"Ice candy! Ice candy, bata.
Masarap 'to. May mangga flavor at may melon pa," alok ni Aleng Laleng sa
bawat estudyanteng napapadako o napapatingin sa kanya.
"Pabili nga po. Isa. Mangga
po." Isang batang babae ang buena-manong bumili sa ale.
"Isa rin po sa akin. Melon
po." Bumili rin ang kasama nito.
Mula sa malayo, tanaw na tanaw ni
Carlo kung paanong dinagsa ang tinda ni Aling Laleng. Isa nga sa mga bumili ng
ice candy ay sina Ruth at Alpha. Sila ang magaganda at mapuputing kaklase niya.
Sa tingin niya, anak-mayaman ang mga ito. Naisip niyang masarap siguro ang ice
candy.
Gusto niyang kumain ng ice candy,
ngunit ayaw niyang lumapit.
"Ang sarap, Ruth, 'no?"
tanong ni Alpha sa kaibigan.
"Yes! Masarap. I can't believe
it," sang-ayon ni Ruth. Pagkatapos ay umupo sila sa sementadong bench.
Nasa tapat naman si Carlo. Kumakain
siya ng kanin at pritong itlog. Sementadong table lang ang nakapagitan sa kanya
at sa dalawa niyang bagong kaklase.
"Si Carlo. Hi, Carlo!" bati
ni Alpha. Bumati rin si Ruth.
Nahihiyang bumati si Carlo sa
dalawa at agad niyang itinago ang kanyang baunan.
"Alam mo, magagalit si Mommy
kapag nalaman niyang bumibili ako ng street food." Nalungkot bigla si
Ruth.
"Si Mommy rin..."
sang-ayon ni Alpha.
"Pero, hindi na niya
malalaman."
"Yes! At araw-araw pa rin
tayong bibili sa ice candy ni Aling Bulag!" Nakipag-apiran pa si Alpha sa
kaibigan.
Hindi namalayan ng magkaibigan na
nakalayo na pala si Carlo. Bumalik na siya sa kanilang silid-aralan.
Araw-araw, nagtatago si Carlo sa
malayo upang pagmasdan ang mga bumibili ng ice candy. Padami nang padami ang
bumibili nito. Nagdagdag na rin ng ice chest si Aling Laleng para makabili ang
iba. Mayroon na rin siyang guyabano at avocado flavor.
Isang araw, halos buong kaklase ni
Carlo ay may kinakaing ice candy. Napansin ito ni Ginang Gomez, kanilang guro.
"Class, class, you all
listen..." tawag ng guro sa mga nag-rerecess na mag-aaral. "Mag-ingat
sa mga binibili ninyong pagkain sa labas. You never know kung paano iyon niluto
o ginawa. Just like the ice candy..."
Natigilan ang karamihan sa mga
kumakain ng ice candy.
"Hindi po, Mam," sabad ni
Ruth. "Malinis po at masarap ang ice candy ng aleng bulag. Hindi ba,
alpha?"
"Opo, Mam! Araw-araw po kami
bumibili, pero hindi po nasira ang tiyan namin..."
Sumang-ayon ang halos lahat ng
bumibili at nakabili.
"Basta, nagbigay na ako ng
babala sa inyo..."
Natakot si Carlo sa mga narinig.
Naipangako niyang hindi-hindi siya lalapit sa nagtitinda ng ice candy. Hindi na
rin siya natatakam dito.
Pagkatapos ng recess, nagsimula
nang magturo si Gng. Gomez. Sinimulan niya ang kaniyang aralin sa pagtatanong
kung ano ang hanapbuhay ng mga magulang ng kanyang mga mag-aaral.
"Simulan natin kay
Jesse," sabi ng guro.
Tumayo ang tinawag. "Ang mga
magulang ko po ay tindera ng mga gulay sa palengke at seaman po."
Nagsunod-sunod ang pagtawag ni Gng.
Gomez.
"Guro po at negosyante."
"Sa bahay lang po si Mama. Si
Papa po ay driver."
"My Dad is a doctor. My Mom is
a dietitian," sagot ni Alpha.
Sumunod na si Ruth. "Si daddy
works in the city hall. My mommy is a lawyer."
Pinagpawisan si Carlo, habang
nakayuko at nananalanging huwag siyang matawag.
"Carlo!" Ikalawang beses
na tawag na ni Gng. Gomez.
"Carlo, ikaw na!"
Kinalabit pa siya ng katabi.
Hiyang-hiya na tumayo si Carlo.
Ayaw niya talagang ipaalam sa lahat ang totoongbtrabaho ng kanyang mga
magulang, lalo na ng kanyang ina.
"Carlo, ano ang hanapbuhay ng
iyong mga magulang?" pag-uulit ng guro.
"Ang tatay ko po... ay... ay
isang... nagtratrabaho sa aircon."
Nagtawanan ang mga kakalase niya.
Agad namang sinaway ni Gng. Gomez ang klase.
"You mean, nag-aayos ng
aircon?"
"Opo."
"Ang nanay mo naman."
"Ang nanany ko po ay
tindera... May I go out po, Mam?"
Nagtawanan uli ang buong klase, na
lalo namang ikinalubog ng puso ni Carlo. Nais niya nang tumakbo palabas.
"Wait! Tindera ng ano?"
seryosong tanong ng guro.
Nilibot ni Carlo ang paningin niya
sa kanyang mga kaklase. Ang lahat ay nag-aabang na sa kanyang sagot.
"Ano?" untag ng guro.
"Ng... ng ice candy po."
Agad siyang lumabas sa silid-aralan. Hindi man niya narinig ang tawanan, para
naman siyang hinubaran ng kasuotan dahil sa sobrang kahihiyan.
Kinagabihan, hindi dalawin ng antok
si Carlo, samantalang ang kuya at bunsong kapatid niya ay himbing na himbing
na. Naaalala niya pa rin ang nangyari sa eskuwelahan kanina.
Bumangon siya at lumabas sa
kuwarto. Paghawi niya ng kurtina, nasilip niya ang kanyang ina sa kusina. Nais
niyang bumalik sa higaan, ngunit nakita siya ni Aling Laleng.
"O, Carlo, bakit gising ka
pa?" malambing na tanong ng ina.
Lumapit si Carlo. "Nay, hindi
po ako papasok bukas. Puwede po ba? Biyernes naman po, e."
"Anong kinalaman ng Biyernes
sa hindi mo pagpasok?"
Ngumiti si Carlo at kumamot-kamot
sa ulo. "E, kasi po, kulang po ako sa tulog... Aantukin lang po ako doon
bukas." Tiningnan niya ang kaliwang mata ng ina. Naisip niya na bukas ay
tutuksuhin siya ng mga kaklase niya dahil ang kanyang ina ay si Aling Bulag, na
nagtitinda ng ice candy.
Napangiti rin si Aling Laleng.
"Palusot."
"Hindi po."
"O, siya... sige. Pero, isang
beses lang 'to, ha?"
"Opo! Salamat po!"
"Ayaw namin ng tatay mo na
mapabayaan niyong magkakapatid ang pag-aaral. Kayamanan ang edukasyon. Kaya
nga, nagsusumikap kami na mapag-aral kayong magkakapatid. Heto nga, sinisikap
kong kumita sa paggawa ng ice candy."
Parang may kumurot sa puso ni
Carlo. Hindi niya dapat ikinahihiya ang kanyang mga magulang, lalo na ang
kanyang ina.
"Tulungan ko na po kayo,
Nay."
Nagkainteres si Carlo sa ginagawa
ng kanyang ina.
"Huwag na, 'nak."
Kailangan mo nang matulog. Ang batang kagaya mo ay dapat nakakawalo o higit
pang oras ng pagtulog. "Kaya, sige na. Balik na sa kuwarto."
"Sandali lang po. May tanong
lang po ako..."
"Ano?"
"Bakit po ba masarap ang ice
candy niyo?"
"Masarap ang ice candy ko...
dahil para ito sa mga bata at mga anak ko."
Naunawaan ni Carlo ang ibig sabihin
ng ina. Nakonsensiya tuloy siya.
"Alam mo ba kung anong magic
ingredient ang nilalahok ko dito?" tanong ni Aling Laleng, habang
hina-halo ang mga sangkap.
"Ano po?" Namilog ang mga
mata ni Carlo.
"Pagmamahal."
"Pagmamahal?" Hindi niya
naunawaan ang ina.
"Mahal na mahal ko kayong
magkakapatid, kaya kahit alam kong ikinahihiya ninyo ang pagtitinda ko ng ice
candy, hindi ako sumuko." Nalungkot si Aling Laleng.
Lumapit si Carlo sa ina at sumiksik
siya sa likod ng ina. "Nay, sorry po."
Tumawa muna si Aling Laleng.
"Naku, Carlo, huwag mong na ulit ikakahiya si Aling Bulag, ha? Huwag ka
nang magtatago sa likod ng puno at sisilip-silip sa akin. Kahit bulag ang isa
kong maymta, nakikita kita." Hinarap niya ang anak at nilagyan ng gatas
ang ilong.
"Opo! Pangako po, hindi ko nap
o kayo ikahihiya at ang hanapbuhay niyo. Gusto ko na rin po kasing kumain ng
ice candy niyo."
"O, sige. Ilan ang gusto
mo?"
"Kahit isa lang po bawat
araw?"
"Isa lang pa, e. Sige, igagawa
kita ng ampalaya flavor."
"Si Nanay naman, e!"
Nagtawanan ang mag-ina.
Kinabukasan, kasabay na niya Carla
si Aling Laleng sa pagpasok. At nang mag-recess, tinulungan niya pang magtinda
ang ina sa pagtitinda ng ice candy.
No comments:
Post a Comment