Followers

Monday, October 5, 2015

Pagpili ng Taxi at Pagboto

Ang pagboto ay parang pagpili ng masasakyang taxi. Kailangan nito ng metikuloso at matinding pagsisiyasat.
Hindi basta-basta ang pagsakay sa taxi. Gaya ito pagpili ng kandidato sa eleksiyon. Kailangang tingnan ang mukha at edad ng driver, ang pisikal na kondisyon ng sasakyan at ang mga logo at signages dito.
Mapagkakatiwalaan ba siya? Ang mga politikong may magandang pisikal na anyo, bata man o matanda ay hindi lahat ay may magandang intensiyon. Karamihan sa kanila, gumagamit lang ng kagandahan o kagwapuhan para makaakit ng mga botante.
May mga pogi at disenteng taxi drivers na mandaraya at may masamang loob. Mayroon ding pangit nga pero maganda ang kalooban. Sa madaling sabi, hindi tayo ligtas anuman ang hitsura ng drayber o ng kandidato. Kung gusto talaga nila tayong lokohin, magagawa nila pagkatapos nating sumakay.
Sumakay tayo sa de-metrong taksi. Huwag tayong papaloko sa driver na nangungutrata. Lugi tayo. Hindi mahalaga ang presyo na pumatak sa metro. Ang importante, dinaan sa ligal.
Tandaan: "Ang paggawa ng mabuti ay walang kontrata."
Kaya kapag may politikong magbibigay ng pera kapalit ng boto, tanggapin ito at iboto ang manok mo. Hindi mahalaga kung naging mukha tayong pera. Tatanggihan pa ba natin ito? E, pera rin naman natin ang ginagamit nila sa kampanya.
Kung nakasakay ka na sa taxi, alamin natin ang mga detalye ng ating sinakyan-- name of the taxi, operator's name, plate number at iba pa. Piktyuran pa.
Ganun din sa pagpili ng kandidato. Kilalanin natin. Mag-research tayo tungkol sa kanya. Hindi sapat na sikat siya o may pangalan o galing sa political dynasty. Magkakaiba sila ng puso, utak at damdamin.
Maraming modus operandi ang mga kawatang taxi drivers, gaya ng mga samu't saring gimmick ng mga political candidates tuwing election period. Kung magpapauto tayo, hindi tayo makakarating sa paroroonan nang ligtas at payapa.
Mag-ingat tayo sa pagpili ng iboboto sa eleksiyon o ng sasakyang taxi.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...