Followers

Sunday, May 6, 2018

Ang Daddy Ko, Papa Nila

Isang gabi, nang umuwi si Daddy, may dalawang bata siyang kasama. Noon ko lang sila nakita.


"Malone, sila sina Kuya Daniel at Ate Rihanna," pakilala niya sa dalawa. "Dito na sila titira. May mga kalaro ka na!"


"Yehey!" Masaya ko silang binati isa-isa at niyakap pa. Pagkatapos, kumain kami ng spaghetti, burger, fries, at fried chicken, na kanilang dala. 


"Papa, painom po ako ng tubig," sabi ni Ate Rihanna. 


Nagulat ako sa tawag niya sa aking ama. 


"Ikaw, Daniel, ano ang gusto mo?" tanong ni Daddy kay Kuya.


"Juice po sana, Papa," sagot niya.


Lalo akong nagtaka. Ang Daddy ko ay Papa nila. 


"Daddy, kapatid ko po ba sila?" tanong ko sa aking ama.


Nagtinginan sila nina Kuya Daniel at Ate Rihanna. Tiningnan ko rin si Mommy, na nakatingin lang sa amin kanina pa.


"Opo, Malone, kapatid mo sila. Pasensiya ka na, kung ngayon mo lang sila nakilala. Sina Kuya Daniel at Ate Rihanna mo ang dahilan kung bakit nagsumikap akong magkaroon tayo ng bahay na maganda," paliwanag ni Daddy. Malungkot siya habang may hinahanap sa cellphone niya. "Heto, anak, ang bahay namin noon. Mas malaki lang sa bahay ng aso natin, 'di ba?"


Tumango ako at nakita kong naluluha na ang mga kapatid ko.


"Sina Kuya Daniel at Ate Rihanna mo ay dumanas ng sobrang hirap dahil wala akong permanenteng trabaho noon. Hanggang isang araw, iniwan nila akong mag-iina dahil hindi man lang ako makabili ng gatas nila. Hindi ko na sila nahanap pa." Nagpunas si Daddy ng luha at niyakap niya kami isa-isa. "Pero, isang araw, may narinig akong masamang balita. Kamamatay lang ng kanilang ina, kaya kinuha ko na sila."


Sa sobra kong pagkaawa, nilapitan ko sina Kuya Daniel at Ate Rihanna. "Ate, Kuya, hindi man tayo mayaman, pero alam ko, sa bahay na ito magiging masaya tayo. Dito na kayo tumira, ha?" 


Tumango-tango at ngumiti lang ang mga kapatid kong nahihiya at naluluha.


"Simula ngayon, Daddy na rin ang itawag ninyo kay Papa. Okay ba iyon sa inyo, Ate, Kuya?" masaya kong tanong sa kanila.


"Okay!" sabay na sagot ng dalawa. 


Nakita kong ngumiti na sila kaya masaya na rin ako, lalo na nang makita ko sina Mommy at Daddy, na magkatabi at nakangiti sa isa't isa. 


Simula noon, hindi lang kami may bahay na maganda, may pamilya pa kaming masaya.





No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...