Followers

Wednesday, October 28, 2015

Ang Pasalubong

Si Hannah ay nag-iisang anak ng mayamang mag-asawang sina Donya Ineng at Don Facundo. Mahal na mahal siya ng kanyang mga magulang, lalo na ng kanyang ama.
Araw-araw, pinasasalubungan ni Don Facundo si Hannah ng mga pagkain, laruan o anumang hilingin ng bata sa ama.
“Anong gusto mong pasalubong pagbalik ko, anak?” tanong ng don kay Hannah.
Saglit na nag-isip ang siyam na taong gulang na bata. Nakapamaywang naman sa likuran ang ina.
“Pulang lobo? Gusto mo ‘yun, hindi ba?” suhestiyon ng ama.
“Hay, naku, Facundo! Bakit hindi ka na magmadali? Gusto mo bang maiwanan ka ng barko?” litanya ng ina. Nakalapit na siya sa anak.
“Mama, Papa…? Barko? Aalis ka po, Papa?” nagugulumihanang tanong ni Hannah sa mga magulang. At gaya ng dati, yumakap siya sa ama ngunit ibang-iba ang higpit ng yakap na iginawad niya kay Don Facundo. Halos ayaw niyang kumawala kahit pilit na siyang inihihiwalay ng ina sa ama.
“Huwag matigas ang ulo, Hannah! Halika na! Mahuhuli ang Papa mo.”
“Sige na, anak. Paalam na.” malambing na wika ng ama. Kumawala na rin si Hannah
“Sabi niyo po noong isang araw, hindi tayo maghihiwalay.” Nangingilid na ang mga luha ni Hannah.
“Pasensiya ka na, anak. Kailangan ko lang lumuwas ng Maynila. Trabaho, anak.”
“Trabaho po?”
“Andami mong tanong, bata ka. Halika na nga.” Kinuha ng ina ang kamay ni Hannah at hinila papasok sa bahay.
“Papa.. Papa, wag ka pong umalis!”
Awang-awa si Don Facundo sa anak lalo na’t naririnig pa rin niya ang iyak nito habang pumapanaog ang mag-ina. Wala siyang nagawa kundi ang lumisan. Hindi man lang nalaman ang hiling na pasalubong ng anak.
Halos ayaw niyang ihakbang ang kanyang mga paa, palayo sa kanilang bahay. Hindi man niya gustong iwanan ang mag-ina ay makakabuti naman ito upang maitama nilang mag-asawa ang isang pagkakamali.
Tahimik na ang kabahayan nang makalabas ang ama sa gate ng mansiyon.
Sa di kalayuan, tanaw niya sa bintana ang kumakaway na anak. Hindi na niya napigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha. Nais niyang bumalik upang mayakap muli si Hannah, ngunit hindi na niya ginawa. Mahuhuli na nga talaga siya sa biyahe.
“Papa! Papa!” Dinig pa rin niya ang tawag ng anak. “Bumalik ka kaagad, ha?!”
Huminto ang ama at nilingon ang anak. “Oo, anak, babalik ako kaagad!” Alam niyang hindi siya narinig ng anak kaya kumaway na lamang siya bago tuluyang lumayo.
Labis na nalungkot si Hannah sa pag-alis ng ama. Anuman ang gawing pag-alo ng ina sa kanya ay balewala ito. Hindi rin naman kasi niya masabing ang pagluwas sa Maynila ng ama ay away-mag-asawa.
“Kumain ka na, Hannah. Darating na ang Papa mo, kung hindi bukas, sa makalawa,” masuyong pakiusap ng ina. Hindi na niya magawang magalit sa anak dahil lalo lamang itong nagmamatigas.
“Maraming beses niyo na pong sinabi ‘yan sa akin…” mahinahong wika ni Hannah habang hinahawi-hawi ang mga kanin sa plato. “Hindi ko po alam kung sino sa inyo ni Papa ang sinungaling.”
Nanlaki ang mata ni Donya Ineng. Nangangatal na rin ang kanyang baba. “Hay, naku! Pagod na pagod na ako sa’yo!” Tumayo siya tinawag ang serbedora upang tulungan siyang hikayating kumain ang anak.
Nagagawa namang mapakain ng katulong si Hannah.
Minsan, ayaw na ring pumasok sa eskuwela ni Hannah kaya napalo siya ng ina.
“Ang tigas ng ulo mo! Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na wala kang mapapala sa paghihintay mo salawahan mong ama!”
Umiiyak na tumakbo paakyat sa kuwarto si Hannah.
“Constancia!”
Alam na ni Constancia ang gagawin niya.
Sa kuwarto, nakasubsob sa kama si Hannah habang umiiyak.
“Hannah…’’ tawag ng yaya .Marahang nilapitan ang alaga. “Gusto mo bang magduyan na lang tayo sa baba?”
“A-ayaw ko po.” Humikbi pa siya.
“E, anong gusto mong gawin natin ngayong araw?”
“Yaya Constancia, ano po ang ibig sabihin ng salawahan?’’ Nakaupo na siya. Hinarap niya ang yaya, na napalunok sa tanong ng alaga.
“Naku, hindi mo pa mauunawaan ‘yun, Hannah. Halika nga rito at susuklayin ko ang buhok mo.”
Tinabig ni Hannah ang mga kamay ng katulong nang hahawakan nito ang buhok niya. Kaya napilitang magpaliwanag ni Constancia kung ano ang ibig sabihin ng salawahan.
“Napakabait ng Papa mo, Hannah. Naniniwala ka, di ba? Hindi niya magagawa ang ibinibintang sa kanya ng Mama mo.”
“Opo. Tama po kayo..” halos pabulong na sambit ni Hannah.
              Lalong lumayo ang loob ni Hannah kay Donya Ineng. Naramdaman niya ito. Kaya, pinaghandaan niya ang nalalapit na ikasampung kaarawan ng anak. Isang malaking piging ang kanyang plinano upang kahit paano ay masilayan niyang muli ang ngiti sa mga labi ng anak. Kasabay ng pag-asang mapapaligaya niya ang anak ang pag-asam na sana ay bumalik na si Don Facundo. Handa na siyang patawarin ang asawa.
            Dumating ang kaarawan ni Hannah. Isang engrandeng handaan ang naganap sa hardin ng mansiyon nina Donya Ineng at Don Facundo. Maligayang-maligaya ang mga batang bisita ni Hannah. Hindi man lamang siya natawa sa mga akto ng payaso. Para lamang siyang tuod na nakatingin sa malayo na tila inaabangan ang pagbabalik ng ama.
            Matapos ang piging, natanaw ni Donya Ineng ang anak sa duyan. Bigo siyang mapanumbalik ang sigla ng anak.
            Hawak ni Hannah ang pulang lobo na binigay ng payaso sa kalagitnaan ng salusalo. Gusto niyang lapitan ang anak pero isang lalaki ang natanaw niya na pumanhik sa hagdan.
            “Hoy, payaso! Anong pakay mo rito sa tahanan ko?”
Huminto naman ang payaso at agad na nilapitan ng donya ang lalaki.
“Humarap ka’t sumagot ka! Bakit ka pa narito? Anong gagawin mo sa taas, aber?” Dinuro pa ng donya ang likod ng lalaki gamit ang kanyang abaniko.
Humarap naman ang lalaki. “Patawad…”
“Facundo?!” Niyakap niya ng mahigpit ang asawa. “O, Diyos ko, salamat! Salamat at umuwi ka na. Patawad! Patawad dahil akala ko’y.. akala ko’y…”
“Papa?!” tuwang-tuwang tawag ni Hannah sa ama. “Bumalik ka na. Ikaw pala ang payaso.”
Niyakap ni Don Facundo ang anak. “Oo, anak… maligayang kaarawan!”

“Salamat po, Papa… Mama!” Niyakap niya rin ang kanyang ina.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...