Followers
Saturday, October 17, 2020
SuMaKaH
SuMaKaH
Narinig mo na ba ang SuMaKah? Halika, sumama ka. Kilalanin natin ito! Tayo na’t mamasyal sa Antipolo!
Ang Antipolo ay bahagi ng rehiyong CALABARZON. Kilala ito bilang ‘Pilgrimage Capital of the Philippines.’ Dahil ito ay pinaghalong siyudad at nayon, dinarayo ito ng mga turista, lalo na kapag panahon ng SuMaKaH.
Ang SuMaKaH ay isang piyesta na idinaraos tuwing Mayo 1. Ito ay nangangahulugang ‘suman, mangga, kasoy, at hamaka’ dahil ang mga produktong ito ang ikinabubuhay ang mga taga-Antipolo.
Sa Antipolo lamang matatagpuan ang mga destinasyong ito: Hinulugang Taktak, Pinto Art Museum, Cloud 9, Luljetta’s Hanging Gardens & Spa, Antipolo Cathedral, PACEM Eco Park, Casa Santa Museum, at Boso-boso Church.
Ang Hinulugang Taktak ang kilalang talon sa Antipolo. Ang pangalan nito ay nagmula sa paghulog sa kampana sa talon noong ika-16 siglo dahil sa ingay nito tuwing oras ng Angelus. Ginawan pa nga ito ng kanta ni German San Jose. Mayroon ditong swimming pool, spider web platform, hanging bridges, wall-climbing facility, at iba pang amenities, na tiyak magbibigay ng pambihirang kasiyahan sa puso.
Ang Pinto Art Museum ay isang kilalang museo. Mula sa pangalan nitong pinto, ito ipinaghihiwalay ng mga pintuan tungo sa iba’t ibang galerya. Kapag pumasok ka rito, tiyak na mapapaisip ka kung nasa Pilipinas ka pa rin ba o wala dahil sa kolonyal na arkitektura nito. Ang mga likhang-sining na narito’y kinolekta ng may-aring si Dr. Joven Cuanang upang maging tulay sa pagkakaiba-iba ng nasyonalidad, pananaw sa mundo, at mga pamayanan.
Ang Cloud 9 ay ang lugar kung saan matatanaw ng mga turista ang bahagi ng Metro Manila. Napakapopular nito sa mga kabataan, lalo na sa mga magsing-irog dahil sa romantikong kapaligiran nito. Ito ay perpekto rin para sa mga magkakaibigan at magkakapamilya na naghahanap ng masayang paglalakbay.
Ang Luljetta’s Hanging Gardens & Spa ay isa ring romantikong lugar. Nakaluklok ito sa mga burol ng Antipolo, kaya abot-tanaw ang Laguna de Bay at Kamaynilaan. Sa mga nais makaranas ng gumaan ang pakiramdam at mawala ang mga pagod, ito ang bagay sa kaniya. Tiyak na mawawala ang lumbay at bigat ng katawan sa taglay na kagandahan nitong lugar.
Ang Antipolo Cathedral o National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage ay tanyag na simbahan sa Antipolo, na dinarayo ng mga deboto, lalo na tuwing Mahal na Araw. Ito ang dahilan kung bakit ang bayang ito ay tinatawag na ‘Pilgrimage Capital of the Philippines.’ Sa mga bibiyaheng abroad, dito sila pumupunta upang magdasal, humingi ng gabay, proteksiyon, at awa. Sa paligid nito ay makikia ang mga tindahan ng mga suman, mangga, kasoy, at iba pang local na produkto.
Ang PACEM Eco Park o ‘Peace And Care For Earth Ministry’ Eco Park ay nagkakanlong ng isang maliit na zoo, butterfly sanctuary, organic garden, at iba pang amenities. Maaaaring makabili rito ng kanilang ani mula sa mga organikong pananim. Ito ay isang perpektong pook-pasyalan para sa mga bata at magkapapamilya.
Ang Casa Santa Museum ay kilalang museo ng mga Santa Claus at iba pang dekorasyong Pampasko. Kung ang Pilipinas ang bansang may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko, ang museong ito naman ang buong taong bukas upang tumanggap ng mga turista at upang ipakita ang kanilang mga koleksiyon. Dahil dito, ang museo ito ay kinikilala na sa ibang bansa.
Ang Boso-boso Church o The Nuestra Señora de la Annunciata Parish ay isa sa mga makasaysayang pook sa Antipolo. Ito ay itinayo noong ika-16 na siglo ng mga pari sa panahon ng Espanya. Dumaan man ito sa mga pagsubok, gaya ng giyera, sunog, at lindol ay nananatili pa rin ng orihinal na disenyo ng arkitektura nito. Kaya naman, paborito itong gamitin sa mga taping at shooting ng mga artista.
Ang mga lugar na ito ay ilan lamang sa kokompleto ng pamamasyal mo sa Antipolo. At siyempre, marami rito ang mga pook-kainan na bubusog sa iyo.
Ang SuMaKaH ay isa ring dapat mong dayuhin dito. Huwag lamang kakalimutang bumili ng pasalubong na suman, mangga, kasoy, at hamaka upang ma-enjoy naman ng iba ang Antipolo kahit hindi sila nakasama.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment