Followers

Thursday, October 1, 2015

Ang Aking Journal --- Oktubre, 2015

Oktubre 1, 2015
Nagising ako kanina bandang alas-tres y medya dahil sa cellphone ring. Si Emily pala ang tumatawag. Magandang balita ang hatid niya. Uuwi siya sa Sabado sa Pilipinas para muling lumipad patungong Qatar. Maghahanap lamang siya ng dalawa pang cashier na makakasama niya. Hindi ko masyadong naunawaan pero masaya ako dahil naging mapalad ang masalimuot niyang experience sa among niyang mga Bahraini. Sana magtuloy-tuloy na ang aming magandang kapalaran. 

Nawala na ang aking pamamaos. Nailabas ko na kasi kanina ang plema na bumara sa aking lalamunan. Naging maganda na tuloy ang aking pagtuturo. 

Alas-dose, nabalitaan naming patay na si Mam Lucas, ang ninang namin ni Emily sa aming civil wedding. Nalungkot ako. Hindi ko pa naman siya nakakasama nang matagal. Maraming taon pa sanang kami ay magkakatrabaho. Gayunpaman, masaya ako dahil hindi na siya masyadong nahirapan sa kanyang sakit. That's life.



Oktubre 2, 2015
Suspended ang mga klase sa Metro Manila dahil sa bagyong Kabayan. Ang sarap sanang matulog kaya lang hindi na ako nakatulog dahil kailangang pumunta sa school para sa pagpunta sa burol ni Mam Elsa.

Alas-otso ay nasa school na kami ni Zillion. Hindi naman agad nakaalis dahil naghintayan pa. Okay lang dahil nakapag-almusal pa kami.

Alas-onse na kami nakaalis sa Gotamco at alas-dose pasado na kami nakarating sa Holy Trinity Chapel sa Sucat, Paranaque.

Sumilip ako sa labi ni Mam Elsa. Sa tingin ko ay masaya siya dahil nakapagpahinga na siya. Siguro ay natanggap na niya ang pagkamatay niya nang maaga.

Pasado alas-tres ay nakabalik na kami sa Gotamco. Hindi nga lang kami na nakauwi sa boarding house dahil nag-meeting pa kaming GPTA officers.

Pag-uwi namin, paalis na si Epr. Naawa ako dahil kailangan niya agad umalis dahil narinig niya kay Ion na darating si Emily. Nagbayad na naman siya ng one-half share niya.

Maya-maya ay tumawag si Emily. Sure na ang biyahe niya. Alas-dose ang estimated time of arrival niya sa NAIA. Binigyan niya ako ng instruction.



Oktubre 3, 2015
Maaga pa lang ay naghanda na kami ni Ion para sunduin si Emily sa airport. Excited kaming pareho kaya kahit alas-diyes pa lang ng umaga ay nasa Terminal 1 na kami. Antagal tuloy naming naghintay. Okay lang. Safe naman siyang dumating.
Pasado ala-una na kami nagkita. Grabe! Halos di ko makilala si Emily. Bakas sa kanya ang hirap na dinanas niya doon. Palihim akong nalungkot ngunit punong-puno ng ligaya ang puso ko na nakita siyang masaya dahil nahagkan niya ang anak namin.
Alas-tres na yata kami nakapag-lunch. Inuwi lang namin ang dalawa niyang maleta. Tapos, niyaya ko siya sa Antipolo dahil kailangan niya palang makausap si Gie dahil isasama siya ni Emily sa Qatar para sa mas magandang trabaho.
Alas-nuwebe na kami nakarating sa Bautista. Sobrang nakakapagod ang traffic! Gayunpaman, natuwa at nagulat si Mama nang makita si Emily. Hindi raw niya akalain na darating siya.



Oktubre 4, 2015
Pasado alas-siyete, pagkatapos naming magkape, pumunta kami kina Jano at Gie para makausap ni Emily si Gie.
Siyempre, hindi na humindi si Gie sa opportunity. Sasama na siya kay Emily sa Qatar. Kaming apat, kasama si Jano, ay na-eexcite sa posibleng magandang buhay na hatid nito sa amin.
Gusto ko nga ay madala rin nila si Flor at si Mj. Mauna na muna sila. Pasasaan ba't matutulungan nila ang isa't isa.
Als-diyes ay bumiyahe na kami pabalik sa Pasay. Alas-kuwatro na kami nakauwi dahil dumaan pa kami sa Harrison para isanla sana ang mga jewelries na regalo kay Emily ng mga dati niyang am0o. Kaso, di raw iyon mga gold. Na-disappoint kami.
Pagkatapos ay pumunta ako sa school para ihanda ang pang-decorate sa stage. Tinulungan ako ni Trexie. Ang kaso ay di pa namin naikabit dahil may pabingo pa ang mga pulpolitiko sa covered court. Bumalik pa ako, wala na si Trexie. Bahala na bukas.
Hinatid ko si Emily sa Terminal 3 para sa flight niya papuntang Aklan. Nag-dyip lang kami dahil dalawang taxi driver ang gustong manloko sa amin. Nakatipid tuloy kami.
Alas-nuwebe ay nakabalik na kami ni Ion sa bahay.



Oktubre 5, 2015
Naging abala ako sa paghahanda ng program sa 'Araw ng mga Guro'. Mabuti naka-set up na ang stage. Maaasahan talaga si Trexie.
Medyo okay naman ang unang programa. Magulo at maingay lang talaga ang mga bata. Gayunapaman, masaya ako dahil marami ang nakaalala sa akin bilang guro. May mga nagbigay ng regalo kahit Grade 6 na. Mayroon ding nagbigay ng card kahit di ko na sila naha-handle-an. Nakakataba ng puso.
Naging masagana ang boodle fight namin. Ang saya! Nakikain din si Zillion. Naranasan niya for the first time ang ganung kainan. Natuwa ako dahil marami siyang nakain.
Naging masaya ang parlor games na inihanda ng mga co-GPTA officers ko. Nanalo pa ako sa talong and itlog race. Bumaha ng pagkain. Nagbigay pa ang isang kandidato ng P1000. Nakabili pa tuloy ng ice cream.
Alas-4 y medya na kami nakauwi. Sobrang antok at pagod namin pareho. Nakatulog ako hanggang alas-6. Gusto ko sanang matulog na lang magdamag kaso naisip ko ang mga labahan ko. Bumangon na lang ako.



Oktubre 6, 2015
Kinulang ako sa tulog. Ang sarap umabsent. Pero, di ko ginawa. Pumasok pa rin kami ni Zillion. Tutal, may summative test sa Math V ang mga pupils ko ngayon. Pitiks-pitiks lang.

Na-highblood na naman ako sa advisory class ko dahil halos lahat walang assignment. Nang pinapasok ko ang may mga gawa, wala pang lima ang agad na nakapasok. Grabe!

Mabuti dumating ang Values teachers from Bethany Baptist Church. Nakalibre ang galit ko. Nakapag-almusal pa ako.

Nakaraos maghapon. Halos tatlo lang kami nina Mam Dang at Mam Joyce dahil absent si Sir Rey, tapos may meeting si Mam Rose.

Antok na antok ako kaya niyaya ko kaagad si Zillion. Pero, balak kong mag-grocery kami kaya umuwi muna kami para magbihis at iwanan ang aming mga bag. Pagdating sa boarding house, binigyan kami ng spaghetti ng boardmates namin. Hindi na kami nakaalis dahil inabot ako ng antok, pati ni Ion.



Oktubre 7, 2015
Hindi ako masyadong inspired magturo. Gayunpaman, nagawa ko pa ring mapatuto ang mga estudyante ko. Wala lang ako sa wisyo ngayong araw. Pakiramdam ko ay nahuhulog nang husto ang kalusugan ko. Wala naman akong narararamdaman sa aking katawan. Nakikita ko lang na lalo akong namamayat. Apektado talaga nito ang trabaho ko.

Magana naman akong kumain. Ewan ko kung bakit di man lang ako tumaba-taba.

Si Emily naman ay namumublema sa kanyang baga. Ipapa-checkup niya ang kanyang lungs dahil hinihingal daw siya. Naalala niya ang kanyang x-ray result. May dots daw kaya maaaring makahadlang ito sa pag-alis niya.

Kahit aandap-andap na ang mga mata ko, nagawa pa rin naming mag-grocery ni Zillion. Kailangan e. Wala na kaming stocks. Mahirap kapag walang makain. Ang layo pa naman ng tindahan.

Nakaidlip ako pagkatapos naming magmeryenda. Naalimpungatan lang ako sa tawag ni Emily. Okay na rin. Nagawa ko pa ang mga gawain ko pagkatapos.



Oktubre 8, 2015
Inspired sana akong magturo sa Math, kaso hindi na naman kami nagpalitan. Parang self-contained lang kami. Okay lang naman dahil naharap ko nang husto ang mga pupils ko. Napasulat ko sila ng essay para sa foral theme writing.

Thankful ako ngayong araw dahil wala palang tama sa baga sa Emily. Pinasuri niya sa doktor ang x-ray niya. At least, nagkaroon ako ng pag-asa na makakaalis siya agad papuntang Qatar. hindi na niya kailangang mangamba.

After class, umuwi agad kami ni Ion para mabanlawan ko ang mga binabad ko. Pupunta kasi kami sa hideout.

Sa hideout, nauna lang ako kay Sir Erwin. Pagdating niya, saka namang pag-alis ni Mam Roselyn. Kami na lang ang nagkakuwentuhan dahil di naman nakikisali si Mam Joyce. Wala rin si Mam Dang dahil may date silang mag-asawa.

Ayos naman ang kuwentuhan namin. May mga plano kaming mamasyal. Magma-Manila Fame din kami sa October 18.



Oktubre 9, 2015
Ang bilis ng mga araw. Friday na pala. Gayunpaman, hindi ako nagpakatamad. Nagturo ako. Ayoko talaga ng nakaupo lang.

Nagawa ko ring makipag-usap sa mga concerned kung bakit hindi ako agad na-inform tungkol sa division training para sa young journalists, kasama si Jessica-- ang trainee ko sa science reporting. Nakakapagtampo lang dahil walang interesadong malaman ang info tungkol dito at ipaalam sa akin. Ako pa yata ang gumawa ng paraan. Ako na nga ang nag-provide ng forms ng permit at profile na ipapasa. Haay! palibhasa, wala silang panalo. Hindi nila alam kung paano ma-pressure.

Antagal magising ni Zillion. Pasado alas-kuwatro na kami nakauwi. Hindi tuloy ako nakaidlip. Siya, naglaro lang pagdating. Di bale, Sabado na naman bukas. Kaya lang, kailangan kong pumunta sa hideout dahil pupunta din si Papang. May pinagagawa siya sa akin. Need niyang pumunta para sa changes. Okay lang din.



Oktubre 10, 2015
Hindi na naman ako nagising ng late. Maaga pa rin. Nasanay na ang katawan at mga mata ko na gumising nang maaga. Sayang ang chance. Di bale.

Alas-diyes, nasa hideout na kami ni Zillion. Wala doon si Mam Roselyn. Nahiya tuloy ako kay Mam Anne. Kung di lang pupunta doon si Papang, umuwi na ako. Pero, si Zillion, aliw na aliw sa kanya.

Alas-dose na dumating si Sir Erwin. Umalis din naman siya pagkatapos naming ma-finalize ang training proposal na pinagawa niya sa akin. Nag-stay pa kami doon ni Ion hanggang pasado alas-kuwatro.  Sa sobrang pagod at antok, nakaidlip din ako kahit paano bago nakapaglaba.

Bukas, may test pa ako sa PZES. Kasama ko si Ion. Bahala na!



Oktubre 11, 2015
Maaga pa kami nakarating sa Padre Zamora Elementary School para sa TEPT-PST test para sa mga Grade V and VI teachers lalo na ang mga nagtuturo ng English, Science at Math.
Alas-8 ng umaga ito nagsimula. Natapos ko after one and a half hour. Gusto ko pa sanang hintayin sina Sir Erwin dahil baka mag-lunch kami nang sabay-sabay, kaso natagalan pa sila. Nainip ako. Sa boarding house na lang kami nananghalian.
Hindi pa rin si Emily makakauwi. Ayaw pa niya dahil iniisip niya ang kanyang tiya na may sakit. Wala raw mag-aalaga. Okay lang naman. Ang iniisip ko lang ay ang pagpunta rito sa Pilipinas ng amo niya para asikasuhin ang mga visa nila nina Gie.



Oktubre 12, 2015
Pumasok pa rin ang mga estudyante kong pasway noong Biyernes. Expected ko naman na di sila aabsent, although may ibang pupils na di pumasok. Gayunpaman, hinanapan ko pa rin sila ng diary na may sign ng parent. Wala silang naipakita. Ibig sabihin, hindi sila nagsulat. Mangilan-ngilan lang ang sumulat. Nabad-trip ako. Lunes na Lunes. 

Hindi ko sila pinapasok. hindi ko na rin sila pinasulat ng diary doon sa labas. Instead, pinagsulat ko sila ng dahilan kong bakit hindi nagawa ang diary. Antagal nilang mapuno ang buong papel. Nagpapasaway pa sila. Hindi na tuloy ako nakipagpalitan ng klase. Maghapon akong nagbantay sa kanila. Ang tindi! Hindi talaga sila natatakot sa anuang parusa. 

Nang umuwian, nagalit ako kay Kevin sa harapan ni Mam Leah, ang tutor niya. pinapasabi ko sa lola na huwag nang papasukin dahil nag-aaksaya lang siya ng oras sa paaralan dahil hindi ko (uli) talaga siya bibigyan ng grade ngayong second grading.

Ang hirap maging guro! Kailangan kong mapatuto ang mga bata pero sila mismo ang ayaw matuto. Haay!



Oktubre 13, 2015
Pumasok pa rin ang pinakamabait kong estudyante. Ang tigas ng mukha. Kahit may training ako ngayong araw, hindi ko siya pinapasok, kasama ng ilang kaklase niya na hindi rin gumawa ng pinagagawa ko. Mas kakaunti na nga lang sila ngayon.

Ibinilin ko sa mga kaklase na hindi siya papasukin sa classroom bago ako umalis, bandang alas-7:30.

Sa ABES, hindi naman agad nakapagsimula ng writeshop. Filipino time naman lagi. Pero, ayos lang dahil natuloy naman. Nakapagpahinga rin ako sa klase kong pasaway. Naka-meet din na naman ako ng bagong kakilala. Nakapagsulat din ako science article habang nakikinig sa lecture ni Mam Fam.

Pasado, alas-tres, umuwi na kami. Naabutan ko pa sa school si Mam Loida. Kinumpirma ko sa kanya ang balitang lalaban pa ang mga bata naming nanalo sa Best Editorial, Best Feature at Best Sports pages sa regional ng collab.  Although, hindi pa sure kung ganun nga. At least may pag-asa pa.

Gabi, nagtext si Emily. Nagtanong siya sa akin kung okay lang sa akin kung hindi na siya babalik sa abroad. Hindi ko na lang sinagot. Okay lang naman. Basta magtrabaho siya dito sa Pinas para makatulong siya sa akin sa pagpapaaral kay Ion.

Ewan ko sa kanya! Nag-iba na naman ng isip. Bahala nga siya. Ang mahalaga sa akin, may trabaho ako. Kung ang kalagayan ng tita niya ang dahilan, wala akong magagawa. Ganun talaga. Nananaig pa rin ang dugo.



Oktubre 14, 2015
Nagturo na ako. Medyo wala nga lang sa sarili dahil naiinis pa rin ako sa mga tamad kong estudyante. May apat pang pupils na nasa labas. Ayaw talaga nilang gawin ang pinagagawa ko. Kaya, lugi sila. Hindi nila natutunan ang tinuro ko.

Umaga pa lang, nakapag-print na ako ng tarpapl para sa birthday party sa hideout sa October 16. Regalo ko na ito kian Donya Ineng at kay Kuya Win.

Ngayong araw, nakausap at nakachat ko si Ms. Kris. Gaya ko, inalisan din siya ng karapatan. Inalis kasi siya bilang trainer ni Marian. Absenera raw kasi siya. Nalulungkot ako sa nangyari. Ako ang nag-recommend kay Marian sa kanya. Napatunayan naman nilang pareho nang manalo sila bilang third place sa Pagsulat ng Editoryal.

Dahil sa chat namin, marami kaming napag-usapan. Isa na rito ang journalism. Nasabi ko sa kanya ang plano ng school na gumawa uli ng dyaryo. Sinabi ko sa kanya na hindi na uli ako magpapagamit.

Sa Friday na uuwi si Emily. Nagpapasundo siya sa airpot. Tamang-tama. Pagkatapos ng party sa hideout, didiretso na kami ni Zillion doon.



Oktubre 15, 2015
Hindi ko na pinaakyat ang tatlong sutil kong estudyante na sina Jet, Jowie at Rainier. Napuno na talaga ako.

Hindi pa nga ako nakakapagsimulang magturo, dumating na ang ina ni Jet. Pinahintay ko siya. Naghintay naman. Ang kaso, nang kakausapin ko na siya, nagpatawag naman ng meeting si Mam Rose. Natagalan kami kaya bumaba na ang mag-ina. Pumunta pala sa Guidance. Ang guard pa ang nagtanong kung kakausapin ko na. Ang hina ng kukote. Sinabi ko naman na may meeting kami, umalis pa.

Nang umakyat, kinausap ko na. Sinama niya pa ang kapatid ni Jet. College student yata. Nagtanong kung bakit di ko binigyan ng grades ang kapatid niya. Ready ako. Ipinakita ko sa kanila ang mga scores at outputs ni Jet. Natameme sila lalo na nang naglitanya na ako.

Bago natapos ang usapan namin, nagpasalamat ako sa kanila dahil nauunawaan nila ako. Nagsorry na rin ako sa kanila dahil hindi ko na talaga kayang tanggapin pa si Jet. Pero, pinayuhan ko silang kausapin nila ang ibang teachers na tanggapin o kanlungin nila si Jet. Si Mam Rose ang una nilang pinuntahan ngunit tinanggihan naman sila. Di na nila kinausap si Mam Dang.

Nanananghalian kami nang umakyat si Mam Leah. Nagkuwento siya. Pinasusulat daw niya si Kevin para muli kong tanggapin. Pinabalik raw ng kanyang lola. Lihim akong natuwa.

Sa English class ko, naging inspired akong magturo. Nakapag-inspire din ako ng pupils. Ang sarap magturo talaga kapag nakikita mong interesado at natututo sila.




Oktubre 16, 2015
Dapat kasama ako ni Mam Loida sa collaborative training. Hindi lang ako sumama dahil balak ko talagang magturo ng pagsulat ng balita, tula at kuwento sa mga pupils ko.

Maghapon akong nagturo. Naenjoy ko. Naenjoy din nila.

Thankful ako dahil na-inspire ko na naman sila pati ang ilang Section Mercury na nasa akin. Nakapili ako ng ilang articles na isasama ko sa diyaryo ng V-Mars.

Mabuti na lang na di ako nakasama kay Mam Loida dahil hindi naman pala kasama sa collab ang West District. Naramdaman ko na yun kaya di talaga ako sumama.

Natuloy ang party sa hideout. Naroon sina Mam Sheila, Plus One,Papang, Mamah, ang mag-asawang Bartido, Mumu at kami ni Zillion. Wala nga lang si Donya Ineng dahil umuwi noong isang araw. Gayunpaman, nabusog kami at nag-enjoy.

Pagkatapos, sinundo namin si Emily sa airport. Alas-onse y medya na kami nakauwi.



Oktubre 17, 2015
Unti-unti kong nalalaman ang mga nangyari kay Emily sa kanyang pangingibang-bansa. Sa kanyang mga kuwento, naramdaman ko ang kanyang katatagan at kagustuhang magtagumpay. Naawa ako and at the same time, humanga ako sa kanya dahil nalampasan niya ang wika nga niya'y bangungot sa kanyang buhay. Thankful ako sa God dahil nakauwi siyang ligtas. Wala man siyang hakot na pera, bitbit naman niya ang experience at aral sa buhay.

Maghapon akong halos na gumawa ng "The Martian" at ang aking powerpoint presentation para sa aking talk sa INSET. Desidido akong mapaganda ko ang aking discussion. Nais ko ring makapag-issue ng diyaryo sa V-Mars bago mag-sembreak.




Oktubre 18, 2015
Hindi kami natuloy sa Manila Fame dahil Signal #2 ang bagyong Lando. Ipinagpatuloy ko na lang ang pagli-layout ng 'The Martian'. Siyempre, hindi ko rin pinalampas ang PPT ko para sa INSET. Hindi ko nga lang matapos-tapos. Hindi ko alam kung paano. Siguro ay mas interesado akong tapusin ang diyaryo.
Natapos ko ang 9 pages ng 10 as of 8:30 PM ngayong araw. Pagpasok pa sa Martes ako makakahanap ng mga magsusulat para sa sport page.
Maghapong nagpaalaga Si Ion sa Mama niya dahil may sinat, sipon at ubo magdamag.
Maliban sa paglalambing, nagseselos din siya sa atensiyon. Inaaway niya ako at binubully. Maghapon niya akong inaasar. Kakaiba siya ngayon. Palibhasa matagal silang di nagkasama.



Oktubre 19, 2015 
Hindi pa rin magaling si Zillion. Si Emily naman ay sumama rin ang pakiramdam. Kaya imbes na aalis kami para asikasuhin ang aming mga bank account, hindi na natuloy. Ako na lang sana ang aalis, pero pinakiusapan niya ako na huwag na. muna ako umalis dahil di niya kayang kumilos. Nahihilo siya. Hindi na nga ako umalis. Naglaba na lang ako.
Hapon, nagpasaring si Emily na gusto na lang niyang umuwi sa Aklan. Parang ayaw na niyang mag-abroad. Medyo nalungkot ako dahil parang di ko kakayaning suportahan siya kung iuuwi niya si Zillion. Gayunpaman, alam kong may plano ang Diyos para sa kanya. Wala akong dapat na gawin kundi tanggapin kung anuman iyon. Hihingi na lang ako ng sign sa Kanya para maunawaan ko at matanggap ko.



Oktubre 21, 2015
Hindi naman natuloy ang 2nd periodic test. Hindi dumating ang mga test papers. Ngumanga lang tuloy ang mga pupils ko. Ang maganda, nakapagprint ako ng 'The Martian'. Nakapag-photo op din kami. Launching. Parang ganun. Sigurado akong masaya ang mga estudyante na naging writer. Mas masaya siguro ang mga magulang nila. Sana lang maging consistent kami at magawa kong twice a year ang publication. Gusto ko kasing patunayan na kayang kong maging inspiring teacher sa sarili kong paraan.

Nagkaroon ng INSET. May dumating kasi na staff ng Mind Education. Dahil sa tanong ko sa kanila, magkakaroon ng seminar sa school mismo. So hindi na kailangan pang magbayad para matuto. Libre naman pala.

Next is naglabas ako ng saloobin tungkol sa issue sa matrix ng INSET. Narinig ni Mam D ang last part kaya nagtanong siya. Natuwa ako dahil narinig niya ako at ng mga kasamahan ko. Gusto kong malaman nila na kaya kung magsalita ng opinyon ko nang harapan-harapan. Kung di lang inunahan sumagot ni Mam Loida, ako sana ang magsasabi ng totoong pinag-usapan namin bago siya dumating.

Tumakas ako sa INSET. Kailangan na kasi naming bumiyahe nina Emily at Ion papunta sa Antipolo. Nagkita kami sa Shopwise para mag-grocery ng dadalhin doon.

Before 4 ay bumiyahe na kami. Past 7 ay nasa Bautista na kami. Naabutan namin sina Flor.

Bukas ay maaga akong babalik sa Pasay.



Oktubre 20, 2015
Kakaunti lang ang pupils ko.Ayos lang. Hindi naman mahalaga na kumpleto sila dahil gusto ko lang namang magpasulat ng mga articles para sa sports page. Naging maayos tuloy ang araw ko dahil dito. Nakasulat din sila.

Bukod dito, nakagawa kami ng bulletin board display ni Veronica para sa 'The Martian' newspaper pages. Alam kong marami ang natuwa, na-inspire at nagka-interes. Kami lang ang meron niyan. I'm sure, hindi rin makakapag-publish ngayong school ang GES ng Tambuli dahil hindi na ako magpapagamit.

Past 1, natuloy ang INSET. Nainis lang ako. Hindi ako pabor sa ideya na magkaroon ng lesson planning sa October 29. Nakakasawa. Wala bang iba?

Pinahilot ni Emily si Ion. Hindi ko na sinamahan dahil andami ko ring gagawing household chores. Naging maayos-ayos na ang pakiramdam ng anak namin kaya nagplano kami ni Emily. Bukas ay ihahatid ko sila sa Bautista para doon magpagaling at magpalipas ng mga araw. Hindi kami pwedeng magkakasama dahil parating si Epr. Nakakahiya naman. Baka gusto niya ng privacy.

Pasado alas-9, natapos ko nang i-layout ang "The Martian'. Ready to print na ito bukas. Malapit ko na ring i-launch.



Oktubre 22, 2015
Maaga akong nagising para bumiyahe pabalik sa Pasay. Alas-6:00 ako dumating sa boarding house. Nakaligo pa ako ng maayos.

Unang araw sana ng test, hindi na naman ipinatuloy. Nasimulan lang namin. Ipinatigil dahil sa Nov. 3 and 4 pa raw. Wala tuloy kaming nagawa. Mabuti na lang at inspired pa rin ang mga pupils ko na magsulat. Nagpasa sila ng mga akda nila.

After ng Inset-insetan, pumunta kami sa hideout para naman sa birthday celebration ni Donya Ineng. Wala kasi siya noong October 16.

Papunta pa lang sa hideout, kinuwentuhan na ako ni Intruder ng isyung kinakasangkutan ko. Tungkol sa matrix na 'peke'. Ito ang salitang sinambit at sinulat ko sa isang copy ng matrix ng Inset na nakarating kay Mam D. Naalarma sila kaya ganun na lang ang reaksiyon sa biro ko.

Naipangako ko na gagamitin ko ang salitang 'peke' para resbakan sila.

Nag-enjoy kaming lahat sa party namin. May mga issue man kaming nalaman sa isa't isa, nawala iyon nang nagkasiyahan kami.

After ng party, niyaya ako ni Hermie na uminom. Pumayag naman ako dahil wala naman si Ion. First ko siyang makakainuman.

Sa Mabini niya ako dinala. Sa may Baywalk. Isang bucket ng beer lang ang nakaya namin. Tapos, tig-apat na kanta ang inawit. Nakapagkuwentuhan din kami tungkol sa mga isyu sa school.

Okay naman siyang kausap, kainuman at kaibigan. Bukod sa galante na, cool pa. Ang sabi ko nga sa kanya, kung inaway ko pala siya dati, baka di kami nagkainuman.

Hinatid niya ako pauwi. Alas-dose na yun. Nalasing ako. Siya bitin pa. Gusto pa raw niyang mag-beer. Tindi niya sa inuman.



Oktubre 23, 2015 
Naalimpungatan ako ng bandang alas-sais y medya. Hindi ko narinig ang ring ng alarm ko. Grabe! Ang sakit pa ng ulo ko pagbangon ko. Nagmadali tuloy akong gumayak.

Sa school, hindi pa rin nawala ang sakit ng ulo ko. Mabuti na lang, hindi nagpasaway ang mga estudyante ko gayundin ang Mercury. Nakapaglagare pa ako ng klase. Nagpacompute pa ako ng grades nila.

Kahit nang pumunta kami sa Seafood Island sa may MOA para kumain, ang sama pa rin ng ulo ko. Di tuloy kami nagkapagbonding masyado ni Mamu. Gayunpaman, nakapagkuwentuhan kami kahit paano.

Halos kumpleto ang hideouters. Andun si Mamah, Kuya Win at Mam Dang, Plus One, Donya Ineng, Mamu, Hermie at Mumu, na siyang nagpakain sa amin.

Ang sarap ng mga pagkain. Ang sarap din ng kuwentuhan at tawanan.
Pagkatapos ng bonding, umuwi na ako sa boarding house para maghanda papunta sa Antipolo.

Grabe ang traffic sa Manila. Inabot ako ng alas-otso y medya samantalang pasado alas-sais pa ako umalis sa boarding house. Pasado alas-diyes na tuloy ako nakarating sa Bautista.

Sinundo pala ni Flor sina Hanna at Zildjian. Tamang-tama. Magkakasama sila ni Zillion habang sembreak.



Oktubre 24, 2015
Saglit ko lang nakausap at nakabonding sina Hanna at Zildjian dahil nagmamadali si Flor na ihatid na sila. Past nine pa lang ng umaga ay bumiyahe na sila papuntang Gate 2 para naman ibili si Hanna ng white dress para sa kumpil. Binigyan ko si Flor ng P1000. Ibibili niya rin ng brief at panty ang mga bata. 

Mas nais sabihin si Emily. Hindi niya lang alam kung paano. Medyo nahuhulaan ko na. Tungkol pa rin ito sa pag-uwi niya sa Aklan. 

Okay na si Zillion. Patatabain na lang siya para mas presentable siya pagpasok sa November 3.



Oktubre 25, 2015
Pasado alas-nuwebe ng umaga, pagkatapos naming mag-almusal, nag-reveal si Emily ng karanasan niya sa Bahrain. Hindi ko alam kung paano itago ang emosyon ko. Awa, inis, galit at selos ang naramdaman ko. Hindi ko maipaliwanag. Hindi ko akalaing mangyayari iyon sa kanya, sa amin. Iba pala talaga pag ikaw mismo ang nakaranas. 

Gayunpaman, ipinakita kong hindi ako naapektuhan. Hindi na rin siya nagtaka kung bakit umalis ako kaagad. Nasabi ko na sa kanya na babalik na ako sa Pasay para asikasuhin ang mga gawaing bahay doon at paghandaan ang powepoint presentation ko bukas. Ang totoo. hindi ko nakaya ang rebelasyon niya. 

Kahit nasa biyahe, nakatulala ako. Para akong nakalutang lang. 

Hindi niya na naman naunawaan ang pag-iwan ko sa kanila doon sa Antipolo. Iniisip niya na mas mahalaga si Epr kesa sa kanila. Tinatanong niya rin kung kami pa ng ex ko. Ano ba 'yan?! Wala akong ginagawang masama. Ang iniisip ko ay kung paano ako makakatulong sa pamilya at mga anak ko. 




Oktubre 26, 2015
Alas-siyete na ako nagising kaya nagmadali akong naghanda para makarating nang maaga sa school. Eight o'clock ang time ng INSET. Ayokong ma-late.

Hindi naman ako nahuli. Quarter to eight pa lang naman kasi nang dumating ako. Tapos, hindi naman agad nagsimula.

Isa ako sa mga speaker ngayong araw. After lunch ako naka-schedule.

Nang ako, nawala na ang kaba ko. Sa tingin ko rin, nasabi ko ang halos lahat ng gusto kong sabihin. Naipakita ko rin sa kanila na ibang-iba ako sa kanila at malayo na ang nararating ng aking pagsusulat.

After ng INSET, sinamahan namin nina Mumu at Donya Ineng si Mam Bel sa dentista. Naghintay lang kami doon dahil himbing na himbing ito. Umalis na kami pagkatapos. Nanlibre siya sa amin ng meryenda sa Mc Do. Busog!

Nag-hideout ako dahil pupunta doon si Papang. May ikinuwento siya tungkol sa mga pronuncement ng mga inggitero at inggetera sa aming grupo. Grabe! Nakaka-shock ang mga reaksyon nila. Patunay lamang na matatag ang aming grupo dahil pilit na itinutumba.



Oktubre 27, 2015
Naghanda ako ng mga statements na bibigkasin ko sa harap ng mga co-teachers ko para maiparating ko ang aking mga nais na pagbabago at hinaing, ngunit hindi ko ito naisakatuparan dahil hindi na ako nag-emcee. Diretso na ang INSET sa pagbibigay-daan sa Disaster Risk speaker. Okay lang.
Naging masaya ang mga sumunod na pangyayari. Di ko akalain na mauuwi sa isang mainit na balitaktakan. Sinimulan ni Mam Dang ang kanyang saloobin. Ipinagtanggol ko siya at ang sarili ko. Nagagalit ako sa isyung 'peke' at 'pirma' dahil di ko naman naidepensa ang sarili ko.
Kanina, naibulalas kong lahat. Bahala na silang mag-isip. Napatunayan nila na buo pa rin ang hideouters, lalo na nang matuloy kami sa bahay ni Don Facade sa Cavite. Ang saya! Andami na naman naming pictures na ikauupos ng mga inggetera.
Pasado alas-8 na ako nakauwi. Pagod pero masaya.



Oktubre 28, 2015
Maaga akong nakarating sa school. Nakabili pa ako ng almusal at doon ko kinain habang wala pa masyadong tao.

Wala namang speaker ngayong araw ang INSET namin. Nanguna lang si Mam Dang para sa paggawa ng criteria para sa search for outstanding teacher ng Gotamco. Okay naman. Kaya lang ako ang napisil niya para mag-edit ng mga samples ng criteria mula sa iba't ibang institution gaya ng Metrobank. After lunch, natapos namin ito.

Hapon, nanunod lang kami ng pelikula sa youtube gamit ang laptop at projector. Nakadalawang part kami ng Jeepers Creepers. 

Ngayong araw, umariba na naman ang mga inggetera. May nagsumbong na naman kay Etiquette, na ikinagalit nito. Nagpaprinig pa nga raw kina Mumu, Donya Ineng at Plus One sina Donya Choling at Etiquette with matching emphasis sa salitang 'hideout'. Nakakatuwa lang dahil marami ang naiinis sa hideout group habang kami ay pasaya nang pasaya at padami nang padami.

Past three, umuwi na ako sa boarding house. Hindi na ako sumama kina Donya Ineng, Mumu at Modesto sa GSIS. 

Gabi, gumawa ako ng kuwento tungkol sa batang iniwan ng ama dahil sa away ng kanyang mga magulang. Isasali ko ito sa Romeo Forbes Children's story writing contest.



Oktubre 29, 2015
Antagal naming naghintay sa speaker. Past nine na yata nakapagsimula. Action Research ang topic niya. Naging interesado ako. Marami akong natutunan.
Gustong makipagkita sa akin ni Papang dahil may sasabihin siya sa akin. Kaya lang hindi na natuloy dahil late na ang text niya sa akin. Nasa Cubao na ako.
Ayon sa ilang message niya sa akin kaninang umaga, marami raw ang nagmamanman sa amin. Kaya kailangang mag-iingat kami kahit sa mga close friend namin.
Past two, lumabas na ako ng Gotamco. Dumiretso ako sa BPI. Nag-inquire ako tungkol sa checking account. Binigyan niya ako ng kaunting insights tungkol sa checking policies. Sinabi rin niya sa akin ang mga requirements.
Medyo na-disappoint ako dahil akala ko ay magagawa kong maging checking ang savings account ko.
Kung tutulutin ng Diyos na matuloy makakuha ako ng checking account matutuloy din ang pagkuha ko ng bahay sa Tanza. Nagdadalawang-isip kasi ako lalo na't di pa nakakaalis si Emily. May mga plano rin siyang nakakahadlang sa aking mga plano-- gaya ng plano niyang mag-settle down sa Aklan instead na magtrabaho abroad.



Oktubre 30, 2015 
Nagyayaya si Jano na magswimming kami sa Linggo. Hindi ako nag-commit. Parang mabigat sa loob ko na magsaya sa panahon ng Undas. Hindi yata akma ang okasyon. 

Umalis naman sina Emily at Zillion bandang alas-dos ng hapon kanina para makipagkita sa kaibigan niya. Alam niyang negosyo ang sadya ng dati niyang katrabaho pero pumunta pa rin siya dahil mapilit. Sa Robinson's Antipolo sila magkikita. 

Natulog ako pag-alis nila. Matagal akong nakaidlip dahil nasa labas ang mga bata. 

Pasado alas-siyete na sila dumating. Tapos ko nang gawin ang certification na papipirmahan ko kay Mama para sa checking account application ko sa bangko. 

Oktubre 31, 2015
Napuyat kami kagabi dahil sa sobrang likot ni Zillion sa higaan. Kaya naman, late na kami nakapag-almusal. 

Na-print na ni Jano ang certification na pipirmahan ni Mama. Malalakad ko na ng checking account ko kapag may time ako.

Hindi na talaga natuloy ang swimming na plinano ni Jano. Nakakatamad kasi at saka hindi naman appropriate ang okasyon para maligo sa pool. 

Nagsabi na naman si Emily ng plano niya. Gusto na niyang makaalis. Hindi na niya mahihintay ang boss niyang Qatari. Mag-aapply na lang siya sa iba kung saan may placement fee na P16,000. Parang di ko siya matutulungan dahil ang pera ko ay para sa pang-open ng account. Tinanong ko naman siya kung placement o account. Unahin ko raw muna ang account ko. 

Umaasa akong sa November 1 ay darating na ang boss niya. Ipinagpray ko  na iyon kagabi.


















No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...