“Mag-break na tayo,” malungkot na utos ni Sandra sa kasintahan. “Tutal wala na tayong time sa isa’t isa.” Gusto niyang kumawala sa pagkakahawak ng kamay niya ni Rodney.
“No,” bulong ni Rodney. Lalo niyang hinigpitan ang hawak sa kamay ni Sandra.
Nag-stop na ang mga sasakyan. Maaari na sana silang tumawid, ngunit pinigilan ni Rodney ang nobya na lumakad.
“Pakawalan na natin ang isa’t isa. Malaya ka na. Palayain mo na rin ako. Kung ako nga ay para sa’yo, balikan mo na lang ako. Kailangan ka ng Mommy mo…” Hindi na naitago ni Sandra ang kanyang kalungkutan. Kontra man sa kanyang damdamin ang kanyang tinuran, alam niyang iyon ang mainam na paraan upang lubusang lumigaya si Rodney.
Walang lumabas na salita sa bibig ni Rodney, kahit nais niyang sabihin kung gaano niya kamahal si Sandra. Mas pinili niyang kimkimin na lamang ang kanyang nararamdaman at kadahilanan. Noon din ay unti-unting dumulas ang kamay niya sa pagkakahawak sa kamay ni Sandra. Nang tuluyan nang makawala ang kasintahan, saka lamang siya nagsalita. “Mag-ingat ka lagi…”
Hindi na tumingin si Sandra sa nobyo. Tumawid na siya sa kalsada. Naiwan si Rodney. Ramdam niya ang sakit na dulot kanyang desisyon. Alam niyang mahirap, ngunit kailangan nilang harapin ang katotohanan.
Sampung minuto siyang nakatayo doon. Saka lamang siya natauhan nang mabangga siya ng mama na may sukbit na malaking bag.
Luminga-linga si Rodney. Hindi niya alam kung saan siya tutungo. Uuwi na ba upang makasalo ang ina? Alam niyang naghihintay na naman iyon sa kanyang pag-uwi. At hinding-hindi iyon kakain hangga’t hindi sila magkasalo… O, papasok sa isang bar, kung saan maaari niyang makalimutan ang pait ng pagpapalaya?
Saglit din niyang nakaligtaan ang daan pauwi. Kinailangan niya pang tingnang muli ang mga street names.
Ilang sandali pa, desidido na siyang umuwi.
“Good evening, Mom!” Pinilit niyang gayahin ang dating masayang pagbati niya sa kanyang ina. Nag-kiss pa siya dito.
“Good evening, Beh! How are you? You look sad. Why, Rod?” Inakbayan siya ni Mommy Lyn, habang patungo sila sa kuwarto.
“Nothing, Mom. I’m just tired…” sagot ng anak. Pinilit niyang iiwas ang mga mata sa kanyang ina.
Nang nakapasok na sila, tahimik na pinagmasdan ni Mommy Lyn ang 19-anyos na anak, habang ito ay nagtatanggal ng sapatos. Bahagya siyang napabuntong-hininga. “Ice cream after dinner? Or hang-out sa videoke bar, like we usually do?” Alam niyang makakatulong kung hindi nila pag-uusapan ang pinagdadaanan ng anak. Natatakot siyang sumbatan siya nito for being selfish.
“No, Mom. I just need to sleep. Ayaw ko na rin pong mag-dinner.” Itinumba niya ang sarili sa kanyang kama, saka pumikit. Gusto niyang lumabas na ang kanyang ina.
“Masakit ang pag-ibig, Rod… Lagi kong sinasabi sa’yo. Hindi mo man sabihin at aminin, alam kung sumubok ka. I can’t blame you…” Alam niyang nakikinig pa rin ang kanyang anak, kaya umupo siya sa sofa, na malapit kay Rodney. “Beh, take it from me. Iniwan lamang ako ng iyong ama… Hindi ko naman sinasabi sa’yo na huwag kang umibig. Choose the right woman for you…”
Bumangon si Rodney. Tiningnan niya ang kanyang naluluhang ina. “Right woman? Mom, you never told me that before.” Hindi niya naitago ang kanyang bitterness. “I grew up na laging mong ipinamumukha sa akin na lolokohin lamang ako ng maging girlfriend ko. Sabi mo, ayaw mong makita akong masaktan. But the truth is… ayaw mong mag-isa!”
“No! That’s not true, Rod. Hindi ko talaga kakayaning makita kang nasasaktan, gaya ngayon.. Anak…” Nilapitan ni Mommy Lyn si Rodney. Niyakap. “Anak, mahal na mahal kita. All my life, ikaw at ako ang magkasama. I can’t afford to see you hurt…” Yumugyog ang mga balikat niya. Ramdam iyon ni Rodney.
Kumawala si Rodney. Tumayo’t tumalikod sa ina. At, sumungaw siya sa bintana. Mula roon ay tanaw niya ang Kalakhang Maynila. Nasa taas siya, ngunit pakiramdam niya’y nakabaon siya sa lupa. “You’re right, Mommy… Hindi masarap umibig.” Tumulo na ang mga luha niya, ngunit pinilit niyang hindi ipadama sa ina ang kanyang kahinaan. “I just broke up with a woman, whom I entrusted my life with.” Marahang yumugyog ang mga balikat ni Rodney. Maya-maya pa’y naramdaman niya ang kamay ng ina sa kanyang balikat.
“I’m sorry…” wika ng ina.
Niyakap ni Rodney ang kanyang ina. Pareho silang luhaan. Tanggap niya ang pagiging makasarili ng ina. Hindi niya maaaring kamuhian ito sapagkat dahil dito napabuti ang kanyang buhay. Tanggap na niya na mas matimbang ang kanyang Mommy Lyn kaysa kay Sandra. Para sa kanya, maaaring magkaroon ng higit sa isang kasintahan, ngunit iisa lang ang maaaring maging ina. Wala na nga siyang nakilalang ama, ipagpapalit niya pa ang kanyang ina.
Sinikap na isubsob ni Rodney ang sarili sa pag-aaral hanggang sa makatapos siya. Hindi niya binigo ang kanyang ina, na maging arkitekto siya. Napatayuan nga niya ito ng isang mansion sa Tagaytay. Doon ay namuhay sila nang mas masaya, na silang dalawa lamang.
Paminsan-minsan, naaalala niya si Sandra. Wala na siyang balita sa kasintahan. Hindi niya sinubukang hanapin ito sa social media. Hindi rin siya nito mahahanap sapagkat ibang pangalan ang ginamit niya.
Masaya siya sa kanyang career. Wala na nga siyang mahihiling pa sa Panginoon. Kahit hindi na tumibok ang puso niya para sa ibang babae, hindi niya iyon ituturing na kalungkutan, kabiguan o kawalan. Nais na lamang niyang suklian lahat ng paghihirap, pagmamahal, at pag-aalaga ng kanyang ina habang ito ay nakikipaglaban sa kanser.
Noong una, hindi niya matanggap na makita ang ina na nahihirapan sa kanyang karamdaman, ngunit dahil positibo ang kanyang ina, unti-unti niyang natanggap ang nangyari.
“Anak, kapag kinuha na Niya ang hininga ko,” paputol-putol na wika ni Mommy Lyn. “…sasabihin ko sa Kanya na ingatan ka Niya, gaya ng pag-iingat ko sa’yo noong malakas at bata pa ako…”
“Mommy, salamat po…” Pinisil-pisil niya ang kulu-kulubot na kamay ng ina, habang nakikita niyang kinapos na ito ng hininga. “Mahal na mahal kita.” Pumatak ang luha niya sa puting kumot .
“Rod… Rod… Patawa…rin mo a… ak…” Noon din ay nalagutan na ng hininga si Mommy Lyn.
“Mommy! Mommy!” sigaw ni Rodney. Akala niya’y tanggap na niya iyon, hindi pala. Mas masakit pa iyon kaysa noong pinakawalan niya si Sandra.
Isang taon siyang nagluksa. Isang taon rin niyang ipinagdiwang ang kabutihan ng kanyang ina. At ngayon, magsisimula pa lang ang kanyang buhay. Handa na siyang harapin ang laksa-laksang pagsubok. Handa na rin siyang palayain ang sarili. Paurong ang buhay, aniya, habang sinisipat-sipat niya ang kanyang mukha sa salamin. Bata pa siyang tingnan sa edad na kuwarenta, lalo na’t bagong ahit ang kanyang balbas at bigote. Lalo ring nagpabata sa kanya ang pulang checkered long sleeves polo niya, na tinernuhan niya ng itim na jogger pants at pulang sneakers.
Nag-spray siya ng pabango. Naglagay rin siya ng gel sa buhok, saka matamis na ngumiti sa salamin.
Natagpuan ni Rodney ang sarili sa kalsada, kung saan niya pinakawalan noon si Sandra. Nais niyang muling damhin ang sakit ng pagpapalaya at mula doon ay magsisimula at susubukan niyang magmahal ng right woman.
Sampung minuto na siyang nakatayo doon. Maaari na sana siyang tumawid, ngunit hindi niya ginawa. Maya-maya, natanaw niya sa kabilang kalsada ang isang babae na pamilyar sa kanya. “Sandra!” Patakbo siyang tumawid. Hindi niya napansing nagpalit na pala ng kulay ang traffic lights.
Mabilis ang pangyayari. Nabundol ng rumaragasang kotse si Rodney. Nagdulot pa ito ng mga salpukan ng iba pang sasakyan.
Namulat na lamang si Rodney sa puting kuwarto. Nakabenda na ang mga kamay at paa. Nais niyang maawa sa sarili, pero wala namang magagawa. Naisip na lamang niya ang kanyang ina. Nami-miss niya ito. Kung nabubuhay nga lamang ito, malamang siya ang mag-aalaga sa kanya, gaya tuwing nagkakasakit siya.
“Good evening, Sir!” bati ng matabang babaeng nurse, pagkatapos nitong kumatok ng tatlong beses.
Nagpahid ng luha si Rodney, bago niya nabati ang nars.
“Vital signs lang po, Sir. Kasama ko rin po ngayon ang attending doctor niyo…”
Tumango lamang si Rodney at ngumiti.
Maya-maya, pumasok na ang doktora. Naka-mask ito. “Good evening, Mr. Rodney Maticas!”
“Good evening, dok!” Tamad na sumagot si Rodney.
“Kumusta ka na? Hindi ka pa rin nagbabago…” anang doktor.
Biglang napatitig si Rodney sa doktora. Pamilyar sa kanya ang mga mata nito. “Sandra?”
“Nang pinalaya mo ako, naging maligaya ka ba?” Tinanggal ni Sandra ang kanyang mask.
“Sandra?” maluha-luhang tanong ng binata. “Sandra, ikaw nga!”
Tumulo ang mga luha ni Sandra. Pinahiran niya ito. “Salamat nga pala…”
“Salamat? Bakit ka nagpapasalamat? Hindi ba’t nasaktan kita?” maang na tanong ni Rodney.
“Salamat dahil naging matatag ako. Noong una, hindi kita nauunawaan. Hindi ko nauunawaan ang ating mga ina… Salamat…” Lumuhod siya upang magtama ang kanilang mga mata. Hinawakan niya ang kamay ni Rodney. Pinisil. “Patawarin mo ang aking ina.”
Mas lalong hindi naunawaan ni Rodney ang mga tinuran ng dating kasintahan.
“Humihingi ng kapatawaran si Mommy sa mommy mo. Hindi niya hinangad na mahulog ang loob niya sa iyong ama…”
“Ha? Totoo ba ‘to?”
“Magkaibigang matalik sila... Iisang lalaki ang minahal nila.”
“Kung gayon…” naisip ni Rodney na baka magkapatid sila ni Sandra.
Agad namang nahulaan ni Sandra ang nais sabihin ni Rodney. “Nope. Hindi sila nagkatuluyan.”
Nakahinga si Rodney nang maluwag. Natigilan rin silang pareho.
“Dok, kuhaan ko na po siya ng vital sign,” singit ng nurse.
“Sure,” pakli ni Sandra.
Matapos magawa ng nars ang kanyang trabaho, magalang itong nagpaalam kay Rodney at Sandra.
“Ang ganda mo pa rin, Sandra… Lucky is the man, who is with you right now,” halos pabulong na wika ni Rodney. Nakatitig pa rin sila sa isa’t isa.
“Salamat, Beh! I mean, Rodney…” Napahiyang tumalikod si Sandra.
Pinilit namang bumangon si Rodney, ngunit nabigo siya. Napangiwi na lamang siya sa sakit. “Sandra, mahal pa rin kita. Sorry… kung mas pinili ko ang aking ina… Sandra…”
Nang muling humarap si Sandra kay Rodney, puspos na siya ng luha. “Pinalaya mo na ako.. Alam mo bang isinara ko na ang puso ko?”
“Sandra?”
“Nang malaman kong ikaw ang pasyente ko, lumukso ang puso ko. Aaminin ko… I still love you, Rodney.” Yumuko siya, bago tumalikod at akmang lalayo.
“Muling nating buksan ang mga puso natin, Sandra.”
Natigilan si Sandra.
“Pakakasalan mo ba ako kahit baldado na ako?” mangiyak-ngiyak na tanong ni Rodney.
Pumihit si Sandra, lumapit, at lumuhod sa harap ni Rodney. “Oo, Rodney. Ngayon pa lamang magsisimula ang buhay ko.”
Napuno ng kaligayahan ang puting kuwartong iyon.
Followers
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment