa announcement na may isang positibo na taga-Tanza. Mas kailangan pa naming maging maingat. Babawasan na ang paglabas. Sana lang mas tumagal pa ang stock naming pagkain.Bumili na lang sa online ng mga kailangan. Marso 19, 2020 Pagbangon ko para mag-almusal, nalungkot ako. Walang almusal. Hindi pa rin nag-almusal ng mag-ina ko dahil wala na kaming stock. Wala na ring nagtitinda sa online. Ayaw na ring magdeliver ng iba dahil sa takot sa CoViD.Nagkape na lang ako. Eleven na nang magutom ako, kaya nagbrunch ako. Mabuti may natirang ulam kagabi. Pagkatapos, nagluto agad ako. Then, umidlip ako pagkatapos magluto. Paggising ko, saka ako naglate lunch.Nanood uli kami ng pelikula. Ang ganda. Giyera. Meryenda. Biscuits lang at saka kape. Pagkatapos magmeryenda, ako na ang lumabas para mamalengke. Marami naman palang tao sa labas. Parang normal na araw lang. Ang pinagkaiba lang, may mga suot na face mask ng karamihan.Natatakot din naman ako kahit paano. Ayaw kong mahawaan kaya nag-ingat ako. Naghugas agad ako pagdating.Wala pa ring balita tungkol sa royalty fee. Naiinip na kami ni Ma'am Joann. Gusto na niyang makatulong sa iba--sa mga kamag-anak at mga frontliners. Ako naman, gusto kong mapaoperahan si Mama. Marso 20, 2020 Gardening ang ginawa ko pagkatapos mag-almusal. Tinulungan ko ring magsampay si Emily.After lunch, umidlip kami. Hindi nga lang makaidlip nang maigi dahil maingay si Zillion. Nagluto na lang ako ng camote que. Nanood na lang kami ni Emily ng pelikula pagkatapos magmeryenda. Nanood uli kami ng dalawa pang pelikula pagkatapos ng balita. Magkakarugtong pala ang napanood namin. Nauna lang ang dapat huli. At nahuli ang dapat na nauna.Ang ganda! Worth it ang pagpupuyat ko. Marso 21, 2020 Hindi ako nanood ng pelikula ngayon, maliban sa pelikula sa ABS-CBN. Hindi na kasi magaganda ang natitirang pelikula na nilagay sa flash drive ko ni Kuya Allan. At halos, napanood na naming lahat. Ang haba pa ng ECQ. Wala pa sa kalahating buwan.Nagsulat na lang ako. Umaga, natapos ko ang isang chapter ng nobela ko. Gabi, nasimulan mo ang karugtong na chapter. Hindi ko nga lang maharap-harap kasi kailangan kong magluto. Magdilig. Umidlip. Namalengke rin ako bago mag-4 PM. Past five na ako nakauwi. Kahit paano, nakapamili ako ng pantatlong araw. Walang mabiling isdang sariwa. Gulay at karne na lang ang binili ko. Nakakapraning itong CoViD Outbreak. Apektado na ang pamumuhay ng bawat tao. Sana matapos na ito bago pa mag-isang buwan. Ang hirap, e. Kailangan pang may ECQ pass para payagang makalabas sa subdivision. Parang wala nang kalayaan. Marso 22, 2020 Pagkatapos naming mag-almusal, nagdisinfect ako ng kuwarto ko. Pinunasan ko ang sliding window. Nagpunas na rin ako sa hagdanan. Then, hinarap ko naman ang paggawa ng grades. Natapos iyon mananghalian. Si Emily na ang pinagluto ko. Ngayong araw, nakagawa ako ng tatlong vlogs. Ang dalawa roon ay reading aloud ng mga kuwento ni Ma'am Joann. Nakatatlo na akong kuwento niya. Bukas naman ng isa pa. Nagawa ko ring vlog ang Solar System song na nirecord ni Zillion. Past 5:30, nagcut ako ng mga dahon ng mga balete bonsai ko. Kahit paano, napaganda ko ang mga iyon. Hindi ako naiinip sa ECQ. Mas marami pa nga akong gustong gawin. Pero, hindi ko naman gustong lumala ang outbreak ng CoViD-19. Gusto kong matapos na kaagad ito. Napakaraming nahihirapan. Marso 23, 2020 Medyo nahihirapan akong matulog nang mahimbing. Kagabi nga, parang hindi naman ako natulog. Pabaling-baling ako, pero andami kong panaginip. Paggising ko, parang pagod na pagod ako. Gayunpaman, nauna pa rin akong bumangon kaysa kay Emily. Mabuti pa siya, nagagawa niyang matulog nang matagal kahit halos pareho naman kami ng oras ng tulog. Hindi naman ako nangangamba sa health ko. May FVP kaya ako. Then, hindi ako stress, gaya noong may klase at araw-araw akong bumibiyahe. Maaga akong naglito ng lunch upang magawa ko nang maaga ang mga forms. Naienter ko na ang mga grades ng pupils ko sa LIS. Sa Form 137 na lang ang problema mo, lalo na sa original copies. Ilang araw pa, tapos ko na halos, maliban sa iilang problema ko, like tranferrees at nawawalang forms. Ngayong araw, naadik kami ni Emily aa series na "Lacasa de Papel" o "Money Heist." Inabot nga kami ng past 11 ng gabi sa kanood. Balita lang ang pinanood naman sa TV. Haist! Sana mas marami pang series at movies kaming mapanood. Nakapagsulat din uli ako ngayong araw. Nakapagvlog din ako. Natapos ko na lahat ng kuwento ni Ma'am Joann. Bukas, baka makapagsulat ako ng kuwentong pambata. Nainspire ako ni Zillion. Nagsulat siya kanina ng kuwento, after niyang buklatin ang comics. Marso 24, 2020 Hindi ko na binibilang kung ilang araw na ang lumipas, simula nang ideklara ng Pangulo ang (Enhanced) Community Quarantine dahil sa CoViD-19 Pandemic. Basta ineenjoy ko na lang ang bawat paggising at ang bawat maghapon. Ginagawa ko ang Form 137. Nagagardening ako. Nagluluto ng pagkain namin. Nanonood kami ng Netflix series. Sa ngayon, thankful ako dahil hindi ko ramdam ang nararamdaman at nararanasan ng iba, na kailangan pang kumahig para may makain. Thanks, God, I'm a teacher. May sahod ako kahit walang asok. Kaya kong iprovide ng pangangailangan naming mag-anak. Gayunpaman, hinihiling ko sa Diyos na maging normal na ng lahat. Marami nang natutuhan ang mga tao sa pangyayaring ito. Kapag normal na uli ang sitwasyon, sana iwasan nang maulit ito. Magbago na. Dahil din sa pangyayaring ito, nanumbalik ng pagiging movie fan ko. Naalala ko dati... Kailangan pang magbayad para lang makapanood ng Betamax. Kailangan ko pang magbenta ng niyog o bataw o kung ano-ano para may pambayad at pambili ng kutkutin sa loob. Eleven-thirty na. Katatapos lang naming manood ng 'Lacasa de Papel.' Nakakaadik. Nakakasabik. Marso 25, 2020 Hindi muna ako gumawa ng Form 137. Mahaba pa naman ng ECQ. Naadik ako sa 'La Casa de Papel,' gayundin si Emily. Tinapos namin ngayong araw. Nasimulan namin ang Part 2. Then, gabi, naidraft ko ang kuwentong pambata na 'Si Niknok, Tiktok nang Tiktok.' Hindi ko natapos itype, after kong mai-rough draft kasi nanood kami uli ng 'Money Heist.' Marso 26, 2020 Hapon na kami nakapanood ng 'La Casa de Papel Season 2' kasi namalengke ako bandang 10 am. Nagdilig ng halaman pagdating ko. Nagluto. Naligo. At nagsulat sa Form 137. Naiinis lang ako kasi andaming nawawalang original copies ng F137. Ang hinala ko, nakay Sir Vic o ibang sports trainer. Puro kasi athlete ang may-ari ng mga nawawala. Nakakainis talaga kapag nagkakaproblema ko sa forms. Hassle. Anyways, feeling fulfilled ako ngayong araw. Nakapagluto ako ng ginatang halo-halo para sa meryenda at nakapagsulat ako ng draft ng isa na namang kuwentong pambata. Dalawa nga lang ang hindi ko nagawa--ang gumawa ng vlog at mag-update ng wattpad story. Bukas, maglalaba ako ng mga damit ko. Sisikapin ko ring magawa ang mga hindi ko nagawa ngayon. Tuloy pa rin ang paglobo ng bilang ng mga positibo sa CoViD-19, gayundin ang PUMs at PUIs. Patuloy rin kaming nag-iingat at umaasang malalampasan ng bawat isa ng pandemic na ito.

Thursday, February 27, 2020

Ang Tambol ni Ram

BLAG! TOG! BOG! BLAG! BLAG!

Iyan ang tunog ng tambol ni Ram nang tumugtog siya.

Pinagtawanan siya ng mga drummer, lyrist, baton twirler, at majorette.

"Ram, magaling kang pumalo ng tambol," sabi ng gurong tagapagsanay. "Malapit na ang pista ng barangay. Baka hindi ka na makahabol."

"A... e, Ma'am Lopez, magsasanay po ako sa bahay. Gusto ko po talagang makasali sa parada," sagot ni Ram.

"Sige... Susubukin uli kita sa Lunes."

"Yehey! Sige po, Ma'am. Magsasanay po ako nang maigi."

"Sa ngayon, manood ka muna sa kanila upang kahit paano ay may matutuhan ka."

"Opo."

Manghang-mangha si Ram sa ipinakitang husay ng mga manunugtog at mananayaw. Labis din ang paghanga niya sa mga nagtatambol.

Pauwi sa bahay, agad ba nagsanay si Ram sa pagtatambol. Gustong-gusto talaga niyang makasama sa parada.

BLAG! TUGUDOG! BLAG! BLAG!

iyan ang tunog ng Tambol ni Ram. Paulit-ulit niyang tinugtog iyon.

Halos mabutas ang tambol niya dahil sa lakas ng pagpalo niya rito.

Halos mabingi rin ang mga kabitbahay niya.

Hindi na nga niya napansin ang pagdating ng kanyang lasing na ama. Hindi rin niya narinig ang sermon ng kanyang ina sa ama.

TUGUDOG! TOG! TOG! BLAG! BLAG!

iyan ang tunog na umalingawngaw sa loob ng kanyang kuwarto.

"Ram! Itigil mo nga iyan! Nakakarindi!" sigaw ng ama niya.

Noon lamang narinig ni Ram ang paligid. Noon niya lamangbl naulinig ang pagtatalo ng kanyang ina at ama.

Lumabas si Ram upang doon tumugtog.

BLAG! TUGUDOG! BLAG! BLAG!

"Sabing tumigil ka, e!" singhal ng ama kay Ram. "Hindi ka magiging mahusay na tambolero. Masakit sa tainga ang tugtog mo."

"Hoy, Romualdo! Huwag mo nang pakialaman ang anak mo. Pumasok ka rito," sabi ng ina ni Ram.

"Binilhan-bilhan mo pa kasi ng tambol. Hayan, nakakaperwisyo!"

Gusto nang pumatak ng luha ni Ram. Gusto na niyang bitiwan ang pangarap niyang makasama sa parada sa Araw ng Pista.

"Mahusay ang anak mo. Hindi mo lang nakikita dahil lagi kang lasing.

"Hay, naku! Manang-mana sa `yo ang anak mo. Maingay!"

Lalong nagalit ang ina ni Ram sa ama, kaya nagpatuloy ang sagutan ng dalawa. Naririndi siyang marinig ang sigawan ng mga ito. Sumakit ang tainga niya sa mga naririnig, pero naging tila musika iyon sa kanyang pandinig.

Sinundan niya ang melodiya niya habang dahan-dahan siyang tumambol.

Nagtuloy-tuloy ang pagtatalo ng mag-asawa. Palakas naman nang palakas ang tunog ng tambol ni Ram.

"Tumigil ka, Ram! Masakit sa tainga!" sigaw uli ng ama. Hindi iyon narinig ni Ram. Sa halip, ipinagpatuloy niya ang pagtatambol.


"Huwag mong pag-inita ang bata. Mabuti pa nga siya may pakinabang sa barangay. Hindi tulad mo --- paglalasing lang ang gusto," sermon ng ina sa ama ni Ram.

Nagtuloy-tuloy pa ang pagtugtog ni Ram. Inisip niyang isang magandang musika ang ingay ng kanyang mga magulang.


TUGUDOG! TUGUDOG! TUGUDOG! TOG! TOG! TUGUDOG!

iyan ang tunig ng tambol ni Ram, na nagpahinto sa pagtatalo ng mag-asawa.

"Narinig mo iyon? Ang galing ng anak mi. Hindi nasayang ang perang ipinambili ko sa ng tambol sa kanya," masayang sabi ng ina. Napasungaw pa ito sa bintana.

"Kailan siya tutugtog?" tanong ng ama. Napaakbay pa ito sa asawa.

"Sa susunod ba linggo. Sa pista bg barangay," mahinahong sagot bg maybahay.

"Wow! Manonood ako." Niyakap ng ama ni Ram ang kanyang ina.

Natanaw niyang nagkasundo na ang kanyang mga magulang. Lalo tuloy siyang ginanahang tumugtog.

Sa Araw ng Pista, bidang-bida si Ram sa parada. Isa siya sa mga miyembro ng Drum and Lyre ng San Francisco Elementary School. Tuwang-tuwa sa kanya ang ina, ama, gurong tagapagsanay, at mga kabarangay.



Monday, February 24, 2020

DIALYSIS VS. POWER HERBS

Kailangan natin ang kidney o bato upang masala ang mga dumi na ating nakakain at mailabas natin nang maayos. Tumutulong din ang mga ito upang gumawa at panatilihing malusog ang ating dugo. Kung hindi natin mapanatiling malusog, maaaring mauwi ito sa samot-saring kidney disease. At maaari rin tayong sumailalim sa dialysis o kidney transplant, na ayaw na ayaw nating lahat. 

Napakamahal magpadialysis. Kahit mayaman ka pa, aaray at aaray ka sa gastos nito.

Nagrirange ang procedure nito sa P2,800 hanggang P3,500 kada session. Depende pa ito kung saang hospital o dialysis center ka pupunta. Paano na kung tatlong beses sa isang linggo ang dialysis? Kaya ba ng bulsa mo? Kulang na kulang ang apatnapung libong piso mo sa isang buwan. Paano na ang iba mo pang pangangailangan? 

Tuturukan ka lang naman ng gamot na tinatawag na Erythropoetin upang pataasin ang hemoglobin count mo. Sira at mahina na kasi ang function ng kidney mo. Namumutla at nahihilo ka na. Magkano? Tumatagingting na P2,500+ per injection lang naman! Malas ka kung two or three times a week pa iyan. 

Mahal din ang kidney transplant. Donor pa lang, pahirapan nang hanapin. Remember the white van? 

Okay! 

At kahit ibigay ko ang isa kong kidney sa `yo, habambuhay ka pa ring magpapadialysis. 

Bago ko makalimutan... Alam mo ba ang gastos ng kidney transplant?

Milyon! Oo, milyon. Alam kong wala ka rin niyan. Wala rin ako... Sorry, hindi kita mapapautang. 

Let's say, may Philhealth ka... Makakaminus ka, pero mahal pa rin. Libo-libo pa rin ang gagastusin mo. 

Magsisisi ka ngayon. Sisisihin mo ang lifestyle mo, ang mga bisyo mo. E, wala na! Nasa huli ang pagsisisi...

Kung hindi ka sana nagpakalango sa alak noon, kung hindi mo sana sinunog ang katawan mo sa sigarilyo, kung malakas ka sanang uminom ng tubig, at kung hindi ka mahilig sa maaalat na pagkain, disin sana wala kang problema ngayon.

Gayunpaman, may pag-asa pa. Ipasa mo sa iba ang gift of hope. Nariyan ang First Vita Plus upang lunasan ang mga problema sa kidney. Kung malala na ang sakit sa kidney, kaya pa iyan ng FVP. Kung hindi pa o kung wala pa, 'Prevention is still better than cure.' 

Mag-First Vita Plus ka. Ang limang Power Herbs dito ay sapat upang puksain ang sakit mo. Maniwala ka lang, gaya ng pagtitiwala mo noon sa pinili mong lifestyle. 

Ngayon ang panahon para sa pagbabago. Huwag mo nang piliin ang dialysis kaysa sa power herbs. 

Ang Aking Journal -- Hulyo 2026

Hulyo 1, 2026 Muntik na akong ma-late dahil sa bus na nasakyan ko. Panay ang hinto at pick-up niyon ng mga pasahero. Hindi ko na tuloy naa...