Followers

Saturday, October 17, 2020

Pamilya ay Mahalaga

Sa mga kanluraning bansa, umaalis na sa bahay ng magulang ang anak kapag tumuntong ito sa edad na labingwalo upang mamuhay nang malaya. Sa Pilipinas, hindi lilisan ang anak hanggang gusto nito at gusto ng mga magulang. Para sa mga pamilyang Pilipino, mahalaga ang pagkakabuklod-buklod nila. Ang sama-sama nating pamumuhay ay isang simbolo ng kaligayahan. Namumuhay tayo nang sama-sama dahil naniniwala tayong maaalagaan natin ang isa’t isa. Kaya nga, kadalasan ang pagtitipon ng magkakapamilya at magkakamag-anak. Salo-salo tayo sa kainan. Sama-sama rin nating hinaharap ang mga masasaya at malulungkot na bahagi ng buhay. Pinatatatag tayo ng pagiging buo ng ating pamilya. Pambihira ang kaugaliang ito nating mga PilipinoSa totoo lang, araw-araw nating ipinagdiriwang ang kahalagahan ng pagiging malapit sa pamilya.

Pagmamano

“Mano po!” Kasabay nito ang pagkuha sa kamay ng nakatatanda at paglapat nito sa iyong noo. Iyan ang bati natin sa mga nakatatanda—kamag-anak man natin o hindi. Ito ay isang magandang kaugaliang Pilipino. Ang pagmamano ay nagpapakita ng paggalang sa nakatatanda. Madalas itong gawin bilang pagbati sa pagdating o bago umalis. Ito ay dapat itinuturo nang maaga sa mga bata

Bayanihan

Bayanihan Sa paglaganap ng pandemya, lalong umigting ang bayanihan, isang kaugaliang Pilipino. Gumawa ng batas ang mga mambabatas upang lalong maghari ang pagtutulungan sa oras ng krisis. Ang bayanihan ay nag-ugat sa pagtutulungan ng magkakapitbahay o magkakabaranggay sa pagbuhat at karaniwang paglipat ng isang bahay, na noon ay kubo na gawa sa kawayan, kahoy, nipa, pawid, at iba pang magagaan na materyales ng kanilang kasamahan patungo sa isang bagong puwesto. Sa paglipas ng panahon, nagbago ang mga gawain sa pagtutulungan at pagkakabit-bisig, ngunit hindi nagbago ang adhikaing maging matulungin at mapagmalasakit sa kapuwa, lalo na oras ang kagipitan, krisis, at kalamidad,

Alagang Ahas ng Kapitbahay

Hindi ko talaga maintindihan ang kapitbahay ko kung bakit nag-aalaga siya ahas. Isang araw, tinanong ko siya kung ano ang kasiyahan ang naibibigay sa kaniya ng alaga niya. “Hindi ko maintindihan ang nadarama ko kapag nakikita ko si Cornik. Basta! May kakaibang dulot sa akin ang ahas na ito,” sagot ni Mang Arnold. “Hindi po ba kayo natatakot?” tanong ko. “Hindi. Ang mga corn snake kasi kagayan nito ay isang napakamahinahong hayop. Para sa mga beginner, isang magandang alagang hayop ang ahas na ito sapagkat ito ay harmless. Wala itong kamandag.” “Paano po kung lumaki na iyan? Maaari na po bang makapanakit iyan?” “Hindi ito makakapanakit ng tao. Sa katunayan, nakatutulong ito sa atin dahil binabalanse nito ang ecosystem natin. Kinakain nila ang mga daga, na sumisira ng ating mga pananim at nagdudulot ng sakit.” Medyo naniniwala na ako kay Mang Arnold. Inilabas ni Mang Arnold ang corn snake. “Nakita mo? Mabait ang uri ng ahas na ito.” Pumulupot ang ahas sa palad ni Mang Arnold. Maya-maya, napasigaw ako at agad na napaurong.

Ang Marungis na Kuting

Ang Marungis na Kuting “Meow! Meow!” iyak ng marungis na kuting nang makasalubong ko siya sa pasilyo. Lumapit pa ito sa akin at akmang hihilahid sa paa ko. “Ano ba ‘yan! Ang dungis mo naman! Lumayo ka sa akin.” Agad akong lumayo sa kaniya at naglakad pauwi. Agad din naman siyang sumunod sa akin. “Meow! Meow!” tawag niya sa akin. Tumakbo ako nang matulin upang hindi niya ako masundan. ___________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________. Kinabukasan, binalikan ko ang marungis na kuting. Nalungkot ako dahil hawak na siya ng matandang babae. “Akin ka na lang, ha? Mag-isa na lang ako sa buhay.” “Meow! Meow!’ sagot ng kuting.

Asthmatic

Asthmatic Bata pa lamang daw ako, sabi ng Mama ko, asthmatic na raw ako. Kaya, bawal sa akin ang makalanghap ng mga usok, alikabok, balahibo ng pusa o aso. Mahilig akong mag-alaga ng mga hayop, gaya ng isda, ibon, at pagong. Gusto ko rin sanang mag-alaga ng aso, ngunit mahigpit na ipinagbabawal sa akin ng doctor na huwag magkakaroon sa bahay ng alagang aso o anomang hayop na may balahibo. Sinikap kong hindi ako mainggit sa mga kaibigan kong may mga alagang aso. Nakatagpo sila ng matalik na kaibigan sa kanilang alaga. Sa tingin ko, sobrang ligaya ang naidudulot niyon sa kanila. Dahil wala naman akong kapatid, nagnanais akong magkaroon ng alagang aso. Minsan nga, naitanong ko sa aking mga magulang kung puwede na ba akong magkaroon ng alagang aso. Pinagalitan lamang nila ako. Isang araw, nalulungkot na naman ako. nakadungaw lang ako sa aming bintana. Maya-maya, matanaw ko sa aming bakuran ang isang cute na tuta. Para itong naliligaw. Alam kong hindi iyon pang-aari ng isa sa aming kapitbahay, kaya agad akong bumaba upang lapitan ang tuta.

Ang Ati-Atihan

Ang Ati-Atihan Ang Ati-Atihan Festival ay isa sa mga masasayang pagdiriwang ng Pilipinas, na ginanap tuwing Enero bilang parangal sa Santo Niño maraming bayan ng lalawigan ng Aklan, Panay Island. Ang malaking pagdiriwang ay ginanap sa panahon ng ikatlong linggo ng Enero sa bayan ng Kalibo, ang kabisera ng lalawigan. Ang pangalang Ati-Atihan ay nangangahulugang "gayahin si Ati," ang lokal na pangalan ng mga Aeta, ang mga unang nanirahan sa Pulo ng Panay at iba pang mga bahagi ng kapuluan. Ang kasiyahang ito ay orihinal na isang paganong pagdiriwang upang gunitain ang Barter ng Panay, kung saan ang Aeta ay tumanggap ng mga regalo mula sa mga pinuno ng Bornean na tinawag na Datu, na tumakas kasama ang kanilang mga pamilya upang makatakas sa isang malupit na pinuno, kapalit ng pinapayagan na manirahan sa mga lupain ng Aeta. Ipinagdiwang nila ito sa pamamagitan ng masayang pagsayaw at musika, kasama ang mga Borneans na pininturahan ang kanilang mga katawan upang ipakita ang kanilang pasasalamat at pakikitungo sa Aeta na may maitim na balat. Nang maglaon, ang kasiyahan ay binigyan ng ibang kahulugan ng simbahan sa pamamagitan ng pagdiriwang ng pagtanggap ng Kristiyanismo, bilang simbolo ng pagdadala ng isang imahe ng Banal na Bata habang nagpruprusisyon.

Si Kapitan Ito at ang Kaniyang Barangay

Si Kapitan Ito at ang Kaniyang Barangay Isa ang Bucal sa mga barangay sa bayan ng Tanza ang apektado ng pandemya. Subalit dahil sa masipag na kapitan, wala pang sampu ang nagpositibo sa CoViD-19 simula nang pumutok ito sa Pilipinas. Mahal ni Kapitan Ito ang Bucal, gayundin ang kaniyang mga kabarangay, kaya ginawa niya ang lahat upang hindi sila lubos na maapektuhan. Mabuting pinuno si Kapitan Ito. Napakasigasig niya sa kampanya laban sa virus. Hindi hamak na mas mababa ang bilang ng mga natamaan nito kaysa sa ibang barangay. Dahil dito, labis ang pasasalamat ng kaniyang barangay sa kaniyang marubdob na serbisyo.

Ang 20-20-20 Eye Rule

Ang 20-20-20 Eye Rule Dahil sa pandemyang CoViD-19, apektado ang lahat, kabilang ang edukasyon at trabaho. Naging work from home ang iba at hindi pinayagan ang face-to-face learning. Kaya naman, ang karamihan ay nagkaroon ng mahabang oras sa pagharap sa computer, laptop, cellphone, o tablet. Ang paglabo ng mata ay isa sa mga epekto nito, kaya upang maiwasan ito, ang 20-20-20 eye rule ay mainam na isagawa. Ano ba ang 20-20-20 eye rule? Paano ito isasagawa? Ito ay pagtingin sa 20 talampakang layo sa loob ng 20 segundo tuwing ika-20 minuto. Pagkatapos mong gumugol ng 20 minuto sa harap ng screen, tumingin ka sa isang bagay. Ang halaman o puno ay ang pinakamagandang tingnan. Tiyakin mo lamang na ang layo ng bagay na iyong titingnan ay 20 talampakan mula sa iyong kinatatayuan o kinauupuan. Gawin mo ito sa loob ng 20 segundo. Mas mainam din kung mas matagal mo itong gagawin. Ulit-ulitin mo ang 20-20-20 eye rule hanggang matapos ang ginagawa mo. Ang pagsasagawa ng 20-20-20 eye rule ay makatutulong upang manatiling malusog ang iyong paningin sa panahon ng pandemya. Subukan mo ito nang makita mo.

SuMaKaH

SuMaKaH Narinig mo na ba ang SuMaKah? Halika, sumama ka. Kilalanin natin ito! Tayo na’t mamasyal sa Antipolo! Ang Antipolo ay bahagi ng rehiyong CALABARZON. Kilala ito bilang ‘Pilgrimage Capital of the Philippines.’ Dahil ito ay pinaghalong siyudad at nayon, dinarayo ito ng mga turista, lalo na kapag panahon ng SuMaKaH. Ang SuMaKaH ay isang piyesta na idinaraos tuwing Mayo 1. Ito ay nangangahulugang ‘suman, mangga, kasoy, at hamaka’ dahil ang mga produktong ito ang ikinabubuhay ang mga taga-Antipolo. Sa Antipolo lamang matatagpuan ang mga destinasyong ito: Hinulugang Taktak, Pinto Art Museum, Cloud 9, Luljetta’s Hanging Gardens & Spa, Antipolo Cathedral, PACEM Eco Park, Casa Santa Museum, at Boso-boso Church. Ang Hinulugang Taktak ang kilalang talon sa Antipolo. Ang pangalan nito ay nagmula sa paghulog sa kampana sa talon noong ika-16 siglo dahil sa ingay nito tuwing oras ng Angelus. Ginawan pa nga ito ng kanta ni German San Jose. Mayroon ditong swimming pool, spider web platform, hanging bridges, wall-climbing facility, at iba pang amenities, na tiyak magbibigay ng pambihirang kasiyahan sa puso. Ang Pinto Art Museum ay isang kilalang museo. Mula sa pangalan nitong pinto, ito ipinaghihiwalay ng mga pintuan tungo sa iba’t ibang galerya. Kapag pumasok ka rito, tiyak na mapapaisip ka kung nasa Pilipinas ka pa rin ba o wala dahil sa kolonyal na arkitektura nito. Ang mga likhang-sining na narito’y kinolekta ng may-aring si Dr. Joven Cuanang upang maging tulay sa pagkakaiba-iba ng nasyonalidad, pananaw sa mundo, at mga pamayanan. Ang Cloud 9 ay ang lugar kung saan matatanaw ng mga turista ang bahagi ng Metro Manila. Napakapopular nito sa mga kabataan, lalo na sa mga magsing-irog dahil sa romantikong kapaligiran nito. Ito ay perpekto rin para sa mga magkakaibigan at magkakapamilya na naghahanap ng masayang paglalakbay. Ang Luljetta’s Hanging Gardens & Spa ay isa ring romantikong lugar. Nakaluklok ito sa mga burol ng Antipolo, kaya abot-tanaw ang Laguna de Bay at Kamaynilaan. Sa mga nais makaranas ng gumaan ang pakiramdam at mawala ang mga pagod, ito ang bagay sa kaniya. Tiyak na mawawala ang lumbay at bigat ng katawan sa taglay na kagandahan nitong lugar. Ang Antipolo Cathedral o National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage ay tanyag na simbahan sa Antipolo, na dinarayo ng mga deboto, lalo na tuwing Mahal na Araw. Ito ang dahilan kung bakit ang bayang ito ay tinatawag na ‘Pilgrimage Capital of the Philippines.’ Sa mga bibiyaheng abroad, dito sila pumupunta upang magdasal, humingi ng gabay, proteksiyon, at awa. Sa paligid nito ay makikia ang mga tindahan ng mga suman, mangga, kasoy, at iba pang local na produkto. Ang PACEM Eco Park o ‘Peace And Care For Earth Ministry’ Eco Park ay nagkakanlong ng isang maliit na zoo, butterfly sanctuary, organic garden, at iba pang amenities. Maaaaring makabili rito ng kanilang ani mula sa mga organikong pananim. Ito ay isang perpektong pook-pasyalan para sa mga bata at magkapapamilya. Ang Casa Santa Museum ay kilalang museo ng mga Santa Claus at iba pang dekorasyong Pampasko. Kung ang Pilipinas ang bansang may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko, ang museong ito naman ang buong taong bukas upang tumanggap ng mga turista at upang ipakita ang kanilang mga koleksiyon. Dahil dito, ang museo ito ay kinikilala na sa ibang bansa. Ang Boso-boso Church o The Nuestra Señora de la Annunciata Parish ay isa sa mga makasaysayang pook sa Antipolo. Ito ay itinayo noong ika-16 na siglo ng mga pari sa panahon ng Espanya. Dumaan man ito sa mga pagsubok, gaya ng giyera, sunog, at lindol ay nananatili pa rin ng orihinal na disenyo ng arkitektura nito. Kaya naman, paborito itong gamitin sa mga taping at shooting ng mga artista. Ang mga lugar na ito ay ilan lamang sa kokompleto ng pamamasyal mo sa Antipolo. At siyempre, marami rito ang mga pook-kainan na bubusog sa iyo. Ang SuMaKaH ay isa ring dapat mong dayuhin dito. Huwag lamang kakalimutang bumili ng pasalubong na suman, mangga, kasoy, at hamaka upang ma-enjoy naman ng iba ang Antipolo kahit hindi sila nakasama.

Cavite, Dapat Ipagmalaki

Cavite, Dapat Ipagmalaki Ang Cavite ay isa sa mga lalawigan sa Rehiyon IV-A, na pinakamalapit sa Metro Manila. Kilala ito pang-industriyang parke at magagandang tanawin. Ito ay mayaman din sa kasaysayan bilang isa sa mga lalawigan na humantong sa Rebolusyong Pilipino laban sa mga Espanyol. At dito rin ipinanganak ang kalayaan ng Pilipinas, kaya't ang lalawigan ay tinawag na ‘Historical Capital of the Philippines.’ Kadalasan, ang Cavite ang destinasyon para sa mga educational tours, subalit hindi lahat ay napupuntahan. Narito ang ilan sa mga makasaysayang lugar sa Cavite na dapat marating ng bawat isa at dapat na ipagmalaki. Ang Museo de La Salle sa Dasmariñas ay nagpapanatili ng isang lifestyle museum, kung saan makikita ang daan-daang antigong kasangkapan ng isang pamilya. Ang mga halimbawa nito’y mga muwebles, pigurin, at iba pang makasaysayang koleksiyon. Ang Immaculate Conception Parish Church sa Dasmariñas ay makasaysayang simbahang Katoliko, na itinayo noong panahon ng mga Kastila. Ang batong simbahang ito ay ang lugar ng pagdanak ng dugo sa panahon ng labanan ni Perez Dasmariñas ng rebolusyong Pilipino laban sa Espanya. Ang Imus Cathedral sa Imus ay isang produkto ng mahusay na arkitektura. Ang disenyo nitong baroque ay mahirap makalimutan. Kilala ito bilang Home parish. Ito ay nakaharap sa lokasyon kung saan unang idineklara ni Emilio Aquinaldo ang Kalayaan ng Pilipinas. Ang Cuenca Ancestral House sa Bacoor. Ito ay mas kilala sa tawag na ‘Bahay na Tisa’ dahil ang bubong nito yari sa hinurnong luwad. Ito ang dating tanggapan ni Emilio Aguinaldo. Nanatili siya rito bago lumipat ng opisina sa Malolos. Ang Bacoor Church sa Bacoor ay tinatawag ding Saint Michael the Archangel Parish. Ito ay isa sa mga pinakamatatandang simbahan sa lalawigan. Ito ay ginamit noon bilang bahagi ng pueblo (bayan). Si Mariano Gomez, isa sa mga Gomburza, ay naging parish priest ng simbahang ito hanggang dakpin siya noong 1872. Ang Aguinaldo Shrine sa Kawit ay tahanan ni Pangulong Aguinaldo. Dito naganap ang pagdeklara ng Kalayaan ng Pilipinas. Kapag ginalugad ang bahay, matutuklasan ang mga lihim na silid at daanan. Ang Kawit Church sa Kawit ay kilala rin bilang St. Mary Magdalene Church. Ito ay isa sa mga pinakalumang simbahan sa Pilipinas. Ang pagtatayo nito ay nagsimula noong 1737, at ang simbahan ay huling naibalik noong 1990. Dito bininyagan si Emilio Aguinaldo. Ang Corregidor Island sa Cavite City ay makasaysayang isla dahil dito ginamit ito bilang isang bahagi ng depensa ng Manila Harbor, na may kompletong armas at mga sasakyang pandigma. Ang parola rito ay ang pinakakilalang tampok ng isla. Itinayo rito ang Japanese Garden of Peace at Filipino Heroes Memorial. Ang Malinta Tunnel ay hindi rin dapat makalimutang pasyalan sa lugar na ito. Ang Calle Real sa Tanza ay isang restawran, na dating sinaunang bahay. Ito ay isa sa mga pinakamatanda bahay sa Cavite. Naghahain dito ng mga klasikong pagkain at putaheng Caviteño tulad ng pancit choko (squid pancit). Ito ay isa mga namanang resipe. Ang 13 Martyrs Monument sa Trece Martires ay itinayo bilang pagpupugay sa tatlumpung paring martir na hinatulan ng kamatayan ng mga Espanyol noong 1896 dahil sa pakikipagtulungan sa mga Katipunero. Ang Puente de Binambangan sa Indang ay hindi tipikal na historical site. Ito ay isang tulay, na itinatayo noong panahon ng pananakop ng mga Kastila. May mga nakaukit na Baybayin sa mga bato nito. Ang hamon para sa mga bibisita rito ay ang pagsasalin ng mga mensahe ng mga ito. Ang Andres Bonifacio Shrine and Eco-Tourism Park sa Maragondon ay sinasabing lugar kung saan pinatay si Andres Bonifacio at ang kaniyang kapatid noong 1897. May dalawang monumento sa lugar na ito na may nakadisenyong ‘Bayani’ at ‘KKK.’ Ang kabuuan ng parkeng ito ay may mga likhang-sining at mga eskultura. Ang Museo ng Paglilitis ni Andres Bonifacio sa Maragondon ay isang museo kung saan makikita ang malalaking diorama, na kakikitaan ng mga eksena sa paglilitis kay Bonifacio. Ang Cavite ay tunay na maipagmamalaki. Sa kasaysayan, pambihira ang ambag nito at bahagi. Kaya, bumista na’t huwag nang magpahuli.

Baon sa Puso

 Baon sa Puso     Mga guro’t estudyante, uwian na noon, Sa mga gawain sa umaga ay nagutom Pagkapananghali ay babalik sa hapon.  ...