Followers

Saturday, October 17, 2020

Ang Liham ni Mary Jane

Blk. 51, Lot 5, Phase I Springtown Villas Subd. Brgy. Bucal, Tanza, Cavite Hulyo 11, 2020 Gumamela St, Brgy. Looc Talisay, Cebu Mahal kong Samara, Magandang araw sa iyo, kaibigan! Kumusta ka na? Nasasabik na akong makita ka. Nabalitaan ko ang epekto ng pandemya sa inyong lungsod. Lagi ka sanang mag-iingat at magdasal. Iyon din ang ginagawa ko rito. Sumulat ako para ipaalam sa iyo ang mga nangyari rito simula noong Marso. Alam mo bang binalot kaming mag-anak ng pangamba nang magkasakit si Papa. Akala naming positibo an siya sa CoViD-19. Matindi ang naranasan niyang sintomas, kaya hindi kami makalapit sa kanya. Hindi siya makahinga. May lagnat, ubo, at sipon siya. Nahihirapan siyang lumunok at nanginginig pa siya. Takot na takot ako noon dahil hindi ko alam kung makakaya kong bawiin na ng Diyos ang buhay niya. Naisip ko, paano na kaya kaming magkakapatid? Paano na kaya si Mama? Dahil sa pag-aalalaga namin sa kanya, lumakas siya. Kasabay niyon ang panalangin namin. Pagkatapos ng tatlong araw, unti-unting bumuti ang kalagayan ni Papa. Hindi na namin siya naipasuri sa doktor dahil ayon sa kanya, trangkaso lang daw iyon. Hindi raw siya naniniwalaang nahawaan siya sa labas dahil nag-ingat siya nang husto. Naghuhugas siya ng kamay pagkatapos mamili ng aming pagkain. Hinuhugasan rin niya nang mabuti ang kanyang pinamili. At totoo namang epektibo dahil pagkatapos ng pangyayari, wala nang nagkasakit sa amin. Nakatulong nang malaki ang masusustansiyang pagkaing inihahanda nila sa amin, gayundin ang pag-eehersisyo at pag-inom ng bitamina. Hanggang ngayon, patuloy ang aming pag-iingat. Ikaw, paano mo iniingatan ang iyong sarili? Sana manatii kang ligtas at malusog. Pagpalain sana tayo ng Diyos! Ang iyong kaibigan, Mary Jane

Pagbibigay sa mga Pulubi

Madalas kaming mamasyal na mag-anak. Tuwing Sabado at Linggo yata ay nasa pasyalan kaming mag-anak. Hindi ko na nga mabilang kung ilang beses na kaming bumiyahe. Basta ang alam ko lang, masaya ako kapag kasama ko sina Daddy at Mommy. Lalo rin akong humanga sa aking ama dahil kahit sino ang lumapit sa kanya upang manghingi ng tulong ay tutulungan niya. "Daddy, bakit binigyan mo siya? Sabi sa balita may batas daw na nagbabawal na huwag magbigay ng limos sa mga pulubi," sabi ko. "Ay, opo! Mendicancy Law ang tawag doon. Alam ko iyon, Anak. Mas pinaniniwalaan ko kasi na mas mapalad ang nagbibigay kaysa humihingi. Gaano man kaliit o kalaki ang halaga ng binigay mo, biyaya pa rin iyon sa katulad nila," paliwanag ni Daddy. "Tama ang daddy mo, Errol. Kaya ikaw, kapag may nakita kang katulad niya o manghingi sa iyo, magbigay ka kahit magkano. Hindi masama iyon," dagdag ni Mommy. "E, kasi... ang iba po, nagkukunwari lang na pulubi... Nagagalit pa kapag hindi nila gusto ang ibinigay mo," sabi ko. "Naalala ko po kasi minsan na nagbigay na ako ng kung ano-ano tirang pagkain sa bag ko, nagalit pa sa akin. Pera raw ang gusto niya." "Ano ang ginawa mo?" tanong ni Mommy. "Tumakbo na po ako kasi kung ano-ano na po ang lumapit sa akin. Mga kasamahan niyang malalaking bata. Nakakatakot po sila." "Naku, mag-iingat ka, Errol. Kaya pala nagtataka ka kung bakit ako nagbibigay sa kanila," wika ni Daddy. "Pero, nakita naman ninyo kung kanino ako nagbigay kanina. Pinipili ko ang mga bibigyan ko." "Kani-kanino lang po ba dapat magbigay?" tanong ko. "Sa matatanda at may kapansanan." "Tama po. Sige po, sa susunod po mamimili na rin po ako ng bibigyan." "Sino ang bibigyan mo: lalaking pilay pero malusog ang pangangatawan o batang marungis?" tanong ni Daddy. Napaisip ako. "Pareho pong matimbang sa akin." "Tama naman! Basta nasa puso ang pagbibigay," sabi niya. "Opo!"

Lugar na Babalikan (panghalip)

Lugar na Babalikan Sa lahat ng napuntahan kong lugar, ang Palawan ang pinakanagustuhan ko sa lahat. Pambihira ang karanasan _______ roon. Ang Palawan ay kilala sa magaganda at malilinis na baybayin. Napatunayan ko ito nang makarating _________ mag-anak doon. Higit pa sa inaasahan _______ ang mga nakita at naranasan ko. Una _________ pinuntahan ang sikat na ilog sa ilalim ng lupa, na mas kilala bilang Puerto Princesa Subterranean River National Park. Isa itong UNESCO World Heritage Site, na kinikilala ng buong mundo. Kamangha-mangha ang mga rock formation sa ilalim niyon. Kung ________ ang naroon, hindi ka makakapagsalita sa pambihirang ganda ng mga makikita ______. Masasabi mong napakagaling ng Diyos at kalikasan. Hindi rin _______ pinalampas ang pagkakataong maligo sa tatlong baybayin sa Puerto Princesa. Ang Lulubog-Lilitaw (LuLi) Island, Starfish Island, at Cowrie Island ay tatlong magagandang beaches kung saan may iba’t ibang karanasan _______ mailalagay sa aking alaala, gaya ng snorkeling, banana boat riding, at tamilok eating. Marami pa kaming pinuntahan. Samot-saring pasyalan pa ang aming binisita. Lahat ng iyon ay nagbigay sa amin ng hindi mababayarang kasiyahan. Sulit na sulit ang gastos na inilaan ni Papa. Sabi nga ______, kung may babalikan kaming lugar, ang Palawan iyon. _________ na rin ang nagtakda na sa susunod na taon ay babalik kami roon.

Diyalogo: Dahil sa Pandemya (panghalip)

Dahil sa Pandemya Minggoy: Ngayong lang __________ hindi nakapagbakasyon. Ringo: Sayang, `no? Kundi lang nagkaroon ng pandemya, nakarating na sana __________ sa Cebu. Sinasama ako ng tito _______. Minggoy: Uy, maganda roon sa Cebu! Ringo: Oo! Napapanood ko nga tv ang magagandang lugar doon. Minggoy: Taga-roon pala ng angkan ________? Ringo: Hindi. Si Tito Manuel lang. Nakapag-asawa kasi ________ ng Cebuana, tapos nandito ang trabaho _________. Minggoy: Ah, kaya pala… Pero, `di ba, ang Cebu ang may pinakamaraming kaso ng CoViD-19 sa Pilipinas? Nabalitaan _____ ba iyon? Ringo: Oo. Sabi nga nina Papa’t Mama, mabuti na lang daw hindi _______ natuloy, kundi mag-aalala _______ nang husto sa akin. Minggoy: Mabuti na lang kasama _________ ang ating mga pamilya kahit hindi __________ natuloy sa mga plano nating puntahan. Ringo: Tama ______! Isa pa, nakatipid _______ ngayon sa gastos pagbabakasyon. Pero, saan sana __________ magbabakasyon? Minggoy: Sa Batangas lang sana kami. Si Mama ang may gusto. Hindi na raw kasi _______ nadadalaw ang mga kamag-anak niya roon. Ringo: Hindi bale, marami pa namang panahon. Ang mahalaga, safe tayo. Minggoy: Tama!

Kahalagahan ng Media

Ang Facebook ay isa lamang sa mga sikat na sikat na social media na ginagamit ng karamihan sa makabagong panahon. Pinagkukunan ito ng impormasyon, aliw,at kamalayan, subalit may positibo at negatibong epekto sa mga gumagamit. Ang social media ay makabagong midyum sa pagpapalaganap ng impormasyon. Ito ay pinatatakbo ng midyum na internet, na may kakayahang gampanan ang mga gawain ng tradisyunal na media--- radyo, telebisyon, at pahayagan. Gayunpaman, patuloy pa ring namamayagpag sa panahon ang tatlong ito o tinatawag na trimedia. Ang radyo ay isang midyum pangkomunikasyong naglalayong magbahagi ng mga kaganapan ng mundo sa mas malawak na sakop nito. Ito ay isang teknolohiya na pinahihintulutan ang pagdadala ng mga hudyat (signal) sa pamamagitan ng modulation ng electromagnetic waves na may mga frequency na mas mababa kaysa liwanag. Layunin nitong maghatid ng napapanahong balita, maghatid ng mga talakayan/pulso ng bayan, magbigay ng opinyon kaugnay ng isang paksa, at maghatid ng musika. Ang mga istasyon na FM ay nakapokus ang nilalaman unang-una sa musika samantalang ang mga istasyon na AM ay nag-uulat ng mga balita, kasalukuyang pangyayari, serbisyo publiko, seryal na drama, at mga program ana tumatalakay sa mga napapanahong isyu. Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang radyo ang ikalawa sa pinakaginagamit, pinagkakatiwalaan, at pinagkukunan ng pampolitikang impormasyon sa Pilipinas. Noong 2013, tinatayang 2/3 ng populasyon ng bansa ang nakikinig sa radyo, na may 41.4% ng tagapakinig minsan sa isang linggo. Nananatili rin itong pinakalaganap na media na nakakaabot kahit na sa pinakaliblib na mga lugar sa bansa. Dagdag pa nila, mas nakikinig ang mga tao sa FM kaysa sa AM na istasyon ng radyo halos 90% ng panahon. Batay sa datos mula sa National Telecommunications Commissions (NTC), may 416 istasyon ng AM at 1,042 istasyon na FM sa buong bansa noong Hunyo 2016. Ang telebisyon o tanlap (tanaw + diglap) ay isang sistemang pangkomunikasyon, na nagpapahayag at tumatanggap ng mga gumagalaw na mga larawan at tunog sa kalayuan, na may iisang kutis ng kulay, may iba’t ibang kulay o may tatlong sukat (haba, lapad, at taas). Ito ay pangmasang tagapaghatid ng libangan, edukasyon, balita, patalastas. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang telebisyon ang napakasikat at pinagkakatiwalaan sa Pilipinas. Dagdag nito, ang 81% ng mga Filipino ang nanonood ng telebisyon, ang 71.6% ang nanonood kahit minsan isang lingo. Ayon pa sa PSA, ang telebisyon din ang 99% ng mga Filipino at gumagamit at nagtitiwala sa telebisyon. Ang 58% sa kanila ay kumukuha ng impormasyon tungkol sa pulitika. Ang telebisyon ay libreng napapanood sa buong bansa, maliban sa mga pamilyang nagpakabit ng satellite o cable. Ang pahayagan o diyaryo o peryodiko ay isang uri ng paglilimbag ng naglalaman ng balita, impormasyon, at patalastas. Kadalasang nakaimprenta ito sa mababang halaga at inlalabas nang araw-araw o linggo-linggo. Ito ay maaaring pangkalahatan o may espesyal na interes. Dahil sa pag-usbong ng internet, humina ang sirkulasyon nito sa bansa, kaya’t ang iba ay nagkaroon na ng online diyaryo Ayon sa Media Ownership Monitor Philippines, ang Pilipinas ngayon ay isang bansa na hindi nagbabasa ng pahayagan. Ayon naman sa 2013 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS) ng Philippine Statistics Authority, halos isa lang sa bawat 10 Filipino ang nagbabasa ng pahayagan araw-araw. Bahagya pang mas kilala ang mga magasin kaysa sa mga pahayagan, na may 30.7% nagbabasa kahit na minsan isang linggo. May dalawang klase ang mga pahayagan sa Pilipinas: ang tabloid at broadsheet. Ang tabloid ay mas maliit at mas murang pahayagan. Kadalasang isinusulat ito sa wikang Filipino at naglalaman ng mas maraming balita tungkol sa krimen and istorya tungkol sa artista. Ang broadsheet ay mas malaki at doble ang presyo kumpara sa tabloid. Isinusulat palagi ito sa wikang Ingles. Bukod sa mga balita, tinatampok din dito ang mga seksyon tungkol sa negosyo, lifestyle, mga istorya, at isports, at marami pang iba. Ang pahayagan ay naglalaman ng pangmukhang pahina, balitang pandaigdig - balitang panlalawigan, pangulong tudling/editoryal, balitang komersyo, anunsyo klasipikado, libangan, lifestyle, at isports. Sa pangmukhang pahina makikita ang pangalan ng pahayagan at ang mga pangunahin o mahahalagang balita. Sa pahina ng balitang pandaigdig mababasa ang mga balitang nagaganap sa iba't ibang bahagi ng mundo. Sa balitang panlalawigan mababasa ang mga balita mula sa mga lalawigan sa ating bansa. Sa pangulong tudling/editoryal mababasa ang kuru-kuro o punang isinulat ng patnugot (editor) hinggil sa isang napapanahong paksa o isyu. Sa balitang komersyo mababasa ang mga balita tungkol sa kalakalan, industriya, at komersyo. Sa anunsyo klasipikado makikita ang mga anunsyo para sa iba't ibang uri ng hanapbuhay, bahay, lupa, sasakyan, at iba pang kagamitang ipinagbibili. Sa obitwaryo makikita ang mga anunsyo para sa mga taong namatay na. Sa pahina panlibangan makikita ang mga balita tungkol sa artista, pelikula, telebisyon, at iba pang sining. Dito rin mahahanap ang mga jokes, textmate column, crossword puzzle, Sudoku, Hanap-Salita, horoscope, at iba pa. Sa seksyon ng lifestyle mababasa ang mga artikulong may kinalaman sa pamumuhay, tahanan, pagkain, paghahalaman, at iba pang aspeto ng buhay sa lipunan, At ang pahinang isports naman ay naglalaman ng mga istorya at balitang pampalakasan. Ang mga nabangggit na media ay nakatutulong sa bawat tao. Ang mga mag-aaral ay higit lalong makikinabang sa mga layunin at kahalagahan ng mga ito. Mahalaga sa edukasyon ang bawat isa lalo na kung gagamitin ito nang wasto at may kaakibat na responsibilidad.

Mikrobyong May Sumpa

Tag-ulan na naman! Hindi tayo dapat na magsaya dahil sa ulan. Dapat tayong mangamba dahil sa idudulot nitong baha. Ang mas nakakatakot pa ay ang mikrobyong ‘leptospira.’ Ang leptospira ay mikroboyong nagdudulot ng leptospirosis. Nakamamatay ang sakit na ito. Sa pamamagitan ng pagpasok ng mikrobyong ito sa balat na may sugat mula sa baha, basang lupa, o halamang may ihi ng kontaminadong daga Kapag ang pinaghihinalaang may leptospirosis ay nilagnat, nanginginig, nananakit ang binti, kalamnan, kasukasuan, at ulo, namumula ang mga mata, naninilaw ang balat, may kulay-tsaang ihi, kakaunti ang ihi, at sobrang nananakit ang ulo, kinakailangan na niyang sumugod sa pinakamalapit na hospital at magpasuri sa doktor. At upang hindi makakuha ng leptospira, iwasang lumangoy o lumusong sa mga kontaminadong baha at maruming tubig, lalo na kung may sugat. Kung talagang hindi maiwasan ang paglusong sa baha, gumamit ng bota. Maghugas din kaagad pagkatapos lumusong. Dahil daga ang pinanggagalingan ng mikrobyong ito, sugpuin agad ang mga pesteng ito sa inyong tahanan. Panatilihing malinis ang bahay. Ang leptospirosis ay maiiwasan kung ang sarili ay iingatan at ang kapaligiran ay lilinisan. Ang tag-ulan ay biyaya kung walang mikrobyong may dalang sumpa.

Diyalogo: Anti-Terrorism Act of 2020

Anti-Terrorism Act of 2020. Zandro: Alam mo ba ang ibig sabihin ng bagong batas na pinirmahan ni Pangulong Duterte? Nathaniel: Alin do’n? Ang Anti-Terror Bill? Zandro: Oo, pasado na! Pinirmahan na noong July 3. Napanood ko sa tv. Nathaniel: Talaga? E, wala naman tayong magagawa roon kasi mga estudyante pa lang naman tayo. Sila naman ang gumagawa ng batas. Tagasunod lang tayo. Zandro: Oo nga, pero may pakialam dapat tayo kasi tayo ang bumubuo sa gobyerno. Nathaniel: Naku, Zandro! Dumale ka na naman… Dinadaan mo naman ako sa mga ganyan mo. Zandro: Hindi… Akala ko kasi interesado ka sa mga isyung napapanood at napapakinggan mo. Nathaniel: Interesado naman ako, pero hindi ko pa iyan maunawaan… Saka hindi ko naman iyan kailangan. Zandro: Sa ngayon, oo, pero darating ang araw… kailangan mong malaman ang mga bagay-bagay sa paligid natin. Dapat mayroon tayong opinyon o reaksiyon sa mga isyu. Nathaniel: Hindi naman kasi tayo magkapareho. Matalino ka. Ako, hindi… Sige na, maglalaro pa kami ni Andoy.

Ang Tubig ay Buhay

Malayo ang nilakad ni Sheila dahil wala siyang masakyan. Tumatagaktak ang pawis niya sa katawan. Sumasakit na rin ang ulo niya at nakararamdam ng panunuyot ng lalamunan. Naghanap siya ng mabibilhan ng mineral water. Sa di-kalayuan, nadaanan niya ang Tubig S Lyf Mineral Water Station. Bumili siya ng 250 ml. na bote ng tubig at agad na uminom. Aalis na sana siya dahil guminhawa na ang kanyang pakiramdam at nakapagpunas na rin siya ng pawis, nang mapukaw ang atensiyon niya ng nakasabit na malaking tarpaulin sa tabi ng station. Binasa niya iyon dahil sa tingin niya ay marami siyang matututuhan. Keep Rehydrated, Kaibigan. Tubig S Lyf! Alam mo bang 60% ng katawan mo ay binubuo ng tubig at mga 71% ng ibabaw ng mundo ay tubig? Kaya, ang tubig ay buhay. Isa ka ba sa mga taong hindi priority ang pag-inom ng tubig? Well, dapat mong malaman ang mga ito. May labing-apat na dahilan kung bakit kailangan mong uminom ng maraming tubig araw-araw. Pinadudulas nito ang iyong kasukasuan upang hindi ka makaramdam ng arthritis. Kailangan din ng iyong gulugod ang tubig sapagkat ang 80% nito ay tubig. Nakabubuo ito ng laway, na kailangan sa paglunok ng pagkain at upang manatiling basa ang iyong bibig, mata, at ilong. Nalilinis din nito at napapabango ang iyong hininga. Nagbibigay ito ng oxygen sa iba’t ibang bahagi ng iyong katawan, lalo na sa iyong dugo. Ninety percent ng iyong katawan ay binubuo ng dugo. Pinagaganda nito ang iyong balat. Kapag kulang ka sa tubig katulad ka ng bitak-bitak na palayan. Pinoprotektahan nito ang utak, gulugod, at iba mo pang bahagi ng katawan. Kapag kulang ka sa tubig madaling rumupok at mabasag ang mga ito.Pinapanatili nito ang normal na temperatura ng iyong katawan. Ang pagpapawis ay nakababawas ng tubig sa katawan, kaya kailangan mong palitan. Nakadepende dito ang iyong panunaw. Ang pagdumi mo ay apektado kapag kulang ka sa tubig. Tinatanggal nito ang mga dumi sa iyong katawan sa pamamagitan ng ihi at pawis. Pinapanatili nito ang normal na daloy ng dugo sa iyong katawan. Kapag kulang ka sa tubig, lalapot ang iyong dugo. Kailangan ito ng mga daluyan ng hangin, gaya ng bibig at ilong. Kapag kulang ka sa tubig, maaari kang makaranas ng asthma at allergy. Tumutulong ito upang ipamahagi ang mga natunaw na nutrisyon at mineral mula sa mga pagkain patungo sa iba’t ibang bahagi ng katawan mo. Iniiwas ka nito sa sakit sa bato. Ang bato (kidney) ang nagpapanatili ng normal na tubig sa iyong katawan. Ang kakulangan sa tubig sa katawan ay magdudulot ng kidney problems. Pinalalakas nito ang katawan mo habang kumikilos ka at nagpapawis. Kaya mainam ito para sa mga nagtratrabahong pisikal o nag-eehersisyo. At nakapagpapababa ito ng timbang. Ang pag-inom ng tubig bago kumain ay nakababawas sa dami ng kakainin mo. Maniwala ka… Tubig S Lyf! “Totoo ito!” sabi ni Sheila pagkatapos niyang magbasa. “Opo, Ate… Kanina po parang mahihimatay na po kayo, pero ngayon…. ang ganda-ganda niyo na,” sabi ng tindero. “Salamat, Kuya! Lagi na akong magbabaon ng tubig kasi…” “Tubig S LYF!” sabay na wika ng dalawa, saka nagtawanan.

Mga Gadgets Sa Panahon ng New Normal

Sa panahon ng New Normal, ang papel na ginagampanan ng teknolohiya ay hindi matatawaran. Itutuloy nito ang naunsiyaming harapang pag-aaral ng mga estudyante. Pabibilisin nito ang daloy ng pagtuturo at pagkatuto kahit magkakalayo ang mga mag-aaral at guro. Subalit, hindi rin maiiwasan ang paglabas ng mapaminsalang radiation. Ang laptop, kapag kinonekta sa WIFI at Bluetooth ay naglalabas ng radiation. May mga piyesa rin itong nagpapalakas sa mga signal, gaya ng battery at antenna. Ang cellphone ngayon ay maliit na bersyon ng laptop, kaya magkatulad ang radiation na inilalabas ng mga ito. Ipinapayo ng mga ekspersto na huwag ipapatong sa hita ang laptop, lalo na kapag konektado ka sa internet. Pinaghihinalaang kasi na ito ang sanhi ng pagkabaog ng mga lalaki. Mas mainam kung nakapatong ito sa mesa. Makatutulong din ang pagkakabit ng laptop shield upang mabawasan ang init na nagbubuo nito patungo sa iyong mga mata. Ang WIFI router ay nagbubuga rin ng electromagnetic radiation, na delikado sa tao, lalo na sa mga sanggol at buntis. Tumatagos ito sa mga dingding ng mga bahay, kaya pati EMF radiation mula sa ibang bahay ay nakaaapekto sa iyong kalusugan. Nakapagdudulot ito ng skin rashes at kahirapan sa pagtulog. Hinihikayat ang lahat ng mayroon nito na tanggalin sa saksakan kapag hindi ginagamit. Ang tablet ay may mas matinding EMF radiation dahil touchscreen ito at may WIFI, bluetooth, at cellular connection, na pare-parehong delikado sa katawan. Mali ang ideya na ang tablet ay mabisang bagay bilang kapalit ng paglalaro sa labas o mga tradisyunal na laruan. Mas nakabubuti ang paglalaro sa labas ng bahay. Ang earphones at headsets ay naglalabas din ng radiation. Wireless man o hindi, pareho ang epekto nito sa ating katawan. Rekomendado ng mag eksperto ang airtube headsets dahil wala itong metal na nagpapalakas sa signal. Ang mga gadget na ito ay hindi natin maiwawaksi lalo na sa panahon ngayon. Ang tangi nating magagawa ay wastong paggamit ng mga ito at pag-iingat. Mahalaga ang edukasyon, ngunit mahalaga rin ang kalusugan.

Matulog Tayo!

Matulog Tayo! Ang pagtulog ay kasingkahalaga ng pagkain ng masusustansiyang pagkain at pag-eehersisyo. Kailangan ito ng ating katawan, subalit marami sa atin ang sumasala sa oras ng tamang pagtulog. Ang mahimbing na tulog sa gabi ay napakabuti sa ating katawan. Ipinapayong ng mga doctor na matulog tayo ng walong oras pataas araw-araw para sa malusog na pangangatawan. May mga epekto ang kakulangan sa tulog. Ang pagbaba at pagtaas ng timbang ng tao ay sanhi ng pagtulog. Nababawasan ang gana sa pagkain ng sinomang kulang sa tulog. Kung sapat naman ang tulog ng isang tao, maganda ang proseso ng utak at pag-iisip niya. Nangangahulugan ito ng magagandang resulta sa gawain. Nakatutulong din sa mga atleta ang mahabang tulog sapagkat nadaragdagan nito ang kanyang bilis. Samantalang ang mga taong madalas puyat ay mataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng sakit sa puso at stroke. Naaapektuhan din nito ang blood sugar at insulin ng katawan, kaya ang mga taong laging puyat ay siyang dinadapuan ng diabetes. Hindi naman maikakaila na ang kakulangan sa tulog ay nagdudulot ng depresyon. Subalit kung sagana sa pagtulog ang isang tao, lalakas ang immune system niya at makaiiwas siya sa madalas na pagkakasakit. Nagkakaroon din ng mabilis na paghilom ng mga sugat. Tandaan din nating ang pagtulog ay nakaaapekto sa ating emosyon at pakikitungo sa kapwa. Nagiging masungit at iritable tayo kapag kapos sa tulog. Ang lahat ng iyan ay dapat nating malaman at isapuso. Huwag nating ipagkait sa ating sarili ang pagtulog. Matulog tayo kapag may time.

Si Idad

Bata pa lamang si Idad ay nagpamalas na siya ng katapangan. Hindi siya katulad ng mga dalagita na bihasa sa pananahi at pagbuburda. Mas kinahiligan niya ang sining ng eskrima. Naniniwala kasi siya na hindi lang mga kalalakihan ang dapat na matuto sa paghawak ng sandata, kundi pati mga kababaihan. Ayon sa kanya, ang kasanayan sa paghawak ng sandata ay magagamit sa oras ng kagipitan. Isang gabi, may akyat-bahay na nagtangka sa kanilang bahay. Dahil sa taglay na tapang, patakbo niya itong initak. Lumusot sa bintana ang tampalasan. Sumisigaw at kumakawag-kawag na tumakbo palayo ang pangahas. Isang araw, may alperes na nagtangkang manggulo sa kanilang tahanan dahil inayawan at binigo niya ito. Pinasugod nito ang mga tauhan. Pinagbintangan siya ng mga ito na nagpuslit ng tabako at pinagpipilitan pa ng mga ito. Sa galit ni Idad, winasiwas niya ang mga ito ng matalim na itak upang itaboy ang mga lapastangang lalaki. Marami nga ang nagsabing hindi siya makakapag-asawa dahil natatakot ang mga lalaki na manligaw sa kanya. Ngunit noong labingsiyam na taong gulang na siya, may nangahas at nagtagumpay na magpakasal sa kanya. Matapang si Idad sa mga pagkakataong kailangan niyang ipagtanggol ang sarili o kapwa. Higit niyang pinaninindigan ang prinsipyong ‘Walang mang-aalipin, kung walang magpapaalipin.’ Ang katapangan ni Idad ay nagamit niya nang sumali siya sa Katipunan. Isa siyang mason, kaya mahusay na siya sa pakikipagpagdigma. Siya rin ang kaisa-isang katipunerang gumamit ng sariling dugo upang ilagda sa dokumento ng panunumpa. Sa bawat labanan, inalay ni Idad ang sarili para sa bayan. Kaya naman, siya ang kinilala bilang ‘Ina ng Biak na Bato.’

Ang Aking Journal -- Hulyo 2026

Hulyo 1, 2026 Muntik na akong ma-late dahil sa bus na nasakyan ko. Panay ang hinto at pick-up niyon ng mga pasahero. Hindi ko na tuloy naa...