Followers

Friday, November 18, 2016

Hijo de Puta: Ciento bente-singko

Hindi ako nagsisisi kung bakit nangyari sa akin ang mga ito. Dapat pa nga akong magpasalamat dahil mas napalapit ako kay Lianne.
Pinagsawa ko ang aking mga mata sa pagtanaw sa natutulog niyang katawan. Kahit hindi pa rin ako dalawin ng antok ay ayos lang.
Maya-maya, bumukas ang pinto. Kasabay niyon ang pagpikit ko sa aking mga mata. Pagkuwa'y naramdaman ko ang pagpasok ng isang tao. Alam kung nurse siya. Iba nga lang siya sa mga nurse na madalas na nagrerelyibo para alagaan at bantayan ako. Ang hinuha ko, bago siya. Hindi siya maingay maglakad.
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata. Nakita ko ang matangkad na lalaking doktor. Naka-face mask ito. Nagitla ako nang maglabas ito ng syringe at hinarap si Lianne.
"Dok?" apela ko.
Napatingin sa akin ang lalaki at mas ikinagimbal ko nang mapag-alaman kong si Val pala siya. Nakita ko ang mga mata niya. Nagkagulatan kaming pareho, ngunit mas mabilis ako. Agad kong hinaltak ang nakakabit na dextrose sa kamay ko at walang alinlangang bumangon ako upang sunggaban si Val. "De puta ka, Val!" Hindi nga lang ako nakalapit dahil hindi ko kaagad natanggal ang dextrose.
Nagising si Lianne sa sigaw ko. Nakalabas naman agad si Val.
"Anong nangyari, Hector? Sino 'yun?" Agad akong nilapitan ni Lianne. "Bakit? O, my God!"
Dumugo ang kamay ko na pinagtusukan ng karayom. Hindi ko ipinahalatang natataranta ako.
"Teka, tawagin ko ang nurse."
Napigilan ko siya. "Huwag na. Kailangan nating makaalis dito ngayon din, Lianne. Si Val ang pumasok kanina. Gusto ka niyang injection-an!"
"What? Si Val? Shit, Hector. Ito na nga ba ang sinasabi ko, e."
"Sorry. Wala na tayong oras para magsisihan. Dali! Kunin mo ang mga gamit," utos ko. Pagkatapos, nagtanggal na ako ng patient gown. Hindi na ako nahiya kay Lianne. Nakita na niya ang halos ang kahubdan ko. Hindi ko naman alam na naka-undie lang ako.
"Bakit ka naghubad?" pagalit ni Lianne.
"Gusto mo bang malaman nilang tatakas tayo kapag nakita nila akong naka-patient gown?"
Hindi na nagsalita si Lianne. Hinanapan niya na lang ako masusuot sa bag ko. Hindi ko nga alam kung sino ang nagdala niyon. Ang mahalaga ay makatakas kami sa posibilidad na pag-atake ni Val. Hindi talaga siya titigil.
Habang nagbibihis ako. Ini-lock ni Lianne ang pinto. "Konting bilis, Hector." Halata kong nanginginig na sa takot si Lianne.
"Ito na."
Pagkatapos kong magbihis, maingat kaming lumabas sa kuwartong iyon. Mapalad kami dahil walang nurse o sino pa man ang nakakita sa aming paglabas. Hindi kami nag-elevator. Sa hagdan kami dumaan. Sa tingin ko ay mas ligtas kami doon at wala kaming makakasalubong. Gayunpaman, makakaya ko namang tumakbo nang mabilis kung sakaling may humabol sa amin.

Sa car park kami lumusot. Kung tutuusin, maaari naman kaming dumaan sa lobby. Kaya lang, doon na kami pinadpad ng mga paa namin.

“Yuko,” sabi ko kay Lianne. Mabilis kong nahatak ang kamay niya, patago sa nakaparadang kotse.

“Bakit?” bulong ni Lianne.

“Si Val...” Itinuro ko pa ang naka-sky blue long sleeves polo, habang ito ay tumatawag.

Nagagap ni Lianne ang kanyang bibig.

“Hello? Hello, Ronel? Kumusta ang mga kaibigan ko?” Narinig ng dalawa na may kausap na si Val.

Inilapit ko ang tainga ko.

“O, good! Si Daddy, kumain na ba? Ano? Bakit hindi pa? Magagalit si Hector kapag nakita niya ‘yan sa ganyang kalagayan.”

Nagitla ako. Paanong nasali ako sa usapan nila? Sinong Daddy ang tinutukoy ni Val? Bakit ako magagalit?” Iyan ang mga naging tanong ko sa isip ko.

“Sige… sige. Pauwi na ako. Nagkaproblema sa hospital. May babaeng asungot. Hindi ko pa madadala diyan si Hector…” Boses lalaki pa rin si Val.

Napansin kong lalong pinanghinaan ng loob si Lianne. Niyakap ko siya at tinapik-tapik ang kanyang likod. “It’s okay! I’m here.” Hindi ko ipinahalata sa kanya na isa rin ako sa nangangatog ang tuhod.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...