Followers

Wednesday, September 14, 2016

Paglaya sa mga Kastila

Maraming dekada na ang lumipas,
nang mga Pilipino ay makaalpas,
sa mga banyagang mananakop
at sa kanilang tratong mala-hayop.

Kristiyanismo sa ati’y ipinakilala,
At tayo nama’y sumampalataya,
ngunit lubos tayong nagdusa,
sa pambubusabos, pang-aalila.

Tatlong raan, tatlumpu’t tatlong taon,
Ang Pilipinas ay nagdusa’t nabaon,
ang ating kultura’y nagbago,
nagkawatak-watak ang mga Pilipino.

Ang buwis at ang sapilitang paggawa
ay dalawa lamang sa ating parusa,
subalit may Rizal at may propaganda
na lumaban sa mapang-aping Kastila.

Nariyan si Heneral Luna, Tandang Sora,
Bonifacio, Mabini, Jacinto, at iba pa,
nagtanggol, nagsulong ng demokrasya,
hanggang makamit natin ang… paglaya.






Tuesday, September 13, 2016

Ang Itim na Langgam sa Lansones 2.0

Pagmulat ng aking mga mata,
agad bumalik sa aking alaala,
itim na langgam, kumusta na kaya
sa piling ng mga langgam na pula?

Mainit na kape ay aking itinimpla,
Humigop, namulat, at may nakita---
itim na langgam, hindi lang isa.
Dalawa, tatlo, apat, lima, anim sila!

Hindi ko alam kung aking ikatutuwa.
Bakit kasi ang isa ay aking ipinasama
sa mga langgam na maliliit, mapupula?
Disin sana'y sila ay magkakasama.

Aking pinagmasdan, mga kilos nila.
Sila'y mababagal, palibhasa'y matataba,
Malulusog, pagkat sa prutas ay sagana.
Ngunit, pagkain nila ngayo'y paano na?

Ako'y sobrang nagugulumihanan talaga,
kung paano matutulungan sa problema.
Sa mga pula ba, sila ay aking isasama
o hayaan na lang, masanay sa lamesa?

Monday, September 12, 2016

Ang Itim na Langgam sa Lansones

Lansones niya raw ay matamis,
kaya ako'y namili ng makikinis.
"Ang may langgam ang iyong piliin,"
ang payo ng tinderong maitim.

Pag-uwi ko, saka ko natikman,
pangalan ko'y muntik makalimutan.
Napakasarap at ang tamis nga,
Nakakaadik, hindi pa nakakasawa.

Subalit, tila yata akong napraning,
Langgam sa lansones aking narinig.
Sabi nito, "Kaibigan, ako'y naliligaw.
Ako'y nasaan? Iba aking natatanaw."

Itim na langgam, aking kinahabagan.
Aking hinanap, kanyang kasamahan.
Sila'y natagpuang wala nang buhay,
nadaganan ng prutas, kaya namatay.

O, kay lungkot naman nitong nangyari,
kaya iba pang paraan, umisip na muli.
Mga pulang langgam aking natanaw,
Ligaya sa mga labi ko ay sumungaw.

Kaibigang langgam aking dinampot.
Huwag sana siyang matatakot,
na makasama doon, ang mga pula.
Sana siya ay maging maligaya...


Sunday, September 11, 2016

Pitong Tanong: Anong Sagot

Ako ba'y magiging masaya,
kung tutulong ako sa iba
sa abot ng aking makakaya?

Magiging maligaya ba ako,
kapag pangako ko'y totoo
at talagang tutuparin ko?

Dapat bang katuwaan,
aking pagiging magalang,
saan man at kailanman?

Kapag ako'y maging tapat
at 'di maging plastik sa lahat,
kakamtin ba ang pasalamat?

Kapag iniwasan kong alamin
kung sino talaga ang salarin,
ang mali ba'y maitatama natin?

Kapag ako ba'y nagsabi
o nagbigay ng papuri,
maaari ba akong magkamali?

May mangyayari ba
kung iiwasan ko na
ang pagbuo ng drama?


Toy Car Collection


Toy Car Collection

"Ang nakaraan ay isang magandang koleksiyon."
#CanvasStories
#3SentenceStoryWritingContest
Artwork By: Eriko Pedojan

“Wow! Iyan po ba ang sinasabi niyong regalo niyo sa aking kaarawan?” bulalas ng 7-taong gulang na anak ni Macedonia nang makita ang lumang kotse na nilamon na ng mga ugat ng malaking puno, ngunit malungkot siya sa bandang huli.

“Iyan nga anak. Iyan nga ang regalo ko sa’yong kaarawan. Happy birthday anak! Idagdag mo iyan sa toy car collection mo,” pilit na pinasaya ng ina ang boses niya, ngunit nakakunot pa rin ang noo ng anak.

“Anak, iyan ang kotse ng Daddy mo noon, pitong taon na ang nakakalipas. Naaksidente kami. Diyan kita isinilang, anak… Dahil diyan, hindi mo na nasilayan ang iyong ama.”

Doll House

“Napapagod din ang mga ina.”
#CanvasStories
#3SentenceStoryWritingContest
Artwork By: Angela Taguiang "Untitled"


"Ang hirap mo namang pakainin, Hermina! Napapagod na ako. Minsan, naisip kong sumuko na sa'yo. Maraming nagugutom sa kalye, samantalang ikaw, tinatanggihan mo ang mga pagkaing inihahanda at niluto ko para sa'yo. Lagi na lang chocolate at junk foods ang gusto mo. Paano na ang kalusugan mo? Paano na kapag wala na ako? Sino pa ang magpapakain sa'yo? Sana naging manika ka na lang," mangiyak-ngiyak na tumayo si Mommy Grace upang ipakain sa mga pusa ang kanin, pritong isda, at ginisang gulay na dapat ay ipapakain niya kay Hermina.

Kinaumagahan, gutom na gutom na si Hermina, kaya hinanap niya ang kanyang ina sa kusina, sa sala, sa kuwarto, sa banyo, sa hardin, at halos sa buong bahay nila, ngunit hindi niya nakita.


Dahil sa pusa, na pilit pumapasok sa malaking doll house ni Hermina, naisipan niyang silipin iyon at nakita niya doon ang kanyang ina, habang kasalo sa hapag ang dalawang batang manika.

Saturday, September 10, 2016

Halimaw

Lahat ng tao ay may nakatagong halimaw.
Ang iba, nakalantad na at litaw na litaw.

Hindi lahat ng halinaw ay may pangil.
ang iba ay tila isang maamong anghel.

Minsan, ang mukhang halimaw ay mas may puso pa
kaysa sa maamong tupa, pero diyablo pala.

Si Satanas ay nagbabasa rin ng Bibliya,
kaya huwag mong sabihing mabuti ka.

Kung natamaan ka, isa kang halimaw.
Kung wala ka paki, malamang ika'y mamaw.

Friday, September 9, 2016

Paglimot

Turuan mo akong mag-move on
at sabihin ang kahulugan niyon.
Turuan mo rin akong malimot
ang mga kahapong masalimuot.
Sabihin mong 'Walang forever!'
at sa pagitan natin ay may pader.
Sabihin mo rin sa'kin, 'I hate you'
upang mawala ang aking pagsuyo.
Lumayo ka, 'wag nang magpakita
hanggang ika'y makalimutan na..
Lumayo ka lang sa aking buhay,
ako'y hindi na sa'yo maghihintay.

Thursday, September 8, 2016

Kuwarenta: Simula ng Buhay

Mag-break na tayo," malungkot na utos ni Sandra sa kasintahan. "Tutal wala na tayong time sa isa't isa." Gusto niyang kumawala sa pagkakahawak ng kamay niya ni Rodney.
"No," bulong ni Rodney. Lalo niyang hinigpitan ang hawak sa kamay ni Sandra.
Nag-stop na ang mga sasakyan. Maaari na sana silang tumawid, ngunit pinigilan ni Rodney ang nobya na lumakad.
"Pakawalan na natin ang isa't isa. Malaya ka na. Palayain mo na rin ako. Kung ako nga ay para sa 'yo, balikan mo na lang ako. Kailangan ka ng Mommy mo." Hindi na naitago ni Sandra ang kaniyang kalungkutan. Kontra man sa damdamin ang kaniyang tinuran, alam niyang iyon ang mainam na paraan upang lubusang lumigaya si Rodney.
Walang lumabas na salita sa bibig ni Rodney, kahit nais niyang sabihin kung gaano niya kamahal si Sandra. Mas pinili niyang kimkimin na lamang ang kaniyang nararamdaman at kadahilanan. Noon din ay unti-unting dumulas ang kamay niya sa pagkakahawak sa kamay ni Sandra. Nang tuluyan nang makawala ang kasintahan, saka lamang siya nagsalita. "Mag-ingat ka lagi."
Hindi na tumingin si Sandra sa nobyo. Tumawid na siya sa kalsada. Naiwan si Rodney. Ramdam niya ang sakit na dulot kaniyang desisyon. Alam niyang mahirap, ngunit kailangan nilang harapin ang katotohanan.
Sampung minuto siyang nakatayo roon. Saka lamang siya natauhan nang mabangga siya ng mama na may sukbit na malaking bag.
Luminga-linga si Rodney. Hindi niya alam kung saan siya tutungo. Uuwi na ba siya upang makasalo ang ina? Alam niyang naghihintay na naman iyon sa kanyang pag-uwi. At hinding-hindi iyon kakain hangga't hindi sila magkasalo... O, papasok sa isang bar, kung saan maaari niyang makalimutan ang pait ng pagpapalaya?
Saglit din niyang nakaligtaan ang daan pauwi. Kinailangan niya pang tingnang muli ang mga street names.
Ilang sandali pa, desidido na siyang umuwi.
"Good evening, Mom!" Pinilit niyang gayahin ang dating masayang pagbati niya sa kaniyang ina. Nag-kiss pa siya rito.
"Good evening, Beh! How are you? You look sad. Why, Rod?" Inakbayan siya ni Mommy Lyn, habang patungo sila sa kuwarto.
"Nothing, Mom. I'm just tired," sagot ng anak. Pinilit niyang iiwas ang mga mata sa kaniyang ina.
Nang nakapasok na sila, tahimik na pinagmasdan ni Mommy Lyn ang 19-anyos na anak, habang ito ay nagtatanggal ng sapatos. Bahagya siyang napabuntong-hininga. "Ice cream after dinner? Or hang-out sa videoke bar, like we usually do?" Alam niyang makatutulong kung hindi nila pag-uusapan ang pinagdadaanan ng anak. Natatakot siyang sumbatan siya nito for being selfish.
"No, Mom. I just need to sleep. Ayaw ko na rin pong mag-dinner." Itinumba niya ang sarili sa kaniyang kama, saka pumikit. Gusto niyang lumabas na ang kaniyang ina.
"Masakit ang pag-ibig, Rod... Lagi kong sinasabi sa 'yo. Hindi mo man sabihin at aminin, alam kong sumubok ka. I can't blame you." Alam niyang nakikinig pa rin ang kaniyang anak, kaya umupo siya sa sofa, na malapit kay Rodney. "Beh, take it from me. Iniwan lamang ako ng iyong ama... Hindi ko naman sinasabi sa 'yo na huwag kang umibig. Choose the right woman for you."
Bumangon si Rodney. Tiningnan niya ang kaniyang naluluhang ina. "Right woman? Mom, you never told me that before." Hindi niya naitago ang kaniyang bitterness. "I grew up na laging mong ipinamumukha sa akin na lolokohin lamang ako ng maging girlfriend ko. Sabi mo, ayaw mong makita akong masaktan. But the truth is... ayaw mong mag-isa!"
"No! That's not true, Rod. Hindi ko talaga kakayaning makita kang nasasaktan, gaya ngayon.. Anak..." Nilapitan ni Mommy Lyn si Rodney. Niyakap. "Anak, mahal na mahal kita. All my life, ikaw at ako ang magkasama. I can't afford to see you hurt." Yumugyog ang mga balikat niya. Ramdam iyon ni Rodney.
Kumawala si Rodney. Tumayo't tumalikod sa ina. At sumungaw siya sa bintana. Mula roon ay tanaw niya ang Kalakhang Maynila. Nasa taas siya, ngunit pakiramdam niya'y nakabaon siya sa lupa. "You're right, Mommy... Hindi masarap umibig." Tumulo na ang mga luha niya, ngunit pinilit niyang hindi ipadama sa ina ang kaniyang kahinaan. "I just broke up with a woman, whom I entrusted my life with." Marahang yumugyog ang mga balikat ni Rodney. Maya-maya pa'y naramdaman niya ang kamay ng ina sa kaniyang balikat.
"I'm ssorr," wika ng ina.
Niyakap ni Rodney ang kaniyang ina. Pareho silang luhaan. Tanggap niya ang pagiging makasarili ng ina. Hindi niya maaaring kamuhian ito sapagkat dahil dito napabuti ang kaniyang buhay. Tanggap na niya na mas matimbang ang kaniyang Mommy Lyn kaysa kay Sandra. Para sa kaniya, maaaring magkaroon ng higit sa isang kasintahan, ngunit iisa lang ang maaaring maging ina. Wala na nga siyang nakilalang ama, ipagpapalit niya pa ang kaniyang ina.
Sinikap na isubsob ni Rodney ang sarili sa pag-aaral hanggang sa makatapos siya. Hindi niya binigo ang kaniyang ina, na maging arkitekto siya. Napatayuan nga niya ito ng isang mansion sa Tagaytay. Doon ay namuhay sila nang mas masaya, na silang dalawa lamang.
Paminsan-minsan, naaalala niya si Sandra. Wala na siyang balita sa kasintahan. Hindi niya sinubukang hanapin ito sa social media. Hindi rin siya nito mahahanap sapagkat ibang pangalan ang ginamit niya.
Masaya siya sa kaniyang career. Wala na nga siyang mahihiling pa sa Panginoon. Kahit hindi na tumibok ang puso niya para sa ibang babae, hindi niya iyon ituturing na kalungkutan, kabiguan o kawalan. Nais na lamang niyang suklian lahat ng paghihirap, pagmamahal, at pag-aalaga ng kaniyang ina habang ito ay nakikipaglaban sa kanser.
Noong una, hindi niya matanggap na makita ang ina na nahihirapan sa kaniyang karamdaman, ngunit dahil positibo ang kaniyang ina, unti-unti niyang natanggap ang nangyari.
"Anak, kapag kinuha na Niya ang hininga ko," paputol-putol na wika ni Mommy Lyn. "...sasabihin ko sa Kaniya na ingatan ka Niya, gaya ng pag-iingat ko sa 'yo noong malakas at bata pa ako."
"Mommy, salamat po..." Pinisil-pisil niya ang kulu-kulubot na kamay ng ina, habang nakikita niyang kinapos na ito ng hininga. "Mahal na mahal kita." Pumatak ang luha niya sa puting kumot.
"Rod... Rod... Patawa... rin mo a... ak..." Noon din ay nalagutan na ng hininga si Mommy Lyn.
"Mommy! Mommy!" sigaw ni Rodney. Akala niya'y tanggap na niya iyon, hindi pala. Mas masakit pa iyon kaysa noong pinakawalan niya si Sandra.
Isang taon siyang nagluksa. Isang taon rin niyang ipinagdiwang ang kabutihan ng kaniyang ina. At ngayon, magsisimula pa lang ang kaniyang buhay. Handa na siyang harapin ang laksa-laksang pagsubok. Handa na rin siyang palayain ang sarili. Paurong ang buhay, aniya, habang sinisipat-sipat niya ang kaniyang mukha sa salamin. Bata pa siyang tingnan sa edad na kuwarenta, lalo na't bagong ahit ang kaniyang balbas at bigote. Lalo ring nagpabata sa kaniya ang itm at pulang checkered long sleeves polo niya, na tinernuhan niya ng itim na jogger pants at pulang sneakers.
Nag-spray siya ng pabango. Naglagay rin siya ng gel sa buhok, saka matamis na ngumiti sa salamin.
Natagpuan ni Rodney ang sarili sa kalsada, kung saan niya pinakawalan noon si Sandra. Nais niyang muling damhin ang sakit ng pagpapalaya at mula roon ay magsisimula at susubukan niyang magmahal ng right woman.
Sampung minuto na siyang nakatayo roon. Maaari na sana siyang tumawid, ngunit hindi niya ginawa. Maya-maya, natanaw niya sa kabilang kalsada ang isang babae na pamilyar sa kaniya. "Sandra!" Patakbo siyang tumawid. Hindi niya napansing nagpalit na pala ng kulay ang traffic lights.
Mabilis ang pangyayari. Nabundol ng rumaragasang kotse si Rodney. Nagdulot pa ito ng mga salpukan ng iba pang sasakyan.
Namulat na lamang si Rodney sa puting kuwarto. Nakabenda na ang mga kamay at paa. Nais niyang maawa sa sarili, pero wala namang magagawa. Naisip na lamang niya ang kaniyang ina. Nami-miss niya ito. Kung nabubuhay nga lamang ito, malamang ito ang mag-aalaga sa kaniya, gaya tuwing nagkakasakit siya.
"Good evening, Sir!" bati ng matabang babaeng nurse, pagkatapos nitong kumatok nang tatlong beses.
Nagpahid ng luha si Rodney, bago niya nabati ang nars.
"Vital signs lang po, Sir. Kasama ko rin po ngayon ang attending doctor niyo."
Tumango lamang si Rodney at ngumiti.
Maya-maya, pumasok na ang doktora. Naka-mask ito. "Good evening, Mr. Rodney Matias!"
"Good evening, Dok!" Tamad na sumagot si Rodney.
"Kumusta ka na? Hindi ka pa rin nagbabago," anang doktor.
Biglang napatitig si Rodney sa doktora. Pamilyar sa kaniya ang mga mata nito. "Sandra?"
"Nang pinalaya mo ako, naging maligaya ka ba?" Tinanggal ni Sandra ang kaniyang mask.
"Sandra?" maluha-luhang tanong ng binata. "Sandra, ikaw nga!"
Tumulo ang mga luha ni Sandra. Pinahiran niya ito. "Salamat nga pala…"
"Salamat? Bakit ka nagpapasalamat? Hindi ba't nasaktan kita?" maang na tanong ni Rodney.
"Salamat dahil naging matatag ako. Noong una, hindi kita nauunawaan. Hindi ko nauunawaan ang ating mga ina... Salamat!" Lumuhod siya upang magtama ang kanilang mga mata. Hinawakan niya ang kamay ni Rodney. Pinisil. "Patawarin mo ang aking ina."
Mas lalong hindi naunawaan ni Rodney ang mga tinuran ng dating kasintahan.
"Humihingi ng kapatawaran si Mommy sa mommy mo. Hindi niya hinangad na mahulog ang loob niya sa iyong ama..."
"Ha? Totoo ba 'to?"
"Magkaibigang matalik sila... Iisang lalaki ang minahal nila."
"Kung gayon~" Naisip ni Rodney na baka magkapatid sila ni Sandra.
Agad namang nahulaan ni Sandra ang nais sabihin ni Rodney. "Nope. Hindi sila nagkatuluyan."
Nakahinga si Rodney nang maluwag. Natigilan rin silang pareho.
"Dok, kuhaan ko na po siya ng vital signs," singit ng nurse.
"Sure," pakli ni Sandra.
Matapos magawa ng nars ang trabaho nito, magalang itong nagpaalam kay Rodney at Sandra.
"Ang ganda mo pa rin, Sandra... Lucky is the man, who is with you right now," halos pabulong na wika ni Rodney. Nakatitig pa rin sila sa isa't isa.
"Salamat, Beh, I mean, Rodney." Napahiyang tumalikod si Sandra.
Pinilit namang bumangon si Rodney, ngunit nabigo siya. Napangiwi na lamang siya sa sakit. "Sandra, mahal pa rin kita. Sorry... kung mas pinili ko ang aking ina... Sandra..."
Nang muling humarap si Sandra kay Rodney, puspos na siya ng luha. "Pinalaya mo na ako… Alam mo bang isinara ko na ang puso ko?"
"Sandra?"
"Nang malaman kong ikaw ang pasyente ko, lumukso ang puso ko. Aaminin ko... I still love you, Rodney." Yumuko siya, bago tumalikod at akmang lalayo.
"Muling nating buksan ang mga puso natin, Sandra."
Natigilan si Sandra.
"Pakakasalan mo ba ako kahit baldado na ako?" mangiyak-ngiyak na tanong ni Rodney.
Pumihit si Sandra, lumapit, at lumuhod sa harap ni Rodney. "Oo, Rodney. Ngayon pa lamang magsisimula ang buhay ko."
Napuno ng kaligayahan ang puting kuwartong iyon.

Apat Yata o Lima

Nang pumasok ka
sa isang opisina,
ika'y kakaba-kaba.
Iyong porma,
hindi yata akma.
Masikip na hininga,
iyong damang-dama,
lalo na nang humarap na
ang managera.
"Introduce yourself", aniya.
Napalunok ka,
dugo ay tinakasan ka.
Pinilit magpakilala
kahit nauutal ka.
Iyong ipinakita
na kahit ika'y nagmula
sa pipitsuging akademiya,
'di ka basta-basta.
Na-impress yata siya
dahil nagtanong pa.
Apat yata o lima
ang tanong niya,
saka siya'y nag-Thanks na.
Nakipagkamay pa.
"Tatawagan ka
ng aming kompanya,"
pahimakas niya.
Ikaw ay tila
tinakluban ng lupa.
Ilang beses na ba
na ika'y pinaasa?
Marami na---
mga apat yata o lima.

Wednesday, September 7, 2016

Tibok ng Puso

Sa isang pamantasan nag-aaral sina Lydia at Brad. Hindi sila magkaklase, ni sa isang subject. Naging magkaibigan lamang sila nang minsang nagkasabay silang mag-emo sa mapunong bahagi ng kanilang paaralan.

"Miss, kanina pa kitang pinagmamasdan," wika ni Brad sa malungkot at tila humihikbing dalaga sa katapat niyang bench. "May problema ka rin ba?"

Umangat ang mukha ng dalaga. Namumugto na ang mga mata nito. Tumango lamang ito at muling yumuko.

"Maaari ba akong tumabi sa'yo?" masuyong tanong ng binata.

Palibhasa, mukhang mabait at disente naman ito, tahimik na umusog ang dalaga.

Pagkaupo ng ginoo, saglit na nag-isip siya ng sasabihin. "May mga taong hindi ka kayang mahalin, kung ano at sino ka talaga..."

Nagpunas lang ng luha ang dalaga.

"Bakit kailangan nating masaktan kapag nagmahal tayo? Bakit kung sino pa ang tunay na nagmamahal ay siyang nasasaktan?" patuloy na litanya ng binata. Alam niyang kampante sa kanya ang katabi, kahit pareho silang estranghero sa isa't isa.

"Bakit kailangang may pagitan sa gitna ng langit at lupa? Kailan ba tayo puwedeng maging malaya?" himutok naman ng dalaga. Mabilis niyang sinulyapan ang binata. Nakita niya sa mga mata nito ang kaparehong sakit na kanyang nararamdaman sa mga oras na iyon.

"Lagi kong itinatanong sa Diyos, kung ano ang kahulugan ng pag-ibig, ngunit ang sagot niya sa akin ay kabiguan," anang binata.

"Hindi ko na rin alam ang kahulugan ng salitang pag-ibig. Ang alam ko, umibig ako. Nasaktan." Tumayo na siya at marahang lumayo.

Ramdam ng binata ang sakit ng pinagdadaanan ng dalaga. Pakiramdam niya ay magkarugtong ang mga kuwento ng pag-ibig nila.

Sumunod na araw, bumalik si Brad sa paborito niyang lugar sa kanilang campus, kung saan niya nailalabas ang kaniyang emosyon. Blangko ang dalawang magkaharap na bench.

Tahimik ang lugar na iyon. Ngunit, binigo siya nito. May nais sana siyang makita. May taong gusto niyang makausap.


Araw-araw pumupunta doon si Brad upang magbaka-sakaling maabutan niya si Lydia, subalit tanging ang mga tuyong dahon lamang ang mga nakaupo sa bench, na minsang kanilang pinagsaluhan.

Lumipas ang mga araw at ang linggo, hindi pa rin niya matagpuan ang babaeng kumurot sa puso niya. Kung kailan niya natagpuan ang sagot sa kanyang katanungan, saka naman sa kanya ipinagkait ang kanilang pagtatagpo.

Isang hapon, naabutan niya doon si Lydia. Umiiyak ito.

"Lydia?" masaya ngunit may awang bati ni Brad. "Kamusta ka na? Kay tagal kitang hinintay..."

Kusang umusog si Lydia upang makaupo ang binata.

"Hanggang ngayon ba'y hindi ka pa rin malaya?" tanong ni Brad. Katabi na niya si Lydia.

Tumango lamang ito.

"Kailan ka lalaya? Ako kasi ay nakahanap na ng kasagutan sa aking katanungan."

"Kung lumaya ba ako'y may ligaya akong masusumpungan?"

"Oo, Lydia. Minsan, ang kaligayahan ay nasusumpungan sa malapit lamang. Madalas tayong mabigo dahil akala natin sa malayo pa natin iyon matatagpuan. Ngunit, mali. Tumingin ka sa paligid mo..." Hinintay niyang sundin siya ni Lydia.

Umangat ang ulo ni Lydia. Inikot niya ang kaniyang paningin. Nakita niya ang mga estudyanteng naglalakad sa malayo, ang mga punong tila nakangiti sa kanya, at ang mga tuyong dahon sa lupa. Umiling-iling siya. "Wala..."

Bantulot na pinatong ni Brad ang kanyang kamay sa kamay ni Lydia. "Pakiramdaman mo..."

Hindi nagalit si Lydia sa ginawa ni Brad, bagkus ay pumikit siya at pinakiramdaman niya ang kamay ng binata.

"Wala..." Umiling pa si Lydia, bago muling yumuko.

Nakapatong pa rin ang kamay ni Brad sa kanyang kamay. Walang ano-ano, kinuha niya ito at itinapat niya sa kaniyang kaliwang dibdib. "Ngayon ay tingnan mo ako..."

Animo'y nahipnotismo si Lydia. Nasilayan niya sa unang pagkakataon ang malalamlam, ngunit magagandang mata ni Brad.

"Pakiramdaman mo," utos ni Brad.

Pumikit si Lydia at pinakiramdaman ang tibok ng puso ng binata.

"Lumaya ka na sa nakaraan mo. Lumaya ka na sa sakit na nagpapahirap sa'yo. Ang pag-ibig ay biyaya ng Diyos. Tanggapin mo ito. Tanggapin mo ang puso ko, Lydia..." Gumaralgal ang boses ni Brad. "Nang una kitang makita, alam ko, ikaw ang kasagutan sa aking tanong. Ikaw, ang pag-ibig ko."

Tumulo ang luha ni Lydia. Nakita iyon ni Brad.

"Kailangan nating masaktan upang ating malaman na may tao pa ring nakalaan para sa atin. May nakalaan para sa'yo..." patuloy ni Brad. "Damhin mo, kung ako ba iyon."

Muling umagos ang mga luha ni Lydia. Pagkuwa'y kumawala siya sa kamay ng binata at tumakbo palayo.

"Lydia!" maluha-luhang sigaw ni Brad. "Lydia, hindi mo ba naramdaman?"

Malayo na si Lydia nang yumuko at sumubsob si Brad sa kanyang mga palad. Muli, bigo na naman siya. Nagkamali siya. Hindi pa pala niya nahanap ang sagot.

Matagal siya sa ganoong posisyon nang marinig niya ang pagkahawi at paglaginit ng mga tuyong dahon.

Inangat niya ang kanyang mukha. "Lydia?"

Nginitian siya ni Lydia. "Gusto kong pakiramdamang muli ang puso mo," anito.

Tila umikot ang paligid nila, nagliparan ang mga tuyong dahon, at pumapalibot sa kanila na nakakorteng-puso.

Mabilis na nilapitan ni Brad si Lydia upang muling ipadama ang tibok ng puso niya.

Matagal na nakapikit si Lydia, habang nasa kaliwang dibdib ni Brad ang kanyang kamay. Ramdam niya ang pag-ibig nito. Pagdilat niya'y nakita niyang nakapikit ang binata. "Naramdaman ko na," bulong niya. Kasabay niyon ang pagdampi ng mga labi niya sa mga labi ni Brad.  


Ang Aking Journal -- Hulyo 2026

Hulyo 1, 2026 Muntik na akong ma-late dahil sa bus na nasakyan ko. Panay ang hinto at pick-up niyon ng mga pasahero. Hindi ko na tuloy naa...