Followers

Saturday, October 17, 2020

Kahalagahan ng Media

Ang Facebook ay isa lamang sa mga sikat na sikat na social media na ginagamit ng karamihan sa makabagong panahon. Pinagkukunan ito ng impormasyon, aliw,at kamalayan, subalit may positibo at negatibong epekto sa mga gumagamit. Ang social media ay makabagong midyum sa pagpapalaganap ng impormasyon. Ito ay pinatatakbo ng midyum na internet, na may kakayahang gampanan ang mga gawain ng tradisyunal na media--- radyo, telebisyon, at pahayagan. Gayunpaman, patuloy pa ring namamayagpag sa panahon ang tatlong ito o tinatawag na trimedia. Ang radyo ay isang midyum pangkomunikasyong naglalayong magbahagi ng mga kaganapan ng mundo sa mas malawak na sakop nito. Ito ay isang teknolohiya na pinahihintulutan ang pagdadala ng mga hudyat (signal) sa pamamagitan ng modulation ng electromagnetic waves na may mga frequency na mas mababa kaysa liwanag. Layunin nitong maghatid ng napapanahong balita, maghatid ng mga talakayan/pulso ng bayan, magbigay ng opinyon kaugnay ng isang paksa, at maghatid ng musika. Ang mga istasyon na FM ay nakapokus ang nilalaman unang-una sa musika samantalang ang mga istasyon na AM ay nag-uulat ng mga balita, kasalukuyang pangyayari, serbisyo publiko, seryal na drama, at mga program ana tumatalakay sa mga napapanahong isyu. Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang radyo ang ikalawa sa pinakaginagamit, pinagkakatiwalaan, at pinagkukunan ng pampolitikang impormasyon sa Pilipinas. Noong 2013, tinatayang 2/3 ng populasyon ng bansa ang nakikinig sa radyo, na may 41.4% ng tagapakinig minsan sa isang linggo. Nananatili rin itong pinakalaganap na media na nakakaabot kahit na sa pinakaliblib na mga lugar sa bansa. Dagdag pa nila, mas nakikinig ang mga tao sa FM kaysa sa AM na istasyon ng radyo halos 90% ng panahon. Batay sa datos mula sa National Telecommunications Commissions (NTC), may 416 istasyon ng AM at 1,042 istasyon na FM sa buong bansa noong Hunyo 2016. Ang telebisyon o tanlap (tanaw + diglap) ay isang sistemang pangkomunikasyon, na nagpapahayag at tumatanggap ng mga gumagalaw na mga larawan at tunog sa kalayuan, na may iisang kutis ng kulay, may iba’t ibang kulay o may tatlong sukat (haba, lapad, at taas). Ito ay pangmasang tagapaghatid ng libangan, edukasyon, balita, patalastas. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang telebisyon ang napakasikat at pinagkakatiwalaan sa Pilipinas. Dagdag nito, ang 81% ng mga Filipino ang nanonood ng telebisyon, ang 71.6% ang nanonood kahit minsan isang lingo. Ayon pa sa PSA, ang telebisyon din ang 99% ng mga Filipino at gumagamit at nagtitiwala sa telebisyon. Ang 58% sa kanila ay kumukuha ng impormasyon tungkol sa pulitika. Ang telebisyon ay libreng napapanood sa buong bansa, maliban sa mga pamilyang nagpakabit ng satellite o cable. Ang pahayagan o diyaryo o peryodiko ay isang uri ng paglilimbag ng naglalaman ng balita, impormasyon, at patalastas. Kadalasang nakaimprenta ito sa mababang halaga at inlalabas nang araw-araw o linggo-linggo. Ito ay maaaring pangkalahatan o may espesyal na interes. Dahil sa pag-usbong ng internet, humina ang sirkulasyon nito sa bansa, kaya’t ang iba ay nagkaroon na ng online diyaryo Ayon sa Media Ownership Monitor Philippines, ang Pilipinas ngayon ay isang bansa na hindi nagbabasa ng pahayagan. Ayon naman sa 2013 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS) ng Philippine Statistics Authority, halos isa lang sa bawat 10 Filipino ang nagbabasa ng pahayagan araw-araw. Bahagya pang mas kilala ang mga magasin kaysa sa mga pahayagan, na may 30.7% nagbabasa kahit na minsan isang linggo. May dalawang klase ang mga pahayagan sa Pilipinas: ang tabloid at broadsheet. Ang tabloid ay mas maliit at mas murang pahayagan. Kadalasang isinusulat ito sa wikang Filipino at naglalaman ng mas maraming balita tungkol sa krimen and istorya tungkol sa artista. Ang broadsheet ay mas malaki at doble ang presyo kumpara sa tabloid. Isinusulat palagi ito sa wikang Ingles. Bukod sa mga balita, tinatampok din dito ang mga seksyon tungkol sa negosyo, lifestyle, mga istorya, at isports, at marami pang iba. Ang pahayagan ay naglalaman ng pangmukhang pahina, balitang pandaigdig - balitang panlalawigan, pangulong tudling/editoryal, balitang komersyo, anunsyo klasipikado, libangan, lifestyle, at isports. Sa pangmukhang pahina makikita ang pangalan ng pahayagan at ang mga pangunahin o mahahalagang balita. Sa pahina ng balitang pandaigdig mababasa ang mga balitang nagaganap sa iba't ibang bahagi ng mundo. Sa balitang panlalawigan mababasa ang mga balita mula sa mga lalawigan sa ating bansa. Sa pangulong tudling/editoryal mababasa ang kuru-kuro o punang isinulat ng patnugot (editor) hinggil sa isang napapanahong paksa o isyu. Sa balitang komersyo mababasa ang mga balita tungkol sa kalakalan, industriya, at komersyo. Sa anunsyo klasipikado makikita ang mga anunsyo para sa iba't ibang uri ng hanapbuhay, bahay, lupa, sasakyan, at iba pang kagamitang ipinagbibili. Sa obitwaryo makikita ang mga anunsyo para sa mga taong namatay na. Sa pahina panlibangan makikita ang mga balita tungkol sa artista, pelikula, telebisyon, at iba pang sining. Dito rin mahahanap ang mga jokes, textmate column, crossword puzzle, Sudoku, Hanap-Salita, horoscope, at iba pa. Sa seksyon ng lifestyle mababasa ang mga artikulong may kinalaman sa pamumuhay, tahanan, pagkain, paghahalaman, at iba pang aspeto ng buhay sa lipunan, At ang pahinang isports naman ay naglalaman ng mga istorya at balitang pampalakasan. Ang mga nabangggit na media ay nakatutulong sa bawat tao. Ang mga mag-aaral ay higit lalong makikinabang sa mga layunin at kahalagahan ng mga ito. Mahalaga sa edukasyon ang bawat isa lalo na kung gagamitin ito nang wasto at may kaakibat na responsibilidad.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...