Followers

Wednesday, September 7, 2016

Tibok ng Puso

Sa isang pamantasan nag-aaral sina Lydia at Brad. Hindi sila magkaklase, ni sa isang subject. Naging magkaibigan lamang sila nang minsang nagkasabay silang mag-emo sa mapunong bahagi ng kanilang paaralan.

"Miss, kanina pa kitang pinagmamasdan," wika ni Brad sa malungkot at tila humihikbing dalaga sa katapat niyang bench. "May problema ka rin ba?"

Umangat ang mukha ng dalaga. Namumugto na ang mga mata nito. Tumango lamang ito at muling yumuko.

"Maaari ba akong tumabi sa'yo?" masuyong tanong ng binata.

Palibhasa, mukhang mabait at disente naman ito, tahimik na umusog ang dalaga.

Pagkaupo ng ginoo, saglit na nag-isip siya ng sasabihin. "May mga taong hindi ka kayang mahalin, kung ano at sino ka talaga..."

Nagpunas lang ng luha ang dalaga.

"Bakit kailangan nating masaktan kapag nagmahal tayo? Bakit kung sino pa ang tunay na nagmamahal ay siyang nasasaktan?" patuloy na litanya ng binata. Alam niyang kampante sa kanya ang katabi, kahit pareho silang estranghero sa isa't isa.

"Bakit kailangang may pagitan sa gitna ng langit at lupa? Kailan ba tayo puwedeng maging malaya?" himutok naman ng dalaga. Mabilis niyang sinulyapan ang binata. Nakita niya sa mga mata nito ang kaparehong sakit na kanyang nararamdaman sa mga oras na iyon.

"Lagi kong itinatanong sa Diyos, kung ano ang kahulugan ng pag-ibig, ngunit ang sagot niya sa akin ay kabiguan," anang binata.

"Hindi ko na rin alam ang kahulugan ng salitang pag-ibig. Ang alam ko, umibig ako. Nasaktan." Tumayo na siya at marahang lumayo.

Ramdam ng binata ang sakit ng pinagdadaanan ng dalaga. Pakiramdam niya ay magkarugtong ang mga kuwento ng pag-ibig nila.

Sumunod na araw, bumalik si Brad sa paborito niyang lugar sa kanilang campus, kung saan niya nailalabas ang kaniyang emosyon. Blangko ang dalawang magkaharap na bench.

Tahimik ang lugar na iyon. Ngunit, binigo siya nito. May nais sana siyang makita. May taong gusto niyang makausap.


Araw-araw pumupunta doon si Brad upang magbaka-sakaling maabutan niya si Lydia, subalit tanging ang mga tuyong dahon lamang ang mga nakaupo sa bench, na minsang kanilang pinagsaluhan.

Lumipas ang mga araw at ang linggo, hindi pa rin niya matagpuan ang babaeng kumurot sa puso niya. Kung kailan niya natagpuan ang sagot sa kanyang katanungan, saka naman sa kanya ipinagkait ang kanilang pagtatagpo.

Isang hapon, naabutan niya doon si Lydia. Umiiyak ito.

"Lydia?" masaya ngunit may awang bati ni Brad. "Kamusta ka na? Kay tagal kitang hinintay..."

Kusang umusog si Lydia upang makaupo ang binata.

"Hanggang ngayon ba'y hindi ka pa rin malaya?" tanong ni Brad. Katabi na niya si Lydia.

Tumango lamang ito.

"Kailan ka lalaya? Ako kasi ay nakahanap na ng kasagutan sa aking katanungan."

"Kung lumaya ba ako'y may ligaya akong masusumpungan?"

"Oo, Lydia. Minsan, ang kaligayahan ay nasusumpungan sa malapit lamang. Madalas tayong mabigo dahil akala natin sa malayo pa natin iyon matatagpuan. Ngunit, mali. Tumingin ka sa paligid mo..." Hinintay niyang sundin siya ni Lydia.

Umangat ang ulo ni Lydia. Inikot niya ang kaniyang paningin. Nakita niya ang mga estudyanteng naglalakad sa malayo, ang mga punong tila nakangiti sa kanya, at ang mga tuyong dahon sa lupa. Umiling-iling siya. "Wala..."

Bantulot na pinatong ni Brad ang kanyang kamay sa kamay ni Lydia. "Pakiramdaman mo..."

Hindi nagalit si Lydia sa ginawa ni Brad, bagkus ay pumikit siya at pinakiramdaman niya ang kamay ng binata.

"Wala..." Umiling pa si Lydia, bago muling yumuko.

Nakapatong pa rin ang kamay ni Brad sa kanyang kamay. Walang ano-ano, kinuha niya ito at itinapat niya sa kaniyang kaliwang dibdib. "Ngayon ay tingnan mo ako..."

Animo'y nahipnotismo si Lydia. Nasilayan niya sa unang pagkakataon ang malalamlam, ngunit magagandang mata ni Brad.

"Pakiramdaman mo," utos ni Brad.

Pumikit si Lydia at pinakiramdaman ang tibok ng puso ng binata.

"Lumaya ka na sa nakaraan mo. Lumaya ka na sa sakit na nagpapahirap sa'yo. Ang pag-ibig ay biyaya ng Diyos. Tanggapin mo ito. Tanggapin mo ang puso ko, Lydia..." Gumaralgal ang boses ni Brad. "Nang una kitang makita, alam ko, ikaw ang kasagutan sa aking tanong. Ikaw, ang pag-ibig ko."

Tumulo ang luha ni Lydia. Nakita iyon ni Brad.

"Kailangan nating masaktan upang ating malaman na may tao pa ring nakalaan para sa atin. May nakalaan para sa'yo..." patuloy ni Brad. "Damhin mo, kung ako ba iyon."

Muling umagos ang mga luha ni Lydia. Pagkuwa'y kumawala siya sa kamay ng binata at tumakbo palayo.

"Lydia!" maluha-luhang sigaw ni Brad. "Lydia, hindi mo ba naramdaman?"

Malayo na si Lydia nang yumuko at sumubsob si Brad sa kanyang mga palad. Muli, bigo na naman siya. Nagkamali siya. Hindi pa pala niya nahanap ang sagot.

Matagal siya sa ganoong posisyon nang marinig niya ang pagkahawi at paglaginit ng mga tuyong dahon.

Inangat niya ang kanyang mukha. "Lydia?"

Nginitian siya ni Lydia. "Gusto kong pakiramdamang muli ang puso mo," anito.

Tila umikot ang paligid nila, nagliparan ang mga tuyong dahon, at pumapalibot sa kanila na nakakorteng-puso.

Mabilis na nilapitan ni Brad si Lydia upang muling ipadama ang tibok ng puso niya.

Matagal na nakapikit si Lydia, habang nasa kaliwang dibdib ni Brad ang kanyang kamay. Ramdam niya ang pag-ibig nito. Pagdilat niya'y nakita niyang nakapikit ang binata. "Naramdaman ko na," bulong niya. Kasabay niyon ang pagdampi ng mga labi niya sa mga labi ni Brad.  


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...