“Lumilipad na naman ‘yang isip mo,
Totong!” bulyaw ng ama sa katorse anyos na anak, habang ito’y nakapangalumbaba
sa may bintana. “Pumarini ka na nga’t tulungan mo ang nanay mo. Magsalok ka ng
tubig. “Puro ka pantasya. Sa buhay nating ganito at sa kalagayan mong ‘yan,
imposible na.”
Sanay na si Totong sa masasakit na
salita ng ama. Hindi na iyon tumatalab sa manhid niyang puso. Totoo naman, e.
Nagpapantasya lamang siya. Imposible ang mga pangarap niya. Ni hindi nga siya
nakatuntong sa Kinder. Bukod sa napakalayo ng eskuwelahan, wala pang yayakag sa
kanya. Hindi siya maaaring ihatid-sundo ng kanyang ina, lalo na ng kanyang ama.
Mas pinili na lamang niyang mamalagi sa bintana, tumanaw sa kabukiran o ‘di
kaya’y magtampisaw sa ilog at umakyat sa taas ng talon, at makipag-usap sa
kalikasan.
Pinagmasdan niya ang kanyang ama,
mula sa bintana habang ito ay naghahanda sa pag-alis. Isinukbit na nito ang
kanyang bag, na kinapapalooban ng baon, tubig, itak, hasaan, bimpo, ekstrang damit, at iba pa. Natanaw naman niya
sa bakuran ang dalawang maliliit na kapatid na naglalaro ng lupa at ang inang
naglalaba malapit sa balon.
Malayo na ang kanyang ama, nang isang
bagay ang biglang pumasok sa kanyang utak. Dali-dali, ngunit maingat siyang
bumaba. Nasanay na siyang maglakad gamit ang saklay sa kanyang braso at
ibalanse ang maikli, baliko, at maliit na kanang paa.
“Nay, hindi po kita matutulungang
magsalok ng tubig ngayon,” masiglang sabi ni Totong.
Bahagyang nagulat ang ina, lalo na’t
hindi siya sanay na nakikita ang anak na nakangiti at masigla. “Sige lang,
‘nak. Wala naman ang tatay mo.”
“Salamat po!” Mabilis siyang lumabas
sa kanilang bakuran.
“Totong, saan ka ba pupunta?” sigaw
na tanong ng ina.
“Kuya Totong!” halos magkasabay
namang tawag ng kanyang mga kapatid. Humabol pa ang mga ito hanggang sa
tarangkahan. Umiyak pa ang bunso, habang tumatawag. Pero, tila kay bilis na
nakalayo si Totong.
Ang pook na kinalakhan ni Totong ay
malayo sa kabihasnan. Tanging ang mga huni ng mga ibon, ang mga pagaspas ng mga
dahon tuwing iihip ang mahinhing hangin, at ang mga lagaslas ng tubig sa talon
ang tanging mga ingay na kanyang naririnig. Kabisado na rin niya ang pasikot-sikot
sa kagubatan. Naging kaibigan niya na rin halos ang mga hayop at insekto sa
kanilang paligid. Nakakausap niya rin ang mga ito, gaya ng napapakinggan niya
sa radyo.
Ngayong araw, muli niyang tinungo ang
itaas ng talon. Gamay na niyang akyatin ito,sa kabila ng mga malalaking bato.
Marahil ay naging ehersisyo na niya ang pag-akyat doon, kung saan nakakahinga
siya, nakakalimot, at napapalipad ang isipan.
Mula doon, tinanaw niya ang paligid
ng talon. Tanaw na tanaw niya ang mga natataasang puno, na ikinukubli ang
malalayang ibon doon.
Dumukwang
siya sa puting tubig na bumabagsak sa talon. Napuno ng ligaya ang puso niya sa
tila musikang tunog niyon at mahika ng tubig, habang ito ay nagiging asul na
agos patungo sa ilog na siyang nagsusuplay ng kuryente sa kanayunan. Umupo siya
sa batong hindi inaagusan ng tubig.
"Nay, maganda po ba ang Maynila? Masarap po bang tumira doon?"
Naalala niya nang minsang itanong niya sa kanyang ina. Nuwebe anyos pa lamang
siya noon.
Hindi agad nakapagsalita ang ina.
Hinawi niya muna ang buhok ng anak. "Sa tulad natin, isang paraiso ang Maynila."
"Paraiso?" bulalas niya.
Nanlaki pa ang mga mata. "E, 'di... maganda po doon? Pupunta po ako doon
paglaki ko."
Bahagyang tumango lang ang ina niya,
saka ipinagpatuloy ang pagpapaligo sa kanya.
Hinubad niya ang kanyang manipis,
nangingitim, gula-galanit nang damit. Nalantad ang kanyang manipis na katawan,
na hindi umakma sa kanyang edad. Mapagkakamalan siyang sampung taong gulang pa
lamang.
Gaya ng madalas nilang gawin
magkakapatid, isinuot ni Totong ang kanyang damit sa ulo na animo’y isa siyang
ninja. Saka, marahan niyang itinukod ang kanyang saklay at dinipa ang kaliwang
braso. Sa una’y nanginginig ang kanyang katawan, ngunit unti-unti niya itong
nabalanse.
“Kaibigang Hangin… ako’y iyong iduyan
at dalhin kung saan man. Nais kong maging malaya… malaya sa sakit, pagdurusa,
at kalungkutan… ” malakas na tawag ni Totong, kasabay ng pag-ihip ng malamig at
mahalimuyak na hangin. “Mga kaibigan kong ibon… ako’y inyong ilipad. Ako’y
inyong itakas sa mundo ng kapighatian. Nais kong makawala sa hawla ng kawalang-halaga!”
Nagsiliparan ang mga namumungad na ibon sa kagubatan. Tumingala si Totoong sa
langit. “Panginoon, gamitin Niyo po ako. Nais kong maging malaya at magkaroon
ng makabuluhang buhay!” Ipinikit niya ang kanyang mga mata at marahang inangat
ang kanyang saklay. Kasabay ng pagtaas niya ng kanyang kamay ang pagtaas ng
kanyang saklay. “Salamat po, O, Diyos!”
Hindi niya nakita kung paanong ang
mga ibon ay bumuo ng hugis kamay ng Diyos, ngunit naramdaman niya ang hanging
yumakap sa kanya.
Puspos ng luha ng kaligayahan ang mga
mata ni Totong. Naramdaman niyang nagpantay ang kanyang mga paa. “Salamat po!”
pabulong niyang sambit habang ibinababa niya ang kanyang mga kamay.
Umawit ng pagbubunyi ang mga ibon sa
kanyang palibot, tila sinasabi nilang “Kaya mo ‘yan, Totong!”
“Salamat, mga kaibigan!” Pagkuwa’y
inihagis niya sa tubig ang kanyang saklay. Pinagmasdan niya ang dahan-dahan
nitong pagbagsak at pagkawala sa tubig. Pagkatapos, maingat siyang tumalikod at
naglahad ng mga kamay. “Malaya na ako!” sigaw niya. “Malaya na ako!” At saka
siya nagpatihulog sa talon.
Sa isang burol, naroon si Mang Edung,
ama ni Totong, na nagbubungkal ng lupa na pagtatamnan niya ng kamote, gabi, at
kamoteng-kahoy. Ito ang ikinabubuhay ng kanilang pamilya.
Sa himpapawid naman ay matatanaw ang
isang pambihirang nilalang, na animo’y ibon na tinuturuan pa lamang lumipad ng
kanyang mga magulang. Umikot-ikot ito sa ulap. Pumaimbulog. At, tuluyan itong
nilayuan ng mga ibon, sapagkat natuto na siyang lumipad, sa pamamagitan lamang
ng pagtaas ng saklay niya.
Mula sa himpapawid, kitang-kita niya
ang papalapit na kobra sa likod ni Mang Edung. Sa kanyang mata, nagtila
dambulaha ito, na handa nang lamunin nang buo ang kanyang ama. Kaya, hindi siya
nag-aksaya ng sandali. Dumaluyong siya pababa at hinataw nang hinataw ang
halimaw.
Nang mapirat ni Totong ang ulo ng
kobra, saka lamang siya napansin ng ama. “Anong ginagawa mo dito?” galit na
tanong ng ama.
“A… e…” Gusto sana niyang ipaliwanag
ang nangyari, ngunit bigla na lamang naglaho ang kobra sa kanyang paningin.
“Gusto ko po kayong tulungan…”
Sarkastikong tumawa ang kanyang ama.
“Inutil ka! Wala kang maitutulong sa akin. Mabuti pang umuwi ka na, bago pa
kita mahampas nitong asarol ko. Hala, sige, uwi na! Damuhong ito, ang lakas ng loob
magpresenta. Inunat mo muna ‘yang pilantod mo!”
Umagos ang mga luha ni Totong habang
lumalayo sa ama. Kahit kailan hindi nga mapapansin nito ang kanyang halaga.
“Marissa, nasaan na ba ang anak mo?
Paigiban mo nga itong tapayan natin at walang magamit panghugas. Magluluto na
ako...” ani Mang Edung sa asawa, habang nagtatahip ito ng bigas.
“Si Totong? Kaninang umaga pa umalis.
Akala ko nga’y pumunta sa’yo.”
Hindi umimik si Mang Edung. Hindi
naman nito nakitaan ng pangamba ang asawa. Kaya lang, nang dumilim na’y wala pa
ang kanilang anak. Ang mga kapatid na ang naghahanap kay Totong.
“Huwag kayong mag-alala… Matapang at
malakas ang Kuya Totong niyo. Hindi siya matatakutin sa dilim,” pinakalma ng
ina ng mga damdamin ng mga kapatid. “Sige na, buksan mo na ang radyo, Nognog.
Makinig na tayo sa balita…”
Tumalima na ang pangalawang anak,
saka bumalik sa pagmasid sa gamugamong palipad-lipad sa gasera.
“Nay, kapag nawalan po ba ng pakpak
ang gamugamo, makakalipad pa rin siya?” inosenteng tanong ni Nognog.
Napangiti muna si Aling Marissa. “Hindi
na. Kailangan muna siyang magkapakpak uli para makalipad…”
Nalungkot si Nognog. “Hindi pala
matutupad ni Kuya ang pangarap niya…”
Napasulyap ang ina sa anak. Pabulong
lamang iyon, subalit malinaw na malinaw ang dating niyon sa kanyang pandinig. Ngayon
lamang siya nag-alala sa kanyang panganay na anak.
“Namataan kaninang hapon ang isang
batang may saklay na nakipaglaban sa mga lalaking nagtatapon ng basura sa Ilog
Pasig. Para sa mga detalye, narito si Dick Romanes, Nag-uulat…” Natigilan si
Aling Marissa. Pinatigil niya ang mga anak sa pagkilos at pagsasalita.
“Narito ako ngayon sa isang bahagi ng
Ilog Pasig upang kapanayamin ang isang residente na nakakita sa pangyayari.
Magandang gabi, Ginoong Andres! Ano po ba ang nakita ninyo kanina?” sabi ng
reporter.
“Kitang-kita ko po ang isang bata.
Nakatakip ang mukha ng kanyang baro. Parang ninja. Galing po siya sa kalawakan.
Opo. Nakakalipad po siya. Sa maniwala po kayo, sa hindi, pinaghahampas niya po
ang mga lalaking nagtatapon ng basura. May mga patay na hayop pong kasama doon.
Hindi po siya pilay, pero gamit niya po ang isang saklay…”
“Maraming salamat,Ginoong Andres.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang nasabing phenomena. Ito ang
Radyo Manila Ngayon! Dick Ramones. Balik sa’yo, Trina.”
“Diyos ko… Diyos ko,” sambit ni Aling
Marissa. Tinungo niya ang bintana at tinanaw ang kadiliman ng gabi sa bakuran.
Umaasa siyang parating na si Totong. Nakita ni Mang Edung ang pag-aalala ng
asawa sa anak. Tila nabiyak ang puso niya. Marahil ay dinamdam ni Totong ang
kalabisan ng kanyang mga salita kanina sa taniman.
Hindi nakatulog ng mag-asawa sa hindi
pag-uwi ni Totong.
“Mang Edung, ilabas niyo ang anak
niyong pilantod ngayon din!” Isang malakas na tawag ang gumising sa mag-anak.
Mataas na ang araw ng mga oras na iyon.
SInilip ni Mang Edung ang tumatawag
at nakita niya si Ka Oka, ang kilalang lider ng mga illegal loggers sa kanilang
lugar, na naninirahan sa nayon. Nahintatakutan siyang pumanaog.
“Bakit niyo po hinahanap ang anak
ko?” Nangangatal ang boses ng ama. Mas lalo siyang lumiit nang palibutan siya
ng malalaking lalaki na kasama ni Ka Oka.
Kinuwelyuhan siya ni Ka Oka.
“Ilalabas mo ba ang anak mo o gagawin ko kayong troso?”
“W-wala po dito ang anak ko. Ano po
bang kasalanan niya sa inyo?”
“Diyos ko! Ka Oka, bakit po?” tanong
ni Aling Marissa, habang natatakot na lumapit sa asawa. “Huwag niyo pong saktan
ang asawa ko.”
Nag-iiyakan na ang mga bata sa loob
ng bahay, kaya sumenyas na si Ka Oka sa dalawang malalaking lalaki na may sukbit
na baril. Inihagis naman niya sa lupa si Mang Edung. Sinipa pa siya sa sikmura,
dahilan upang mamilipit siya sa sakit.
“Tama na, Ka Oka. Walang kaming
ginagawang masama sa inyo!” Tinulungan niya ang asawa.
“Wala? Hindi mo ba alam ang ginawa ng
pilantod mong anak?”
“Kahapon pa siya wala rito. Kami nga’y
nag-alala magdamag dahil hindi siya umuwi…” paliwanag ni Aling Marissa.
“Boss, negative…” sabi ng isang
lalaki mula sa tirahan ng mag-anak.
Kumakawag-kawag at umiiyak naman ang
magkapatid dahil hila-hila sila ng isa pang lalaki. At nang mainis ito,
isa-isang nakatikim ng malalakas na batok ang mga bata, dahilan upang matumba
ito. Hindi malaman ng inang puspos na luha, kung sino ang unang itatayo.
“Kulang pa ‘yan sa perwisyong dinulot
ng anak niyo sa negosyo ko!” sambit ni Ka Oka, na animo’y mabangis na hayop.
Hiningi niya ang baril sa alipores at tinutukan isa-isa ang pamilya ni Totong.
“Ngayon, sasabihin niyo ba kung nasaan siya o hindi?”
“Maawa ka na po, Ka Oka. Anuman ang
pagkakamali ni Totong, sana mapatawad mo siya…”
“Boss, ang bata!” bulalas ng lalaki,
na itinuturo ang nilalang na lumilipad.
Bago pa nakita ni ka Oka si Totong
mula sa himapapwid, nahampas na siya ng saklay nito. Mabilis din niyang
pinagpapalo ang dalawang lalaki hanggang hindi na makagulapay pa.
“Ako ba ang hinahanap niyo? Ako si
Totong Saklay, ang tagapagligtas ng kapaligiran. Nararapat lamang kayong
maparusahan upang hindi na pamarisan.”
Nagtakbuhan ang mga lalaki, naiwang
iika-ika si Ka Oka. Hindi naman makapaniwala ang mga magulang at kapatid ni
Totong sa nakita nilang katapangan at kakayahan nitong makipaglaban at lumipad.
Malayo na ang natakbo ni Ka Oka, nang
lapitan ni Mang Edung si Totong. “Anak, patawad. Hindi ko sinasadya. Maraming
salamat!” Niyakap niya nang mahigpit ang anak.
Ramdam ni Totong ang pagyugyog ng mga
balikat ng ama.
“Kuya, Kuya…” magkapanabayan naman
ang paglapit ng kapatid niya.
“Nakakalipad ka na, Kuya. Ang galing
ng kuya namin!” anang pangalawa.
“Hindi ka na pilay, Kuya?’ tanong
naman ng bunso.
Nagkatawanan ang mag-anak.
No comments:
Post a Comment